"Ang damot mo naman!" Iyan ang madalas na sinasabi kay Agot kapag may nanghihiram o may nanghihingi sa kanya.
Sa eskuwela, kilala siya bilang si Agot Maramot.
"Pahiram naman ng lapis," sabi ni Maris."
"Ayaw ko nga. Dapat hindi ka burara."
"Andami mo namang lapis, e."
"Kahit na." Itinago na ni Agot ang ibang lapis niya.
"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"
"Agot, puwede ko bang mahiram ang pantasa mo?" tanong ni Hero.
"Ayoko! Bumili ka kasi ng sa `yo!" singhal niya.
"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"
"Pahiram naman ng pambura," sabi ni Dessa.
"Ayaw ko nga! Ulitin mo na lang kaya."
"Sandali lang naman."
"Istorbo ka lang!" singhal niya.
"Ang damot mo, Agot!"
"Pahingi naman ng isang papel," bulong ni Noel.
"Bakit? May pinatago ka bang papel sa akin?"
"Kaya nga nanghihingi ako. Babayaran ko na lang bukas."
"Binili ito ng nanay ko, kaya tumigil ka."
"Napakaramot mo talaga."
"Pahiram naman ng gunting," sabi ni Quintin.
"Ginagamit ko, `di ba?"
"Sandali lang."
"Ayaw ko. Baka hindi mo pa isauli."
"Ang damot-damot mo naman!"
"Puwede ba akong makigamit ng pangkulay mo?" tanong ni Nicolai.
"Hindi puwede! Magpabili ka kasi sa nanay mo."
"Ang damot mo na nga, ang taray mo pa!"
"Pahiram naman ng ruler," sabi ni Jester.
"Wala! Wala akong ruler!"
"Nakita kita kanina, gumamit ka."
"E, ano'ng pakialam mo?"
"Wala naman, Agot Maramot!"
Kahit sa mga kapatid niya, maramot si Agot.
Walang sinuman ang nakagagamit ng mga gamit niya. Hindi rin siya namimigay ng mga bagay o pagkaing meron siya.
"Ate Agot, hingi ako... kendi," sabi ng kapatid niyang bunso.
Agad niyang itinago ang kendi, na gusto sana niyang kainin.
"Wala... Walang kendi, Aga. Wala!"
"Tinago mo." Hinanap pa ng kapatid ang kendi sa bulsa ng ate niya.
"Wala nga!" singhal niya. Tinabig pa niya ang kamay ni Aga, saka tumakbo palayo. Hinayaan niyang umiyak ang kapatid niya.
"Agot, pahingi nga ng isang goma. Ipantatali ko lang sa buhok ko," sabi ng ate niya.
"Ayaw ko, Ate Aiko. Magkukulang na ito kapag binawasan ko. Nakabuhol na, o."
"Ang damot mo!"
"Pahiram naman ng diksyunaryo mo. May titingnan lang ako," sabi ni Kuya Arjo.
"Ano bang salita ang titingnan mo? Ako na ang maghahanap para sa `yo?"
"Basta! Ako na lang ang maghahanap. Pahiram na."
"Kay Ate Aiko ka na lang manghiram. Gagamitin ko rin, e."
"Hay, naku! Ganyan ka talaga karamot!"
Ang masama pa, pati ang kanyang ina at ama ay pinagdadamutan niya.
"Agot, manood naman tayo ng balita," sabi ng ama.
"Huwag na po, Pa. Nanonood pa ako ng palabas na pambata."
"Kanina ka pa naman nanonood, e. Ako, kararating ko lang."
"Kahit na po. Nauna naman po ako rito."
Napangiwi na lang ang ama.
"Anak, hiramin ko muna ang ipon mo. Ipambabayad muna natin sa kuryente," sabi ng ina.
Kumawag-kawag si Agot, saka sumimangot.
"Ipon ko nga po iyon, e," sabi niya.
"Ibabalik ko naman agad."
"Ayaw ko, 'Ma."
Walang nagawa ang ina.
Kung nagagawa ngang pagdamutan ni Agot ang mga kapatid at mga magulang, kayang-kaya niyang gawin ito sa hindi niya kilala.
Isang umaga, nakasalubong niya ang babaeng matanda.
"Bata, pahingi naman ng barya. Ipandadagdag ko lang sa pambili ko ng tinapay," sabi ng lola.
"Hay, naku! Hindi nga kita kilala! Kadiri ka!"
"Hindi ka lang maramot, mapangmata ka pa! Sana makatanggap ka ng parusa."
Ginaya-gaya pa niya ang akto ng matanda., saka lumayo na siya.
