“Lolo Leo!” tawag ni Elias sa lolong pasakay na sa traysikel ng ama.
Napalingon si Lolo Leo, gayundin ang ama ni Elias, si Papay Oliver
habang tinatalian ang makulay na nylon stripes bag sa likuran ng
traysikel.
“Naiwan po ang nganga mo.” Hawak niya ang maliit at lumang tampipi.
“Ay, oo, apo. Akin na.”
Mabilis na lumapit si Elias. “Lolo, sabihin mo po kay Papay na sasama
ako,” bulong niya.
Ngumiti muna ang lolo niya bago sumakay sa traysikel. “O, halika ka na,
Elias. Sumama ka para may kasama ang ama mo pagbalik niya,” malakas na sabi
nito.
Hindi na niya tiningnan ang kaniyang ama, pero alam niyang tiningnan
siya nito nang matalim. Hindi talaga siya nito gustong isama. Gayunpaman,
malakas ang loob niyang sumakay sa traysikel.
“Alis na tayo, Oliver,” sabi ni Lolo Leo sa anak.
Walang nagawa si Oliver kundi paandarin ang traysikel. Labis naman ang
tuwa ni Elias. Kinindatan at nginitian pa nga siya ng kaniyang lolo.
Kulang-kulang dalawang oras lang naman ang biyahe patungo sa Juban.
Hindi nga iyon namalayan ni Elias dahil nakatulog siya sa balikat ni Lolo Leo.
Nakatulugan niya ang kalungkutan.
“Gising na, Elias. Malapit na tayo,” sabi ni Lolo Leo sa kaniya.
Bago siya dumilat, naramdaman niyang pababa na ang traysikel sa
kalsadang patungo sa isang barangay. Pagdilat niya, nakita niya ang pamilyar na
tulay at sakahan, gayundin ang irigasyon na dinadaluyan ng malinis, malinaw, at
malamig na tubig mula sa isang bukal sa ilalim ng lupa sa may highway.
Tuwing bakasyon noon, nangunguha sila roon ng tabagwang o susong pilipit upang
ipang-ulam.
“`Lo, puwede po bang magbakasyon dito sa inyo?” pabulong niyang tanong.
“Puwede. Miss mo na ang mga kalaro mo dito, `no?”
“Opo. Manghuhuli po kami ng hito sa palayan.”
“Kaya lang~” Inilapit ni Lolo Leo ang bibig sa tainga niya. “Nakasimangot
ang papay mo. Parang hindi ka papayagan.”
Naglaho ang ngiti sa kaniyang mukha, saka muli na lang tinanaw ang ginintuang
palayan.
Nang makarating sila sa lumang bahay ng pamilyang Maticas, na ang mga
bintana ay yari sa sa capiz, masaya silang sinalubong ni Mamay Olivia.
“Kumusta kayo?” bati nito.
“Mabuti po,” mabilis na sagot ni Elias, saka nagmano.
“Bless you!” Ginulo-gulo pa nito ang kaniyang buhok. Ang laki mo
na, at ang pogi. Mana sa akin.”
Sanay na siya sa birong iyon, gayundin ang kaniyang ama at lolo.
“Dito na muna raw ulit si Papay, Obyang,” sabi ni Papay Oliver habang
tinatanggal ang pagkakatali ng lubid sa bag ni Lolo Leo sa likuran ng traysikel.
“O, bakit, Papay?”
“W-wala… Ayaw mo ba?” tugon ng matanda.
Inalalayan ni Elias ang lolo patungo sa bahay.
“Manoy, may problema ba?”
“Wala naman. Siya lang naman ang may gustong pumunta rito.”
Hindi na narinig ni Elias ang ibang sinabi ng kaniyang ama. Sigurado
siyang sasabihin din nito sa kaniyang tiyahin ang totoong dahilan.
Inihatid niya ang lolo sa kuwarto nito.
“Hanggang kailan ka po rito? Kailan ka po uli pupunta sa bahay namin?”
usisa niya.
“Hindi ko pa alam, Elias… Baka dito na ako bawian ng hininga ng mahal na
Diyos,” malungkot nitong sagot.
“Huwag ka pong magsalita ng ganyan, Lolo.” Nilapitan niya ito, saka
hinipo-hipo ang gintong tatsulok nitong kuwintas, na may nakaukit na mata.
Hinipo rin niya ang balang kuwintas.
“Pinalalakas ako ng panggagamot ko, pero hinahadlangan ng ama mo.”
“Puwede ka pong manggamot dito, Lolo.”
“Oo, pero marami kaming parabulong sa lugar na ito.”
“Mas magaling ka po, Lolo Leo, kaya sa inyo po sila lalapit at magtitiwala.”
Sumilay na ang ngiti sa mga labi ni Lolo Leo. “Ikaw talaga.” Ginulo nito
ang buhok niya.
Hindi lumipas ang mahabang sandali, binuksan ni Lolo Leo ang narang baul
na nasa paanan ng katre nito. Tila may kung anong hangin ang lumabas mula roon.
Namilog ang mga mata ni Elias nang masilip ang loob ng baul. Unang
niyang Nakita ang lumang photo album. Nakita na niya noon ang mga
larawan doon.
Inilabas ni Lolo Leo ang itim na supot. “Ito ang mga sulat namin ng Lola
Andeng mo noon.”
“Ano po ito?” Itinuro niya ang maliit na larawan na nakadikit sa sobre.
“Ah, ito? Stamp ito. Selyo. Ito ang pinakabayad sa pagpapadala ng
liham na ito.”
Tumango-tango lamang si Elias.
“Sa panahon ngayon, bihira na ito. Meron pa rin, pero ang mga Kabataang katulad
mo, ay bihira ang nakakaalam nito. Nakakalungkot lang kasi naging bahagi ito ng
kasaysayan at kultura ng ating bansa.” Inilabas naman ni Lolo Leo ang malaking
garapon na puno ng mga barya at perang papel.
“Wow! Andami mo po palang naipong pera!” bulalas niya.
“Lumang pera na ang mga ito.”
“Ay! E, `di wala na pong halaga ang mga iyan.”
“Meron pa, pero bilang koleksiyon na lang. Minsan, mas mahalaga ang luma
kasya bago. Katulad ng mga ito… Kaya pinakaiingat-ingatan ko ang mga ito.”
“Bakit hindi niyo po ibinili noon?”
Naglabas si Lolo Leo ng ilang pera mula sa garapon, saka inilagay sa
palad ni Elias. “Pagkatapos ng giyera, wala nang halaga ang mga ito, kaya hindi
ko na naibili. Itinago ko na lang.”
“Kakaiba po pala ang mga pera noon. Ang gaganda! Mas magaganda kaysa sa
mga pera ngayon.”
Hindi na kumibo si Lolo Leo. May hinahanap ito.
Ibinalik naman ni Elias ang mga pera sa garapon.
“Iuwi mo itong buntot-pagi,” sabi ng matanda.
“Buntot-pagi?” Napakamot siya sa batok habang hawak iyon.
“May kakayahan itong itaboy ang masasamang espiritu at nilalang.”
“Pero, `Lo, hindi ko po kaya ang ginagawa niyo.”
“Kaya mo.” Inilagay nito ang kamay sa balikat ni Elias. “Marami ka nang kaalaman
at karanasan… Tiwala akong lilisan dahil may tagapagmana na ako.”
“Lolo Leo naman, e… Bakit po kasi ganyan kayo kung magsalita. Ang lakas-lakas
niyo pa. Wala kayong sakit.”
Pinahiran ni Lolo Leo ang luhang dumaloy sa kaniyang pisngi. “Nanghihina
ako kapag hindi nakapanggagamot. At ikaw, bilang batang parabulong, magkakaroon
ka ng pambihirang lakas.”
“Hindi ko matatanggap ang pamana mo, Lolo Leo, kasi siguradong magagalit
sa akin si Papay.”
“Kung walang magmamana mula sa mga anak ko, sino? Sino, Elias, sino?” medyo
nagtatampo ang tono ng matanda. “Ang mga tiyo at tiyo mong iba, pagkatapos kong
pag-aralin, nilayasan ako. Pare-pareho sila ng papay mo. Pare-pareho silang
walang tiwala sa kakayahan ko.”
“Si Mamay Obyang po.”
“Isa pa `yon! Hindi na nga nag-asawa, pero kapwa-babae rin ang gusto.”
“Hindi niya rin po ba gusto ang pagiging parabulong niyo?”
“Hindi. Wala akong nararamdaman. Hindi ko rin siya nakitaan ng interes,
gaya ng interes mo.”
Sandaling sumingit ang katahimikan sa pagitan ng maglolo.
“Papay, ito po ang gamit mo,” bungad ni Obyang.
“Ilapag mo muna riyan.” Itinuro pa ni Lolo Leo ang pintuan.
“Elias, uuwi na raw kayo ng papay mo. Bibiyahe pa raw siya.”
“Susunod na po ako.” Tumayo na rin siya pagtalikod ni Obyang.
“Elias,” tawag ng kaniyang lolo. Nasa may pintuan na siya nang sandalling
iyon.
Napalingon siya. “Po?”
Hinubad ni Lolo Leo ang trianggulong kuwintas mula sa leeg nito, saka
lumapit sa kaniya. “Sa ayaw at sa gusto mo, ikaw na ang bagong parabulong sa Sito
Burabod.”
Dumagundong ang dibdib niya. Tila nahipnotismo rin siya sa kuwintas,
kaya namalayan na lamang niyang naisuot na iyon sa kaniya ni Lolo Leo. “Bakit
po ako?”
“Kasi ikaw si Elias Maticas, ang batang matikas. Ang masasamang espiritu
at nilalang, wala sa `yong ligtas… Tanggapin mo iyan, Elias. Ipagpatuloy mo ang
misyong nasimulan ko. Salamat!”
Napayuko na lamang siya pagkatapos tumulo ang luha niya. Napahawak siya
sa kuwintas na pamana.
Namalayan na lamang niyang nasa harapan na niya si Lolo Leo. Tinapik-tapik
nito ang balikat niya. “Magtiwala ka sa kakayahan mo. At palagi kang magdasal
sa Panginoon upang gabayan ka niya sa iyong panggagamot.”
Umangat siya ng tingin. “Opo, Lolo Leo.”
Lumiwanag ang mukha ni Lolo Leo, at animo’y bumata ito ng dalawampung
taon. “Ayos! Makakapagpahinga na ako.” Nakipag-apir pa ito sa kaniya.
No comments:
Post a Comment