Followers

Saturday, March 28, 2020

Darating na si Lolo Victor

Tuwing darating si Lolo Victor para magbakasyon, masayang-masaya ako. Masaya ako kapag kasama ko siya dahil marami akong natututuhan sa kanya.

Kapag may ubo siya o ako, gumagaling kaagad.

"Apo, nasa tahanan lang natin ang lunas sa ubo," sabi ni Lolo Victor.

"Talaga po?" Manghang-mangha ako.

Namitas kami ng dahon ng oregano at dahon ng ampalaya. Kumuha rin kami ng kalamansi at luya. Pagkatapos, tinuruan niya ako sa paghahanda.

"Ang katas ng dahon ng ampalaya o oregano, kapag nilagyan ng pulut-gata at kalamansi ay mainam para sa ubo," paliwanag niya. "Ang pinakuluang luya ay tinatawag na salabat. Nakalulunas din ito sa ubo."

"Puwede rin po bang lagyan ng asukal o pulut-gata ang salabat?" tanong ko.

"Puwede."

Ang galing talaga ni Lolo Victor. Alam niya ang gagawin kapag may sakit siya. Kay sarap tuloy maging nars niya.

Kapag may lagnat siya, alam ko na kaagad ang aking ihahanda.

"Lolo, narito na po ang palangganitang may tubig at bimpo," sabi ko.

"Sige na, Nars, i-cold compress mo na ako," natatawang sabi niya.

Binasa ko kaagad ang bimpo at pinigaan. Pagkatapos, ipinatong ko na iyon sa noo ni Lolo Victor upang humupa ang lagnat niya.

Pagkatapos, pinakain ko siya ng mainit na sopas, na niluto ni Mama.

"Ang galing na nars ng apo ko!" sabi niya sa akin nang gumaling siya.

Masayang-masaya rin ako kapag nagkukuwento siya.

"Alam mo ba, Kobi, na simula noong tinigilan ko ang paninigarilyo, gumanda na ang paghinga ko. Kaya ikaw, huwag na huwag mong susubukan iyon, ha?"

"Naku, hindi po talaga, lalo ngayong alam ko na."

Pero noong nahirapan siyang huminga, inakala kong naninigarilyo na naman siya.

"Naku, hindi ako nanigarilyo, Kobi. Talagang nahihirapan akong huminga ngayon. Maaari mo ba akong tulungan?" sabi ni Lolo Victor.

"Sige po. Masaya pong maging doktor!"

Ipinagtimpla ko siya ng mainit na kape.

Habang iniinom niya iyon, binuksan ko ang mga bintana at pinaypayan ko siya.

"Bumuti-buti na ako, Kobi!"

"Nakabubuti po pala talaga ang kape!"

"Isa pang paraan ay ang paglalakad-lakad. Halika, samahan mo akong maglakad-lakad."

"Sige po... Ako po ang inyong magiging therapist."

Habang naglalakad-lakad kami, tinuro niya rin sa akin ang diaphragmatic breathing.

Pinayuhan niya pa ako. "Maaari mo ring gawin ang steam inhalation. Pagpapasingaw ito, na gumagamit ang mainit na tubig at asin. Dahil makabago na ang mga teknolohiya natin ngayon, may nabibili na ring 'nebulizer.'

Matalino talaga si Lolo Victor, kaya hindi ako naiinip kapag kausap siya. Siya na rin ang madalas kung kalaro kapag nagbabakasyon siya sa amin.

Pero, isang araw, napagod yata siya nang husto sa aming paglalaro.

"Sorry po, Lolo." Nalungkot ako.

Nginitian niya ako. "Saging lang ang katapat nito."

"Talaga po?"

Tumango si Lolo. "Kailangan ko ring magbawas ng timbang at matulog nang walong oras o mahigit. Halika, kain tayo."

Kumain kami ni Lolo Victor ng saging at iba pang mga pagkaing nakita namin sa refrigerator. Sabi niya, kumain lang daw nang madalas kapag nakakaranas ng pagkahapo.

"At siyempre, uminom ng maraming-maraming-maraming tubig," dagdag pa niya.

"Water therapy!"

"Yes! Tama ka. Ang galing-galing mo na talaga!" Nakipag-apir pa siya.

"Ikaw po ang nagturo niyan sa akin, Lolo."

"Ah, ako ba? Nakalimutan ko na... Pero, seryoso ako, nasa tahanan lang natin ang lunas sa halos lahat ng mga karamdaman sa mundo."

Naniniwala ako kay Lolo. Maraming beses ko nang napatunayan ito. Kaya nga noong sumakit ang dibdib niya, alam ko na agad ang gagawin ko.

Pinahiga ko muna siya at binigyan siya ng cold pack, habang inihahanda ko ang hot drink niya.

Ang hot drink ay maaaring kape, salabat, tsaa, tubig na may baking soda, o kahit tubig lang. Nakatatanggal ito ng impatso, na sanhi ng sakit sa dibdib.

Ang saya-saya talaga kapag siya ang aming bisita. Kay sarap matuto at makipag-usap sa kanya.

Gusto ko ngang laging bakasyon para lagi kong kasama si Lolo Victor.

"Kobi, uuwi na ang Lolo Victor mo," malungkot na sabi ng mama ko.

Nagtaka ako. Gusto kong mag-usisa, pero hindi ko nagawa. Umiyak na siya nang umiyak.

"Ano'ng nangyari?" tanong ko kay Ate.

Wala siyang sinabi.

"Papa, may sakit po ba siya? Aalagaan ko po siya. Ako po ang magiging doktor at nars niya."

Walang sagot si Papa, ni isang salita.

Ako rin mismo ang nakadiskubre sa katanungan ko. Kaya pala, ilang araw na silang balisa. Kaya pala, madalas mugto ang mga mata ni Mama.

Nang dumating si Lolo Victor, hindi ako masaya. Iyon na ang pinakamalungkot na pag-uwi niya. Sana hindi na lang siya bumisita. Mas gusto kong alagaan siya kaysa makita ang abo niya.

Hinding-hindi ko makalilimutan si Lolo Victor. Hinding-hindi ko makalilimutan ang mga payo, aral, at kuwento niya. Hinding-hindi ko rin makalilimutan na ang CoViD-19 ang kumitil sa buhay niya.







No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...