Sa klase, nagturo na ang gurong tagapayo. Matamang nakikinig si Agot at ang mga kaklase niya.
"Ang aralin natin ngayon sa GMRC ay pagiging mapagbigay. Ikaw, Agot, masasabi mo bang mapagbigay ka?"
Nagdadalawang-isip na tumayo si Agot.
"Opo!" sagot ni Agot. Agad din siyang umupo.
Pinagtawanan siya ng mga kaklase.
"Sinungaling po siya, Ma'am! Hindi po siya mapagbigay. Maramot po siya," sabi ni Mara.
"Opo, Ma'am!" sang-ayon ng karamihan.
"Agot Maramot!" sigaw ng lahat. "Agot Maramot!"
"Tumigil kayo!" sigaw ng guro.
Nagpaalam si Agot na lalabas ng silid-aralan. Pinayagan naman siya ng guro. Pero, hindi siya agad na bumalik.
Pagbalik niya, may ginagawa na ang mga kaklase niya.
"Noel, anong gagawin?" tanong niya.
"Ewan ko! Kay Ma'am ka magtanong."
Nagmasid siya. May idodrowing lang pala.
"Ang dadamot niyo rin. Akala niyo hindi ko kayang gawin?" bulong niya.
Hinanap niya ang kanyang bag sa ilalim ng upuan niya at sa ilalim ng upuan ng kanyang katabi.
Gusto na niyang magsumbong sa guro, nang maaalala niyang nakalimutan pala niya. Kaya, nanghiram at nanghingi siya ng mga kagamitan sa mga kaklase niya.
"Maris, pahiram ng lapis."
"Jester, pahingi ng bond paper."
"Quintin, pahiram ng gunting."
"Nicolai, pahiram ng pangkulay."
Lahat hiningian at hiniraman niya, pero pare-pareho ang sagot nila.
"Ayaw ko!"
Walang naipasang slogan si Agot, kaya wala siyang maisagot.
"Sorry po, Ma'am. Hindi na po mauulit," sabi niya.
"Okay! Narito ang pinakamagandang slogan. Babasahin ko. Gawa ito ni Mara... Ang pagiging maramot ay tulad ng sakit na walang gamot... Palakpakan natin si Mara!"
Nabingi si Agot sa palakpakan. Lalo siyang nainis sa kanyang mga kamag-aral. Pati tuloy ang kanyang guro ay hindi na niya pinakinggan.
"Maliwanag ba?"
"Opo!" sagot ng lahat, maliban sa kanya.
Mabilis na lumabas si Agot nang uwian na. Gusto niyang iwasan ang mga kaklase niya. Pero, hindi niya alam, sinundan pala siya ni Mara.
"Bakit mo ako sinusundan, Mara?" singhal niya.
"Gusto ko lang sanang sabihin sa `yo na nagbigay ng takdang-aralin si Ma'am."
"Ha? Meron ba? Ano ba ang takda?"
"Heto, o. Isinulat ko na." Inabot ni Mara kay Agot ang isang papel, saka tumakbo na siya.
Pag-uwi ni Agot, nakita niya ang ina na nakasimangot. Gusto sana niyang humingi ng pera upang mabili niya ang mga materyales na nakalista.
Naisip niya ang mga ate at kuya niya.
Hihingi na lang siya ng mga kagamitan kay Ate Aiko.
Magpapaturo na lang siyang gumawa ng diorama kay Kuya Arjo.
At hihingi na lang siya sa kanyang ama ng pambili ng iba pang kakailanganin.
Nang nilapitan niya isa-isa, iisa ang sabi nila.
"Hindi ba pinagdamutan mo rin kami?"
Walang nasabi si Agot. Tumalikod na lang siya nang malungkot.
Sinundan naman siya ng ina.
"Anak, halika... Huwag ka nang malungkot."
Saka lang tumulo ang luha ni Agot nang humarap na siya sa ina.
"Hindi maganda ang karamutan, Agot. Kaya sana, maging mapagbigay ka na sa kapwa at sa amin," payo ng ina.
"Mama, wala na po bang gamot ang pagiging maramot?"
Natawa muna ang ina. "Walang gamot, pero puwede kang magbago. Isipin mo na lang na kapag nagbigay ka ay nalulugod sa iyo ang Diyos. Sabi nga, mas mapalad ang nagbibigay kaysa humihingi."
"Opo, 'Ma."
Niyakap siya ng ina.
Simula noon, binawasan na ni Agot ang pagiging maramot. At hindi nagtagal, wala nang tumatawag sa kanya ng 'Agot Maramot.'
No comments:
Post a Comment