Followers

Wednesday, September 4, 2019

Ang Aking Journal -- Setyembre 2019

Setyembre 1, 2019 Nag-gardening uli ako pagkatapos mag-almusal. Marami akong nagawa. Nag-transplant. Nagtanim. Nagdagdag ng lupa. Naglipat ng mga paso. Ibinilad ko rin ang mga halaman ko sa kuwarto.Pagkatapos mag-gardening, binalak kong mag-print ng zines. Kaya lang, nagkaproblema ang printer ko. Hindi kinakain ng machine ang bond paper. Nakailang testing ako, pero ayaw talaga. Ngayon pa talaga nag-malfunction. Nakakainis!Nag-color na lang ako sa Mandala book. Pero, naabala rin dahil sa sakit ni Emily. Masakit daw ang dibdib niya at hindi siya makahinga. Inasikaso ko muna. Hinilot. Nilagaan ng luya. At iba pa.Ako ang nangusina ngayong araw. Hindi na naman ako halos nakagawa ng mga gusto ko, like pagsulat. Gayunpaman, nagawa ko pa ring sumulat ng isang sanaysay. Iyon ay nang okay-okay na siya. Nakapag-journaling na rin ako, bandang gabi. Setyembre 2, 2019 Nasa training na naman ako ngayong buong araw. Sa JRES naman kami. Inantok lang ako, pero hindi naman gaanong nakaidlip dahil kinailangan kong tumulong sa pagti-train. Hindi rin ako nakapagsulat. Past 4 na ako nakabalik sa school, kasama ang mga trainees.Past 5, saka lang ako nakapag-workout. Back and shoulder ang tinira ko. Hindi ko masyadong nakagalaw dahil parang andaming tao. Nahihiya ako. Lahat halos may personal trainer. Ako lang ang wala.Past 8:30, nasa bahay na ako. Setyembre 3, 2019 Laban na ng group categories, sports writing, at photojournalism. Walong bata ang dala namin nina Ma'am Irika at Ma'am Karen sa JRES. Napaaga kami roon. Matagal pa bago nagsimula. Pero, okay lang, kahit paano naaliw naman kami sa paghihintay.Nakakainip at nakakapagod lang ang sobrang tagal na paghihintay. Past 4 na natapos ang collab. Saka lamang kami nakauwi. Quarter to five na ako nakapag-gym. Past eight na tuloy ako nakauwi.Masama na naman ang pakiramdam ni Emily, kaya inasikaso ko pa bago ako nakapagplantsa at nakapaghanda ng instructional material. Bumuti-buti naman ang pakiramdam niya pagkatapos kong ipasingaw sa kanya ang usok ng pinakuluang lemon. Setyembre 4, 2019 Nagturo na ako kanina, maliban sa advisory class ko. Naiinis kasi ako sa kanila. Andaming sumbong tungkol sa kanilang pagpapasaway nang wala ako. Hindi ko sila kinibo. Mabuti na lang, nagpalitan kami ng mga klase. After class, nag-lunch agad ako, then umuwi. Naawa kasi ako sa kalagayan ni Emily. Before 4, nakauwi na ako. Okay naman siya. Need niya lang magpa-check up. Nakapag-print na ako ng DLL, IMs, at zines ko. Naayos ko rin sa wakas ang printer. Kaya lang, may dotted lines ng printouts. Gayunpaman, itinuloy ko pa rin ang printing para nakabenta ako ng zine. Dumating si Epr bago mag-five. Setyembre 5, 2019 Sa JRES ginanap ang 40th Pasay City Schools Press Conference and Contests. Before eight, nandoon na kami. Antagal naming naghintay sa pagsisimula. At nang magsimula na ang individual contests, isang mahabang paghihintay na naman ang naganap. Nagutuman na nga ako. Mabuti na lang may burger. Pero, para akong tratrangkasuhin. Masakit ang katawan ko. Past one na kami nakabiyahe pabalik sa school. Wala na akong ganang kumain. Mabuti na lang, nakasabay ko Sina ma'am Vi at Ma'am Madz. Kakain sila. Sumabay na ako. After niyon, kahit masama na ang pakiramdam ko, nag-gym pa rin ako. Binigyan ako ng libreng PT. Biceps at back ang tinira niya sa akin. Kahit paano naibsan ang sakit ng kalamnan ko. Wala na si Epr nang dumating ako. Kumuha lang pala ng barangay clearance. Akala ko titira na uli sa amin, hindi pala. Setyembre 6, 2019 Confirmed, may trangkaso nga ako. Nilamig ako nang makahawak ako nang tubig. Hindi ako naligo, pero pumasok pa rin ako bilang school paper adviser. Kailangan ako sa awarding ceremony ng journalism. Wala ako sa