Followers

Saturday, June 28, 2025

Lakad na!

 

Lakad na!

 

 

Kung kaya namang lakarin ang lugar na pupuntahan, huwag nang sumakay dahil ang paglalakad ay maraming benepisyo sa katawan at kalusugan. Makatitipid ka na, ang buhay mo pa ay hahaba.

 

Ang paglalakad ay nakasusunog ng calories— depende sa bilis, sa body type, at sa surface na nilalakaran.

 

Ang paglalakad ay nakapagpapalakas ng puso. Napagaganda nito ang sirkulasyon ng dugo at nakapagpapababa ng blood pressure.

 

Ang paglalakad ay nakapagpapababa ng cholesterol sa katawan. Mas malayo ang nilakad, mas malaki ang mababawas.

 

Ang paglalakad ay nakapagpapababa rin ng blood sugar. Kaya sa halip na umupo o tumayo pagkatapos kumain, mas mainam ang paglalakad, kahit mabagal lang.

 

Ang paglalakad ay nakatutulong sa malusog na buto at kasukasuan. Para itong lubricant, kaya sa mga may rayuma o osteoporosis, nakabubuti ito sa inyo.

 

Ang paglalakad ay nakapagbibigay ng malakas na immune system. Mas madaling maka-recover sa sakit ang sinomang nag-eehersisyo at naglalakad-lakad.

 

Ang paglalakad ay nakadaragdag ng energy level dahil sa endorphins— o ang tinatawag na ‘feel good’

hormones.

 

Ang paglalakad, kahit sampung minuto, ay nakapagpapabuti ng mental health at mood, at nakababawas ng stress at negatibong damdamin.

 

Ang paglalakad ay nakakapag-tone ng legs. Natutulungan din nito ang glutes, abs, at back muscles.

 

Ang paglalakad ay mas nakatutulong sa pagkakaroon ng creative thinking kaysa sa pag-upo.

 

Ang paglalakad ay nakakabawas sa pagkahilig ng tao sa matatamis. Ayon sa pag-aaral, ang 15-minute brisk walking ay nakakabawas sa chocolate cravings sa nakaka-stress na sitwasyon.

 

Ang regular na paglalakad ay umiiwas sa tao na magkaroon ng Alzheimer's disease, dementia, Type 2 diabetes, at breast cancer.

 

Sa madaling sabi, ang paglalakad ay nakapagpapahaba ng buhay. Ang mga brisk walkers ay mas mahaba ng 20 years ang buhay kaysa sa hindi palalakad. Kaya, tara na, lakad na tayo!

 

 

Anahaw

Guro: Tukuyin ang kasarian ng bawat Pangngalan. Number 1, anahaw!

Estudyante: Walang kasarian!

Guro: Tama! Pero ano ba ang anahaw? Ano’ng uri ng bagay ito?

Mga estudyante: (Nagbigay ng kani-kanilang sagot.)

Guro: (Nalungkot siya dahil walang nakasagot nang tama, lalo na’t hindi lang sa isang section siya nagturo. Walang nakakaalam ng anahaw.) Ang anahaw ay ang pambansang dahon ng Pilipinas.

Estudyante: Ano’ng hitsura po ng anahaw?

Guro: (Inilarawan niya ito.) Tingnan niyo ang post ko. May anahaw roon.

Friday, June 27, 2025

Sandata Laban sa Kamangmangan.

Dalawampu’t tatlong mga lalaki.

At labingwalong mga babae.

 

Iyan ang mga bilang ng mga bago kong anak-anakan,

Na aking tuturuan, aalagaan, mamahalin, at gagabayan.

 

Magkakaiba sila ng pinanggalingan, katangian, at kakayahan

At may kani-kaniya pang kahinaan at kalakasan.

 

Unti-unti ko silang nakikilala, pagkatapos ng dalawang linggo,

Ang lahat ay may baon--mahahalagang karanasan at kuwento.

 

Karamihan man sa kanila ay may sukbit na bag ng kalungkutan,

Bawat isa naman ay may panulat—  sandata laban sa kamangmangan.

 

Kung sa mga pagsubok, sila’y handang humarap

Walang hindi aangat at susulong tungo sa pangarap.

 

Siguradong makakamit nila ang inaasahang tagumpay,

Gaano man kahirap ang edukasyon at ang buhay.

 

At ako, bilang kanilang guro at magulang na pangalawa

Ay magtitiyaga at magbubuhos ng malawak na pang-unawa.

 

At sa suporta ng komunidad, paaralan, at kanilang pamilya,

Ang misyong ito ay hindi basta pangarap, kundi pag-asa.

Saturday, June 21, 2025

Elias Maticas 6

“Lolo Leo!” tawag ni Elias sa lolong pasakay na sa traysikel ng ama.

 

Napalingon si Lolo Leo, gayundin ang ama ni Elias, si Papay Oliver habang tinatalian ang makulay na nylon stripes bag sa likuran ng traysikel.

 

“Naiwan po ang nganga mo.” Hawak niya ang maliit at lumang tampipi.

 

“Ay, oo, apo. Akin na.”

 

Mabilis na lumapit si Elias. “Lolo, sabihin mo po kay Papay na sasama ako,” bulong niya.

 

Ngumiti muna ang lolo niya bago sumakay sa traysikel. “O, halika ka na, Elias. Sumama ka para may kasama ang ama mo pagbalik niya,” malakas na sabi nito.

 

Hindi na niya tiningnan ang kaniyang ama, pero alam niyang tiningnan siya nito nang matalim. Hindi talaga siya nito gustong isama. Gayunpaman, malakas ang loob niyang sumakay sa traysikel.

 

“Alis na tayo, Oliver,” sabi ni Lolo Leo sa anak.

 

Walang nagawa si Oliver kundi paandarin ang traysikel. Labis naman ang tuwa ni Elias. Kinindatan at nginitian pa nga siya ng kaniyang lolo.

 

Kulang-kulang dalawang oras lang naman ang biyahe patungo sa Juban. Hindi nga iyon namalayan ni Elias dahil nakatulog siya sa balikat ni Lolo Leo. Nakatulugan niya ang kalungkutan.

 

“Gising na, Elias. Malapit na tayo,” sabi ni Lolo Leo sa kaniya.

 

Bago siya dumilat, naramdaman niyang pababa na ang traysikel sa kalsadang patungo sa isang barangay. Pagdilat niya, nakita niya ang pamilyar na tulay at sakahan, gayundin ang irigasyon na dinadaluyan ng malinis, malinaw, at malamig na tubig mula sa isang bukal sa ilalim ng lupa sa may highway. Tuwing bakasyon noon, nangunguha sila roon ng tabagwang o susong pilipit upang ipang-ulam.

 

“`Lo, puwede po bang magbakasyon dito sa inyo?” pabulong niyang tanong.

 

“Puwede. Miss mo na ang mga kalaro mo dito, `no?”

 

“Opo. Manghuhuli po kami ng hito sa palayan.”

 

“Kaya lang~” Inilapit ni Lolo Leo ang bibig sa tainga niya. “Nakasimangot ang papay mo. Parang hindi ka papayagan.”

 

Naglaho ang ngiti sa kaniyang mukha, saka muli na lang tinanaw ang ginintuang palayan.

 

Nang makarating sila sa lumang bahay ng pamilyang Maticas, na ang mga bintana ay yari sa sa capiz, masaya silang sinalubong ni Mamay Olivia.

 

“Kumusta kayo?” bati nito.

 

“Mabuti po,” mabilis na sagot ni Elias, saka nagmano.

 

“Bless you!” Ginulo-gulo pa nito ang kaniyang buhok. Ang laki mo na, at ang pogi. Mana sa akin.”

 

Sanay na siya sa birong iyon, gayundin ang kaniyang ama at lolo.

 

“Dito na muna raw ulit si Papay, Obyang,” sabi ni Papay Oliver habang tinatanggal ang pagkakatali ng lubid sa bag ni Lolo Leo sa likuran ng traysikel.

 

“O, bakit, Papay?”

 

“W-wala… Ayaw mo ba?” tugon ng matanda.

 

Inalalayan ni Elias ang lolo patungo sa bahay.

 

“Manoy, may problema ba?”

 

“Wala naman. Siya lang naman ang may gustong pumunta rito.”

 

Hindi na narinig ni Elias ang ibang sinabi ng kaniyang ama. Sigurado siyang sasabihin din nito sa kaniyang tiyahin ang totoong dahilan.

 

Inihatid niya ang lolo sa kuwarto nito.

 

“Hanggang kailan ka po rito? Kailan ka po uli pupunta sa bahay namin?” usisa niya.

 

“Hindi ko pa alam, Elias… Baka dito na ako bawian ng hininga ng mahal na Diyos,” malungkot nitong sagot.

 

“Huwag ka pong magsalita ng ganyan, Lolo.” Nilapitan niya ito, saka hinipo-hipo ang gintong tatsulok nitong kuwintas, na may nakaukit na mata. Hinipo rin niya ang balang kuwintas.

 

“Pinalalakas ako ng panggagamot ko, pero hinahadlangan ng ama mo.”

 

“Puwede ka pong manggamot dito, Lolo.”

 

“Oo, pero marami kaming parabulong sa lugar na ito.”

 

“Mas magaling ka po, Lolo Leo, kaya sa inyo po sila lalapit at magtitiwala.”

 

Sumilay na ang ngiti sa mga labi ni Lolo Leo. “Ikaw talaga.” Ginulo nito ang buhok niya.

 

Hindi lumipas ang mahabang sandali, binuksan ni Lolo Leo ang narang baul na nasa paanan ng katre nito. Tila may kung anong hangin ang lumabas mula roon.

 

Namilog ang mga mata ni Elias nang masilip ang loob ng baul. Unang niyang Nakita ang lumang photo album. Nakita na niya noon ang mga larawan doon.

 

Inilabas ni Lolo Leo ang itim na supot. “Ito ang mga sulat namin ng Lola Andeng mo noon.”

 

“Ano po ito?” Itinuro niya ang maliit na larawan na nakadikit sa sobre.

 

“Ah, ito? Stamp ito. Selyo. Ito ang pinakabayad sa pagpapadala ng liham na ito.”

 

Tumango-tango lamang si Elias.

 

“Sa panahon ngayon, bihira na ito. Meron pa rin, pero ang mga Kabataang katulad mo, ay bihira ang nakakaalam nito. Nakakalungkot lang kasi naging bahagi ito ng kasaysayan at kultura ng ating bansa.” Inilabas naman ni Lolo Leo ang malaking garapon na puno ng mga barya at perang papel.

 

“Wow! Andami mo po palang naipong pera!” bulalas niya.

 

“Lumang pera na ang mga ito.”

 

“Ay! E, `di wala na pong halaga ang mga iyan.”

 

“Meron pa, pero bilang koleksiyon na lang. Minsan, mas mahalaga ang luma kasya bago. Katulad ng mga ito… Kaya pinakaiingat-ingatan ko ang mga ito.”

 

“Bakit hindi niyo po ibinili noon?”

 

Naglabas si Lolo Leo ng ilang pera mula sa garapon, saka inilagay sa palad ni Elias. “Pagkatapos ng giyera, wala nang halaga ang mga ito, kaya hindi ko na naibili. Itinago ko na lang.”

 

“Kakaiba po pala ang mga pera noon. Ang gaganda! Mas magaganda kaysa sa mga pera ngayon.”

 

Hindi na kumibo si Lolo Leo. May hinahanap ito.

 

Ibinalik naman ni Elias ang mga pera sa garapon.

 

“Iuwi mo itong buntot-pagi,” sabi ng matanda.

 

“Buntot-pagi?” Napakamot siya sa batok habang hawak iyon.

 

“May kakayahan itong itaboy ang masasamang espiritu at nilalang.”

 

“Pero, `Lo, hindi ko po kaya ang ginagawa niyo.”

 

“Kaya mo.” Inilagay nito ang kamay sa balikat ni Elias. “Marami ka nang kaalaman at karanasan… Tiwala akong lilisan dahil may tagapagmana na ako.”

 

“Lolo Leo naman, e… Bakit po kasi ganyan kayo kung magsalita. Ang lakas-lakas niyo pa. Wala kayong sakit.”

 

Pinahiran ni Lolo Leo ang luhang dumaloy sa kaniyang pisngi. “Nanghihina ako kapag hindi nakapanggagamot. At ikaw, bilang batang parabulong, magkakaroon ka ng pambihirang lakas.”

 

“Hindi ko matatanggap ang pamana mo, Lolo Leo, kasi siguradong magagalit sa akin si Papay.”

 

“Kung walang magmamana mula sa mga anak ko, sino? Sino, Elias, sino?” medyo nagtatampo ang tono ng matanda. “Ang mga tiyo at tiyo mong iba, pagkatapos kong pag-aralin, nilayasan ako. Pare-pareho sila ng papay mo. Pare-pareho silang walang tiwala sa kakayahan ko.”

 

“Si Mamay Obyang po.”

 

“Isa pa `yon! Hindi na nga nag-asawa, pero kapwa-babae rin ang gusto.”

 

“Hindi niya rin po ba gusto ang pagiging parabulong niyo?”

 

“Hindi. Wala akong nararamdaman. Hindi ko rin siya nakitaan ng interes, gaya ng interes mo.”

 

Sandaling sumingit ang katahimikan sa pagitan ng maglolo.

 

“Papay, ito po ang gamit mo,” bungad ni Obyang.

 

“Ilapag mo muna riyan.” Itinuro pa ni Lolo Leo ang pintuan.

 

“Elias, uuwi na raw kayo ng papay mo. Bibiyahe pa raw siya.”

 

“Susunod na po ako.” Tumayo na rin siya pagtalikod ni Obyang.

 

“Elias,” tawag ng kaniyang lolo. Nasa may pintuan na siya nang sandalling iyon.

 

Napalingon siya. “Po?”

 

Hinubad ni Lolo Leo ang trianggulong kuwintas mula sa leeg nito, saka lumapit sa kaniya. “Sa ayaw at sa gusto mo, ikaw na ang bagong parabulong sa Sito Burabod.”

 

Dumagundong ang dibdib niya. Tila nahipnotismo rin siya sa kuwintas, kaya namalayan na lamang niyang naisuot na iyon sa kaniya ni Lolo Leo. “Bakit po ako?”

 

“Kasi ikaw si Elias Maticas, ang batang matikas. Ang masasamang espiritu at nilalang, wala sa `yong ligtas… Tanggapin mo iyan, Elias. Ipagpatuloy mo ang misyong nasimulan ko. Salamat!”

 

Napayuko na lamang siya pagkatapos tumulo ang luha niya. Napahawak siya sa kuwintas na pamana.

 

Namalayan na lamang niyang nasa harapan na niya si Lolo Leo. Tinapik-tapik nito ang balikat niya. “Magtiwala ka sa kakayahan mo. At palagi kang magdasal sa Panginoon upang gabayan ka niya sa iyong panggagamot.”

 

Umangat siya ng tingin. “Opo, Lolo Leo.”

 

Lumiwanag ang mukha ni Lolo Leo, at animo’y bumata ito ng dalawampung taon. “Ayos! Makakapagpahinga na ako.” Nakipag-apir pa ito sa kaniya.

 

 

 

 

 


Tuesday, June 3, 2025

Takbo!

Takbo!

 

Tumakbo tayo para sa kalusugan

Ngunit huwag nating takbuhan

Ang problemang pinagdaraanan

Bagkus harapin nang buong katapangan.

Paganahin ang mental na kaisipan

Dagdagan ng pisikal na kalakasan

Upang buhay ay maging maalwan.

 

Tumakbo tayo para sa kalikasan

Tumakbo tayo palayo sa kasamaan

Mga polusyon ay hindi maiiwasan

Kaya atin itong protektahan

Nang sariwang hangin, mapakinabangan

Saganang pawis tumagaktak man

Sa ating pagtakbo, dulot ay kaginhawaan.

 

T

Sunday, June 1, 2025

Elias Maticas 5

Naalimpungatan si Elias sa palahaw na iyak ng kaniyang nakababatang kapatid. Bumangon na siya upang alamin ang dahilan niyon. Naabutan niyang nasa may hagdanan si Diego. Umupo siya sa tabi nito. At hindi nagtagal, nagpakalong ito sa kaniya.

 

“Dalhin na natin si Natasha sa clinic,” sabi ng kaniyang ama habang nagpiprito ito ng itlog.

 

“Huwag na. Dagdag-gastos lang. Nandito naman si Papay, o,” sabi naman ng kaniyang ina habang nagsasala ito ng nilagang kapeng barako.

 

Parang nakalimutan niya ang kaniyang pakay na alamin ang dahilan ng pag-iyak ni Natasha nang manuot sa ilong niya ang nakapupukaw na amoy ng kape.

 

“K-kuya…”

 

Kundi lang siya tinawag ni Natasha, hindi niya mapapansing nakahiga pala ito sa kawayang katre ni Lolo Leo.

 

“Nasaan si Lolo?” tanong niya sa sarili habang bumaba sa hagdan upang lapitan ang kapatid. “Anong nangyari?”

 

“Ayan, nilalagnat ang kapatid mo? Namaligno `yan doon sa burabod,” litanya ng ina. “Bakit kasi sumama-sama pa.”

 

Na-gulity siya sa nangyari, pero hinipo pa rin niya ang noo at leeg ni Natasha.
“Baka may pilay po siya, Mamay. Nadulas po kasi siya roon kagabi.”

 

“Isa pa `yon! Hay, naku! Sige na, mag-almusal na tayo nang maipagamot na siya ni Papay… Elias, tawagin mo na ang lolo mo.”

 

Bago siya nakalabas sa pintuan, nagalit na kaniyang ama. “Puro ka Papay, Papay, Papay!”

 

“E, bakit? Marami ang nagtitiwala sa tatay mo,” sagot ng ina. “Ikaw itong anak niya, pero ikaw ang walang tiwala.”  

 

“Mas magtiwala tayo sa kakayahan ng mga doktor… E, paano ba naging parabulong si Papay? Ni hindi nga siya nakapagtapos ng elementarya. Dati lang siyang gerilya. Paano niya natutuhan ang panggagamot? Aber?”

 

“Sa karanasan niya sa pagiging gerilya. Hindi ba’t siya ang nanggagamot sa mga kasamahan niya kapag nasa bundok o gubat sila?”

 

“Naku! Noon puwede iyon… Nasa modernong panahon na tayo.”

 

“Ah, basta! Si Papay ang bahala kay Natasha.”

 

“Bahala kayo!” Pagkalapag sa mesa ng mga piniritong itlog, lumabas ito ng bahay. Nakasalubong nito si Lolo Leo.

 

Natakpan ni Elias ang kaniyang bibig nang makitang nagkasalubong ang mag-ama. Sigurado siyang narinig lahat ni Lolo Leo ang sinabi ng kaniyang ama patungkol sa kaniyang lolo.

 

“Papay, kain na po tayo,” aya ng kaniyang ina.

 

“Sige, naamoy ko na nga ang kapeng barako,” nakangiting sabi ni Lolo Leo, saka dumiretso sa kusina. “Uy, Elias, good morning sa `yo! Bakit parang naging bato ka na Riyan. Halika na.”

 

“Opo, Lolo! Good morning din po.”

 

Ipinagtimpla siya ni Lolo Leo ng kape habang siya naman ang naglagay ng mga lusang pinggan sa lamesa. Abala naman ang kaniyang ina sa pagpapakain kay Natasha.

 

Tahimik na nag-almusal ang maglolo. Tahimik ang usapan lang ng kaniyang ina at kapatid ang maririnig. Katulad niya tuwing may sakit siya, wala siyang ganang kumain, kaya nahihirapan ang kaniyang ina na pakainin siya.

 

“Isa na lang, Natasha. Sige na, nganga na,” sabi ng ina.

 

“Ayaw ko na po,” palahaw na iyak ni Natasha.

 

“Huwag mo nang pilitin kung ayaw, Marilou, baka mapalo mo na naman. Hayaan mo na. pagkatapos nito, gagamutin ko na siya.”

 

Natuwa siya sa kaniyang narinig mula sa kaniyang lolo. Naisip niyang baka hindi naman niti narinig ang sinabi ng kaniyang ama.

 

“Sige po, Papay,” tugon ng ina. Iniwan na nito si Natasha. “Ikaw na po ang bahala sa kaniya. Pagkatapos kong mag-almusal, maglalako pa ako ng mga sitaw.”

 

“Oo, Marilou… Maraming salamat sa tiwala. Si Natasha na ang huling gagamutin ko.”

 

Napatingin si Elias sa lolo, na biglang napayuko. Narinig pala nito ang masasakit na salita ng kaniyang ama. Naaawa man siya, subalit hindi niya alam kung ano ang sasabihin upang gumaan ang dibdib nito. Ang tangi na lamang niyang magagawa ay magtiwalang muli sa kakayahan nito sa huli nitong panggagamot.

 

Pagkatapos nilang mag-almusal, inutusan siya ni Lolo Leo na mamitas ng artemisia o damong maria sa kanilang herbal garden. Hindi lang iyon ang unang beses na gagawin niya iyon. At alam na alam na niya kung gaano karaming dahon ang pipitasin niya. Siya na rin ang maghahanda niyon.

 

Sa bao ng niyog, nagbuhos si Elias ng kaunting patak ng gaas, na mula sa gasera. Inilahok niya ang mga pinitas na damong maria. At sinimulan niyang lamasin hanggang sa magkatas.

 

“Handa na po, Lolo!” Inaabot na niya ang bao, na may katas ng damong maria.  

 

“Salamat, Elias! Maaasahan na talaga kita. Puwede ka nang maging parabulong,” sabi ng lolo. Saka sumilip ang maiitim nitong ngipin dahil sa nganga.

 

Sa halip na matuwa, dumaloy sa katawan niya ang takot. Takot iyon sa sasabihin ng kaniyang ama. Dahil dito, napaurong siya. Natahimik siya sa hagdanan habang pinanonood ang paghihilot ni Lolo Leo kay Natasha, gamit ang katas ng artemisia.

 

“Paano niya natutuhan ang panggagamot? Aber?”

 

Parang narinig niyang muli ang pahayag ng kaniyang ama kanina.

 

“Araay ko po, Lolo,” daing ni Natasha.

 

“Gagaling ka na,” tugon ng lolo. “Malapit na.”

 

Para kay Elias, mahusay na parabulong ang kaniyang lolo. Marami na itong napagaling. Marami-rami na rin ang dumarayo mula sa karatig na barangay para magpagamot.

 

Labis ang paghanga niya kay Lolo Elias, hindi lang dahil sa husay nito sa panggagamot, kundi sa kabaitan nito. Mabait ito, hindi lang dahil hindi ito namamalo, kundi ay hindi ito tumatanggap ng kahit anomang bayad mula sa mga ginamot niyang tao.

 

“Misyon ang panggagamot, Elias. Isang misyon.”  Minsang sabi nito nang tanggihan nito ang malaking halagang bigay ng napagaling nito mula sa barang.

 

Pagkatapos hilutin ni Lolo Leo si Natasha, nakatulog ito sa katre.

 

“Mamaya po, paggising niya, mangungulit na naman po `yan,” sabi ni Elias.

 

“Siyempre, katulad mo, makulit, pero mabait at responsable.” Inakbayan siya ng lolo.

 

“Naku, parang hindi po ako responsable. Napagalitan nga po ako kagabi ni Papay.”

 

“Hayaan mo na.” Niyakag siya nito palabas upang hindi nila maingayan si Natasha. Umupo sila sa upuang kawayan, na nasa ilalim ng puno ng langka, na may maraming bunga, na nababalutan ng mga sako. “Mabait ang papay mo, pero iba siya, kung ikukumpara sa atin. Hindi niya tayo maunawaan.”

 

Napatingin siya sa lolo. Malamlam ang mga mata nito. “Pasensiya ka na po kay Papay.”

 

“Wala `yon, Elias. Ang mahalaga, naniniwala ka sa akin.”

 

“Siyempre po! Idol po kita, e!” Pilit niyang pinasaya ang boses upang makalimutan ng lolo ang mga narinig mula sa kaniyang ama.

 

“Handa ka na ba sa misyon?”

 

Nanlaki ang mga mata niya, bilang hudyat na hindi agad niya naunawaan ang tanong ng lolo.

 

“Ikaw na ang magpapatuloy ng misyon.”

 

“P-po? Misyon?” Hindi niya alam kung kaya niya. “Bakit po? Ikaw po?”

 

“Babalik na ako sa bahay ng tiya mo. Doon, nauunawaan niya ang misyon ko.”

 

“Hindi ko pa po kayang gawin ang misyon kapag wala ka.”

 

Inakbayan siya ni Lolo Leo, saka niyugyog nang bahagya ang balikat niya. “Kaya mo. Alam kong kaya mo. Halos naituro ko na sa `yo lahat.”

 

Napayuko na lamang siya, saka niya napansin ang nakasabit na tirador sa kaniyang leeg. “Paninirador lang po ang kaya kong gawin kahit wala ka, Lolo.”

 

Natatawa si Lolo Leo. “Sus! Lahing Maticas ka, kaya anomang sakit o problema sa Sitio Burabod, kaya mong masolb at mabigyang-lunas.” Tinapik-tapik naman nito ang balikat niya. “Naniniwala akong maipagpapatuloy mo ang misyon.”

 

“Paano po kung maging okey na kayo ni Papay, aalis ka pa rin po ba?”

 

“Kilala ko ang papay mo.”

 

“Kakausapin ko po siya.”

 

Nginitian siya nito. “Huwag na… Para sa katahimikan ng inyong pamilya, babalik na ako sa dati kong bahay. Walang kasama roon ang Tiya Olivia mo. Kawawa naman.”

 

“Sama po ako. Doon na rin po ako mag-aral.”

 

Natawa naman ang lolo. “Gusto mo ba talagang magkabati pa kami ng papay mo?”

 

Tumango siya.

 

“Dumito ka lang. Ang pamilya, dapat magkakasama.”

 

“Pamilya ka po namin.”

 

Hindi kumibo si Lolo Leo. Ngumiti lamang ito.

 

“Kailan ka po ba aalis?”

 

“Patatawagan ko si Olivia sa papay mo. Magpapasundo ako.”

 

“Puwede bang si Papay na lang ang maghatid sa inyo para makasama po ako? Pero babalik din po ako.”

 

“Puwede naman, Elias. Sige, ganoon na lang. Bukas sana.”

 

“Bukas na po agad?” mangiyak-ngiyak niyang tanong.

 

Ginulo ni Lolo Leo ang buhok niya. “Huwag kang malungkot.”

 

“Wala na po kasing magtatanggol sa akin.”

 

Pumulanghit ng tawa ang lolo.

Tatlong Letter Z

Estudyante: “Tulog po si Juan.” (Yuyugyugin sana ang balikat ng kaklaseng tulog.)   Guro: Huwag mong gisingin. Hayaan mo lang. Mahirap m...