“Ssssh! Huwag kayong maingay. Mahimbing na ang tulog ni Mikay,” sabi ni Mildred sa kaniyang mga kalarong sina Beng at Ray-Ray. “Magbebenta ako ng mga gulay.”
“Nanay, anong oras ka uuwi?” tanong ni Ray-Ray.
“Sandali,” sabi ni Beng. “Tinatawag ka na ng lola mo,
Mildred.”
“Naku, akin na si Mikay.”
“Lagot!” pananakot ng kaniyang mga kalaro. “Kurot na naman
ang aabutin mo.”
Kumaripas ng takbo pauwi si Mildred. Naririnig na niya ang
sigaw ni Lola Ingrid.
Isang pinong-pinong kurot ang sumalubong kay Mildred. “Hindi
ba’t sinabi ko sa `yo, na huwag na huwag mong pakikialaman ang mga sinulid ko,”
pagalit ni Lola Ingrid.
“Ginawa ko lang namang buhok ni Mikay.”
“O, sana nagpaalam ka at hindi mo ikinalat.”
“Andami mo kasing laruang sinulid, Lola Ingrid!” Ibinabalik
ang mga laruan at sinulid habang nagmamaktol si Mildred.
“Bakit, may problema ka ba sa mga sinulid at laruan ko?”
Nakangiting umiling-iling si Mildred. “Ibenta natin ang iba,
Lola Ingrid.”
Kinurot-kurot uli ng lola ang apo. “Hindi ko ibebenta ang
mga koleksiyon ko.”
Isang araw, si Lola Ingrid ay napaos sa kasisigaw.
“Kanina pa ako tawag nang tawag sa `yo, Mildred! Andami ko
nang laruan, pero ubos na ang sinulid.” Malaki ang problema ni Lola Ingrid.
“Sabi ko naman kasi sa `yo, Lola Ingrid, na magbenta na tayo
ng mga laruan para may pambili ka uli ng mga sinulid.” Nakapamaywang pa si
Mildred.
Napatayo mula sa tumba-tumba ang matanda. Kumuha ito ng maraming
piraso ng laruang sinulid mula sa baul na luma. “O, paano mo ito ibebenta?”
“Akong bahala!” Dala-dala ang mga laruang sinulid, tumakbo
si Mildred patungo sa mga kapitbahay nila.
“Naku, Mikay, andaming laruan ni May-May,” sabi ni Aling
Doray.
“Ang ganda naman ng mga iyan!” Bumili ng isa si Aling
Monang.
“Gusto ko sanang bumili, kaya lang ay wala nga kaming
sasaingin,” sabi ni Aling Lagring.
Naisip ni Mildred na ito ay pautangin. “Basta bayaran niyo
agad sa akin.”
Binibilang ni Mildred ang natitirang laruang sinulid nang dumating
sina Ray-Ray at Beng.
“Bumili na kayo sa akin.”
“Naku, wala kaming pambili niyan,” sabay na sambit ng
magkaibigan.
“Sige. Tulungan niyo na lang akong ilako ito sa palengke.”
“Ha?” Napakamot si Beng. “Baka hindi iyan mabili.”
“Subukan muna natin para hindi ako kurutin ni Lola Ingrid,”
pakiusap ni Mildred.
Unang sumang-ayon si Ray-Ray. Sumunod si Beng, kaya naglakad
silang magkakaakbay.
Sa palengke, lahat sila ay nag-aalok. “Ale, mama, bili na
kayo ng mga laruang makulay at malambot.”
Paulit-ulit silang nag-aalok nang pasigaw hanggang atensiyon
ng mga tao ay kanilang naagaw.
“Magkano `yan?”
“Ang gaganda naman!”
“Kayo rin ba ang naggantsilyo niyan?”
Andami nagtanong, pero walang bumili. Andaming lumapit, pero
walang napili.
Pero may isang ale ang lumapit sa kanila. Postura pa lamang
nito, mukhang mayaman na.
“Bili na kayo ng mga laruang makulay at malambot.” Si
Mildred ang nang-alok.
“Magkano ba ang lahat ng iyan?”
“Lahat?” Hindi na siya naghintay ng tugon. Kaniyang binilang
ang mga sinulid na laruan.
Tuwang-tuwa ang kaniyang mga kaibigan.
At habang siya ay nagbibilang, pitaka ng ale ay inilabas
naman.
“Six hundred fifty pesos!” deklara ni Mildred, saka
ngumiti pa.
“Wala na bang iba?”
Napakamot siya sa ulo. “Naku, nasa bahay pa.”
Isang tarheta ang iniabot sa kaniya ng ale, kasunod ang
isanlibong piso. “Tawagan mo ako. Bibili pa ako ng mga laruang sinulid mo.”
“Talaga? Naku, maraming salamat! Matutuwa si Lola Ingrid
nito.”
“Gumawa pa kayo ng marami kasi isa akong negosyante.
Magtulungan tayo,” bilin ng ale.
Bumilog ang mga mata nang kaniyang kaibigan. Nais namang
lumukso ang puso niya dahil sa kasiyahan.
“Kapag tumawag ka, papakyawin ko ang natitirang sinulid na
laruan,” sabi pa ng ale. “Angkat na lang, kung puwede.”
“Angkat?” Napakamot siya sa ulo.
“Ang pag-aangkat ay isang paraan ng pagbebenta ng produkto.
Kukuha ako ng mga laruang sinulid upang ibenta ko. Kapag napaubos ko, saka ko
ibabalik sa iyo ang perang binawasan ng aking tubo.” Tayong dalawa ay kumitang pareho.”
Napapalakpak si Mildred at napangiti nang todo.
“Kaya gantsilyo lang nang gantsilyo.”
“Naku, baka hindi na kayanin. Matanda na si Lola Ingrid.
Pampalipas oras niya lang ang panggagantsilyo,” paliwanag ni Mildred.
“Basta tawagan mo ako.”
Magkahalong saya at kaba ang naramdaman ni Mildred nang ang
ale ay nakalayo.
Hindi na nga nakurot si Mildred pag-uwi niya dahil si Lola
Midred ay sobrang natuwa. Pero nang sinabi niya ang tungkol sa negosyong alok,
lola niya ay napalunok. Bigla itong nangamba at nalungkot. “Nanginginig na ang
mga kamay ko. Malabo na rin ang mga mata ko.”
“Turuan mo kami nina Ray-Ray at Beng,” masiglang sabi ni
Mildred.
“Talaga?” Naging kasingkulay ng mga sinulid ang pisngi ni
Lola Ingrid.
“Opo!” sabay-sabay na sagot ng magkakalaro, na dating
makukulit.
Nang araw na iyon, sinimulan ni Lola Ingrid na turuan sina
Ray-Ray, Beng, at Mildred. Mabilis silang natutong maggantsilyo ng mga laruang
sinulid.
Ang unang gawa ni Ray-Ray ay tinapay.
Ang kay Beng naman ay bulaklak na may tangkay.
At ang kay Mildred ay damit ni Mikay.
Nagpatuloy si Lolo Ingrid sa paggawa ng mga laruang sinulid.
“Lola, akala ko hihinto ka na sa paggagantsilyo,” tanong ni
Mildred.
“Lumalakas ako kapag gumagawa nito, at maraming bata ang
napasaya ko.”
“Tama! Kagaya ko,” sabay-sabay na sabi ng magkakalaro.
No comments:
Post a Comment