mood makipag-usap. Wala rin akong ganang kumain. Hindi ko nga naubusan ang ikalawang nilagang saging. Then, dahil masakit ang likod ko, nahiga ako. Mabuti, nasa ibang room ang iilang estudyante ko. Napaaga pa kami ng punta ng JRES. antagal bago nagsimula. Kaya naman, anatagal ko ring nag-suffer sa sakit ng katawan. Gustuhin ko mang mahiga, hindi maaari. Past 12 na natapos, ang awarding. Sa Jollibee, after kung kumain ng macaroni soup, nahiga ako. Kahit paano gumaan ang pakiramdam ko. Inasikaso ako ni Ma'am Irika. Binilhan ako ng Biogesic, sterilized milk, at tubig. Pagkatapos, bumiyahe na ako pauwi. Nakauwi naman ako nang ligtas. Mabuti na lang nakauwi ako kaagad kasi nag-diarrhea ako nang twice. Kaya pala humihilab ang tiyan ko kanina pa. Nagpahinga ako. Masakit ang ulo ko. Masakit din ang mga biceps ko. Hindi ko alam kung bahagi ito ng workout o talagang nasobrahan. Ang masaklap, may trankaso rin si Emily. Katatapos lang lagnatin ni Zillion kahapon, tapos kami na naman. Ano ba ito? Setyembre 7, 2019 Kulang ako sa tulog dahil sa trangkaso. Nilamig at nanginig pa nga ako sa kalagitnaan ng madaling araw. Maghapon din akong nag-suffer sa pananakit ng ulo ko. Wala naman akong lagnat, pero ang bigat ng pakiramdam ko. Ginusto ko namang tumayo para makagawa ng mga gawaing-bahay, hindi ko naman nagawa lahat. Naghihintay na sa akin ang mga halaman. Mabuti na lang, medyo gumanda na ang pakiramdam ni Emily. Masakit lang ang kanyang likod. Kailangan niyang magpahilot. Gayunpaman, nangangamba akong baka hindi ako makapasok sa Lunes. Hindi na naman nga ako ngayon nakapasok sa masteral class ko. Naisip ko tuloy na huwag ko na lang ituloy, since wala pa akong budget para sa thesis. Setyembre 8, 2019 Wala akong tulog kagabi, hindi lang dahil sa matinding sakit at kirot ng ulo ko, kundi pati ang ingay ng mga lalaking kapitbahay na nag-iinuman at naghahalakhakan magdamag. Idagdag pa ang tahol ng mga aso dahil sa kanila at sa pabalik-pabalik o pagmomotor nila. Gayunpaman, bumangon ako at natulog uli sa baba. Kahit paano nakaidlip ako. Pagkatapos mag-almusal, naisipan kong kumilos para hindi ko maramdaman ng sakit ng ulo ko. Hindi ko nga naramdaman habang nagga-gardening ako. Naglaba rin ako maghapon dahil hindi pa puwede si Emily. Wala na kaming susuutin ni Ion. Napagod ako pero hindi ko naramdamang bumalik ang trangkaso ko. Tuluyan nang nawala ang bigat ng ulo ko. Unti-unti ko na ring naiuunat ang mga braso ko. Thanks, God! Setyembre 9, 2019 Pumasok ako kahit hindi pa ako gaanong magaling para masamahan ko ang kalahok ko sa 'Iispel Mo,' pansangay na patimpalak sa pagbabaybay. May meeting din ako sa SDO. At ang pinakamahalaga, pinatawag ako at si Ma'am Joann sa LRC para sa revision ng manuscripts namin. Past 8, nagsimula na ang patimpalak. Bumilib ako sa husay ni Bench. Dalawa ang mali niya sa easy round, gayundin sa average round. Kaya lang, humina siya sa difficult round. Magaling siya, pero mas magaling ang nanalo. Halos wala itong mali. Hindi naman kami ang kulilat, kaya masaya pa rin ako. Kumain muna kami bago bumalik sa school. Nagkakagulo ang VI-Love ko at halos lahat ng section dahil naniwala sila sa biruan namin ni Ma'am Vi, na lilipat na ako ng ibang school. Nag-iiyakan na ang iba. Yumayakap na rin ang iba. Nakakatuwa, pero naiinis ako sa ingay at gulo nila. Past 1:30, nasa LRC na kami ni Ma'am Joann. Natutuwa akong malaman, na dumaan sa judging ang aming mga entries. Hindi pala basta pinili lang. At napakasaya ko dahil nakuhang lahat ang mga kuwento namin. Inihanda namin ang iba pang requirements para maipasa na iyon sa regional office bukas. Mabuti, pumayag si Ma'am Laarni na hindi na ako dumalo sa meeting. Nakausap pa namin ang isa sa mga nag-judge-- si Dr. E. Ramos. Hindi matatawaran ang kaalaman niya sa wika. Past 6 na kami natapos sa LRC. Nakakapagod pero feeling fulfilled. Past nine ako nakauwi sa bahay. Setyembre 10, 2019 Umasa akong suspended ang klase dahil sa ulan, pero hindi. Nakarating ako sa school bago ang time. Kakaunti ang estudyante. Kahit disppointed humarap pa rin ako sa lahat ng klase. Nagpasulat ako ng sanaysay tungkol sa mga guro, gamit ang pang-uri. Hindi ko naman masyadong pinapansin ang advisory class ko. Hindi naman nila ipinakikita ng pagbabago nila. Akala ko totoong nalulungkot at naiiyak sila nang malaman nilang lilipat na ako sa ibang school, paimbabaw lang pala. Kagaya rin sila ng mga pupils ko last school year. After lunch, umalis agad ako sa school. Nag-leg workout ako sa AF. Wala pang isang oras, umuwi na ako, para naman magawa ko ang activity proposal ng Teachers' Month, na ipinagagawa sa akin ni Ma'am. Na-traffic lang ako, late na ako nakapagsimula. Hindi ko masyadong pinansin si Emily. Sana na-gets niya ang sinabi ko kanina sa chat. Kako, "Sa susunod kong sahod, ibibigay ko na sa 'yo lahat, ha. Hihingi na lang ako ng allowance ko, araw-araw." Hindi siya nag-reply. Hirap na hirap na ako sa pagba-budget at pabibiyahe araw-araw, pero madalas siya pa ang may sakit. Noong Linggo, kahit may sakit ako, naglaba ako. Kinaya ko naman... Naaawa nga ako kay Mama. Hindi ko na siya mabisita dahil kapos na talaga sa budget. Sa amin palang, ubos na. Setyembre 11, 2019 Iritable ako sa klase ko habang nagtuturo ako, kaya behave ang mga estudyante. Napag-groupwork ko sila. Ang pagiging iritable ko ay sanhi ng kakapusan sa pera. Hindi aabot ang budget ko hanggang sa susunod na sahod. Past 9, pinatawag ako ni Ma'am. Nag-one on one meeting kami. Inisa-isa niya ang nasa minutes of the meeting naming faculty officers. Hindi naman iyon awkward. Sounds like a defense, pero naunawaan ko naman ang ilan niyang punto. Kaya lang, nang ni-relay ko iyon sa mga kasamahan ko, nega sila. Okay lang namn. Hindi ko naman sila masisisi. Basta ang hiling ko lang, hayaan nila akong maging balance. Ako ang kanilang tulay. After class, pinatawag naman ang mga MTs, GLs, at ako para sa meeting with the principal. Napag-usapan namin tungkol sa Teachers' Month celebration. Ako at si Ma'am Vi ang mga in-charge. Past 4 na ako nakapag-workout sa AF. Triceps naman ang tinira ko. Past 7 na ako nakauwi. Antok na antok ako, pero nakapagpabasa pa ako ng mga akda ng estudyante tungkol sa guro. May mga napili na ako para sa zine. Setyembre 12, 2019 Muntik na akong ma-late kanina. Na-lowbat kasi ang cellphone ko. Nagastusan pa tuloy ako dahil sumakay ako sa UV Express. Tahimik pa rin ako sa advisory class ko. Hindi ko talaga sila feel. Sobrang dadaldal nila. Hindi na sila masarap harapin, turuan, at mahalin. Naging abala ako kanina. Una, nagmiting kaming Grade Six advisers tungkol sa nakatokang gawain sa amin--ang selebrasyon ng Teachers' Month. Agad naming pinagplanuhan. Naisip ni Sir Joel na magturo ng folk dance. Ako naman, naisip kong magturo ng sabayang pagbigkas. Nag-draft na ako ng piece. Past nine, miniting ako ng principal at ang GPTA President. Tungkol sa Teachers' Month at sa 'Mr. and Ms.Gotamco' ang agenda. Nagkabit din kami ng tarpaulin pagkatapos ng miting. Then, nagsimula na kaming magturo ng sabayang pagbigkas at spoken prayer. Kahit paano, may natapos na kami. One, miniting na naman kaming AM teachers. Tungkol sa nabukulan kong estudyante. Wala akong reaksiyon. Pasaway kasi talaga. Naglaro ng tubig sa CR, kaya siya nadulas. Karma! Ang masaklap, kasalanan pa ng mga guro. After meeting, ginawa ko ang solicitation letter na pinagagawa ng principal. Nag-type din ako ng ilang akda ng bata, bago ako bumiyahe pauwi. Gabi, ipinagpatuloy ko ang encoding. Then, sinimulan kong isulat ang kuwento tungkol sa kambal. Almost done na iyon. Setyembre 13, 2019 Kahapon, inis na inis ako sa VI-Love lalo na sa isang partikular na estudyante dahil siya ang dahilan kung bakit special mention na naman ako sa meeting ng mga pang-umagang guro at principal. Parang kasalanan ko pa kung bakit nagkabukol siya. Kaya naman, sinermunan ko sila kaninang umaga. Sinabi kong naubos na ang pasensiya ko at ang amor ko sa kanila. Dineklara ko nang walang Christmas party at hindi ako dadalo sa graduation nila. Sinabihan ko sila ng 'manhid.' Maghapon, kahit paano nakita ko ang kaunting pagbabago. Pero, hindi pa ako kumbinsido. Madali silang makalimot. Paulit-ulit nga silang nag-iingay. Kahit pilitin kong maging masaya, hindi ko pa rin magawa sa harapan ng mga estudyante. Gayunpaman, hindi ako high blood sa ibang section. In fact, napasulat ko sila after kung magturo. Wala muna kaming practice ngayong araw. Na-offend kasi kami kahapon sa pamiting ng principal. Andaming may mas mabigat na kasalanan kaysa sa amin, pero kami lagi ang napapansin. May guro ngang hindi nagtuturo at pumasok sa klase, pero hindi man lang niya i-special mention kapag may meeting. Napaka-unfair. Dahil dito, masama rin ang loob ni Ma'am Vi. Nagpabili tuloy siya ng ice cream after class. Umidlip ako after naming mag-bonding sa harapan ng ice cream. Then, pumunta na ako sa AF. Hindi ko talaga alam ang gagawin. Patigil-tigil ako para tingnan sa screeshots ang mga exercises para sa chest. Sana tama ang ginagawa ko. Past seven na ako nakauwi. Sobrang traffic sa Tejero. Antagal ko roon. Setyembre 14, 2019 Maaga akong nakarating sa CUP para sana sa masteral class ko. Nakapag-almusal pa ako. Kaya lang, walanraw si Dr. Ramos. Nag-attendance lang kami. Nagpasa rin ako ng thesis titles. Sayang, matatagalan pa akong makapagsimula. Gayunpaman, hindi nasayang ang pagluwas ko. Tumulong ako kay Papang sa SBM. Nakasalamuha ko roon si Bes. Awkward man, pinilit kong gumawa nang relax. Past two na kami natapos ni Papang. Alas-tres, nasa AF ako. After one hour, umuwi na ako. Maaga pa sana akong nakauwi kundi lang ako na-traffic. Sobra! Nakakaburyong! Naglaba ako after kong magpahinga. May sakit pa rin si Emily. Nakakainis na nga. Antagal niyang gumaling. Naaantala rin ang mga gawain ko dahil sa kanya. Past 11 na ako nakahiga para matulog. Setyembre 15, 2019 Past 8:30 na ako bumangon. Kahit paano, nakabawi ako ng puyat. Kaya lang, malungkot ako. Kagagawan ko naman ang kalungkutan. Hindi ko pa kasi binabati ang asawa kong may sakit. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Ayaw na ayaw ko kasi talagang nagkakasakit siya. Feeling ko, pabigat siya sa akin kapag ganoon. Nag-gardening ako pagkatapos mag-almusal. Then, siningit-singit ko ang paglagay ng grades sa card at ang mga gawaing-bahay. Gusto ko nang batiin si Emily. Sa tingin ko kasi, iyon na lang ang kulang para gumaling siya. Kaya lang, hindi ko pa kaya. Naaawa rin ako sa kanya, pero sana kaawaan niya rin ako. Hindi siya dapat nagkakasakit. Hindi ako sanay ng nag-aalaga. Hindi rin ako sanay ng inaalagaan kapag may sakit. Kaya nga nang nagkasakit ako, pinilit kong gumaling. Setyembre 16, 2019 Hindi ako pumasok kasi malakas ng ulan. Alam kong hindi naman magsu-suspend ng klase ang mayor. Gusto ko lang umabsent kasi may sakit si Emily. Natulungan ko naman siyang maibsan ang dinaramdam niya. Nilagaan ko siya ng malunggay, na mainam para sa ubo. Pinag-almusal ko siya ng lugaw. Ako naman siyempre ang gumawa ng mga gawain niya. Hindi nga ako nakaidlip. Ayos lang naman. At least, nakapagpahinga ako sa klase. Hapon. Gumawa ako ng zine. Anthology iyon ng mga salaysay ng mga estudyante ko. Tungkol iyon sa mga paborito nilang guro. Sana walang pasok bukas. Nakakatamad bumiyahe kapag umuulan. Setyembre 17, 2019 Nasa Baclaran na ako nang malaman kong suspended na ang klase