Followers

Friday, March 3, 2023

Paglalampong

“Saan si Herming? Dalawang gabi ko nang hindi siya nakikita,” nangangamba kong tanong sa aking asawa, pagbungad ko pa lamang sa pinto. Sanay kasi akong sinasalubong ako ni Herming.

 

“Nandito siya kagabi saka kaninang umaga,” tugon ng aking asawa.

 

“Wala! Hindi ko siya nakita.”

 

Pagkabihis ko, agad kong pinuntahan ang cat bowl niya. Lalo akong nag-alala nang makita kong walang bawas ang pagkain niya.

 

“Herming? Herming!” tawag ko sa kaniya sa aming hardin. Minsan, naroon lamang siya—nagpapahangin, minsan nagha-hunting.  

 

Wala siya roon. Wala rin siya sa labas ng bakod. Wala akong naririnig na mga pusang naglalampong sa kapitbahay.

 

“Lord, pauwiin Mo na si Herming,” panalangin ko.

 

Inaliw ko muna ang sarili ko pagkatapos kumain. Nanood muna ako Youtube videos ng teleserye na ang bida ay may siyam na buhay, subalit wala pa rin akong naririnig. Binuksan ko pa nga ang mga bintana, kasi naisip kong baka nasa bubong o nasa ibabaw lang ng bakod—nakahiga. Pero, wala!

 

Naglaro na ang isip ko. Ang duda ko, isinako ng kapitbahay namin, na may-ari ng babaeng pusa, na nililigawan ni Herming. Naiingay ito, kaya isinako si Herming at itinapon sa malayo. Ang hula ko pa, ang kaaway kong kapitbahay ang salarin. Pinalo niya sa ulo si Herming at inilibing.

 

“Diyos ko, Diyos ko, huwag naman po,” pagsamo ko. Saka nagpabalik-balik ako kuwarto, sa sala, at sa hardin. Ngunit, wala talaga siya. Ang tahimik na ng paligid. Ala-una y medya na pala ng umaga.

 

Nang hindi ko na kinaya, humingi ako ng kapatawaran sa Diyos. Hindi ko kasi masyadong naaruga si Herming nitong mga nakaraang araw dahil sa trabaho at dahil sa ibang mga bagay. Marami akong napagtanto.

 

Halos hindi ako nakatulog, pero maaga pa rin akong bumangon, baka kako dumating na si Herming.

 

Habang nagkakape sa hardin, may tumapat sa aming gate. “Siopao! Siopao! Bili na kayo ng siopao! Masarap na almusal!” alok ng kapitbahay namin.

 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...