Followers

Saturday, March 11, 2023

Si Pepa: Ang Talambuhay ni Josefa Llanes Escoda

 

Si Pepa

 

Si Pepa ay nag-alay ng sarili para sa ikabubuti ng kapuwa. Siya ay isang tunay na babaeng iskawt.

 

Si Pepa ay isinilang at bininyagan bilang si Josefa noong Setyembre 20, 1898 sa Dingras, Ilocos Norte. Siya ang panganay sa pitong anak nina Gabriel Llanes at Mercedes Madamba.

 

Nakitaan na si Pepa mula pa sa pagkabata ng kasipagan at determinasyon sa pagkamit ng edukasyon. Nakatapos siya ng elementarya sa Dingras at ng hayskul sa Laoag. Sa Maynila naman siya nagkolehiyo. Nakilala siya ng mga kamag-aral sa Philippine Normal College bilang lider na may mataas na antas. Sa kaniyang pagiging masigasig, nakamit niya ang Elementary Teacher's Certificate na may karangalan.

 

Naulila sa ama si Pepa nang siya ay 20 taong gulang na. Nagsama-sama silang magkakapatid at kanilang ina sa Maynila upang maibigay sa kanila ang magandang kinabukasan.

 

Hindi iyon naging hadlang upang magpalawak ng kaalaman at edukasyon. Dahil sa pagsisikap, nakatapos siya noong 1922 ng Secondary Teacher's Certificate sa Unibersidad ng Pilipinas.

 

At dahil sa angking talino at sigasig ni Pepa, nabigyan siya ng pagkakataong makapagturo sa ilang kilalang kolehiyo at unibersidad sa Kamaynilaan.

 

Nabigyan din si Pepa ng pagkakataong magpalit ng bokasyon. Mas pinili niya ang pagiging volunteer social worker sa American Red Cross (Philippine Chapter).

 

At dahil naman sa katapatan niya sa serbisyo publiko, ipinadala siya sa Amerika upang mag-aral ng social work. Kaya noong 1925, tinanggap niya mula sa New York School of Social Work ang kaniyang sertipiko.

 

Hindi pa roon nagtatapos ang kaniyang pagpapalawak ng edukasyon. Tinapos din niya sa kaparehong taon ang Masters in Social Work sa Columbia.

 

Nakilala si Pepa sa Amerika dahil sa kaniyang natatanging aktibismo bilang modelong Pilipino sa larangan ng internasyonalismo. Pinaniwalaan niyang ang galing ng tao ay wala sa kulay ng balat, kundi nasa layunin at gawain para sa kaunlaran ng mundo.

 

Ipinakilala rin ni Pepa ang kasuotang Pilipino. Marami ang humahanga sa kaniya dahil sa tuwing naiimbitahan siyang maging tagapagsalita sa International House na pulungan ng mga estudyante, nakasuot siya ng sagisag ng mga Pilipino.

 

Isa pang katangi-tangi kay Pepa ay ang pambihira niyang kahusayan sa larangan ng pagsasalita sa publiko. Pinag-usapan at hinangaan siya sa larangang ito dahil tunay na kagalang-galang na Pilipina ang dating niya.

 

Nang bumalik si Pepa sa Pilipinas, muli siyang nagturo sa UP at UST. Labis ang paniniwala niyang napakadakila ng bokasyon ng mga guro lalo na kung wasto ang paggabay sa kaisipan at pagmulat sa mga kabataan.

 

Hindi nagpaawat si Pepa sa serbisyo publiko. Naging kawani siya ng mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Tuberculosis Commission ng Bureau of Health, Textbook Board ng Bureau of Public Schools, at Board of Censors for Moving Pictures.

 

Naging kalihim din si Pepa ng General Council of Women. Pinanindigan niya noon ang malawakang kalayaang dapat tanggapin ng kababaihan. Isinulong niya ang karapatan ng mga kababaihan na maghalal at mahalal sa eleksiyong publiko sa ating bansa.  

 

Kahanga-hanga ang paninindigan ni Pepa na ang mga babae ay katuwang ng mga lalaki sa lahat ng kalakaran. Ayon sa kaniya, ang kababaihan ay hindi dapat na ituring na tagamasid lamang, dapat sila ay bahagi ng proseso.

 

Nang umusbong sa mga bansang malalaya ang girl scouting, ipinadala ng Pilipinas si Pepa sa Amerika upang magsanay. Noong 1937, bumalik siya sa bansa at itinatag ang Girl Scouts of the Philippines (GSP)

 

Sa kabila ng maraming pagsubok sa pagkakatatag ng naturang samahan, nilagdaan ng dating pangulo, Manuel L. Quezon, ang Commonwealth Act 542. Ito ay batas na nagtatalaga sa GSP bilang pambansang organisasyon.

 

Isa ring di-malilimutang kontribusyon ni Pepa sa larangan ng serbisyo publiko ay ang pagkakatatag ng Boys Town para sa mahihirap na kabataang lalaki. Humingi siya ng tulong mula sa mga babaeng manggagawa. Nabigyan din ng mga benepisyo ang mga matatandang kumukuha ng adult education dahil sa kaniya.

 

Siyempre, nasa tugatog siya ng marubdob na serbisyo publiko nang sumiklab ang digmaan. Lumahok siya sa Volunteer Social Aid Committee, kung saan isa siya sa mga palihim na tumulong sa mga bilanggong Pilipino at Amerikano sa pagbibigay ng pagkain, damit, at gamot.

 

Dahil dito, naaresto si Pepa ng mga Hapon noong Agosto 27, 1944 at ikinulong sa Karsel 16 sa Fort Santiago. Wala siyang pagsisisi sa kaniyang ginawa dahil sa labis na pagmamahal sa bansa.

 

Masaklap ang pagpanaw ni Pepa. Walang makapagsabi ng tiyak na lugar kung saan siya pinaslang. May nakapagsabing inilabas si Pepa sa Fort Santiago at dinala sa Far Eastern University, kung saan kumukuta ang ilang mga Hapon.

 

Isa lang ang natitiyak ng mga Pilipino-- labis ang pagdurusa ni Josefa Llanes Escoda para lamang sa kapakanan ng mga kababayan at sa bansang kaniyang ikinararangal.

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...