Followers

Saturday, September 21, 2019

Numero Lang Iyan

"Halika nga rito, Uno!" galit na tawag ng ina. Kararating pa lamang nito mula sa paaralan. Hawak-hawak nito ang card ng anak.

"Dos, dito ka muna, ha? Maglalaro uli tayo mamaya," sabi ni Uno sa nakababatang kapatid. Pagkatapos, nakayuko siyang lumapit sa ina. "Bakit po?"

"Ano ka ba naman, Uno? Bakit ang bababa ng grades mo? Line of seven lahat. Blangko ka pa sa English at Mathematics. Diyos ko, saan ba ako nagkulang?"

Hindi makatingin si Uno sa kanyang ina. 

"Mag-aral ka namang mabuti, Uno. Nagtratrabaho kami ng Papa mo para mapag-aral kang mabuti at mabigyan kayong magkapatid ng magandang kinabukasan. Sana ikaw rin. Maging masipag ka at magsikap sa pag-aaral. Kahit matataas na grades na lang, masaya na ako... Noong nag-aaral ako, hindi ganito ang mga grado ko."

Nagsisimula nang tumulo ang mga luha ni Uno.

"Mahalaga ang grado, Uno. Huwag mo namang sayangin ang pinangpapaaral ko sa `yo. Naunawaan mo ba?" Dumukwang ang ina kay Uno at itinangala nito ang kanyang baba. 

Noon lamang nagtagpo ang mga mata nilang mag-ina.

"Opo," nahihiyang sagot ni Uno. Nagpunas din aiya ng luha.

"Anong opo? Opo lang ba?"

"Mag-aaral na po ako nang mabuti."

"Sige, tama na ang laro. Magbasa ka. Hayaan mo na ang kapatid mo. Doon ka sa kuwarto."

Mabilis na tumalikod si Uno at tumakbo patungo sa kuwarto.

Nilapitan ng ina ang bunsong anak. 
"Dos, laro ka lang dito, ha?! Si Kuya Uno, nasa kuwarto lang."

Tumango lang ang anak.

Naupo ang ina sa sofa at pinagmasdan ang card ni Uno. Gusto niyang maiyak dahil sa kabiguan, pero naalala niya ang mga sandaling nagkukuwento sa kanya si Uno.

"Mama, bertdey po ng kaklase ko bukas. Magbaon po ako ng maraming kanin at dalawang itlog. Bibigyan ko po siya para masaya po siya."

Napangiti ang ina sa alaalang iyon. Makulit ang kanyang anak, pero naisip niyang napakabuti ng kalooban nito.

"Mama, alam mo po ba? Ang kaklase ko, kawawa kasi wala siyang baon," sabi ni Uno.

"O, ano ang ginawa mo?"

"E, `di ba po, may baon akong sandwich at binigyan mo pa po ako ng beynte? Binigyan ko po siya ng limang piso para makabili siya ng soup."

Napangiting muli ang ina sa kanyang naalala.

"Mama, ang kaklase ko po... laging masakit ang kamay," kuwento ni Uno.

"Bakit daw?"

"Ewan ko po. Basta po, pinagsusulat ko po siya para gumaling na po ang kamay niya at para hindi pagalitan ni Ma'am."

Napangiting muli ang ina.

"Mama, paglaki ko, bibilhan kita ng kotse. Ayaw ko po kasing nahihirapan ka sa amin ni Dos kapag umaalis tayo," sabi ni Uno.

Nagpahid ng luha ang ina ni Uno dahil sa alaalang iyon.

"Mama, maglaba ka lang po riyan. Ako na po ang bahala kay Dos. Maglalaro lang po kami para hindi po siya umiyak," sabi ni Uno.

Muling pumatak ang luha ng ina dahil sa pagiging responsableng anak at kuya ni Uno.

"Mama, mag-iipon na po ko para makasal na kayo ni Papa sa simbahan," sabi ni Uno.

Yumugyog ang mga balikat ng ina dahil sa mataas at malawak na pag-iisip ni Uno. Natutuwa siya dahil parang matanda na nagkatawang-bata lang ang kanyang anak. 

Naalala tuloy niya ang kanyang lolo.

"Wow, Daisy, ang tataas ng grades mo!" bulalas ng lolo niya nang ipakita niya ang kanyang card. "Siguradong aakyat na naman sa entablado ang Mama mo."

"Siyempre po. Nag-aral po kasi ako nang mabuti."

"Mahusay! Pero, Daisy, tandaan mong ang grado ay numero lang. Ang mahalaga, may natututuhan ka sa paaralan na magagamit mo sa buhay."

"Opo, Lolo!"

Muli niyang tiningnan ang mga grades ni Uno sa card. Nagsisi siya sa pagpapagalit niya sa anak.

Nang umiyak si Dos, saka lamang natigil ang ina sa pagluha.

"Bakit, Dos? Gutom ka na ba? Halika."

Inasikaso ng ina ang bunsong anak. Pagkatapos, naghanda na siya ng hapunan. Hindi pa rin mawala sa isip niya ng mga salitang binitiwan niya sa anak. Gusto niyang bawiin ang mga iyon.

Kinabukasan, Sabado iyon, pinuntahan ng ina si Uno.

"Uno, gising ka na ba?" 

"Opo! Good morning, Mama!" bati ni Uno.

"Good morning! Kumusta ka na, Anak? Nakatulog ka ba nang mahimbing?" Nakatago sa likuran ng ina ang card ni Uno.

"Opo."

"Mabuti naman kung ganoon."

Mama, alam mo ba naiiyak ako kagabi habang nagdarasal ako," kuwento ni Uno sa ina.

"Ha, bakit naman?" 

"Sabi ko po kasi Papa Jesus, sana tumalino na ako para hindi na nagagalit sa akin si Mama. Ang bobo ko po kasi, e. Marunong naman po akong magbasa... kaunti, pero mababa pa rin grades ko."

Noon lamang inilabas ng ina ang card. Hindi na rin niya naitago ang kanyang luha.

"Anak, numero lang ang mga ito."

"Po?" Bumangon si Uno at tiningnan ang kanyang card.

"Sorry, Anak, kung lagi kitang napapagalitan. Gusto ko lang namang lumaki kang matalino at may magagandang ugali."

"Opo, Mama."

"Kaya, okay lang kahit hindi mataas ang grades mo basta maging mabuting bata ka lang. Masaya ako kasi mabait ka sa mga kaklase mo at sa amin, na pamilya mo. Proud na proud ako sa `yo, Uno." Niyakap niya nang mahigpit ng anak. "Salamat, Anak!"

"Salamat po, Mama!"

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...