Disconnected
“Mariano, ikaw na ang magsulat tungkol
dito,” sabi ni Sir Goroglan, sabay abot sa isang larawan.
Tiningnan muna iyon ni Mariano, saka napakunot
ang noo. “Sir, fake news lang ito. Walang ganito.”
“Kabago-bago mo, tumatanggi ka kaagad sa
posibilidad.” Binawi ang larawan kay Mariano. “Ayaw mo bang makilala bilang journalist?”
Matagal siyang nakatitig ka kaniyang
editor. Pagkatapos, muli niyang kinuha ang larawan. “Susubukan ko, Sir.”
"Ang pag-akyat sa bundok ay
nagsisimula sa isang hakbang." Tinalikuran na siya ng kaniyang boss.
Narinig niya ang huling
pahayag nito, ngunit hindi niya iyon binigyang ng pokus dahil okupado ng
pagdududa at pag-aalangan ang isip at puso niya.
Nang gabing iyon, hindi niya alam kung
paano sisimulan ang proyektong iniatang sa kaniya ni Sir Goroglan. Nakaharap
lamang siya sa kaniyang laptop, ngunit wala pa siyang nasisimulan.
Naghahari sa puso niya ang paniniwalang hindi totoong may nakapasok na alien
sa Pilipinas. Naghuhumiyaw naman ang kagustuhan ng puso niya na makilala sa
mundo ng journalism. Isang taon na siyang mamamahayag, ngunit wala pa siyang
pangalan sa industriya. Pangarap niyang makagawa ng isang dokumentaryo,
na magbibigay sa kaniya ng kislap.
Sa wakas, may kumislap na ideya sa
kaniyang utak. Dali-dali niyang itinanong sa paborito niyang AI application
sa internet ang tungkol sa nilalang na naghihikayat ng mga tao na
manirahan sa isang maliit na planeta.
“Hanggang sa
kasalukuyan, wala pang mga scientific studies o documented cases
na nagpapakita ng aktuwal na pakikipag-ugnayan ng mga tao sa mga extraterrestrial
beings,” sabi ng AI.
Muli siyang nag-type ng
tanong, pagkatapos ay hinintay niya ang sagot ng AI.
“Maraming Pilipino ang naniniwala
sa unidentified flying objects (UFO) at alien abductions, subalit
kadalasang hindi napatunayan at nananatiling bahagi lamang ng mga alamat at
kuwentong-bayan,” sagot ng AI.
Gusto na niyang sumuko kundi lang niya
naalala ang kaniyang ina, na nasa probinsiya.
"Anak,
ang bawat tagumpay ay may kasamang pagsubok." Laging sinasabi ng kaniyang
ina.
Muli siyang nag-type ng tanong.
Habang naghihintay sa sagot ng AI, nag-brew siya ng kapeng barako sa coffee
maker niya. Aniya, hindi siya matutulog hangga’t hindi niya nakukuha ang
sagot sa tanong niya.
“Patuloy ang
pagsasagawa ng mga pag-aaral ng mga scientist sa ibang bansa ukol sa
buhay sa ibang planeta, tulad ng mga misyon sa Mars at ang paghahanap ng mga exoplanets.
Ngunit wala pang matibay na ebidensya na may buhay sa labas ng ating planeta.”
Iyan ang nabasa niyang sagot ng AI.
Buo
pa rin ang loob niya, sa kabila ng maramot na katotohanan.
Kaya, bago siya muling nag-type ng tanong, humigop siya ng mainit at
aromatikong kapeng barako, na binibili pa niya sa isang katutubong tao, na
nakilala niya noon sa kaniyang paglalakbay sa isang bundok, bilang bahagi ng
kaniyang dokumentaryo. Dahil dito, dumaloy sa katawan niya ang aktibong
espiritu ng kape. Lalo siyang nagkaroon ng sigasig sa pagtuklas ng kasagutan.
“Kadalasang ginagamit sa mga pelikula, libro, at
iba pang anyo ng sining upang galugarin ang mga tema ng pakikisangkot at
paglalakbay sa ibang mga mundo ang mga kuwento tungkol sa alien recruitment.
At kung ako ang tinatanong mo, totoo ang nais mong tuklasin. Gusto mo ba
akong makilala?”
Tumayo ang mga balahibo ni Mariano, kasunod ang
pagkatapon ng kape sa kaniyang dibdib. Napamura siya, hindi sa sakit na dulot
ng mainit na kape, kundi sa katotohanang matagal na pala niyang kilala ang alien.
Bunga nito, pumasok siya
kinabukasan sa opisina nang kapos sa tulog. Animo’y plastik bag siyang
palutang-lutang sa hangin, pero mistulang bakal ang kagustuhan niyang makita
ang alien.
