“Aaaaaaah!” mahinang sigaw ni Mena. Sinuntok-suntok niya ang kaniyang sikmura.
“Ano’ng nangyari sa `yo?” tanong ni Ma’am Regalado.
“Ang puson ko, sobrang sakit.” Halos mapangiwi at pumipilit siya sa sakit.
“Dadalhin kita kay Nars Regine.” Nataranta tuloy ang gurong matulungin.
“Ma’am, dapat sa Guidance siya dalhin,” sumbong ni Kirsten. “Sinuntok niya kanina si Quintin.”
“Tinakot niya kasi ako kanina,” paliwanag niya kahit kumikirot na ang ibabang bahagi ng sikmura.
“Pag-usapan natin `yan mamaya,” sawata ng guro sa kanila. “Kailangan muna siyang madala sa klinika.”
Pagdating doon, agad na inusisa ni Nars Regine si Mena. Tinanong siya kung ano ang nararamdaman niya, at kung ano-ano pa. Kaya nagkuwento na siya.
Inihahanda naman ng nars ang heat pad na ilalagay sa puson niya.
Noong Martes, pinisil niya ang tigyawat sa ilong niya kasi baka makita iyon ng kaklaseng hinahangaan niya. Nagkulay-rosas ang mga pisngi niya, habang itinatago ang tigyawat sa ilong niya.
“Naku, okey lang iyan, Mena. Maganda ka pa rin,” sabi ng nars.
Noong Miyerkoles, hindi siya nakatulog. Kaya dahil sa puyat, nawala siya sa pokus. Apektado tuloy ang iskor niya kay Sir Lumubos.”
“Matulog ka nang maaga mamaya,” payo ng nars.
Noong Huwebes, sumakit ang ulo niya simula paggising hanggang sa pagtulog. Hindi mawala-wala ang sakit at kirot, kahit inaalog-alog.
“Hala, kawawa ka naman. Maraming tubig lang ang katapat niyan,” sabi ng nars.
Noong Biyernes, halos bumaligtad ang sikmura ni Mena, pero wala naman siyang maisuka.
“Pagduduwal ang tawag doon, Mena,” dagdag ng nars.
Noong Sabado, nawala ang gana niyang kumain. Kaunti lang ang nabawas sa kaniyang fried chicken.”
“Ay, sayang naman niyon! Dapat bumalik ang gana mo kasi nakakapayat iyon,” hiling ng nars.
Kahapon, sumakit din ang dibdib ni Mena. Kakaibang kirot ang naramdaman niya.”
“Andami mong naramdaman, Mena—parang nagsanga-sanga na,” komento ng nars.
Kanina, bigla na lang nagbago ang damdamin niya. Nasuntok niya si Quintin nang inasar siya. Noon lamang niya iyon nagawa.
“Mood swing ang tawag doon… Nagawa mo ba iyon dahil sa sakit mo sa puson?” tanong ng nars.
“Sinabihan niya kasi na magkakaregla na raw ako,” sabi ni Mena, sabay yuko.
Paimpit munang tumawa si Nars Regine. “Huwag kang magagalit sa akin.”
Umangat ang kaniyang tingin. “Ano iyon, Nars Regine?”
“Nagdadalaga ka na!”
“Ha? Bata pa ako, Nars Regine.”
“Oo, pero ang mga naramdaman at naranasan mo ay mga sintomas na malapit ka nang magkaregla.”
Namumula ang pisnging napatayo si Mena. Kuyom-kuyom ang kamao niya. “Ayaw kong magkaregla!”
“Bakit naman?”
Kumibot-kibot ang mga labi ni Mena, pero walang lumabas na salita. Sa halip, tinupi niya ang manggas ng damit. Saka hinawi ang buhok na bagong gupit.
Matamis ang ngiti ni Nars Regine bago nagsalita. “Normal sa babae ang pagreregla, Mena. Kahit sa kagaya mo, na parang lalaki ang kilos at pananalita.”
“Bakit kasi kailangan pang makaranas ng pagreregla?”
“Halika, may ipapanood ako sa `yo, Mena.”
Habang pinanonood ni Mena ang video, unti-unting gumiginhawa ang kaniyang pakiramdam. Unti-unti rin niyang nauunawaan ang kahalagahan ng pagreregla para sa mga babae.
“Ano ang mga natutuhan mo?” tanong ni Nars Regine pagkatapos mapanood ni Mena ang video.
“Marami,” sabi ni Mena nang nakangiti.
“Gaya ng ano?”
“Ang pagreregla ay palatandaan ng normal na kalusugang reproduktibo. Ito ay paghahanda ng katawan para sa pagbubuntis. Ito ay paraan ng paglilinis ng matris.”
“Tama ka. Ano pa?”
“Batayan ng kalusugan ng kababaihan ang pagreregla.”
“Meron pang isa.”
Saglit na nag-isip si Mena. “Ang pagreregla ay mahahalagang yugto sa buhay ng babae,” nahihiya niyang sabi.
“Ang galing mo!” sabi ng nars, sabay palakpak.
“Salamat!” sagot ni Mena habang namimilit sa sakit.
“Mena, bakit?”
“Ang puson ko... masakit!”
“Ha? Sandali…” Nataranta si Nars Regine, habang kumukuha sa kabinet ng sanitary napkin. “Pumasok ka ngayon sa banyo. Maglagay ka nito.”
Pagkatapos abutin ni Mena ang napkin, napangiti siya. “Wala pa akong regla.”
“Maniwala ka, magkakaroon ka na. Sige na, pumasok ka na.” Niyakag ng nars patungo sa banyo si Mena.
Kahit itinuro na kanilang guro ang wastong paglalagay ng sanitary napkin, nangangatal pa rin siya at para siyang lalagnatin. Magkakahalong kaba, takot, at pananabik ang kaniyang nararamdaman.
Palabas na sana si Mena sa banyo nang may naramdaman siya. Agaw niyang sinuri ang sarili niya. “Aaaaaah!” malakas na sigaw niya.
“Bakit? Mena, Bakit?” tanong ni Nars Regine nang nakalapit.
“Meron na ako? May dugo.” Nanginginig siya at parang tinakasan ng dugo.
“Meron ka na!” Napapalakpak ang nars dahil sa tuwa. “Babaeng-babae ka.”
Hindi malaman ni Mena kung ngingiti siya o iiyak sa sakit.
“Sige na, iiwanan na kita rito para malaya kang makapagpalit.”
Hinawakan niya si Nars Regine sa braso nang mahigpit. “Paano ito? Natatakot ako.”
“Kaya mo `yan,” nakangiting sabi ng nars, sabay tapik sa kanyang balikat.
Ngumiti na si Mena. “Babae ako, kaya… kaya!”
Pagbalik ni Mena sa silid-aralan, nakangiti pa rin si Mena. “Meron na ako!”
Nagpalakpakan ang mga kaklase niya, gayundin si Ma’am Regalado.
“Sabi sa `yo, magkakaregla ka na, e,” sabi ni Quintin.
“Sori, Quintin, sa ginawa ko sa `yo.” Ipapa-Guidance mo pa ba ako?” kaniyang biro.
“Oo, kapag inulit mo.”
“Hindi ko na uulitin, Quintin, dahil ang pagreregla ay mahalaga sa amin.”
Sa mga sumunod na araw, pinag-aralan pa ni Mena ang tungkol sa pagreregla nang mas malalim. Kayang-kaya na niyang kontrolin ang kaniyang damdamin. Kaya, tuwing may regla, hindi na siya bugnutin.
No comments:
Post a Comment