Followers
Wednesday, September 9, 2020
Ang Aking Journal -- Agosto 2020
Agosto 1, 2020
Maghapon akong nasa garden.Nakakawili talaga ang paghahalaman lalo na't napagkakakitaan ito. Maganda ring pampawala ang stress at anxiety attack ang pagtatanim at pag-aalaga ng mga halaman.
Agosto 2, 2020
Maaga akong nakarating sa garden shop, pero hindi ako nakabili dahil sarado. Sarado pala sila kapag Sunday. Nasayang ang paglalakad ko. Para lang akong nag-alay-lakad. Inabutan pa nga ako ng ulan sa daan. Mabuti na lang, nagdala ako ng payong.Good thing naman, nakahanap ako sa online ng mabibiling rubber tree. Makatitipid ako. Mabibili ko lang ng P600 ang one foot ng lemon lime. Marami nang sanga, kaya maaari akong makabenta kapag napalago ko. I hope mabuhay at maparami ko. Bukas ng umaga, ide-deliver na sa akin. Wala akong bentang halaman ngayon, pero si Emily, nakabenta ng P400+. Hindi pa rin kami nase-zero. Masaya na kami.
Agosto 3, 2020
Alas-9, umalis si Emily para kunin sa LBC ang bayad ni Ate Shiela sa First Vita Plus na kinuha niya at para mamili na rin ng mga paso at pumunta sa PLDT. Kaya kahit naka-work from home ako, sinamantala ko ang paglilinis sa sala at sa kuwarto ko. Naisaayos ko ang sala set namin. Past 2 nang dumating siya. Naawa ako kasi nalipasan na siya ng gutom. Nakabenta kami ngayon ng P800. Nabili na ang malaking pasong pangmayaman, na worth P700. Wala nga lang akong nabentang halaman. Pero masaya pa rin ako dahil kaninang alas-7 ng umaga, dumating na ang lemon lime rubber tree ko. Satisfied ako kahit hindi pa masyadong maganda ang tubo. Nakamura ako. Nabili ko lang ng P600 ang mahigit 1 foot na rubber tree. Ang maganda sa kanya, andami niyang bagong tubong sanga, na maaari kong maitanim at maibenta.Susunod, bibili pa ako ng ibang variety.Gabi, nag-chat si Ma'am Nhanie. Kinuha niya akong speaker sa webinar tungkol sa pagsulat ng kuwentong pambata. Napilitan akong pumayag dahil ayaw ko siyang ma-disappoint. Tutal, may nakahanda naman akong presentation. Kaunting edit na lang. First time ko mang maging speaker online, sisikapin kong maging effective dahil tiwala siya sa kakayahan ko. Sinabinrin niyang pinoproseso na ng module namin para sa first quarter. Simulan ko na rin daw ang second quarter.At ang pinakamagandang balitang sinabi niya ay pinoproseso na rin daw ang payment sa unang module. Agad kong sinimulan ang paggawa ng presentation. Kahit paano, nagkaroon ako ng inspirasyon nang mabalikan ko ang mga dati kong slides. Kailangan ko lang talagang magkaroon ng internet connection. As soon as possible. Iyon ang hihintayin ni Ma'am Nhanie. Thanks, God, for the blessings!
Agosto 4, 2020
Hinarap ko agad ang laptop ko pagkatapos kong mag-almusal at mag-display ng mga paninda. Alas-10:30 na ako nakapag-join sa online meeting ng mga faculty presidents dahil na-hook ako sa paggawa ng module.Ngayong araw, nakabenta ako ng halaman, na worth P50. Not bad. Ang hina kasi ng internet (data), kaya hindi kami makabuwelo ni Emily. Nasusuklam na rin kami sa PLDT. Talagang isinusumpa na naman ang serbisyo nilang bulok!Hapon, binalitaan ako ni Pastor Ed. Patay na raw si Sir Jeff. Nalungkot ako sa maaga niyang pagpanaw. Pero, okay na rin iyon para hindi na siya magdusa sa sakit.
Agosto 5, 2020
Nagkakape pa lang ako at kagigising lang ng mag-ina ko nang dumating na ang suki namin sa loam soil, paso, at halaman. Nakipagkuwentuhan kami dahil game naman siyang magkipagtalastasan sa amin, lalo na't nakaka-inspire ang kuwento ng buhay niya. Isa siyang breast cancer survivor. Halos sunod-sunod na nagsidatingan ang mga customer. Sumabay pa ang delivery ng paso. Kaya naman, nakabenta kami ngayon ng P1,900 maghapon. Ito na ang pinakamataas naming sales simula nang nagbukas kami ng Plantaholic Garden Store. After dinner na ako nakagawa ng module. Kahit paano ay umuusad na ito.
Agosto 6, 2020
Inspired akong mag-gardening ngayong araw. Nakipagbarter pa nga ako ng mga halaman sa mga kapitbahay. Maghapon, nakabenta ako ng worth P590 na halaman. Si Emily nakabenta rin ng mga paso at loam soil mula sa mga customers at sa akin. Nabenta ang golden pothos at mga snake plants ko ngayon, kaya nakakatuwa talagang magtanim. Pati nga ang katabi naming bahay ay nai-inspired magtanim. Gusto na rin niyang magbenta ng aloe vera at iba pang halaman. Kahit paano, dinarayo na kami ng mga plant enthusiast at collector. Kanina collector ng sanseviera ang namili. Nakahanap siya ng tatlong variety sa garden ko. Nakamura siya sa coppertone. Sobrang saya sa pakiramdam ang napakikinabangan ang hobby. Kahit si Emily ay unti-unti na ring natututo mula sa akin. Nawiwili na rin siyang mag-buy and sell. Sayang, kung may internet lang sana kami.
Agosto 7, 2020
Past 9 na ako nakaalis ng bahay para bumili ng halaman kasi hindi kami nadeliveran ng almusal n inorder pa kagabi. Kaya naman, naabutan ako ng ulan sa kalsada. Antagal kong nagpatila ng ulan. Gayunpaman, sulit naman ang lakad ko kasi nakabili ako ng dalawang klase ng halaman na worth P150 each at tatlong supot ng pumice. Hapon ko na nai-repot ang mga nabilinko kasi umidlip ako pagkatapos kumain. Sobramg pagod ko. Dumating din ang delivery ng concrete pots ko na 2"x2." Another stocks na naman, pero okay lang dahil para talaga iyon sa aking mga cactus and succulents. Wala man akong benta ngayon, masaya naman ako kasi kumita si Emily. May mga benta siya sa paso at sa mantika. Nagkaroon pa siya ng komisyon sa pagbebenta niya ng aloe vera ng kapitbahay.
Agosto 8, 2020
Dahil masama na naman ang panahon, halos wala kaming benta ngayon. Gayunpaman, nag-gardening pa rin ako. Hindi nga lang ako gaanong masaya. Kahit paano ay nakakapagpasaya talaga ang may benta. Nainis lang ako sa mga kasamahan ko sa grade level. Nagkaroon pa ng meeting kahit Sabado. Pinipilit nilang ma-perfect ang online learning. Ang katotohanan naman ay hindi iyon mangyayari dahil sa mahinang internet sa Pilipinas. Ako mismo, hindi makakonekta. Ang serbisyo nga sa amin ng PLDT, hindi maisaayos hanggang ngayon.Naiinis din ako kay Emily. Maghapon siyang nakahiga. May sakit na naman. Apektado ako at anh benta kapag matamlay, mahina, at may sakit siya. Bakit ba lagi na lang siyang ganyan? Ang hina. Ang selan-selan ng katawan.
Agosto 9, 2020
Ngayon araw kami may pinakamalaking gross income. Umabot ng P2,370 ang total ng benta namin mula sa paso, halaman, at loam soil. Kung hindi nga lang masama ang panahon at mahina ang internet, baka mas malaki pa. Gayunpaman, masayang-masaya kami sa aming kinita. Tuloy na tuloy talaga ang pagnenegosyo namin. May pera sa buy and sell. Past 6, lumabas ako para bumili ng mga pagkain at mga kailangan sa bahay. Hindi talaga puwedeng puro pa-deliver na lang. Safe nga, pero magastos at hindi ka makapamili nang husto.
Agosto 10, 2020
Na-late ako ng bangon, kaya late din akong nakapagluto ng almusal. Gayunpaman, hindi iyon hadlang para hindi ako maging produktibo. Nakapag-gardening ako kahit paano ngayong araw. Hindi man ganoon kaganda ang panahon, nabisita ko pa rin ang hardin.Nakabenta kami ngayon ng mga paso at loam soil. Worth P670. Walang plants na nabili. Napakabuti talaga ng Diyos. Maghapon hanggang past 7 ang meeting naming Grade Six. Kahit mahina ang net ko, sinubukan kong kumonekta. Hindi nga lang ako maka-relate dahil paputol-putol. But then, alam nilang present ako. Inabutan ako ng hatinggabi sa kahahanap ng mga suppliers ng paso, loam soil, at racks. Gusto ko talagang lumago ang negosyo namin.
Agosto 11, 2020
Maghapon na naman ang online meeting. Nine o' clock, may faculty meeting. Twelve na natapos. Past one naman, may meeting kami sa grade level. Inabot din ng pasado alas singko. Nakaidlip na nga ako sa sofa.May online orientation kasi kami bukas sa mga parents. Kinailangan naming magplano.Kahit paano, nakabenta kami ngayong araw. Nalampasan namin ang benta namin kahapon. Nakakatuwa talaga kapag tinatangkilik ang mga paso, loam soil, at halaman namin.
Agosto 12, 2020
Naging maayos naman ang Virtual Parents' Orientation namin kanina. Muntikan nang hindi ako makasali dahil sa hina ng internet connection. Halos maghapon akong nag-gardening dahil nai-stress ako sa mga nangyayari. Hindi ko talaga gusto ang online classes, hindi lang dahil wala akong wifi na matino, kundi dahil hindi ito friendly sa mga bawat isa. Gayunpaman, kailangan pa ring sumunod sa mandato ng department.Marami-rami rin ang benta namin ngayon sa loam soil, paso, at plants. Nagpa-deliver uli kami ng loam soil. This time, may 5 bags na kaming free. Kahit paano ay nakabawi kami sa delivery charge.
Agosto13, 2020
Past 7:30, umalis ako para mag-withdraw at para bumili ng halaman. May garden center palang malapit. Nakabili ako ng 15 varieties ng Coleus o Mayana sa halagang P500. Nakatutuwa ang mga kulay at foliage ng mga ito. Nakakawala ng stress at problema.Agad akong umani ng mga sanga at nagtanim. Kailangang maparami ko agad upang makabawi sa puhunan at kumita.Ngayong araw, walang naganap na online meeting, kaya nakapag-gardening ako nang halos maghapon. Nakabenta rin kami ng P750. Gross sales.
Agosto 14, 2020
Hindi ko kaagad nabasa ang text at missed calls ni Sir Hermie. Nasa Robinson's na raw siya pasado alas-7. Bumangon agad ako. Saka namang dating ng suki naman sa paso, na si Ate Emer. Natagalan si Sir Hermie bago nakarating kasi ibang subdivision ang napasukan. Nang dumating, nagmamadali namang umalis. Mabuti, nakabili ng halaman. First Vita Plus lang naman talaga ang sadya niya rito.Ngayong araw, nagpa-deliver ako ng decorative pots. Worth P6,120 ang 15 pcs. Kung hindi ako mamumuhunan at magiging risk-taker, hindi ako kikita. Marami-rami rin kaming benta ni Emily. Umabot ng P1,000 plus. Kaya naman, bandang hapon naglinis ako sa harapan ng garden. Nagawa kong mas maaliwalas. Mas nakikita na ngayon ang mga paninda namin. Tuwang-tuwa ako sa balitang iniurong na ni Sec. Briones ang araw ng balik-eskuwela. Sa halip na sa August 24, sa October 5 na. Sakto, Teachers' Day.Tuloy ang negosyo! May time pa para makabitan kami ng internet. Hindi na ako aasa pa sa PLDT. Isinusuka ko na siya.
Agosto 15, 2020
Past 8, naglalakad na ako patungo sa Rosario upang bumili ng plastic pots. Past nine, nakarating na ako roon. Tumambay ako at naghintay hanggang 10 para sa pagbubukas nito, pero after an hour, umalis na ako. Napagtatanto kong hindi na iyon magbubukas. Malas!Naglakad na naman ako pauwi. Nasayang lang ang pagod ko. Lunch na nang makarating ako sa bahay. Pagkakain, umidlip ako. Sobrang pagod ko. Gayunpaman, nanumbalik ang lakas ko nang kinailangan kong umalis na naman para mamili ng mayana plants. Marami kasi ang nag-inquire kay Emily. Muli akong naglakad patungo sa garden center na binilhan ko noong isang araw. Agad akong namili ng 30 pieces na Coleus. Bumili rin ako ng dalawang Selloum. Gusto kasi ni Emily iyon. Tuwang-tuwa nga siya nang dumating ako. Kaya lang, kailangan naming ibenta. Reserved na nga kaagad. Kaya nga, baka bukas ay baka makabili na naman ako. Naka-P900 kami ngayon. Naka-P530 ako sa plants.God is good!
Agosto 16, 2020
Maaga pa lang, dumagsa na ang mga customer namin. Halos sunod-sunod silang dumating. Gayunpaman, naisaayos ko pa rin ang garden namin. Plano kong magpabakod, pasementuhan, at magpagawa ng kubo-kubo. May kilala na kaming gagawa. Pondo na lang ang kulang. Maghapon akong naglinis. Nakakaadik! Ang sarap sa pakiramdam kapag masaya ang mga halaman. Nakabenta kami ng kulang-kulang P4,000 ngayon. Ito ang pinakamalaking gross sales since July 22.
Agosto 17, 2020
Na-badtrip ako sa manok ng kapitbahay. Dumaan sa leeg ko nang lumipad pagkatapos mangitlog. Naglilinis lang ako ng kulungan ng aso. Sa sobrang inis ko, napalo ko at tumalsik. Nakita yata ako ng bayaw ng may-ari. Dahil sa nangyari, nagdesisyon na akong ituloy na ang pagpapabakod sa pagitan namin. Ayaw ko nang napepeste ako lalo na ang mga halaman ko. Tamang-tama, nakahanap na kami ng gagawa. Pina-estimate ko na ang mga kakailanganin. Mabuti rin ito para sa aming negosyo. Mas magiging organisado ang mga paninda namin. Marami-rami na naman ang benta namin. Kulang-kulang P500 naman ang benta ko sa plants. Ipinambili ko lang din ng paso kay Emily. Tinaniman ko ng mga cacti ko, na nasa kuwarto. Ngayong araw, nagpa-deliver din si Emily ng hanging basket/net. Naghahanap din kami ng supplier ng mga pebbles.
Agosto 18, 2020
Maghapon akong naglinis sa aming bakuran upang ihanda ito sa pagpapabakod. Nagbigay ng ako ng pera sa mason para sa materyales at labor. Umabot ng P18.5K ang binigay ko para sa pader. Natutuwa naman ako dahil magkakaroon ng kami ng harang sa kapitbahay naming peste. Nakabenta ako ngayon ng P150 worth of plants, pero bumili naman ako ng Selloum, worth P300. Sulit naman kasi ang ganda at malaki. Pansarili. Baka hindi ko na ibenta. Inilabas ko naman kahapon ang rubber tree ko. Disappointed ako dahil paunti nang paunti ng dahon. Sana maka-survive. Bukas, bibiyahe ako patungo sa school para sa bigayan ng card.
Agosto 19, 2020
Pasado alas-tres, gising na ako. Sinikap kong makatylog hanggang alas-4, pero hindi na ako nakatulog. Bumangon na ako bandang alas-3:30 upang maligo.Before five, nasa biyahe na ako. At bago mag-six nasa school na ako. Binisita ko kaagad ang garden ko. Nakatutuwa dahil buhay pa ang karamihan kong halaman. Nanguha nga ako ng pambenta.Past 7, nagsidatingan na ang mga kasamahan ko. Naghanda na kami para sa pagbibigay ng card, diploma, good moral character certificate, at iba pa.Naging maayos naman ito. Hindi man hundred percent na nakapunta ang iba, natuwa na ako dahil nakaipon ako ng pang-remit sa toga picture. Past 5 na kami nagligpit. Before eight ako nakauwi. Nakisabay ako kina Ma'am Vi. Nagpababa ako sa SM Bacoor. Kahit paano, nakatipid ako sa pamasahe. Kaya lang, sumakit ang ulo ko sa aircon.
Agosto 20, 2020
Hindi ko nagawang matulog hanggang nine. Past 7, bumangon na ako. Maaga namang nagising si Emily, kaya may almusal nang nakahain. After breakfast, naglakad ako patungong Rosario upang bumili ng mga paso. Alam kung bukas na ang Novo. Hindi nga ako nagkamali. Kaya lang, kakaunting uri lang ng paso ang available. Gayunpaman, bumili ako ng worth P800 plus upang hindi masayang ang punta ko. Nakabili rin ako ng halaman, malapit doon. Past 11 na ako nakauwi. Agad akong nagtanim. Sa laundry area na ako pumuwesto kasi may gumagawa sa labas. Na-miss ko kaagad ang aking garden.Nakabenta ko ng halaman, worth P230. Not bad. Hindi ako zero. Nakabenta rin ng mga paso at loam soil si Emily.
