Followers

Saturday, March 28, 2020

Agot Maramot

"Ang damot mo naman!" Iyan ang madalas na sinasabi kay Agot kapag may nanghihiram o may nanghihingi sa kanya.

Sa eskuwela, kilala siya bilang si Agot Maramot.

"Pahiram naman ng lapis," sabi ni Maris."

"Ayaw ko nga. Dapat hindi ka burara."

"Andami mo namang lapis, e."

"Kahit na." Itinago na ni Agot ang ibang lapis niya.

"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"

"Agot, puwede ko bang mahiram ang pantasa mo?" tanong ni Hero.

"Ayoko! Bumili ka kasi ng sa `yo!" singhal niya.

"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"

"Pahiram naman ng pambura," sabi ni Dessa.

"Ayaw ko nga! Ulitin mo na lang kaya."

"Sandali lang naman."

"Istorbo ka lang!" singhal niya.

"Ang damot mo, Agot!"

"Pahingi naman ng isang papel," bulong ni Noel.

"Bakit? May pinatago ka bang papel sa akin?"

"Kaya nga nanghihingi ako. Babayaran ko na lang bukas."

"Binili ito ng nanay ko, kaya tumigil ka."

"Napakaramot mo talaga."

"Pahiram naman ng gunting," sabi ni Quintin.

"Ginagamit ko, `di ba?"

"Sandali lang."

"Ayaw ko. Baka hindi mo pa isauli."

"Ang damot-damot mo naman!"

"Puwede ba akong makigamit ng pangkulay mo?" tanong ni Nicolai.

"Hindi puwede! Magpabili ka kasi sa nanay mo."

"Ang damot mo na nga, ang taray mo pa!"

"Pahiram naman ng ruler," sabi ni Jester.

"Wala! Wala akong ruler!"

"Nakita kita kanina, gumamit ka."

"E, ano'ng pakialam mo?"

"Wala naman, Agot Maramot!"

Kahit sa mga kapatid niya, maramot si Agot.
Walang sinuman ang nakagagamit ng mga gamit niya. Hindi rin siya namimigay ng mga bagay o pagkaing meron siya.

"Ate Agot, hingi ako... kendi," sabi ng kapatid niyang bunso.

Agad niyang itinago ang kendi, na gusto sana niyang kainin.

"Wala... Walang kendi, Aga. Wala!"

"Tinago mo." Hinanap pa ng kapatid ang kendi sa bulsa ng ate niya.

"Wala nga!" singhal niya. Tinabig pa niya ang kamay ni Aga, saka tumakbo palayo. Hinayaan niyang umiyak ang kapatid niya.

"Agot, pahingi nga ng isang goma. Ipantatali ko lang sa buhok ko," sabi ng ate niya.

"Ayaw ko, Ate Aiko. Magkukulang na ito kapag binawasan ko. Nakabuhol na, o."

"Ang damot mo!"

"Pahiram naman ng diksyunaryo mo. May titingnan lang ako," sabi ni Kuya Arjo.

"Ano bang salita ang titingnan mo? Ako na ang maghahanap para sa `yo?"

"Basta! Ako na lang ang maghahanap. Pahiram na."

"Kay Ate Aiko ka na lang manghiram. Gagamitin ko rin, e."

"Hay, naku! Ganyan ka talaga karamot!"

Ang masama pa, pati ang kanyang ina at ama ay pinagdadamutan niya.

"Agot, manood naman tayo ng balita," sabi ng ama.

"Huwag na po, Pa. Nanonood pa ako ng palabas na pambata."

"Kanina ka pa naman nanonood, e. Ako, kararating ko lang."

"Kahit na po. Nauna naman po ako rito."

Napangiwi na lang ang ama.

"Anak, hiramin ko muna ang ipon mo. Ipambabayad muna natin sa kuryente," sabi ng ina.

Kumawag-kawag si Agot, saka sumimangot.

"Ipon ko nga po iyon, e," sabi niya.

"Ibabalik ko naman agad."

"Ayaw ko, 'Ma."

Walang nagawa ang ina.

Kung nagagawa ngang pagdamutan ni Agot ang mga kapatid at mga magulang, kayang-kaya niyang gawin ito sa hindi niya kilala.

Isang umaga, nakasalubong niya ang babaeng matanda.

"Bata, pahingi naman ng barya. Ipandadagdag ko lang sa pambili ko ng tinapay," sabi ng lola.

"Hay, naku! Hindi nga kita kilala! Kadiri ka!"

"Hindi ka lang maramot, mapangmata ka pa! Sana makatanggap ka ng parusa."

Ginaya-gaya pa niya ang akto ng matanda., saka lumayo na siya.

Sa klase, nagturo na ang gurong tagapayo. Matamang nakikinig si Agot at ang mga kaklase niya.

"Ang aralin natin ngayon sa GMRC ay pagiging mapagbigay. Ikaw, Agot, masasabi mo bang mapagbigay ka?"

Nagdadalawang-isip na tumayo si Agot.

"Opo!" sagot ni Agot. Agad din siyang umupo.

Pinagtawanan siya ng mga kaklase.

"Sinungaling po siya, Ma'am! Hindi po siya mapagbigay. Maramot po siya," sabi ni Mara.

"Opo, Ma'am!" sang-ayon ng karamihan.

"Agot Maramot!" sigaw ng lahat. "Agot Maramot!"

"Tumigil kayo!" sigaw ng guro.

Nagpaalam si Agot na lalabas ng silid-aralan. Pinayagan naman siya ng guro. Pero, hindi siya agad na bumalik.

Pagbalik niya, may ginagawa na ang mga kaklase niya.

"Noel, anong gagawin?" tanong niya.

"Ewan ko! Kay Ma'am ka magtanong."

Nagmasid siya. May idodrowing lang pala.

"Ang dadamot niyo rin. Akala niyo hindi ko kayang gawin?" bulong niya.

Hinanap niya ang kanyang bag sa ilalim ng upuan niya at sa ilalim ng upuan ng kanyang katabi.

Gusto na niyang magsumbong sa guro, nang maaalala niyang nakalimutan pala niya. Kaya, nanghiram at nanghingi siya ng mga kagamitan sa mga kaklase niya.

"Maris, pahiram ng lapis."

"Jester, pahingi ng bond paper."

"Quintin, pahiram ng gunting."

"Nicolai, pahiram ng pangkulay."

Lahat hiningian at hiniraman niya, pero pare-pareho ang sagot nila.

"Ayaw ko!"

Walang naipasang slogan si Agot, kaya wala siyang maisagot.

