Followers

Thursday, September 17, 2020

Ang Payo ni Jomar kay Nonilon


Sina Nonilon at Jomar ay matalik na magkaibigan. Sa kabila ng limang taong agwat ng kanilang edad, magkasundong-magkasundo sila sa halos lahat ng bagay. Parehong-pareho sila ng mga hilig. Marami nga ang nagsasabing para silang magkapatid. Bihirang-bihira rin silang mag-away.

Pareho silang mahilig magbasa. Nagpapalitan sila ng libro upang mabasa nila ang kani-kanilang binili.

Ngunit dahil labing-anim na taong gulang pa lamang si Nonilon, madalas siyang pagsabihan ni Jomar kapag may ginagawa siyang mali. Madalas umaaktong kuya si Jomar kay Nonilon.

Isang araw, pumunta si Jomar sa bahay ni Nonilon upang makipagpalitan ng libro.

“Magandang raw po, Nanay Fely. Nandiyan po ba si Nonilon?” bati ni Jomar sa ina ng kaibigan.

“Naku, pagsabihan mo nga iyang kaibigan mo,” sagot ni Nanay Fely.

“Bakit po?”

“Nawiwili sa gadget. Hindi ko na yata nakitang magbasa. Nasa kuwarto niya. Pasok ka.”

“Salamat po!” At agad na pinuntahan ni Jomar sa kuwarto si Nonilon. Naabutan niya itong subsob sa tablet. “Nonie.” Nakatatlong tawag siya ba siya nito nilingon.

“Oy, ikaw pala. Halika, laro tayo.”

“Hindi na. Makikipagpalit lang sana ako ng libro. Tapos ko na kasing basahin ito. Ikaw, tapos mo na ba ang bago mong book?”

“Ha? A… e, hindi pa. Nakakatamad na magbasa. Mas masaya ito.”

“Naku, Nonie, masisira ang mga mata mo at ang kalusugan mo riyan sa gadget. Mas mabuti pang magbasa ka na lang. May bago akong book, o. Palit muna tayo.”

“Ayaw ko ngang magbasa!” pasinghal na sagot ni Nonilon. “Pili ka na riyan ng book ko. Tapos, dalhin mo na iyang bago mong book. Saka na ko na iyan hihiramin.”

Lumapit si Jomar kay Nonilon. “Sandali lang… Makinig ka muna sa akin.” Nang hindi siya nito pinansin, inagaw niya ang tablet.

“Ano ba? Bastos mo naman!”

“Sorry na, pero bilang kaibigan mo, nagmamalasakit ako sa iyo. Sabi nga ni Nanay Fely, pagsabihan daw kita… Makinig ka lang sandali. Pagkatapos, uuwi na ako. Okay?”

Tumango naman si Nonilon.

“Okay! Magandang libangan ang paggamit ng gadget, pero alam nating naaapektuhan nito ang kalusugan at ang buhay mo. Pansamantalang kaligayahan lamang ang naibibigay nito, pero ang pagbabasa ay may panghabambuhay na magandang epekto… Pag-isipan mo. Masaya naman tayo dati sa pagbabasa, hindi ba? Nakakabuo tayo ng bagong mundo. Nakakasalamuha natin ang mga tauhan sa kuwento. At nagagamit natin ang mga aral, mensahe, at impormasyon sa librong nababasa natin… O, sige na. Uuwi na ako. Saka ko na lang hihiramin ang bago mong libro kapag nabasa mo na. Salamat nga pala sa pakikinig!” Tahimik na siyang tumalikod, pero bago siya nakalabas sa kuwarto, tinawag siya ni Nonilon.

“Joms! Salamat, ha? Hayaan mo, babasahin ko na bago kong libro para maipahiram ko na sa iyo.” Nakita ni Nonilon na nginitian siya ni Jomar.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...