Followers
Wednesday, March 25, 2020
Si Niknok, Tiktok nang Tiktok
"Itigil mo 'yan, Niknok!" sigaw ng ina. "Tiktok ka na naman nang Tiktok? Buksan mo ang pinto at ibalik mo sa akin ang cell phone ko!"
"Sandali lang po... Maa-upload na po."
Nang na-upload na ang video niya sa Tiktok, lumabas na siya at isinauli ang cell phone sa ina.
Piningot ng ina si Niknok.
"Ilang beses ba kitang pagsasabihan, na itigil mo ang pagtitiktok mo, ha? Magbasa ka na lang habang walang pasok."
"Tiktok na po ang uso ngayon."
"Hindi lahat ng uso ay nakabubuti sa 'yo. Hala, sige! Simula ngayon, bawal ka nang gumamit nito, ha?"
Hindi kumibo si Niknok. Tiningnan niya lamang ang ina.
Maghapong malungkot si Niknok. Hindi kasi kompleto ang araw niya kapag hindi siya nakagagawa ng video para sa Tiktok. Nanood na lang siya ng cartoons sa telebisyon.
"Manood na tayo ng balita, Niknok. Ilipat mo na iyan," utos ng ama. "Alamin natin kung ano na ang lagay ng Coronavirus sa ating bansa."
"Sige po, pero pahiram po ako ng cell phone."
Narinig iyon ng ina, na kasalukuyang nagluluto.
"Huwag mong pahiramin iyan. Magtitiktok lang iyan," galit na sabi ng ina.
"Ano bang masama sa Tiktok?" mahinahong tanong ng ama.
"Nagiging katawa-tawa siya. Sumasayaw. Nag-iiba ang boses at mukha. Umaarte. Kumakanta. At kung ano-ano pa," paliwanag ng ina.
"E, maganda pala ang Tiktok dahil nahahasa ang talento ng bata."
"Basta! Ayaw kong magtiktok siya. Huwag mo siyang pagagamitin ng cell phone mo."
Malungkot na tiningnan ng ama si Niknok.
"Manood na lang tayo ng balita, Anak," utos pa ng ama.
Inilipat ni Niknok ang channel at nilakasan niya ang volume niyon. Pagkatapos, pumasok na siya sa kuwarto at nagmukmok.
Mula sa kuwarto, naririnig ni Niknok ang balita.
"Ilang mga kabataan ang hinuli sa Barangay Mabini dahil sa paglabag sa curfew."
"Gusto mo bang ipahiram ko ito sa 'yo?"
Nagulat si Niknok sa ama.
"Po? Opo, gusto ko po."
"Sige, pero ipaliwanag mo muna sa akin kung ano ang Tiktok, para saan ba ito, at bakit mo ito kailangan."
Ngumiti muna si Niknok bago nagpaliwanag.
"Ang Tiktok ay isang social media. Ginagamit ito upang magpahayag, magpakita ng talento, magpangiti, at magbigay ng inspirasyon sa kapwa. Kailangan ko ito ngayong patuloy na lumalaganap sa mundo ang Coronavirus. Sa halip na lumabas ako, magtiktok na lang po ako."
Blangko ang mukha ng ama ni Niknok.
"Pahihiramin n'yo po ba ako?" tanong ni Niknok.
"Pag-iisipan ko... at kakausapin ko ang Mama mo."
"Po? Huwag na po. Hindi naman po papayag iyon."
Inakbayan siya ng ama. "Wala ka bang tiwala kay Papa?"
Sinulyapan ni Niknok ang ama. "Meron po."
Nginitian siya ng ama at ginulo ang kaniyang buhok.
"Bukas, malalaman mo ang sagot ng Mama mo. Kaya, pag-isipan mo na ang konsepto ng video mo. "
"Opo."
"Halika... Manood na tayo ng balita." Inakbayan ng ama si Niknok habang palabas sila sa kuwarto.
"Naragdagan na naman ang bilang ng positibo sa Coronavirus. Narito ang ulat mula kay Mario Marangal," sabi ng anchor sa telebisyon.
Nalungkot si Niknok sa narinig sa balita, pero napangiti rin siya. May pumasok na ideya sa utak niya.
Kinabukasan, tuwang-tuwang tinanggap ni Niknok ang cell phone ng ama.
"Galingan mo, Niknok, para matuwa na ang Mama mo sa Tiktok."
"Opo, Papa."
Agad na gumawa si Niknok ng mga video.
Sa kanilang bakuran, kumanta siya. Nakasuot siya ng facemask.
Sa kusina, sumayaw at kumanta siya habang nagsasabon at naghuhugas ng kamay.
Sa hapag kainan, nagsasalita siya habang kumakain ng gulay at prutas.
Kinuhaan din niya ng larawan ang kaniyang mga magulang habang may kani-kaniya itong binabasa sa magkahiwalay na puwesto.
Umaarte rin siya na parang doktor, nars, sundalo, at iba pa.
Pagkatapos niyon, naglaan siya oras para makabuo ng isang video mula sa pinagsama-samang video.
"Papa, salamat po!" Isinauli na ni Niknok ang cell phone ng ama. "Mama, salamat din po sa pagpayag ninyo!"
"Walang anoman!" magkasabay na sagot ng mga magulang ni Niknok.
Bumalik na si Niknok sa kuwarto. Alam niyang panonoorin ng mga magulang niya ang Tiktok niya.
Lihim na naluha sa tuwa ang mga magulang ni Niknok.
"I-share natin sa Facebook," sabi ng ama.
Pagkatapos, pinuntahan ng mag-asawa ang kanilang anak.
Sa kuwarto, nahihiyang humarap si Niknok sa mga magulang.
"Anak, maganda ang Tiktok mo," papuri ng ama. "Proud na proud kami sa 'yo ng Mama mo."
"Isama mo naman kami sa susunod mong Tiktok... Kaya rin naming... sumayaw, kumanta, at umarte," biro ng ina.
Nagtawanan ang mag-anak at nag-finger heart pa sila, bilang pagsunod sa physical at social distancing.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment