Ano ang kalusugang pangkaisipan o mental health?
Ang kalusugang
pangkaisipan ay kinabibilangan ng lahat ng panig ng ating buhay — pangkatawan,
pangkaisipan, pandamdamin, at pang-espirituwal. Ito ang kakayahang masiyahan sa
buhay at kakayahang harapin ang mga hamon at pagsubok sa araw-araw na
pamumuhay. Kabilang din dito ang pagpili o ang paggawa ng desisyon, pag-angkop
at pagkaya sa mabibigat na suliranin, o ang pagpapahayag ng mga pangangailangan
at mga pagnanais.
Habang ang ating buhay at ang mga
pangyayari ay patuloy na nagbabago, nagbabago rin ang kondisyon ng ating kalooban,
pag-iisip, at kapakanan. Mahalaga ang paghahanap ng paraan upang umayon tayo sa
buhay at sa iba't ibang sitwasyon. Natural na mararamdaman nating wala tayo sa
tamang panimbang paminsan-minsan, lalo ngayong panahon ng pandemya. Maaaring
ang iba sa atin ngayon ay nalulungkot, nag-aalala, natatakot, naiinis,
nagagalit, naiinggit o naghihinala. Okay lang iyan! Bahagi iyan ng ating buhay.
Ngunit maaaring maging suliranin
ang mga damdaming ito kung nakasasagabal sa ating pang-araw-araw na pamumuhay
nang mahabang panahon. Sa madaling sabi, hindi dapat tumatagal ang mga
negatibong damdaming ito sa ating puso at isipan.
Ano ang nagiging sanhi ng mga
problema sa kalusugan ng kaisipan kung patatagalin natin ang mga negatibong
damdaming ito?
Maraming mga paniniwala kung bakit ang mga tao
ay may mga problema sa kalusugan ng kaisipan.
Ayon sa mga pagsusuri at
pag-aaral, maraming malubhang problema sa kalusugan ng kaisipan na dulot ng
biochemical disturbances sa utak. Naniniwala din ang mga propesyonal na ang
iba't ibang mga sanhi na may kaugnayan sa sikolohiya, lipunan, at kapaligiran ay
nakaaapekto rin sa ating kapakanan. Ang kalusugan ng kaisipan ay nakaaapekto
rin ng pangkatawan, pangkaisipan, pandamdamin, at pang-espiritwal na mga bahagi
ng ating buhay.
Ang stress ay labis na nakaaaapekto
sa ating kakayahang mag-isip.
Maaaring nahihirapan tayo dahil
sa problema sa pamilya, pagkamatay ng isang mahal sa buhay, pagkakaroon ng
aksidente sa sasakyan, pagharap sa isang malubhang sakit, kakulangan sa mga
pangunahing pangangailangan, bullying, pagiging biktima ng pang-aabuso o
karahasan, o kakulangan ng suporta ng pamilya.
Kahit ang mababaw o maliit na
problema ay maaaring maaapekto sa kalusugan sa kaisipan natin, lalo na kung
hindi agad ito masosolusyunan. Mahalagang malaman nating lahat na hindi
pare-pareho ang pagtingin ng lahat ng kultura sa kalusugan ng kaisipan. Gayunpaman,
kailangang magtulungan tayo upang kilalanin ang problema. Dapat nating malaman
kung ano ang maaaring naging sanhi o nakadaragdag sa ating mga paghihirap, at
kung paano tayo matutulungan.
Ano man ang sanhi ng ating
pinagdaraanan, dapat nating malaman na hindi natin kasalanan ang mga problema
sa kalusugan ng kaisipan. Walang nagnanais magkaproblema. Matuto lamang tayong
magbahagi ng ating nararamdaman upang matukoy ng ating kapuwa ang ating
suliranin. Ang ating pamilya ang sandigan natin sa lahat ng ating mga problema.
Kung sila naman ang problema,
pang-unawa at katatagan ng loob ang ating sandata. Tandaan nating walang
suliraning hindi nating kayang lampasan. Kapag malusog ang ating kaisipan,
maiisip natin ang tama. Magagawa nating iwasto ang mga pagkakamali. Mapupunan
natin ang mga pagkukulang.
Sa pagharap sa mga pagsubok sa
buhay, hindi isang problema ang dapat gawing solusyon. Nararapat nating harapin
ang problema nang may mahinahon, mapang-unawang puso at kaisipan.
Maraming indibidwal na tutulong
sa atin sa ating mga problema. Huwag nating sarilinin. Huwag tayong magtago o
maglihim. Hindi nila mauunawaan ang anomang pinagdaraanan natin kung ikakahiya
o iiwasan natin sila. Tandaang ang isip ang nagpapakilos sa ating katawan.
Pinoproseso ng utak ang lahat ng ating gagawin, sasabihin, at iisipin. Kaya
huwag nating balewalain ang kapangyarihan ng ating kaisipan. Palusugin natin
ito. Lagi tayong maging positibo. Lagi nating iisipin na matalino tayo kaya
walang anomang problema ang makatatalo sa atin.
No comments:
Post a Comment