Followers

Friday, March 27, 2020

Laging Gutom na Gutom si Rustom

Gutom na guton na naman si Rustom nang umuwi siya mula sa paaralan.

Nagtataka na naman ang kaniyang ina dahil naubos niya ang dalawang hiwa ng pritong manok at tatlong tasa ng kanin. Kumain pa siya ng tatlong pandesal at dalawang hinog na latundan.

"Rustom, bakit andami mo na namang kinain ngayon?" tanong ng ina.

Dumighay muna si Rustom, pagkatapos uminom ng tubig.

"Napagod lang po ako sa mga gawain sa eskuwela," paliwanag ni Rustom.

Kinabukasan, umuwi na namang gutom na gutom si Rustom. Andami na naman niyang nakain.

"Rustom, hindi kaya maimpatso ka niyan?" tanong ng ina.

"Hindi po. Gusto ko pa nga po sanang humingi ng sabaw."

"Sige, bibigyan kita, pero sagutin mo muna ang tanong ko... Bakit lagi kang gutom na gutom? Pinag-aalmusal at pinababaunan naman kita, ah."

"Mama, nakakagutom po talaga sa eskuwela. Gumagana po ang katawan at utak ko... Nag-iisip. Nagsusulat. Nakikipagtalakayan. May mga pangkatang gawain din po kami."

Parang hindi kumbinsido ang nanay ni Rustom.

"Bakit po, Mama? Wala na po ba tayong pambili ng pagkain? Wala na po bang trabaho si Papa?"

Ngumiti muna ang ina, bago nagpaliwanag.

"May trabaho pa ang papa mo. Nagtataka lang ako. Simula pa noong nakaraang linggo ka laging gutom na gutom tuwing galing ka sa paaralan."

Napaisip bigla si Rustom. Gusto na niyang sabihin ang totoo.

"Siguro may bully kang kaklase, ano? Kinukuha pa niya palagi ang baon mo?" usisa ng ina.

"Naku, hindi po! Wala pong nambu-bully sa akin."

“E, ano pala? Hindi na ako naniniwala sa mga dahilan mo, Rustom."

"Mama, lumalaki na po kasi ako," kinakabahang sagot ni Rustom. Hindi siya sigurado kung maniniwala pa ang kaniyang ina.

Tiningnan ng ina si Rustom. Pinisil-pisil pa nito ang mga pisngi at mga braso niya.

"Ay, oo nga pala!" Bakit hindi ko agad naisip iyon?!"

Natawa silang mag-ina. Lihim na nakahinga nang maluwag si Rustom.

"Sige, Anak, bukas, dodoblehin ko ang baon mo."

"Yehey! Salamat po, Mama!"

Kinabukasan, naghanda ang ina ni Rustom ng dalawang tuna sandwich, dalawang nilagang itlog, dalawang dalandan, at dalawang bote ng tubig.

"Anak, ubusin mo itong mga baon mo, ha? Tandaan mo, maraming taong nagugutom sa kalye."

Napatingin muna si Rustom sa ina bago siya sumagot. "Opo, Mama."

Natutuwa siyang lumabas ng bahay. Hindi niya namalayang sinundan siya ng ina.

Sa tabi ng mataas na pader, huminto si Rustom.

"Magandang umaga po, Lola Carmen! Kain na po kayo." Inabot ni Rustom ang isang tuna sandwich, isang nilagang itlog, isang dalandan, at isang bote ng tubig. "Tig-iisa na po tayo palagi."

Maluha-luha sa tuwa si Lola Carmen. "Maraming salamat, Rustom. Napakabuti mong bata."

"Walang anoman po! Paalam po! Bukas po uli."

Masayang pumasok si Rustom sa paaralan. Masaya rin siyang umuwi, pero nagtataka na naman siya dahil nakakurba ang mga kilay ng kaniyang ina at nakapamaywang pa.

"Hindi ka nagsasabi nang totoo," sabi ng ina.

Kinabahan agad si Rustom. "Po?"

Nawala lang ang kaba niya nang ngumiti ang kaniyang ina.

"Hindi mo sinabing ibinibigay mo pala kay Lola Carmen ang baon mo."

"Po?"

Inakbayan ng ina si Rustom at pumasok na sila.

"Kinupkop ko si Lola Carmen. Dito muna siya sa atin habang hindi pa natin nahahanap ang pamilya niya," sabi ng ina

"Talaga po? Salamat po, Mama!" Napayakap siya sa kaniyang ina. "Sorry po kung nagsinungaling po ako sa inyo."

"Masama ang magsinungaling, pero dahil tinutulungan mo naman si Lola Carmen, pinatatawad na kita. Sa susunod, magsabi ka kaagad, ha?"

"Opo, pangako po." Itinaas niya ang kaniyang kanang kamay at kinindatan pa niya si Lola Carmen. 

 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...