"Sorry po, Ma'am. Hindi na po mauulit," sabi niya.

"Okay! Narito ang pinakamagandang slogan. Babasahin ko. Gawa ito ni Mara... Ang pagiging maramot ay tulad ng sakit na walang gamot... Palakpakan natin si Mara!"

Nabingi si Agot sa palakpakan. Lalo siyang nainis sa kanyang mga kamag-aral. Pati tuloy ang kanyang guro ay hindi na niya pinakinggan.

"Maliwanag ba?"

"Opo!" sagot ng lahat, maliban sa kanya.

Mabilis na lumabas si Agot nang uwian na. Gusto niyang iwasan ang mga kaklase niya. Pero, hindi niya alam, sinundan pala siya ni Mara.

"Bakit mo ako sinusundan, Mara?" singhal niya.

"Gusto ko lang sanang sabihin sa `yo na nagbigay ng takdang-aralin si Ma'am."

"Ha? Meron ba? Ano ba ang takda?"

"Heto, o. Isinulat ko na." Inabot ni Mara kay Agot ang isang papel, saka tumakbo na siya.

Pag-uwi ni Agot, nakita niya ang ina na nakasimangot. Gusto sana niyang humingi ng pera upang mabili niya ang mga materyales na nakalista.

Naisip niya ang mga ate at kuya niya.

Hihingi na lang siya ng mga kagamitan kay Ate Aiko.

Magpapaturo na lang siyang gumawa ng diorama kay Kuya Arjo.

At hihingi na lang siya sa kanyang ama ng pambili ng iba pang kakailanganin.

Nang nilapitan niya isa-isa, iisa ang sabi nila. 

"Hindi ba pinagdamutan mo rin kami?"

Walang nasabi si Agot. Tumalikod na lang siya nang malungkot.

Sinundan naman siya ng ina.

"Anak, halika... Huwag ka nang malungkot."

Saka lang tumulo ang luha ni Agot nang humarap na siya sa ina. 

"Hindi maganda ang karamutan, Agot. Kaya sana, maging mapagbigay ka na sa kapwa at sa amin," payo ng ina.

"Mama, wala na po bang gamot ang pagiging maramot?"

Natawa muna ang ina. "Walang gamot, pero puwede kang magbago. Isipin mo na lang na kapag nagbigay ka ay nalulugod sa iyo ang Diyos. Sabi nga, mas mapalad ang nagbibigay kaysa humihingi."

"Opo, 'Ma." 

Niyakap siya ng ina. 

Simula noon, binawasan na ni Agot ang pagiging maramot. At hindi nagtagal, wala nang tumatawag sa kanya ng 'Agot Maramot.'


Darating na si Lolo Victor

Tuwing darating si Lolo Victor para magbakasyon, masayang-masaya ako. Masaya ako kapag kasama ko siya dahil marami akong natututuhan sa kanya.

Kapag may ubo siya o ako, gumagaling kaagad.

"Apo, nasa tahanan lang natin ang lunas sa ubo," sabi ni Lolo Victor.

"Talaga po?" Manghang-mangha ako.

Namitas kami ng dahon ng oregano at dahon ng ampalaya. Kumuha rin kami ng kalamansi at luya. Pagkatapos, tinuruan niya ako sa paghahanda.

"Ang katas ng dahon ng ampalaya o oregano, kapag nilagyan ng pulut-gata at kalamansi ay mainam para sa ubo," paliwanag niya. "Ang pinakuluang luya ay tinatawag na salabat. Nakalulunas din ito sa ubo."

"Puwede rin po bang lagyan ng asukal o pulut-gata ang salabat?" tanong ko.

"Puwede."

Ang galing talaga ni Lolo Victor. Alam niya ang gagawin kapag may sakit siya. Kay sarap tuloy maging nars niya.

Kapag may lagnat siya, alam ko na kaagad ang aking ihahanda.

"Lolo, narito na po ang palangganitang may tubig at bimpo," sabi ko.

"Sige na, Nars, i-cold compress mo na ako," natatawang sabi niya.

Binasa ko kaagad ang bimpo at pinigaan. Pagkatapos, ipinatong ko na iyon sa noo ni Lolo Victor upang humupa ang lagnat niya.

Pagkatapos, pinakain ko siya ng mainit na sopas, na niluto ni Mama.

"Ang galing na nars ng apo ko!" sabi niya sa akin nang gumaling siya.

Masayang-masaya rin ako kapag nagkukuwento siya.

"Alam mo ba, Kobi, na simula noong tinigilan ko ang paninigarilyo, gumanda na ang paghinga ko. Kaya ikaw, huwag na huwag mong susubukan iyon, ha?"

"Naku, hindi po talaga, lalo ngayong alam ko na."

Pero noong nahirapan siyang huminga, inakala kong naninigarilyo na naman siya.

"Naku, hindi ako nanigarilyo, Kobi. Talagang nahihirapan akong huminga ngayon. Maaari mo ba akong tulungan?" sabi ni Lolo Victor.

"Sige po. Masaya pong maging doktor!"

Ipinagtimpla ko siya ng mainit na kape.

Habang iniinom niya iyon, binuksan ko ang mga bintana at pinaypayan ko siya.

"Bumuti-buti na ako, Kobi!"

"Nakabubuti po pala talaga ang kape!"

"Isa pang paraan ay ang paglalakad-lakad. Halika, samahan mo akong maglakad-lakad."

"Sige po... Ako po ang inyong magiging therapist."

Habang naglalakad-lakad kami, tinuro niya rin sa akin ang diaphragmatic breathing.

Pinayuhan niya pa ako. "Maaari mo ring gawin ang steam inhalation. Pagpapasingaw ito, na gumagamit ang mainit na tubig at asin. Dahil makabago na ang mga teknolohiya natin ngayon, may nabibili na ring 'nebulizer.'

Matalino talaga si Lolo Victor, kaya hindi ako naiinip kapag kausap siya. Siya na rin ang madalas kung kalaro kapag nagbabakasyon siya sa amin.

Pero, isang araw, napagod yata siya nang husto sa aming paglalaro.

"Sorry po, Lolo." Nalungkot ako.

Nginitian niya ako. "Saging lang ang katapat nito."

"Talaga po?"

Tumango si Lolo. "Kailangan ko ring magbawas ng timbang at matulog nang walong oras o mahigit. Halika, kain tayo."

Kumain kami ni Lolo Victor ng saging at iba pang mga pagkaing nakita namin sa refrigerator. Sabi niya, kumain lang daw nang madalas kapag nakakaranas ng pagkahapo.

"At siyempre, uminom ng maraming-maraming-maraming tubig," dagdag pa niya.

"Water therapy!"

"Yes! Tama ka. Ang galing-galing mo na talaga!" Nakipag-apir pa siya.

"Ikaw po ang nagturo niyan sa akin, Lolo."

"Ah, ako ba? Nakalimutan ko na... Pero, seryoso ako, nasa tahanan lang natin ang lunas sa halos lahat ng mga karamdaman sa mundo."

Naniniwala ako kay Lolo. Maraming beses ko nang napatunayan ito. Kaya nga noong sumakit ang dibdib niya, alam ko na agad ang gagawin ko.

Pinahiga ko muna siya at binigyan siya ng cold pack, habang inihahanda ko ang hot drink niya.

Ang hot drink ay maaaring kape, salabat, tsaa, tubig na may baking soda, o kahit tubig lang. Nakatatanggal ito ng impatso, na sanhi ng sakit sa dibdib.

Ang saya-saya talaga kapag siya ang aming bisita. Kay sarap matuto at makipag-usap sa kanya.

Gusto ko ngang laging bakasyon para lagi kong kasama si Lolo Victor.

"Kobi, uuwi na ang Lolo Victor mo," malungkot na sabi ng mama ko.

Nagtaka ako. Gusto kong mag-usisa, pero hindi ko nagawa. Umiyak na siya nang umiyak.

"Ano'ng nangyari?" tanong ko kay Ate.

Wala siyang sinabi.

"Papa, may sakit po ba siya? Aalagaan ko po siya. Ako po ang magiging doktor at nars niya."

Walang sagot si Papa, ni isang salita.

Ako rin mismo ang nakadiskubre sa katanungan ko. Kaya pala, ilang araw na silang balisa. Kaya pala, madalas mugto ang mga mata ni Mama.

Nang dumating si Lolo Victor, hindi ako masaya. Iyon na ang pinakamalungkot na pag-uwi niya. Sana hindi na lang siya bumisita. Mas gusto kong alagaan siya kaysa makita ang abo niya.

Hinding-hindi ko makalilimutan si Lolo Victor. Hinding-hindi ko makalilimutan ang mga payo, aral, at kuwento niya. Hinding-hindi ko rin makalilimutan na ang CoViD-19 ang kumitil sa buhay niya.







Friday, March 27, 2020

Laging Gutom na Gutom si Rustom

Gutom na guton na naman si Rustom nang umuwi siya mula sa paaralan.

Nagtataka na naman ang kanyang ina dahil naubos niya ang dalawang hiwa ng pritong manok at tatlong tasa ng kanin. Kumain pa siya ng tatlong pandesal at dalawang hinog na latundan.

"Rustom, bakit andami mo na namang kinain ngayon?" tanong ng ina.

Dumighay muna si Rustom, pagkatapos uminom ng tubig.

"Napagod lang po ako sa mga gawain sa eskuwela," paliwanag ni Rustom.

Kinabukasan, umuwi na namang gutom na gutom si Rustom. Andami na naman niyang nakain.

"Rustom, hindi kaya maimpatso ka niyan?" tanong ng ina.

"Hindi po. Gusto ko pa nga po sanang humingi ng sabaw."

"Sige, bibigyan kita, pero sagutin mo muna ang tanong ko... Bakit lagi kang gutom na gutom? Pinag-aalmusal at pinababaunan naman kita, ah."

"Mama, nakakagutom po talaga sa eskuwela. Gumagana po ng katawan at ukak ko... Nag-iisip. Nagsusulat. Nakikipagtalakayan. May mga pangkatang gawain din po kami."

Parang hindi kumbinsido ang nanay ni Rustom.

"Bakit po, Mama? Wala na po ba tayong pambili ng pagkain? Wala na po bang trabaho si Papa?"

Ngumiti muna ang ina, bago nagpaliwanag.

"May trabaho pa ang papa mo. Nagtataka lang ako. Simula pa noong nakaraang linggo ka laging gutom na gutom tuwing galing ka sa paaralan."

Napaisip bigla si Rustom. Gusto na niyang sabihin ang totoo.

"Siguro may bully kang kaklase, ano? Kinukuha pa niya palagi ang baon mo?" usisa ng ina.

"Naku, hindi po! Wala pong nambubully sa akin."

E, ano pala? Hindi na ako naniniwala sa mga dahilan mo, Rustom."

"Mama, lumalaki na po kasi ako," kinakabahang sagot ni Rustom. Hindi siya sigurado kung maniniwala pa ang kanyang ina.

Tiningnan ng ina si Rustom. Pinisil-pisil pa nito ang mga pisngi at mga braso niya.

"Ay, oo nga pala!" Bakit hindi ko agad naisip iyon?!"

Natawa silang mag-ina. Lihim na nakahinga nang maluwag si Rustom.

"Sige, Anak, bukas, dodoblehin ko ang baon mo."

"Yehey! Salamat po, Mama!"

Kinabukasan, naghanda ang ina ni Rustom ng dalawang tuna sandwich, dalawang nilagang itlog, dalawang dalandan, at dalawang bote ng tubig. 

"Anak, ubusin mo itong mga baon mo, ha? Tandaan mo, maraming taong nagugutom sa kalye."

Napatingin muna si Rustom sa ina bago siya sumagot. "Opo, Mama."

Natutuwa siyang lumabas ng bahay. Hindi niya namalayang sinundan siya ng ina.

Sa tabi ng mataas na pader, huminto si Rustom.

"Magandang umaga po, Lola Carmen! Kain na po kayo." Inabot ni Rustom ang isang tuna

sandwich, isang nilagang itlog, isang dalandan, at isang bote ng tubig. "Tig-iisa na po tayo palagi."

Maluha-luha sa tuwa si Lola Carmen. "Maraming salamat, Rustom. Napakabuti mong bata."

"Walang anuman po! Paalam po! Bukas po uli."

Masayang pumasok si Rustom sa paaralan. Masaya rin siyang umuwi, pero nagtataka na naman siya dahil nakakurba ang mga kilay ng kanyang ina at nakapamaywang pa.

"Hindi ka nagsasabi nang totoo," sabi ng ina.

Kinabahan agad si Rustom. "Po?"

Nawala lang ang kaba niya nang ngumiti ang kanyang ina.

"Hindi mo sinabing ibinibigay mo pala kay Lola Carmen ang baon mo."

"Po?"

Inakbayan ng ina si Rustom at pumasok na sila.

"Kinupkop ko si Lola Carmen. Dito muna siya sa atin habang hindi pa natin nahahanap ang pamilya niya," sabi ng ina

"Talaga po? Salamat po, Mama!" Napayakap siya sa kanyang ina. "Sorry po kung nagsinungaling po ako sa inyo."

"Masama ang magsinungaling, pero dahil  tinutulungan mo naman si Lola Carmen, pinatatawad na kita. Sa susunod, magsabi ka kaagad, ha?"

"Opo, pangako po." Itinaas niya ang kanyang kanang kamay at kinindatan pa niya si Lola Carmen. 


Wednesday, March 25, 2020

Si Niknok, Tiktok nang Tiktok

"Itigil mo 'yan, Niknok!" sigaw ng ina. "Tiktok ka na naman nang Tiktok? Buksan mo ang pinto at ibalik mo sa akin ang cell phone ko!" "Sandali lang po... Maa-upload na po." Nang na-upload na ang video niya sa Tiktok, lumabas na siya at isinauli ang cell phone sa ina. Piningot ng ina si Niknok. "Ilang beses ba kitang pagsasabihan, na itigil mo ang pagtitiktok mo, ha? Magbasa ka na lang habang walang pasok." "Tiktok na po ang uso ngayon." "Hindi lahat ng uso ay nakabubuti sa 'yo. Hala, sige! Simula ngayon, bawal ka nang gumamit nito, ha?" Hindi kumibo si Niknok. Tiningnan niya lamang ang ina. Maghapong malungkot si Niknok. Hindi kasi kompleto ang araw niya kapag hindi siya nakagagawa ng video para sa Tiktok. Nanood na lang siya ng cartoons sa telebisyon. "Manood na tayo ng balita, Niknok. Ilipat mo na iyan," utos ng ama. "Alamin natin kung ano na ang lagay ng Coronavirus sa ating bansa." "Sige po, pero pahiram po ako ng cell phone." Narinig iyon ng ina, na kasalukuyang nagluluto. "Huwag mong pahiramin iyan. Magtitiktok lang iyan," galit na sabi ng ina. "Ano bang masama sa Tiktok?" mahinahong tanong ng ama. "Nagiging katawa-tawa siya. Sumasayaw. Nag-iiba ang boses at mukha. Umaarte. Kumakanta. At kung ano-ano pa," paliwanag ng ina. "E, maganda pala ang Tiktok dahil nahahasa ang talento ng bata." "Basta! Ayaw kong magtiktok siya. Huwag mo siyang pagagamitin ng cell phone mo." Malungkot na tiningnan ng ama si Niknok. "Manood na lang tayo ng balita, Anak," utos pa ng ama. Inilipat ni Niknok ang channel at nilakasan niya ang volume niyon. Pagkatapos, pumasok na siya sa kuwarto at nagmukmok. Mula sa kuwarto, naririnig ni Niknok ang balita. "Ilang mga kabataan ang hinuli sa Barangay Mabini dahil sa paglabag sa curfew." "Gusto mo bang ipahiram ko ito sa 'yo?" Nagulat si Niknok sa ama. "Po? Opo, gusto ko po." "Sige, pero ipaliwanag mo muna sa akin kung ano ang Tiktok, para saan ba ito, at bakit mo ito kailangan." Ngumiti muna si Niknok bago nagpaliwanag. "Ang Tiktok ay isang social media. Ginagamit ito upang magpahayag, magpakita ng talento, magpangiti, at magbigay ng inspirasyon sa kapwa. Kailangan ko ito ngayong patuloy na lumalaganap sa mundo ang Coronavirus. Sa halip na lumabas ako, magtiktok na lang po ako." Blangko ang mukha ng ama ni Niknok. "Pahihiramin n'yo po ba ako?" tanong ni Niknok. "Pag-iisipan ko... at kakausapin ko ang Mama mo." "Po? Huwag na po. Hindi naman po papayag iyon." Inakbayan siya ng ama. "Wala ka bang tiwala kay Papa?" Sinulyapan ni Niknok ang ama. "Meron po." Nginitian siya ng ama at ginulo ang kaniyang buhok. "Bukas, malalaman mo ang sagot ng Mama mo. Kaya, pag-isipan mo na ang konsepto ng video mo. " "Opo." "Halika... Manood na tayo ng balita." Inakbayan ng ama si Niknok habang palabas sila sa kuwarto. "Naragdagan na naman ang bilang ng positibo sa Coronavirus. Narito ang ulat mula kay Mario Marangal," sabi ng anchor sa telebisyon. Nalungkot si Niknok sa narinig sa balita, pero napangiti rin siya. May pumasok na ideya sa utak niya. Kinabukasan, tuwang-tuwang tinanggap ni Niknok ang cell phone ng ama. "Galingan mo, Niknok, para matuwa na ang Mama mo sa Tiktok." "Opo, Papa." Agad na gumawa si Niknok ng mga video. Sa kanilang bakuran, kumanta siya. Nakasuot siya ng facemask. Sa kusina, sumayaw at kumanta siya habang nagsasabon at naghuhugas ng kamay. Sa hapag kainan, nagsasalita siya habang kumakain ng gulay at prutas. Kinuhaan din niya ng larawan ang kaniyang mga magulang habang may kani-kaniya itong binabasa sa magkahiwalay na puwesto. Umaarte rin siya na parang doktor, nars, sundalo, at iba pa. Pagkatapos niyon, naglaan siya oras para makabuo ng isang video mula sa pinagsama-samang video. "Papa, salamat po!" Isinauli na ni Niknok ang cell phone ng ama. "Mama, salamat din po sa pagpayag ninyo!" "Walang anoman!" magkasabay na sagot ng mga magulang ni Niknok. Bumalik na si Niknok sa kuwarto. Alam niyang panonoorin ng mga magulang niya ang Tiktok niya. Lihim na naluha sa tuwa ang mga magulang ni Niknok. "I-share natin sa Facebook," sabi ng ama. Pagkatapos, pinuntahan ng mag-asawa ang kanilang anak. Sa kuwarto, nahihiyang humarap si Niknok sa mga magulang. "Anak, maganda ang Tiktok mo," papuri ng ama. "Proud na proud kami sa 'yo ng Mama mo." "Isama mo naman kami sa susunod mong Tiktok... Kaya rin naming... sumayaw, kumanta, at umarte," biro ng ina. Nagtawanan ang mag-anak at nag-finger heart pa sila, bilang pagsunod sa physical at social distancing.

Sunday, March 22, 2020

Ang Aking Journal -- Marso 2020

Marso 1, 2020 Maaga akong gumising para maghanda sa pagsimba. Isinama ko ang mag-ina ko sa Elijah Christian Fellowship. Napaaga kami. Mabilis ng biyahe. Pero, okay lang dahil naging komportable kami, lalo na ang mag-ina ko.Sumakit lang ang bagang ko. Sobrang sakit niyon. Antagal bago nawala. Gusto kong maniwala na dahil sa FVP Lavender Oil kaya nawala ang sakit. Sana nga.Mabuti na lang nawala ang sakit bago nagsimula ang service. Naging ayos naman ang unang simba ng mag-ina ko. Naramdaman nila ang warm welcome ng mga members. Nanalo pa si Ion ng Jollibee GC. Then, kinausap sila ng isa sa mga pastor, habang kausap ko naman si Sir Jeff. Naipakilala ko ang First Vita Plus. Open-minded daw siya, kaya hindi na ako masyadong nahirapan.Pinaschedule ko siya kay Ma'am Rich. Sa Martes ng umaga siya pupuntahan para macheck up at makausap.Nahikayat ko siya dahil ililibre ko sa kanya ang isang box. Kung gusto niya akong bayaran, okay lang. Kung hindi, okay lang din. Ang mahalaga, gumaling siya. Gusto kong manumbalik sng dating sigla niya upang mas marami siyang magawang service para sa Diyos. Nakauwi kami bago magfive.Wala na halos akong time para magvlog dahil okupado na ng FVP. Okay lang naman. Ganoon talaga ang negosyo. Kailangang magsales talk. Mabuti nga ngayon, may teknolohiya na. Mabilis na lang ang marketing. Marso 2, 2020 Nagdilig lang ako nang halaman, habang nagtuturo si Sir Ram sa mga klase ko. Hayahay ang buhay. Hindi tulad noong si Ma'am Jade ang intern ko. Twice lang yata siya nagturo.Anyways, pumunta ako sa CUP bago mag-alas-dos. Nakasalubong ko agad sinDr. Ramos at nakilala niya ako. Pinapunta niya ako agad kay Dr. Rivas. Kami na raw ang mag-usap. Natuwa ako dahil makakatipid ako. Hindi ko na siya pasasalubungan nang pasasalubungan tuwing kakausapin ko siya o tuwing may ipapasa ako.Nakausap ko rin kaagad si Dr. Rivas. Magpapalit kami ng title. Parang mababalewala ang survey ko. Anyways, susundin ko siya para lang makatapos ako. Kakayanin ko.Past 4:30, nagwork out ako. Shoulders at back ang tinira ko.Past seven na ako nakauwi. Pagod na pagod ako. Okay lang sana, kaya lang masakit na naman ang bagang ko. Nakakainis. Marso 3, 2020 Nagdilig ako ng mga halaman na nasa garden at pasilyo. Then, tumulong ako sa pagletter cut ng ipapandekorasyon namin sa surprise birthday celebration namin kay Sir Vic. Habang ginagawa iyon, masakit ang bagang ko.Nainis ako sa ngayong araw dahil sa mga pasaway na magulang at estudyante. May ayaw magtagal sa school dahil may trabaho. Kung kailan ko ipinatawag, saka naman parang sinusunog ang puwet. Ikalawa, ang mga nakumpiska kong cellphone. Naiinis ako kasi imbes na libro ang hawak, gadget. Napagsalitaan ko tuloy ang isang magulang na pumunta para iclaim ang cellphone ng anak. Hindi raw niya alam na dinala nito.Gayunpaman, masaya ako ngayong araw dahil matagumpay ang team namin na mapabili ng First Vita Plus products si Brother Jeff. Tiyak akong magiging dealer ito.Umuwi ako agad para harapin ang thesis at periodic test. Nangangarag na ako. Marso 4, 2020 Nawala na ang sakit ng bagang ko, kaya komportable na ako.Natuloy na ang pag-aayos ng mga magulang bully at binully. Nasabi ko namang lahat ang mga nais kong sabihin.Then, may dumating na namang magulang upang ireklamo ang estudyante kong nagbanta sa kanyang anak. Naayos din naman agad.Pagkatapos niyon, ginabayan ko si Sir Ram sa pagsulat niya ng lesson plan para sa demo niya sa Martes. Mabilis at maganda siyang imentor.Nagwork out bandang 4:30. Natagalan ako sa kahihintay ng bus, kaya late na ako nakauwi. Hindi ko tuloy natapos ang paggawa ng periodic test. Kinailangan ko pang magchat para sa negosyo. Marso 5, 2020 Malala na talaga ang kademonyuhan ng VI-Love. Lahat kaming advisers ay nagsasabing worst sila. Hindi ko nga napigilang murahin sila. Nagalit din sa kanila si Ma'am Madz.Nariniga pa tuloy ng nurse ang kabalahuraan ko. Kako, "Hindi tinatablan ng purga ang mga demonyo."Nagawa ko ring tulungan si Sir Ram sa pag-edit ng lesson plan niya kahit maingay at magulo sa paligid. Idagdag pa ang pagdating ng problemadong magulang ni Aya, na isa ring pasaway sa klase.After class, pinasama ako ni Ma'am Vi sa kanila ni Ma'am Madz pupunta sa BFS RCBC Tower sa BGC Taguig. Nakarating na ako roon last year. Doon nakikipagtransact si Ma'am tungkol sa nabili niyang foreclosed properties.Nagkuwentuhan kami habang naghihintay. Nalaman ko tuloy ang sistema. Magandang investment nga iyon. Nainspire ako sa mga kuwento niya. Mabuti na lang nagtanong ako. Gusto ko ring mag-invest. Gusto kong magkaroon ng paupahang bahay.Past 5:30 na ako nakauwi sa bahay. Agad akong naghanda ng mga school report. Kaya lang, hindi ko naprint. Natuluyan na yata ang laptop ko. Marso 6, 2020 Nagkabit kami ng letter-cuttings at balloons para sa birthday ni Sir Vic. Nakatakda ngayong araw ang salusalo, pero bago iyon, nakausap ko sa Guidance's Office ang tatay ng estudyante kong inuwi sa Quezon. Pinadlahan namin ng request form para sa Form 137.Pagbalik ko sa classroom, nahighblood ako sa inabutan ko. Ang gulo ng klase ko. Inalimura ko sila. Narinig pa tuloy ni Ma'am Mercy.Iyon na ang huli kong pagalit.Mabuti, nakakain ako nang husto. Hindi pa rin sila ang mood ko.Hindi ko nga lang talaga kayang itake ang mga ugali ng VI-Love. Walang disiplina. Walang respeto. Manhid. Pekeng plastic.After workout, umuwi agad ako.Isang good news ang natanggap ko mula kay Ma'am Nhanie. Ready na kasi ng royalty fee namin sa publishing. Ang kaso, hindi siya puwede kasi nasa NSPC siya. Sa March 17 na lang daw. Half-disappointed ako and half-thankful. Thankful ako kasi, sa wakas, natatanggap ko na ang kauna-unahang royalty ko sa tagal ko bilang writer. Marso 7, 2020 Mas nauna pa akong nagising kaysa sa mag-ina. Before 4, mulat na ako. Ginising ko na si Emily para maghanda sa pag-alis ni Zillion. May field trip sila. Binigyan ko na lang din siya ng P1000 para masamahan ang anak namin. Kawawa naman kung hindi man lang mapiktyuran.Natulog uli ako pag-alis nila. Past 7:30 na ako bumangon para mag-almusal. Pagkatapos magpahinga, nagbanlaw ako ng mga winashing niya kahapon. Tinapos ko rin ng mga de-kolor.Isiningit-singit ko ang paglilinis sa kuwarto at hagdan. Nagtanggal lang ako ng alikabok.Past 10 na ako natapos. Then, after magdilig at magpaligo sa aso, sinubukan ko uling buksan ng laptop ko. Wala na talaga! Ayaw nang magpower on. Natuluyan na. Paano na kaya ng thesis ko?!After lunch, gumawa ako ng vlog tungkol sa pagdedealer sa First Vita Plus. Gabi ko na iyon naipost. Nagdeliver kasi ako ng halamang binenta ko---dalawang Globe Amaranth. Natagalan ako sa kahahanap ng bahay niyon. Iyon pala, nakita ko na. Bumalik tuloy ako.Past 11 na dumating ang mag-ina ko. Hindi na ko nakipagkuwentuhan sa kanila. Antok na rin ako. Marso 8, 2020 Past 8:30 nasa biyahe na ako patungo sa Elijah Christian Fellowship. Before 10:30 naroon na ako.Medyo nailang na naman ako. Mabuti na lang, nagsimula agad ang service. Hinanap nga nila ang mag-ina ko.Kinausap ko sandali si Sir Jeff bago ako naglunch sa third floor, kasama ang ibang church member, like Sister Tina.Nakakuwentuhan ko siya kahit paano bago ako nagpaalam na umuwi.Sa GES ako dumiretso. Nagdilig ako roon ng mga halaman. May sisiw na ang pugad sa hanging plant ko. Noong Friday, itlog pa lang iyon. Natuwa ako. Kinuhaan ko pa ng video para sa vlog ko.After niyon, nagsulat akong details sa Form 137. Natapos ko naman kaagad kaya sa PITX na ako tumambay. Nagmeryenda ako ng burger at fries doon saka nag-FB bago umuwi.Six na ako nauwi. Pagod na pagod ako dahil sa init, pero hindi naman ako iritable. Maayos naman akong nakitungo sa aking mag-ina. Marso 9, 2020 Mag-aalas-9 na ako nakarating sa school. Natrapik ako. Kapag talaga may araw na akong nakakalabas sa bahay, 3 hours ang biyahe. Although flexitime naman kami ngayon kasi walang klase ang mga estudyante, feeling ko, late pa rin ako. Naroon na nga ang mga kasamahan ko.Nagmop ako sa classroom ko. Hindi ko na nga lang naisaayos o naibalik ang mga upuan. Nakakapagod kasi. Sobrang init.Past 12, umalis na ako sa school. After maglunch sa karinderyang malapit doon, pumunta na ako sa PITX para umidlip. Kahit paano, nakaidlip ako. Past 2:30 na ako nakapag-chest workout.Maaga rin akong nakauwi. Ako na nga ng nagdilig ng mga halaman. Marso 10, 2020 Maagang umalis ng mag-ina ko para dumalo sa training ng First Vita Plus, kung saan speaker si Ma'am Rich. Natulog uli ako. Up-to-sawa. Napuyat kasi ako kagabi.Before 10:30, nasa school na ako. Kakaunti lang kami roon. Nagkuwentuhan lang habang naghihintay na makompleto ang 3 hours. Nakapagdilig din ako ng mga halaman, na siyang pinakasadya ko roon.Past one, kumain kami nina Papang, Ate Bel, at Gracia sa Car Wash. Nagkuwentuhan din kami habang nagbabanana con yelo. Before 4, umalis na ako sa GES.Nag-internet muna ako sa PITX bago nagworkout. Past 7 na ako nakabiyahe pauwi. Wala pa sina Emily. Past 8 na iyon. Nakapagdilig na ako ng mga halaman, nang dumating sila. Tuwang-tuwa ai Emily sa unang income niya sa negosyo namin. Marso 11, 2020 Nagpalate ako ng gising dahil late na ako natulog kagabi. Ang sarap humilata.Habang nag-aalmusal kami, may good news na dumating sa amin. Bibili uli ng tatlong sachets ang kachoir ni Emily na si Vince. Epektibo sa kanyang UTI ang Melon Gold, kaya itutuloy-tuloy na raw niya. Isa siya sa mga prospects kong isama sa Sizzle.Naggardening ako pagkatapos mag-almusal. Napaganda ko ang harapan namin. Inilipat ko ang mga halaman. Pinagsama-sama ko ang mga halamang pambenta.Past two, dumating si Ma'am Jenny para turuan kami sa business. Past six na siya nakauwi. Sa kanya naubos ng oras namin. Okay lang naman. Para naman kasi iyon sa negosyo namin. Marso 12, 2020 Past 12, bumiyahe ako patungo sa school para magdilig ng mga halaman ko roon.Nagworkout na rin ako pagkatapos. Mga 8 na ako nakauwi. Natulungan ko pa ang kaklase ko sa thesis, na gawin ang tally sheet niya. Marso 13, 2020 Masakit pala sa katawan ang late na paggising. Magnanine o'clock na kasi ako bumangon. Parang hindi ako sanay. Anyways, nag-stay lang kami sa bahay maghapon. Nag-FVP si Emily. Ako naman, nagluto, nagdilig, nagsulat, at umidlip.Kahit mainit sa kuwarto ko, nakatulog pa rin ako. Binuksan ko lang amg mga bintana. Siyempre, may electric fan.Gabi, nanood kami ng Lion King. Ang ganda! Then, nagplay ako ng karaoke. Ang sarap kumanta kahit walang mic. Marso 14, 2020 Past 8, bumiyahe ako patungo sa Pasay para sa advanced birthday celebration ni Ma'am Edith. Tatlo lang kami. Si Ma'am Joan at ako lang ang nakarating. May sakit si Papang. May lakad si Ma'am Bel. Hindi nagreply si Ma'am Divine. Okay lang naman. Masaya naman kaming kumain sa Mang Inasal.Pagkatapos kumain, pumunta kami sa GES. Kinuha nila ang mga printer nila. Ako naman, kinuha ko ang mga Forms137 at 138.Then, sumama ako sa bahay ni Ma'am Joan para magcopy ng mga movies. Mga isang oras o mahigit din akong naghintay para sa pagkopya.Umuwi agad ako pagkatapos. Mga past 4 na ako nakauwi. Nanood agad ako ng pelikula.Bago natulog, nanood din kami. Past 11 na kami nakaakyat para matulog. Ang sarap pala ng may community quarantine. Lolz. Marso 15, 2020 Hindi kami nagsimba para makaiwas sa CoViD-19. Nanood na lang kami ng pelikula.Hapon, nahighblood ako sa magulang ng dati kong estudyante na si Stephen, na kapatid ng nagchat sa akin ng common sense na tanong. Feeling ko inaaway niya ako, kaya pinagsalitaan ko siya. Pagkatapos niyon, blinock ko silang mag-ina.Nakapagpost tuloy ako at nakapaglabas ng saloobin. Wala naman kasing sintido-kumon. Parang hindi nanood ng balita. Parang sanggol na walang muwang sa nangyayari sa paligid. Kailangan pa bang itanong kung may pasok bukas? Susme! Ngpapanic na ang iba, sila naman, pagpasok pa ang mahalaga. May order na ng community quarantine, exam pa ang mahalaga. Noong may pasok, ayaw magsipasok. Ayaw pahalagahan ng edukasyon. Ngayon may epidemic, kay sisipag na. Leche! Nakakanginig ng laman!Mabuti na lang, nagchat si Ma'am Joann. Napag-usapan namin ang tungkol sa royalty fee. Kinilig akong bigla. Nawala ang high blood ko. Marso 16, 2020 Samot-saring reaksiyon ang inabot ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng Community Quarantine sa Metro Manila. Nakita ko naman sa Facebook at balita na nahirapan nga ang mga commuters. Mas lalong humaba ang trapiko. Mas lalong nagkaroon ng mass gathering dahil sa tagal at bagal ng pagkuha ng temperature at paghahanap ng ID.Nainis ako nang sobra. Gayunpaman, naaliw lang ako dahil nagfood trip kaming mag-anak. Nanood ako ng Netflix series. At pagsapit ng gabi, nainis na naman ako dahil nagdeklara na naman ang pangulo ng Enhanced Community Quarantine, kung saan bawal na ang mass transporation. Bukas pa naman ang schedule ng pagkuha namin ng royalty fee sa St. Bernadette Publishing. Antagal kong hinintay iyon, pero napurnada na naman. Ayaw pa naman ni Ma'am Nhanie na makipagsapalaran. Takot siya. Game pa namn sana kaming bumiyahe ni Ma'am Joann, anoman ang mangyari.Wala kaming nagawa.Disappointed ako. Akala ko pa naman, makakahawak na ako ng malaking pera. Kailangan ko pa namang bumili ng laptop. Marso 17, 2020 Masaya naman akong bumangon kahit disppointed kagabi. Kinukuha na ni Ma'am Nhanie ang bank account number namin. Pumayag na ang publishing na ideposit na lang ang royalty fee namin. Bago ako bumangon, naisend ko na.Before 10, pumunta na ako sa banko para magwithdraw. Advanced ang sahod namin.Ipinalit ko na rin sa Securiy Bank ang dalawang tseke ko sa First Vita Plus.Pagdating ko, nagfood trip kami. Nanood kami ng pelikula. Hapon, nagkaraoke kami.Ang sarap talaga ang nakaquarantine. Marso18, 2020 Napasarap ang tulog ko. Masarap din ang gising ko, kaya maghapon akong masaya. Nakagawa ako ng mga forms. Nakapagmovie marathon. Nagfood trip kaming mag-anak. Wala nga lang tulog sa hapon. Okay lang naman. Safe naman kmi.Lumabas man ang mag-ina ko bandang hapon, I know, safe pa rin sila. Pinaghugas ko agad ng kamay pagdating.Nawindang lang kami sa announcement na may isang positibo na taga-Tanza. Mas kailangan pa naming maging maingat. Babawasan na ang paglabas. Sana lang mas tumagal pa ang stock naming pagkain.Bumili na lang sa online ng mga kailangan. Marso 19, 2020 Pagbangon ko para mag-almusal, nalungkot ako. Walang almusal. Hindi pa rin nag-almusal ng mag-ina ko dahil wala na kaming stock. Wala na ring nagtitinda sa online. Ayaw na ring magdeliver ng iba dahil sa takot sa CoViD.Nagkape na lang ako. Eleven na nang magutom ako, kaya nagbrunch ako. Mabuti may natirang ulam kagabi. Pagkatapos, nagluto agad ako. Then, umidlip ako pagkatapos magluto. Paggising ko, saka ako naglate lunch.Nanood uli kami ng pelikula. Ang ganda. Giyera. Meryenda. Biscuits lang at saka kape. Pagkatapos magmeryenda, ako na ang lumabas para mamalengke. Marami naman palang tao sa labas. Parang normal na araw lang. Ang pinagkaiba lang, may mga suot na face mask ng karamihan.Natatakot din naman ako kahit paano. Ayaw kong mahawaan kaya nag-ingat ako. Naghugas agad ako pagdating.Wala pa ring balita tungkol sa royalty fee. Naiinip na kami ni Ma'am Joann. Gusto na niyang makatulong sa iba--sa mga kamag-anak at mga frontliners. Ako naman, gusto kong mapaoperahan si Mama. Marso 20, 2020 Gardening ang ginawa ko pagkatapos mag-almusal. Tinulungan ko ring magsampay si Emily.After lunch, umidlip kami. Hindi nga lang makaidlip nang maigi dahil maingay si Zillion. Nagluto na lang ako ng camote que. Nanood na lang kami ni Emily ng pelikula pagkatapos magmeryenda. Nanood uli kami ng dalawa pang pelikula pagkatapos ng balita. Magkakarugtong pala ang napanood namin. Nauna lang ang dapat huli. At nahuli ang dapat na nauna.Ang ganda! Worth it ang pagpupuyat ko. Marso 21, 2020 Hindi ako nanood ng pelikula ngayon, maliban sa pelikula sa ABS-CBN. Hindi na kasi magaganda ang