sa Pasay. Nainis ko! Late na naman ng announcement ng mayor. Sayang ang effort at pamasahe ko. Gusto ko pa namang matulog na lang. Gayunpaman, nakabalik ako sa bahay bandang alas-otso. Hindi pa rin okay si Emily. Inasikaso ko pa rin siya. Nilutuan ng sabaw. Past 1, nagsisigaw siya dahil hindi yata makahinga. Pero nakatulong yata iyon para umokay siya. Nakapag-gardening pala ako ngayong araw. Kahit paano, nainitan ang mga halaman ko. Ngayong araw, tumaas ang kagustuhan kong mag-vlog. Maraming nakapag-inspire sa akin. Kaya lang, hindi ko pa alam kung paano o anong content ang gagawin ko. Sana makaisip ako. Setyembre 18, 2019 May pasok na. Napakaaga ko ngang dumating sa school. Umidlip muna ako. Hindi na ako nag-flag ceremony. Sa VI-Love, hindi ako nagsalita. Hindi pa rin sila nagbabago. Lugi tuloy sila. Hindi kasi ako nagtuturo. Activity agad. Naaawa ako sa kanila, pero wala naman silang awa sa akin. Prinaktis ko ang sabayang pagbigkas ng mga Grade Six. Nalalapit na kasi ang program. Excited na rin daw ang mga kasali. Panay ang tanong kung kailan ang praktis noong wala ako. Pagkatapos, tinapos ko ang paggawa ng card. Ready na sa distribution. Then, nag-workout ako. Biceps at chest ang tinira ko. Hindi pa rin magaling si Emily. Ako pa rin tuloy ang gumawa ng mga gawaing-bahay. Haist! Hindi ko alam kung ano na ang sakit niya. Lagi raw masakit ang ulo. Inuubo pa. Ang hula ko, may plema lang siya. Hindi makalabas kaya sumasakit ang ulo at dibdib niya. Sana, gumaling na siya. Kapag may pera, ipapatingin ko siya sa doktor. X-ray na siguro, baka may tama rin ang baga. Setyembre 19, 2019 Nagturo na ako sa VI-Love. Binasahan ko sila ng kuwento at pinag-groupwork. Sa ibang sections, masigla rin akong nagturo. Hindi ko lang naturuan ang VI-Peace kasi may meeting kami with the principal. Tungkol sa first quarter recognition day at field trip ang meeting. After class, nag-practice kami ng sabayang pagbigkas sa stage. Tinapos na namin ang buong tula. Pupuliduhin na lang sa mga susubid na araw. Three-forty na ako nakapag-workout. Dahil na naman sa traffic, idagdag pa ang malakas na ulan, past six-thirty na ako nakauwi. Medyo okay na si Emily. Dumating kasi si Kuya Emer kanina. Hinilot daw siya. Sana maging okay na siya bukas. Kinontak ko si Sir Genaro kasi nagpapahanap si Ma'am Mina ng resource person sa pinaplanong story writing workshop. Ang mahal ng PF niya--P13k per day. Kinontak ko rin si Sir Rhandee Garlitos, kaya lang nagtatanong kung kailan. Hindi niya pa na-reply-an ang tanong ko kung magkano ang rate niya. Setyembre 20, 2019 Nagpasulat ako ng kuwento sa VI-Love habang nag-iikot ako ng koleksiyon sa death aid na para sa yumaong ama ni Sir Erwin. Eight, nagsimula na ang 'Parangal sa Unang Markahan.' Ang gulo at ingay ng mga estudyante. Hindi siguro sila maka-relate sa mga pangyayari. Ako pa naman ang nag-closing remarks. Kahit ginandahan ko ang talumpati ko, alam kung hindi lahat nakinig. Haist! Discipline problem sa Pinas. After program, recess naman at kaunting ikot-ikot uli. Isinunod ko naman ang practice ng sabayang pagbigkas. Hindi pa nga tapos, may mga dumating nang parents. Sa HRPTA meeting, nagsumbong ako sa mga magulang tungkol sa mga ugali ng kanilang anak. May mga napuri rin naman ako. Then, hinikayat ko silang tulungan akong magdisiplina. Naging interesado rin sila sa field trip sa November 12. Past 1, dumalo naman ako sa 'Parangal sa Unang Markahan' ng mga panghapong klase. Closing remarks uli ang papel ko at bilang Faculty President, kaya nasa entablado ako kasama ang principal at MT teacher. Past two, tapos na ang programa. Umalis agad ako para makapag-workout ako. Three: twenty-five, nasa AF na ako. Triceps at legs ang tinira ko. Past six-thirty, nasa bahay na ako. Masaya ako dahil mesyo malakas na si