Bantulot na inihain ni Benok ang adobong manok. Napatingin ang kaniyang ina, ama, at kapatid sa mangkok.
Tumayo at nag-abang si Benok sa sulok. Ang puso niya ay dumoble ang
tibok.
Agad na nagsandok ang bunsong si Kokok. At agad itong sumubo. Nguya.
Nguya. Lunok. Muli itong sumubo ng kanin at maliit na hiwa ng adobong manok.
Nguya. Nguya. Lunok. “Kuya, ang alat ng adobong manok!”
Dahil sa narinig, napalunok si Benok.
Agad na tinikman ng kaniyang ina at ama ang adobong manok. Nguya. Nguya.
Lunok.
“Benok, tama ang kapatid mo… Ang alat ng adobo,” sabi ng ina.
“Anak, bukod sa maalat, sobrang asim pa,” sabi naman ng ama.
“Pasensiya na kayo… Sa susunod, masarap na ang iluluto kong adobong
manok.” Malungkot na bumalik sa kusina si Benok.
“Anak, okey lang `yan,” alo ng ina kay Benok. “Halika na, kumain na tayo
ng adobong manok.”
“Nanay, paano po ba magluto ng masarap na adobong manok?” tanong ni Benok.
“Ituturo ko sa `yo ang resipi ng Lolo Tinok mo, pero kumain ka muna.”
“Sige po.”
Pinagsaluhan ng pamilya ang adobong manok ni Benok. Hindi nila naubos
ang laman ng mangkok. Umaasa siyang sa susunod, lahat sila ay hindi lang
mabubusog, kundi ang ulam ay masisimot.
Itinuro ng ina ang resipi ni Lolo Tinok, bago natulog si Benok. Isinulat
niya iyon sa kaniyang notbuk. At siya’y masayang natulog nang inantok.
Kinabukasan, naghanda si Benok ng adobong manok. Ginamit niya ang resipi
ni Lolo Tinok.
“Aking pamilya ay tiyak mabubusog sa ihahain kong adobong manok. Kompleto
ang mga rekado at sahog. Ginawa ang mga hakbang nang wasto at magkakasunod. Kaya
kanin ay tiyak masisimot dahil sa taglay nitong linamnam at lambot. Sangkap at
hakbang ay nasunod, kaya alat, asim, at tamis ay nanunuot,” patalastas ni Benok.
Nguya. Nguya. Lunok.
Pagkalapag niya ng mangkok, mga mata nila’y bumilog. Amoy pa lang para
na silang nabusog.
“Ang sarap nitong adobong manok!” Iyan ang sabay-sabay na papuri ng ama,
ina, at kapatid ni Benok.
No comments:
Post a Comment