natitirang pelikula na nilagay sa flash drive ko ni Kuya Allan. At halos, napanood na naming lahat. Ang haba pa ng ECQ. Wala pa sa kalahating buwan.Nagsulat na lang ako. Umaga, natapos ko ang isang chapter ng nobela ko. Gabi, nasimulan mo ang karugtong na chapter. Hindi ko nga lang maharap-harap kasi kailangan kong magluto. Magdilig. Umidlip. Namalengke rin ako bago mag-4 PM. Past five na ako nakauwi. Kahit paano, nakapamili ako ng pantatlong araw. Walang mabiling isdang sariwa. Gulay at karne na lang ang binili ko. Nakakapraning itong CoViD Outbreak. Apektado na ang pamumuhay ng bawat tao. Sana matapos na ito bago pa mag-isang buwan. Ang hirap, e. Kailangan pang may ECQ pass para payagang makalabas sa subdivision. Parang wala nang kalayaan. Marso 22, 2020 Pagkatapos naming mag-almusal, nagdisinfect ako ng kuwarto ko. Pinunasan ko ang sliding window. Nagpunas na rin ako sa hagdanan. Then, hinarap ko naman ang paggawa ng grades. Natapos iyon mananghalian. Si Emily na ang pinagluto ko. Ngayong araw, nakagawa ako ng tatlong vlogs. Ang dalawa roon ay reading aloud ng mga kuwento ni Ma'am Joann. Nakatatlo na akong kuwento niya. Bukas naman ng isa pa. Nagawa ko ring vlog ang Solar System song na nirecord ni Zillion. Past 5:30, nagcut ako ng mga dahon ng mga balete bonsai ko. Kahit paano, napaganda ko ang mga iyon. Hindi ako naiinip sa ECQ. Mas marami pa nga akong gustong gawin. Pero, hindi ko naman gustong lumala ang outbreak ng CoViD-19. Gusto kong matapos na kaagad ito. Napakaraming nahihirapan. Marso 23, 2020 Medyo nahihirapan akong matulog nang mahimbing. Kagabi nga, parang hindi naman ako natulog. Pabaling-baling ako, pero andami kong panaginip. Paggising ko, parang pagod na pagod ako. Gayunpaman, nauna pa rin akong bumangon kaysa kay Emily. Mabuti pa siya, nagagawa niyang matulog nang matagal kahit halos pareho naman kami ng oras ng tulog. Hindi naman ako nangangamba sa health ko. May FVP kaya ako. Then, hindi ako stress, gaya noong may klase at araw-araw akong bumibiyahe. Maaga akong naglito ng lunch upang magawa ko nang maaga ang mga forms. Naienter ko na ang mga grades ng pupils ko sa LIS. Sa Form 137 na lang ang problema mo, lalo na sa original copies. Ilang araw pa, tapos ko na halos, maliban sa iilang problema ko, like tranferrees at nawawalang forms. Ngayong araw, naadik kami ni Emily aa series na "Lacasa de Papel" o "Money Heist." Inabot nga kami ng past 11 ng gabi sa kanood. Balita lang ang pinanood naman sa TV. Haist! Sana mas marami pang series at movies kaming mapanood. Nakapagsulat din uli ako ngayong araw. Nakapagvlog din ako. Natapos ko na lahat ng kuwento ni Ma'am Joann. Bukas, baka makapagsulat ako ng kuwentong pambata. Nainspire ako ni Zillion. Nagsulat siya kanina ng kuwento, after niyang buklatin ang comics. Marso 24, 2020 Hindi ko na binibilang kung ilang araw na ang lumipas, simula nang ideklara ng Pangulo ang (Enhanced) Community Quarantine dahil sa CoViD-19 Pandemic. Basta ineenjoy ko na lang ang bawat paggising at ang bawat maghapon. Ginagawa ko ang Form 137. Nagagardening ako. Nagluluto ng pagkain namin. Nanonood kami ng Netflix series. Sa ngayon, thankful ako dahil hindi ko ramdam ang nararamdaman at nararanasan ng iba, na kailangan pang kumahig para may makain. Thanks, God, I'm a teacher. May sahod ako kahit walang asok. Kaya kong iprovide ng pangangailangan naming mag-anak. Gayunpaman, hinihiling ko sa Diyos na maging normal na ng lahat. Marami nang natutuhan ang mga tao sa pangyayaring ito. Kapag normal na uli ang sitwasyon, sana iwasan nang maulit ito. Magbago na. Dahil din sa pangyayaring ito, nanumbalik ng pagiging movie fan ko. Naalala ko dati... Kailangan pang magbayad para lang makapanood ng Betamax. Kailangan ko pang magbenta ng niyog o bataw o kung ano-ano para may pambayad at pambili ng kutkutin sa loob. Eleven-thirty na. Katatapos lang naming manood ng 'Lacasa de Papel.' Nakakaadik. Nakakasabik. Marso 25, 2020 Hindi muna ako gumawa ng Form 137. Mahaba pa naman ng ECQ. Naadik ako sa 'La Casa de Papel,' gayundin si Emily. Tinapos namin ngayong araw. Nasimulan namin ang Part 2. Then, gabi, naidraft ko ang kuwentong pambata na 'Si Niknok, Tiktok nang Tiktok.' Hindi ko natapos itype, after kong mai-rough draft kasi nanood kami uli ng 'Money Heist.' Marso 26, 2020 Hapon na kami nakapanood ng 'La Casa de Papel Season 2' kasi namalengke ako bandang 10 am. Nagdilig ng halaman pagdating ko. Nagluto. Naligo. At nagsulat sa Form 137. Naiinis lang ako kasi andaming nawawalang original copies ng F137. Ang hinala ko, nakay Sir Vic o ibang sports trainer. Puro kasi athlete ang may-ari ng mga nawawala. Nakakainis talaga kapag nagkakaproblema ko sa forms. Hassle. Anyways, feeling fulfilled ako ngayong araw. Nakapagluto ako ng ginatang halo-halo para sa meryenda at nakapagsulat ako ng draft ng isa na namang kuwentong pambata. Dalawa nga lang ang hindi ko nagawa--ang gumawa ng vlog at mag-update ng wattpad story. Bukas, maglalaba ako ng mga damit ko. Sisikapin ko ring magawa ang mga hindi ko nagawa ngayon. Tuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng mga positibo sa CoViD-19, gayundin ang PUMs at PUIs. Patuloy rin kaming nag-iingat at umaasang malalampasan ng bawat isa ng pandemic na ito.

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...