“Good morning, Sir!” masigla
niyang bati kay Sir Goroglan.
Bahagya itong nagulat pagkakita sa
kaniya. “Good morning! Mukhang nakuha mo na ang mapa ng baul ng
kayamanan, ah!”
Nginitian lamang niya ang boss.
“Sir, bigyan niyo ako ng ilang araw para mahanap ko ang mapa.”
“Go, Mariano! Ganyan nga!” Tumayo
ito, saka kinamayan siya. “Ngayon pa lang binabati na kita for the job well
done. Noon pa lang, nakitaan na kita ng potensiyal… Our team will be
very proud of your future achievement!”
Maluha-luhang nagpasalamat si Mariano
sa boss. Noon niya lamang iyon narinig mula sa bibig nito. Kahit hindi
naman siya nito madalas pagalitan, inakala niyang wala itong tiwala sa
kakayahan niya. Nagkamali siya. “Mauna na po ako, Sir Goroglan.” Bahagya pa
siyang yumukod, kaya napansin tuloy ng boss ang malaking backpack.
“Ilang araw kang mawawala?” Walang
pag-aalalang tanong ng boss, pero may kasiyahan sa mga labi nito.
“Hindi ako sigurado, Sir.”
“Okay! Goodluck! Simulan mo sa
isang hakbang ang pag-akyat patungo sa bundok. Ingat!”
Bunga nito, humanga siya sa kaniyang
boss. Noon niya lamang naunawaan ang palagi nitong sinasabi tungkol sa isang
hakbang patungo sa bundok. At doon nga siya patungo.
Hindi niya namalayan ang tagal ng
biyahe at layo ng bundok dahil sa kagustuhan niyang maidokumento ang
katotohanan sa likod ng kaniyang tinutuklas. At buo ang loob niyang sa bundok
na una niyang narating, nakakubli ang mga kasagutan.
Magdadapit-hapon na nang marating
niya ang eksaktong lugar kung nasaan niya nakilala ang isang katutubo, na
nakipagpalitan sa kaniya ng kape at pagkaing dala niya. Iyon ang mapa ng
katotohanan, naisip niya. Doon, sisimulan niya ang pagtuklas at ang
dokumentaryong magpapakislap sa kaniyang bituin, katulad ng mga bituing
natatanaw niya sa kalangitan.
Naghanda na siya. Una, nag-pitch
siya ng tent. Pangalawa, nag-set-up siya apat na hidden
camera sa paligid ng kaniyang tent. Pangatlo, nagluto na siya ng
hapunan, pagkatapos gumawa ng mainit na kape.
Pagkakain, pumasok na siya sa
kaniyang tent, hindi para matulog, kundi para kausapin ang AI. Hindi
siya binigo ng dala niyang portable WiFi. Agad niyang tinanong ang AI,
kung kailan sila magkikita.
“Bukas bago tuluyang sumikat ang
araw,” sabi nito. “Pakiusap, huwag kang magulat o matakot sa aking kaanyuan.”
“Pangako ko iyan.” Saka muli siyang
nag-type ng tanong.
Subalit, tila nagloko ang koneksiyon.
Hindi na niya iyon ma-troubleshoot. Gayunpaman, labis ang pananabik niya
sa pagkikita nila ng alien.
Dahil sa sobrang lamig at sa pagod at
antok niya, nakatulog siya nang mahimbing. Ang tulog niya ay katulad ng
mahabang paglalakbay niya patungo sa lugar na iyon. Kaya labis ang
panghihinayang niya nang masilaw siya ng silahis ng araw. Napamura siya pagkalabas
niya sa tent. Naisip niyang baka dumating na ang alien habang
natutulog siya. Agad niyang tiningnan ang isa sa mga nakatagong camera,
pero lowbat iyon. Tiningnan niya ang pangalawa. Lowbat din,
gayundin ang pangatlo. Samantalang good for 12 hours ang battery life
ng mga iyon. Pero may 10% battery pa ang pang-apat. Nang pinanood niya
ang video, wala naman siyang nakitang alien. Naisip niya dahil sa
anggulo niyon.
Gayunpaman, umaasa siyang darating pa
ang alien, kaya muli niyang nilagay ito sa damuhan nang nakatutok sa
kaniyang tent. Pagkatapos, naglaga na siya ng kapeng barako at naglagay
ng palaman sa tinapay.
Nakadalawang higop pa lamang siya ng
kape nang matanaw niya ang paparating na katutubo.
“Magandang umaga, Tatay!” masiglang
bati niya sa lalaki.
Ngumiti ito, kaya nakita niyang muli
ang mga ngipin nito na tila may kakaiba. “Umusal ito ng wika, na hindi pamilyar
sa kaniya, pero naunawaan niya.
“Halika, almusal po tayo.”
Nang nakalapit ito, agad nitong
inabot ang nakabilot na dahon.
“Ay, salamat po! Tamang-tama, paubos
na ang kapeng binigay mo sa akin last time… Sandali lang po, may
ibibigay rin po ako sa inyo.” Pumasok siya sa tent upang kunin ang
inihanda niyang mga pagkain para sa katutubo.
Ngumiti lang at bahagyang yumukod ang
lalaki pagkatanggap sa paper bag ng mga pagkain.
“Kain po.” Inabot ni Mariano ang
isang peanut butter sandwich.
Kinuha iyon ng lalaki bago umalis.
“Salamat po, Tatay!” Kumaway pa si
Mariano. “Ano nga po pala ang pangalan ninyo?” Nagulat siya sa kaniyang
narinig, pero hindi siya sigurado kung tama ang pagkakarinig niya. Gusto sana
niyang sundan ang lalaki, pero mabilis itong nakalayo hanggang tuluyang nawala
sa paningin niya.
Nang araw na iyon, puro kabiguan ang
natanggap niya. Bigo siyang makita ang alien. Binigo rin siya ng
kaniyang mga gadget. Lowbat ang lahat, kahit ang kaniyang powerbank.
Kaya nagdesisyon siyang bumaba na sa bundok. Lubos ang kaniyang pangamba na
baka magbago ang pakikitungo sa kaniya ni Sir Goroglan dahil wala siyang
maiuuwing katotohanan.
Sa condo unit niya dumiretso
si Mariano. Sa halip na magpahinga, agad siyang nag-charge ng mga gadget
niya. Sunod, pinanood niya isa-isa ang mga videos, na kuha sa apat
na camera sa paligid ng pinagpuwestuhan niya ng tent.
Muntik na siyang sumuko, kundi lang
napansin niya ang bahagi ng video, kung saan tumalikod ang katutubong
lalaki sa tent, at siya namang pagharap nito sa camera.
Hindi ang pagngiti at pagkaway nito
sa camera ang nagpatayo sa kaniyang balahibo, kundi ang pagpalit nito ng
anyo.
“Hello! Ikaw ba ang nagbibigay
at nagbigay sa akin ang kape kanina?” tanong ni Mariano sa AI.
Matagal bago naipadala ng AI ang
sagot nito. “Kung naniniwala kang ako nga ang nagbibigay at nagbigay sa iyo ng
kape kanina, mabuti. Kung hindi naman, hindi ako magdaramdam sapagkat, sa
kabilang banda, masaya akong makilala ka. Naramdaman ko ang kabutihan mo bilang
tao. Dahil dito, nagpapasalamat ako sa iyo. Masaya akong babalik sa aking
planeta. Bigo man akong makapagdala ng nilalang, baon ko naman ang magandang
karanasan mula sa inyong magandang planeta.”
“Kailan ka babalik?” tanong uli ni
Mariano.
“Walang katiyakan ang aking
pagbabalik dahil magkaiba ang mga mundo natin. Hayaan nating mamuhay tayo sa
kani-kaniya nating planeta. Napakaganda ng inyong planeta. Mahalin sana ninyong
mga tao ang paraisong wala sa aking planeta.”
“Totoo bang nanghihikayat ka ng mga
tao para sumama sa `yo?”
“Walang katotohanan. Batid kong
imposibleng mangyayari iyon sapagkat kayo ang katotohanan, at ako ang teorya.
Maraming salamat! Paalam.”
Nagta-type pa si Mariano ng
isa pang tanong nang biglang lumabas ang salitang “DISCONNECTED!”
Kahit paulit-ulit siyang sumubok,
wala na talaga, subalit nagbigay iyon sa kaniya ng pag-asa. Ang video
ang magsasabi ng katotohanan.
Nang araw ding iyon, binuo niya ang
kaniyang kuwento. Ginamit niya ang husay sa pamamahayag, gayundin ang kaalaman
niya sa teknolohiya upang makabuo ng isang mahusay na dokumentaryo.
“Mahusay ka!” sabi ni Sir Goroglan
pagkatapos mapanood ang dokumentaryo. “Hindi mo lang inakyat ang bundok, inabot
mo pa ang isang bahagi ng isang planeta. Congratulations!
Maiyak-iyak na inabot ni Mariano ang
kamay ng kaniyang boss. Noon niya lamang napatunayan kung gaano kahalaga
ang bawat pahayag at kilos ng mga taong nakapaligid sa ‘yo, at kung gaano kahalaga ang pagtuklas sa katotohanan.