Emily. Soon, gagaling na siya nang tuluyan. Kaunting unawa pa. Setyembre 21, 2019 Kasama ko si Ion nang lumabas ako..Inihatid ko siya sa may school nila. Nangamba lang ako kasi parang nanibago siya. Muntik nang masagasaan nang bumalik o sumunod sa akin sa pagtawid para sabihing hindi doon ang school niya. Palibhasa, first time niyang mag-commute. Nasanay na may service. Hindi pa siya nakadaan sa highway, kaya hindi niya alam na naroon nga ang school niya. Chinat ko si Emily. Tama naman ako. Tama ang lugar, kung saan ko ibinaba si Ion. Then, nag-usap kami tungkol sa pangangailangan niya. Kailangan niyang maging street smart habang bata pa. Napaaga ako sa pagpasok sa klase ko. Worth it naman dahil pasado na ang isa sa tatlo kong thesis title. Namublema lang ako kasi nakapagsimula na ang iba sa Chapters 1 to 3, ako, title pa lang. Tapos, hindi ko pa alam kung ano ang gagawin. Anong uri ng research ba iyon at kung may questionnaire pa akong gagamitin, since test results ng Phil-IRI ang gagamitin ko. Past 11, tapos na ang klase. Pinapupunta na ako ni Ms. Krizzy sa kanila para sa house blessings nila. Kaya lang, mas ginusto kong malakad-lakad sa Baclaran para hindi ako ma-out of place sa bahay nila. Gusto kong makasabay sina Ma'am Edith at Ma'am Bel. Tumambay muna ako sa mall doon--mall na may aircon. Nakaidlip pa nga ako. Before one na ako pumunta roon. Nandoon na si Ma'am Edith. Ang sasarap ng pagkain, lalo na ang mga kakainin. Nabusog ako. Late na dumating sina Ma'am Bel at Ma'am Divine, kaya nakisabay uli kami sa pagkain. Inabutan kami roon hanggang past five. Nagkape at cake pa kami roon at nag-salad. Past 7:30 nang nakauwi ako. Hindi ako agad nakakain, kasi kinailangan kong tulungan ang parent ng dati kong estudyante, na na-inspire mag-aral ng Education. Nangako akong gagawan ko siya ng report at ihahanda ang kanyang demo sa Araling Panlipunan. Naglaba rin ako, habang nakikipagtagisan ng tula sa mga kasamahan ko sa ITW. Ang topic ay 'Pabor ka ba o hindi pabor sa No Homework Policy?' Past 11:45 na ako nakaakyat para matulog. Bukas, maglalaba uli ako. Gusto ko ring mag-gardening. At siyempre, sisimulan ko na rin ang SOP ng thesis ko. Setyembre 22, 2019 Naglaba agad ako pagkatapos mag-almusal.. Isiningit ko na rin ang garden works at paglilinis ng dog house. Pagkatapos, tinapos ko na ang lesson plan at lecture ni Mrs. Vibar. After lunch, umidlip ako. Hindi naman yata ako nakatulog. Okay lang naman. Pagkatapos ko namang maligo, gumawa ako sa garden. Iniba ko ang ayos niyon. Tinanggal ko ang tatlong malalaking Agave plants. Umaliwalas ang harapan namin at hindi na straight ang entrance sa pinto namin. Gabi na ako nakapaghanda ng DLL at IMs ko. Hindi rin ako masyadong nakapag-research para sa thesis ko. Gayunpaman, may nasimulan na ako. Setyembre 23, 2019 Balagtasan ang springboard ko kaninang umaga. Nainis lang ako sa VI-Charity kasi nagtuturuan nang magpi-present na. Ang hihina pa ng boses. Nainis din ako sa VI-Peace. Nagpakita sila ng pagiging hindi interesado. Mabuti na lang sinabihan ako ni Ma'am Vi na magpraktis na ng sabayang pagbigkas. So far, gumaganda na ang sabayang pagbigkas. Nadagdagan at napahaba ko pa iyon. Nilagyan ko ng actions ang ibang bahagi. Katatapos lang ng practice nang dumating si Mrs. Vibar. Inabutan kami ng pasadio alas-dos para sa discussion ng report at demo niya. Hindi tuloy ako nakapag-lunch agad. Okay lang naman. It's my pleasure to help. Very thankful nga siya. Sa Baclaran na ako nag-lunch bago ako nag-gym. Shoulders ang tinira ko ngayon. May kaunti ring calf. Past 7 na ako nakauwi. Sobrang traffic sa Tejero. Nakakabuwisit! Nakakatamad pa namang bumaba roon at maglakad. Anyways, nagawa ko namang mag-print ng IMs after dinner, kaya okay lang. Si Emily na ang nagplantsa ng uniform ko. Setyembre 24, 2019 Pagsunod sa Panuto' ang lesson ko ngayong araw. In-integrate ko ang paggawa ng greeting cards para sa Teachers' Day. Kahit hindi announced, nakagawa pa rin sila. Hindi nga lang masyadong magaganda. Gayunpaman, mayroon na akong panglagay sa narrative report. Nagalit ako sa VI-Love dahil mas maingay sila nang pumasok si Ma'am Vi. Nakita na tuloy ng mga VI-Peace, na naki-sit in sa amin, ang pagbasag ko ng mug. Gayunpaman, natahimik ang lahat. Nang lumabas kami ni Ma'am Vi. Tumahimik sila, nagpatay ng ilaw, at, ang iba, tumalungko sa armchair. Nagawa kong magpapraktis ng sabayang pagbigkas pagkatapos niyon. Umalis agad ako sa school after lunch. Umidlip ako sa PITX bago ako nag-workout. Antok na antok kasi ako. Maaga-aga akong nakauwi. Past 5 nasa bahay na ako. Nakapagmeryenda pa ako, nakapaghanda ng learning material, nakapagdagdag sa thesis ko, at nadiskubre ko ang Powtoon bilang kapalit sa powerpoint o bilang video maker. Interesado akong matutuhan ito. Sa tingin ko, maganda itong materyal para sa blog. Sana marami akong time para pag-aralan ito. Setyembre 25, 2019 Hindi na naman ako nakapagturo ng inihanda kong lesson. Andami kasing walang guro. Apat lang kami sa limang klase. Kakaunti rin ang bata dahil nasa Division Palaro. Gayunpaman, naging abala ako sa paggawa ng souvenir items, na ipapamigay sa guro sa October 2. Tinulangan ako ni Sir Joel at Ma'am Vi. Naging maayos naman ang lahat ng klase. Walang anumang negatibong insidente. Nakatulong naman ang pagkaklase ni Sir Hermie. Pinaghalo pa nga niya ang dalawang klase. Siya na lang yata kasi ang eager at inspired magturo. Sana all. After class, nag-lunch agad ako. Umidlip ako pagkatapos niyon. Then, gumawa ako ng visual aids para bukas. Gusto ko pa sanang mag-research para sa thesis, kaya lang mahina ang internet. Umuwi na lang ako. Past 5 nasa bahay na ako. Nakapagdilig pa ako ng mga halaman. Then, gabi, nadugtungan ko ang thesis ko. Kahit paano, nagkaroon na ng laman at direksiyon. Sana makapunta na ako sa National Library para mas marami akong makalap na datos. Setyembre 26, 2019 Grabeng traffic sa Gahak hanggang Zeus, kaya na-late ako. Nainis tuloy ako sa mga estudyante ko. Nagsiuwian sila. Ang iba, saka lang pumasok nang makita ako. Actually, five minutes late lang akong late. Hindi pa rin nila maalalang sinabi kong hindi ako absenero. Hindi rin naman ako laging late. Once in a blue moon nga lang. Dahil sa inis ko, hindi ko sila pinapasok sa classroom. Prinorate ko sila, since ang VI-Peace sang ang ipo-prorate dahil aalis si Ma'am Madz. Sabi ko, ako na lang ang magbabantay sa klase niya. Pumayag naman siya. Nagpaskil at nag-discuss ko ng 'Pokus ng Pandiwa's kanila. Then, tinapos namin ang souvenir items para sa Teachers' Day celebration. Sobrang busy ko kanina. Pati ang pagpapaikot ng memo at paghingi ng abuloy para sa namatay na guro sa BES, ginawa ko. Kaya naman, sa sobrang pagod at gutom, umidlip ako bago pumunta sa AF. Sa AF, triceps at back ang tinira ko. Nababagal na ako sa improvement ko. Hindi ko alam kung tama ng ginagawa ko. Basta nag-download ako ng app sa Playstore--Fitvate ang tawag. Sinusundan ko lang naman. Five o'clock, nasa bahay na ako. Nagdilig ako agad kasi parang nalanta na ang ibang halaman. Pagkatapos niyon, hinarap ko ang paggawa ngn thesis. Nae-enjoy ko na siya. May lumalalim na ang pag-aaral ko. I hope mabuo ko agad ang Chapters 1-3 para maipatsek ko na kay Dr. Ramos. Setyembre 27, 2019 Dahil six to ten lang ang klase, wala siyempreng palitan. Kaya, nag-individual activity lang ako sa klase ko habang may ginagawa ako about sa program sa October 2. Nakaraos naman kaya lang na-highblood ako last one minute na lang bago ang uwian. Pinapasok ko ang VI-Love habang nakapila. Wala kasi silang pakiramdam. Nasa unahan pa ako. Ayaw magsipila. Hayun, nahalungkat ko tuloy kung sino ang mga gumawa. Pinauwi ko na. Naiwan ang 2/3. Buwisit! Andami pala talagang tamad. Kung wala lang meeting, talagang magtatagal sila sa classroom. Na-bad trip din ako sa mga performers ng sabayang pagbigkas. Andaming absent. Hindi ko tuloy ituloy ang practice. Ten-thirty, nagsimula ang meeting. Tungkol iyon sa Workplace by Facebook. Kailangan naming mag-sign up. Then, may other matters na sinabi si Ma'am Laarni. Past 1:30 PM, pumunta kami sa JRES nina Ma'am Laarni, Ma'am Amy, at Ma'am Joan para sa 2019 Loyalty Awards. Naroon ako bilang Faculty President. Sana hindi na rin ako sumama gaya kay Ma'am Vi. Nainitan lang ako sa labas ng venue hall. Crowded sa loob, kaya nasa labas lang ang mga Faculty President. Gayunpaman. Thankful ako dahil nakakuwentuhan ko sina Ma'am Amy at Ma'am Joan nang pauwi na kami. Gamit ang car nina Ma'am Amy, binaba niya kami ni Ma'am Joan sa Imus. Mahaba-haba ring kuwentuhan ang nagawa. Marami akong natutuhan at nalaman. Past 8 ako dumating. Gutom na gutom ako, mabuti na lang may mainit na sabaw na nakahain o naihanda si Emily. After dinner, nanuod kami ng 'Hello, Love, Goodbye.' Maganda ngaang movie. Setyembre 28, 2019 Nakipagkuwentuhan ako sa mga kaklase ko bago dumating si Dr. Ramos. Nagpapasa na siya ng schedule ng colloquim namin. November 23 ang pinili ko. Siya rin ang isinulat ko bilang adviser ko. Pero, ayon sa kanya, ipapa-approve niya pa iyon kay Dr. Estuche. Sana mapili niya ako. Gusto ko siyang maging adviser kasi magaling at istrikta siya. Mapapahiya ka kapag mahina ka, pero at least ikakatuto mo. Nagpauwi si Dr. Ramos bandang alas-diyes. Puwede na rin daw na huwag munang pumasok. Kailangan niya lang ang Chapters 1-3. Nag-workout ako bandang alas-10:41 ng umaga. Kakaunti lang ang clients doon, kaya malaya akong nakagalaw. Past 1:30 na ako nakauwi at nakapag-lunch. Hindi ako kaagad nakapaggawa para sa thesis. Nang namalengke si Emily saka ako nakakilos. Nagdilig muna ako ng mga halaman. Past 9:30 na ako huminto sa pagtapos ng thesis. Marami-rami rin akong naidugtong. Setyembre 29, 2019 Napakaproduktibo ko ngayong araw. Paggising ko pa lang at habang nagpapakulo ng tubig para sa kape, nagsalang na ako ng mga labahin sa washing machine. Pagkatapos maglaba, nag-gardening naman ako at naglinis ng doghouse. Then, hinarap ko ang thesis ko. Nakakaadik na ito. Parang ayaw ko nang umalis sa harapan ng computer. Kundi nga ang ako inantok badang alas-2:30, hindi ako titigil. Pagkatapos kong umidlip, nag-gardening uli ako. Then, hinarap ko na uli ang thesis. Ang hula ko, maaga kong maipapasa ang Chapters 1-3. Sana nga... Maaga pa lang, declared na ni Mayor Rubiano na walang pasok bukas dahil sa transport strike. Natuwa ako at nalungkot. Natuwa, dahil makakapag-thesis writing ako. Nalulungkot kasi inaaalala ko ang Teachers' Day sa October 2. Gagahulin kami sa preparasyon. Wala pang stage decoration. Hindi pa rin kasado ang mga presentations ng mga bata. Before 12 na ako umakyat para matulog, nanuod kasi ako at nagpost ng videos sa youtube. Setyembre 30, 2019 Hindi ako nakatulog nang maayos. Six o' clock, gising na ako. Pinilit kong makatulog uli, pero hindi ko nagawa. Kaya, bumangon na lang ako at naghanda ng almusal. Pagkatapos mag-almusal, nag-gardening ako. Gumawa ng vegetable nurseries, gamit ang sakop ng semento. Nakaubos ko ang sawdust at garden soil. Ayos lang naman. Gusto ko naman kasing makapagpatubo ng mga organic na gulay. Then, nilaan ko ang buong araw ko sa paggawa ng thesis. May mga pahinga naman. Hindi nga lang ako nakatulog, kahit umidlip ako. So far, 40+ pages na ang thesis ko. Lalampas pa ito kasi hindi ko pa naisaayos ang spacing. Excited na akong magpasa!

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...