Agosto 21, 2020
Holiday ngayon, kaya wala akong alalahaning work from home. Gayunpaman, bumangon ako nang maaga at nagluto ng almusal. Balak ko sanang alis upang bumili uli ng halaman, kaya lang pinigilan ako ni Emily. Tama na iyon. Naabutan sana ako ng ulan kung tumuloy ako. Dahil siguro sa masamang panahon kaya wala kaming benta ngayon. Okay lang naman. Hindi pa kasi tapos sa pagbabakod ang mga trabahador namin. Magulo pa sa bakuran namin. Natuwa kong makita ang bakod namin na mas mataas pa sa akin. Hindi-hindi ko na makikita sa kabilang bahay ang bestfriend ko. Totally separated na kami. Hindi ko na rin marahil maririnig ang dahak niya. Sana lang...Nagpa-estimate na rin ako sa isa pang project. Laundry area. Sana mura lang upang makapasok sa budget ko.
Agosto 22, 2020
Sixteen thousand pesos ang materials at labor sa laundry area ko. Okay na. Ipagagawa ko na rin para isahang abala na lang. Miss na miss ko na ang garden ko, pero kaya ko pang maghintay ng ilang araw. At worth it naman dahil mas maganda na.Nakabenta ako ngayon ng plants, worth P420. Mas malaki naman ang benta ni Emily sa paso at loam soil. Hapon, pinapirma ko na si Kuya Cesar sa receiving copy ng P16,000. Bukas sisimulan na niya ang paggawa. Hopefully matapos niya sa loob ng dalawang araw lang.
Agosto 23, 2020
Hinarap ko ang paggawa ng summative at periodic test sa ESP 6, Quarter 1. Dahil nasimulan ko na ito noong isang araw pa, mabilis ko na itong natapos. Na-email ko nga nga ang mga ito sa aking team leader.Ngayong araw, ang laundry area na ang ginagawa ng mga trabahador ko. Hindi pa rin ako makapag-gardening.Hapon, nakabenta ako ng 2 malalaking paso. Hindi kami na-zero ni Emily.
Agosto 24, 2020
Maaga akong nagising upang maglinis sa bakuran nang wala pang kape at almusal. Maaga ring nasira ang araw ko dahil kay Emily.Inalok niya akong magkape pagkatapos kong pagpawisan dahil marami na akong nagawa. Mainit na raw ang tubig. Uminit din ang ulo ko dahil parang gusto pa niyang matulog o parang gusto na lang niyang humilata. Pinagsalitaan ko siya. Nagsagutan kami."Malas iyan sa negosyo. Dapat hapon pa lang, nakaplano na ang almusal," isa sa mga sinabi ko.Nakakainis! Parang hindi magulang at asawa. Walang pakiramdam. Ako na mga lahat ng gastusin sa bahay, pati ba naman mga gawaing-bahay ako pa? Simpleng pakonsuwelo, wala. Maano man lang bang gumising nang maaga upang makapaghanda ng almusal. Inaasa na lang palagi sa online. Sabi pa, "Lowbat ang cellphone ko!" So, hihintayin ko pang ma-full charge bago siya kumilos?Aysus! Kaya pati ang hindi niya paghugas ng plato sa gabi, naungkat ko. "Katulong pala ako rito!" sabi niya. Sabi ko naman, "Hindi lang obligasyon iyan ng katulong... So, kukuha pa ako ng katulong para lang makalibre ka?" Hindi siya nakasagot. Kahit saang banda kasi, mali siya. Haist! Maghapon akong tahimik. Maaga rin akong umakyat para matulog. Gayunpaman, thankful ako kasi may benta ako sa plants at pots.
Agosto 25, 2020
Pagkatapos magkape, umalis na ako para bumili ng paso. Maaga akong nakarating sa Gemz Plantshop, kaya matagal akong naghintay roon. Napagmasdan ko tuloy mula sa labas ang mga cacti at succulents na nakadisplay. Ang gaganda! Nakakainggit. Mapapasanaol ka na lang talaga. Nang dumating, bandang past 8:30, may mga kasabayang akong customer. Andami na rin pala niyang suki. Nakaka-inspire talaga/tuloy ang magnegosyo ng halaman.Bumili ako ng pebbles at corrugated pots. Sa daan patungo sa Novo Mall, bumili rin ako ng tatlong klase ng Croton. Koleksiyon ko. Bale apat kasi may dalawang variety sa isang seedling bag. All in all, may 8 varieties na ako. Nakapaglinis na ako ng garden ko kahit paano dahil tapos na silang mag-finishing ng pader. Bukas, magkakabit na lang sila ng bubong. Kaunting tiis pa, maisasayos ko na ang garden ko. Kahit wala akong benta sa plants ngayon, masaya pa rin ako. Kapag natapos na ang pagawa namin, saka na ako aariba. Nakakatawa lang ang mga hitsura ang mga tsismosa at tsismoso. Halos mamatay-matay sa inggit sa katitingin at pabubulong-bulungan habang nasa garden kami. Palibhasa mga walang garden.
Agosto 26, 2020
Maaga pa lang, nagga-gardening na ako. Hindi na ako mapakali. Gusto ko nang matapos na ang paggawa. Excited na ako sa bagong ayos nito.Nakabenta ako ng plants ngayong araw. Hindi tulad kahapon na zero ako. Almost done na ngayong araw ang pinatratrabaho kong laundry area. Bukas. siguradong tapos na. kaya naman, halos mamatay-matay na naman sa inggit ang mga tsismosa at tsismosa. Nagpaparinig pa ang isa. Apektado tuloy si Emily. Ako naman, nagpakuha ng picture habang hawak ang halamang nakapaso at nakatalikod sa kanila. Sinadya ko upang makasama sila sa larawan. Haist! Ang mga tao nga naman. Umangat ka lang ng kaunti. may masasabi na sa 'yo. Hindi na lang matuwa. Natututo tuloy kaming gumanti.
Agosto 27, 2020
Sobrang excited na akong mag-gardening, kaya pagkatapos kong mag-almusal, nasa garden na ako. Naabutan nga ako ng mga trabahador.
Nakabenta rin ako ngayon ng mga halaman. Worth P330 lahat. I feel so blessed dahil nagagawa kong pagkakitaan ang hobby ko. Sana patuloy lumago ang mga halaman ko upang makaragdag sa kabuhayan ang income ko at mapasaya ko ang mga customers.
Natapos na ang laundry area ko. Hapon na sila natapos kaya hindi ko na rin kinaya ang pag-aayos sa bakuran. Masaya akong makita ang output. Umabot sa mahigit P37,500 ang nagastos ko. Plus bibili pa ako ng cement garden set na worth P3,500 upang maging masaya ako. Ang sarap-sarap na lalong tumambay sa garden.
Agosto 28, 2020
Agad kong sinimulan ang paglilinis sa garden. Tumulong naman sa akin ang mag-ina ko, kahit paano, pero ako talaga ang lubos na nag-ayos. Mas alam ko kasi ang gagawin.
Maghapon akong gumawa. Halos ayaw ko nang tigilan. Umidlip lang ako, nagpahinga, at naligo, saka bumalik na naman sa paglilinis. Nakakaadik ang may paghahalaman kapag mat maaliwalas na garden.
Marami ang nabenta kong halaman ngayon. Kahit si Emily, nakabenta rin ng mga paso at loam soil. Kung hindi lang fiesta, baka mas mas marami pa ang bumili.
Agosto 29, 2020
Gardening agad ang inatupag ko pagkatapos mag-almusal. Nag-washing naman ang mag-ina ko.
After lunch, bumili ako ng plastic pots. Walang tinda sa Novo, kaya sa I-Mart ako bumili. Malalaking paso ang nabili ko.
Nag-gardening uli ako para mawala ang stress ko. Nagkapikonan kami ni Emily. Nainis din ako kasi naibenta niya ang isa kong Coleus, na kinokolekta ko.
Agosto 30, 2020
Halos maghapon akong nasa garden. Hindi talaga ako mapakali, lalo na't maganda ang kinalabasan ng ginawa kong concrete mini-garden basin. Inilagay ko iyon sa bungad upang magkaroon ng water element ang hardin ko at maka-attract ng buyers. Tila masuwerte naman kami. Marami kaming benta ngayong araw, palibhasa Linggo.
Agosto 31, 2020
Holiday pala ngayon... Kaya pala, walang log in sa google drive. Nag-abang pa naman ako. Anyways, natuwa ako dahil mas marami ako. Nagpa-deliver ka nga ako ng pitong sako ng pebbles at marble chips na may iba't ibang sizes at colors. Mabilis lang ang transaction kaya naidisplay ko kaagad.
Nainis naman ko sa mga halamang ibinenta sa amin ni Kiya Cesar. Mga lanta, common, at luray-luray
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment