Followers

Monday, August 18, 2025

Ang Koleksiyon ni Rocky

“Tulong! Tulooong! Naliligaw ako,” paulit-ulit na sigaw ni Rocky. Ngunit walang nakaririnig sa kaniya. Matataas na puno lamang ang naroon.

 

Muling naglakad si Rocky hanggang matanaw ang matandang lalaki. Agad siyang lumapit sa matanda. “Magandang araw, Lolo! Naliligaw ako, saan ba ang daan pabalik sa minahan?”

 

“Naku, iho, sa tanda kong ito, hindi ko pa nararating ang minahan pero ramdam ko ang masamang epeketo niyon,” sagot ng matanda.

 

“E, saan ba kayo nakatira?”

 

“Dito sa kuweba.”

 

Natakpan ni Rocky ang bibig niya dahil sa takot.

 

“Ikaw, saan ka nakatira?” tanong ng matanda.

 

“Sa Maynila.”

 

“Ano ba ang ginagawa mo rito sa kagubatan?” tanong ng matanda.

 

“Naghahanap ako ng bato. Kolektor ako ng mga batong may pigura.”

 

Tatango-tango lang ang matanda habang hinahaplos-haplos ang mahabang puting bigote.

 

“Sigurado akong hinahanap na ako ng daddy ko. Matutulungan niyo ba akong makabalik sa minahan?” untag ni Rocky.

 

“Nagagalit ako sa mga taong sumisira sa kalikasan.”

 

“Patawad po. Hindi na ako mag-uuwi ng mga bato.”

 

“Hindi iyan ang ibig kung sabihin. Tutulungan kita, pero kailangan mong tukuyin ang anim na elemento.”

 

“Ano ang anim na elemento?”

 

“Alam mo bang ang batong ito ay maaaring maging lupa?” Itinuro ng matanda ang malaking bato sa bungad ng kuweba, gamit ang tungkod nak ahoy.

 

“Paano?”

 

“Ikaw ang sasagot sa tanong mo.”

 

“Ha? Hindi ko maintindihan.”

 

“May anim na elemento kung paanong ang bato ay nagiging lupa. Kapag may sagot ka na, bumalik ka sa akin, at ituturo ko sa ‘yo ang daan pabalik sa iyong ama.”

 

“Saan ako magsisimulang maghanap ng kasagutan?”

 

“Pagmasdan mo ang paligid, ang kuwebang iyan, at ang lahat ng narito sa kagubatan dahil baka ang anim diyan ang mga sagot sa tanong ko.”

 

Umikot si Rocky upang pagmasdan ang paligid.

 

“Lolo? Nasaan ka po?” tawag ni Rocky. At nakita niya sa dating kinatatayuan ng matanda ang umang. “Uy, may umang!”

 

Natatakot man si Rocky, naglakad siya palayo roon. Hindi pa rin mawala sa isip niya ang tanong ng matanda. Nagdadalawang-isip siya kung hahanapin niya ang kasagutan o ang daan pabalik.

 

Sa kaniyang paglalakad, narating niya ang mataas na talon. Manghang-mangha siya sa lugar na iyon. Humanga siya sa mga bato. Isang malaking bato ang pumukaw sa atensiyon niya.

 

“Tubig!” bulalas ni Rocky. “Tubig ang unang elemento. Ang puwersa nito ay sapat para mabutas o mabiyak nito ang bato, gaya niyon.”

 

Hindi matapos-tapos ang paghanga niya sa ganda ng kapaligiran doon. Parang nakalimutan na niyang naliligaw pala siya, hanggang namataan niya sa tubig ang pambihirang bato.

 

“Iuuwi ko ito-- dagdag sa koleksiyon ko.” Katulad iyon ng talon sa kaniyang harapan.

 

Nagpatuloy sa paglalakad si Rocky sa kagustuhang malaman ang lima pang elemento. Hinahanap niya rin ang daan pabalik pero lalo yata siyang naliligaw.

 

“Galing na ako rito kanina! Naku, naengkanto na yata ako.”

 

Umihip nang napakalakas ang hangin. Nagliparan ang mga tuyong dahon sa paligid. Halos matangay niyon si Rocky.

 

Nang muling umihip ang hangin, napapikit at natakpan niya ang kaniyang mukha. Naramdaman niyang binalot siya ng hanging maalikabok.

 

“Nasaan ako?” tanong ni Rocky pagdilat niya.

 

Tumambad sa kaniya ang tuyong-tuyong kapaligiran. Napaliligiran siya ng mga batong-apog.

 

“Parang napanood ko ito sa pelikula.” Natutuwa siyang hinipo-hipo ang natural na tekstura ng dambuhalang bato. “Aha! Gawa ito ng hangin! Hangin ang ikalawang elemento na dumudurog sa mga bato upang maging lupa.”

 

Muling umihip ang malakas na hangin. Gumulong pababa ang maliliit na tipak ng batong-apog.

 

Napasigaw siya, sabay iwas sa mga ito. At nang makalayo siya, tumambad sa kaniya ang kakaibang bato. “Ang ganda!” Dinampot niya iyon. “Ito `yon~? Hala! Nawala ang rock formation. Naengkanto na naman ako.” 

 

Nagpatuloy sa paglalakad si Rocky sa kagustuhang malaman ang apat pang elemento. Nakatayo ang mga balahibo niya habang hinahanap ang daan pabalik pero lalo yata siyang naliligaw.

 

Biglang yumanig ang lupa. Sobrang lakas niyon, kaya napaluhod at napayukod siya. Prinotektahan niya ang kaniyang ulo.

 

Nang tumigil ang pagyanig ng lupa, tumayo na siya. “Ang init!” Nagulat pa siya dahil nasa gitna na siya ng disyerto. Walang kapuno-puno sa paligid niyon. “Naku, kailangan kong humanap ng masisilungan.” Agad niyang tinakbo ang kinaroroonan ng malaking bato, na animo’y bundok.

 

Halos lumawit ang dila ni Rocky nang marating niya ang rock formation sa gitna ng disyerto. Naglalawa rin ang katawan at mukha niya ng pawis. “Tubig! Nauuhaw ako,” sigaw niya.

 

Narinig niya ang dagundong ng kulog. “Naku, uulan pa yata.” Kasunod niyon ang napakalakas na kidlat. Agad siyang napasilong na maliit na uwang sa ilalim ng rock formation.

 

Dumilim pa ang kalangitan. Kasunod niyon ang pagbuhos ng napakalakas na ulan.

 

“Hala, umulan na nga! Kanina lang, napakainit. May kinakasal bang tikbalang?” Isiniksik pa niya ang sarili sa uwang upang hindi siya mabasa ng ulan. Subalit hindi pa nagtatagal, naramdaman niyang tinuluan siya ng tubig mula sa mga uka sa bato. Napaisip siya.

 

Pagtigil ng ulan, lumabas na siya sa kaniyang pinagtaguan. Hinipo-hipo niya ang mga uka at hiwa sa malaking bato.

 

“Aha! Alam ko na ang ikatlong elemento. Kaya nagkakaganito ang mga bato ay dahil sa temperatura. Dahil sa direktang sikat ng araw at ulan, kaya ganito ang nangyayari sa bato.”

 

Pinagmasdan niya iyon habang lumalakad nang patalikod at palayo. “Aha! Mukhang pagong. Ang ganda!” Inilahad niya ang kaniyang kamay, na parang nakapatong sa palad niya ang rock formation.

 

Napaurong siya nang gumalaw ang batong, at naging pagong iyon sa kaniyang palad. Muntikan na siyang matumba nang maapakan niya ang isang matigas na bagay. Naglaho naman sa hangin ang pagong.

 

“Ano `yon?” Dinampot niya iyon. “Batong pagong!” Tuwang-tuwa siya. “Ito `yong~” Pagtingin niya sa rock formation, wala na iyon. “Naku! Naengkanto na naman ako.”

 

Natatakot man, nagpatuloy sa paglalakad si Rocky. Gusto niyang malaman ang tatlo pang elemento, kaya nagmamadali siyang naglakad. 

 

Palubog na ang araw, pero parang pabalik-balik lamang siya.

 

“Tulong! Tulooong!” sigaw niya.

 

Ngunit walang nakaririnig sa kaniya. Matataas na puno lamang ang naroon. Nahihilo na siya sa pagpapaikot-ikot at pagtakbo.

 

“Grrrk! Grrrrk!”

 

Dinig na dinig niya ang pag-alburuto ng kaniyang tiyan. Kaya naisip niyang maghanap ng mga bungang-kahoy.

 

Sa di-kalayuan, napansin niya ang mapupulang bunga ng matatayog na kahoy. “Mukhang masarap, pero paano ko makukuha ang mga `yon?”

 

Bago pa niya maisagawa ang kaniyang naisip, naggalawan na ang mga baging.

 

“Aaaah! Bitawan niyo ako!” sigaw niya nang pinuluputan siya ng mga baging, at mabilis na iniangat sa lupa.

 

Walang ano-ano ay parang may kamay na tumulong sa kaniya upang maabot niya ang mga prutas.

 

“Salamat sa inyo!” Kahit natatakot, pilit niyang inabot ang pulang bunga ng kahoy. Kumagat agad siya.

 

Hindi niya napansin na nagliparan ang mga ibon sa paligid.

 

“Ang tamis! Ang sarap!” sabi niya pagkatapos lunukin.

 

Kakagat pa sana siya nang biglang lumuwag ang pagkakahawak ng baging kay Rocky.

 

“Aaaaaaah!” mahabang sigaw niya.

 

Bago siya bumagsak, sinalo siya ng mga baging. Parang malambot na kamay ang mga ito. Ligtas siyang nakababa.

 

“Hala! Nasaan ako?” Palinga-linga siya. “Andami namang kababalaghan sa gubat na ito.”

 

Napapaligiran sila ng mga dambuhalang ugat.

 

“Aguuy!” Natumba siya at napaurong nang gumalaw ang mga ugat. Nakita niya kung paano sumiksik sa mga uwang ng lupa at bato ang mga ugat.

 

“Bwaargk!”

 

Napakapit siya sa isang baging nang narinig niya ang malaking boses. Kasunod niyon ang pag-uga ng lupa at ang pagtiwarik niya.

 

“Ano na naman `to?” Mas hinigpitan niya ang kapit, lalo na’t nasa nakalambitin siya sa baging.

 

“Bwaargk!”

 

Muling narinig ang malaking boses. Pilit itong kumakawala habang nakikipaglaban sa mga baging.

 

“Huwag mo akong saktan! Hindi ko sinasadya,” pagmamakaawa ni Rocky nang mabuo sa paningin ang higanteng bato.

 

Isang mainit na laban ang naganap sa pagitan ng higanteng bato at mga baging. Sigaw naman nang sigaw si Rocky habang iniiwas ang sarili upang hindi siya mahulog, maipit, at masaktan.

At sa wakas, bumagsak ang higanteng bato.

 

“Hindi naman kayo kapre, `di ba?” tanong niya sa mga puno pagkatapos siyang ligtas na maibaba ng mga baging. Wala siyang narinig na sagot. Sa halip, hinanap niya ang higanteng bato.

 

Nagsibalikan na ang mga ugat sa kani-kanilang puwesto.

 

Hinawi-hawi naman niya ang mga tuyong dahon mula sa pinagbagsakan ng bato. Pero isang kakaibang bagay ang nakita niya. “Ito ang higanteng bato!” bulalas niya pagkadampot. “Iuuwi kita.”

 

Takipsilim na. Hindi pa rin nahahanap ni Rocky ang minahan. Wala siyang naririnig na mga tunog na nagmumula sa minahan.

 

“Ano `yon?” Nakita at narinig niya ang kumakaluskos sa damuhan.

 

Palapit iyon sa kaniya, na parang hahabulin siya.

 

Bago pa niya makita ang nilalang na iyon, tumakbo na siya pabalik. Hindi niya inalintana ang bigat ng kaniyang bag. Ayaw niyang magsisi kung bakit nagdala pa siya ng mga bato.

 

“Ha? Ito ang bahay ng matanda kanina,” sabi niya sa isip. Walang alinlangan siyang pumasok. “Lolo! Lolo, tulungan mo ako!” sigaw niya. Napahinto siya dahil napakadilim na sa loob niyon. Paglingon niya, dinaanan lamang siya ng malaking hayop. Kasinlaki iyon ng pusa, ngunit nababalutan ng malalaking kaliskis ang katawan. “Pangolin pala! Akala ko, ako ang pakay niya.” Natawa na lamang siya sa kaniyang sarili.

 

Inilabas ni Rocky mula sa kaniyang bag ang maliit na flashlight. Pagkatapos, sinundan niya ang pangolin. Natagpuan niyang naghahalukay ito ang isang bahagi ng kuweba. Naglaglagan ang mga lupa at bato.

 

Napatango-tango si Rocky. “Hayop!” bulalas niya. “Ang hayop ay isa ring element.”

 

Nahanap na ng pangolin ang hinahanap nito, at nanginain ng mga anay at langgam.

 

Nagulat si Rocky nang marinig niya ang pag-ubo ng matanda. Bago pa niya nailawan ang kinaroroonan niyon, gumulong ang pangolin, na parang bola. Dinampot niya iyon.

 

“Kumusta?” tanong ng matanda.

 

“Mabuti naman, Lolo. Alam ko na ang limang elemento.” Nagulat siya nang biglang lumiit ang pangolin sa kamay niya.

 

“Ha? Anim na elemento ang hinihingi ko.”

 

“Pero, Lolo, madilim na sa labas. Gusto ko nang makabalik sa minahan,” medyo naiinis niyang tugon.

 

“Ganyan kayong mga mortal! Wala na nga kayong pagpapahalaga sa kalikasan, hindi pa kayo sumusunod sa patakaran!” Mas galit ang matanda.

 

“Pasensiya na, Lolo. Lima lang talaga ang alam ko— ang tubig, hangin, temperatura, halaman, at hayop. Baka puwedeng bukas ko naman hanapin ang ikaanim? Gutom at pagod na ako.”

 

“Kung gayon… dito ka matutulog.” Tumalikod at naglakad ang matanda, saka naglaho ito sa kadiliman.

 

“Lolo! Lolo, maawa ka sa akin!” pahabol niyang sigaw. Sinundan niya ang matanda.

 

“Pit-tit-tit-ti-tit”

 

Hindi pa nakalalayo si Rocky, naririnig na niya ang huni ng mga paniki. Inilawan niya ang mga iyon, pero kaagad rin niyang itinigil upang hindi mabulabog.

 

Lumakad pa si Rocky. “Lolo? Lolooo!”

 

Napakatahimik na sa bahaging iyon. Pero gusto pa niyang tumuloy. Kundi lang may narinig siyang pagsabog.

 

“Naku! Sa minahan `yon,” bulalas ni Rocky.

 

Umuga nang napakalakas ang lupa. Nagbagsakan ang mga lupa at bato sa loob ng kuweba.

 

Tumakbo nang napakabilis ni Rocky. “Daddy! Daddy!” Umiiyak na siya.

 

Nang matanaw niya ang bungad ng kuweba, huminto na ang pag-uga ng lupa. Naroon na ang matanda. Nakangiti ito sa kaniya. “Kumusta?”

 

Kahit hinihingal pa, sumagot na siya. “Tao! Tao ang ikaanim na elemento.”

 

“Mahusay na bata!” Pinalakpakan pa siya ng matanda.

 

“Makakabalik na ba ako sa minahan?”

 

“Hindi pa.”

 

“Pero nakompleto ko na ang anim na elemento.”

 

“Oo nga, pero hindi pa siya nagiging bato.”

 

“Ha? Dapat maging bato muna si Daddy?”

 

Tumawa muna ang matanda. “Dapat siyang parusahan. Sinisira niya ang kalikasan.” Biglang nagbago ang boses nito.

 

Napaurong si Rocky.

 

“Kung hindi siya magbabago, magiging bahagi na lamang siya ng iyong koleksiyon.” Naririnig pa rin niya ang tawa ng matanda haanggang sa maglaho ito sa dilim.  

 

“Lolo! Lolo!” Sinundan niya ang dinaanan nito. Tumagos siya sa minahan. “Daddy! Daddy!” sigaw niya.

 

Walang katao-tao roon. Sa palagay niya, nahinto ang operasyon. Kaya hinanap niya ang sasakyan nila. Pagbukas niya, nakita niya ang isang bagay sa driver’s seat.

 

“Si Daddy `to.” Niyakap niya iyon. “Daddy, itigil mo na ang pagmimina. Gusto pa kitang makasama.” Umiyak siya nang umiyak hanggang sa makatulog siya.

 

Naalimpungatan siya nang yumugyog ang sasakyan dahil sa lubak.

 

“Gising ka na pala, Rocky. Good morning!” bati sa kaniya ng ama.

 

“Daddy?” Hindi siya makapaniwala. “Hindi ka naging bato?”

 

Nginitian siya ng ama. “Naikuwento mo na iyan sa akin kagabi. Oo na, naniniwala na ako sa `yo.”

 

“Ha?” Napakamot na lamang siya sa ulo.

 

“Tama ka… Hindi natin kailangang sirain ang kalikasan kapalit ng karangyaan sa buhay.” Muli itong ngumiti. “Ipinahinto ko na ang operasyon ng pagmimina. Salamat sa `yo.”

 

“Talaga ba, Daddy?”

 

“Oo, totoo.”

 

“Puwede ba tayong bumalik dito sa susunod na linggo?”

 

“Puwede, pero bakit?”

 

“Magtatanim tayo ng mga puno para maging gubat ulit.”

 

“Sige, sige!”

 

“E, ano na naman ba ang laman ng bag mo? Hulaan ko…” Kinindatan muna siya ng ama. “Mga bato?”

 

“Tama! May maidaragdag na naman ako sa koleksiyon ko.”

 

“Naku! Hindi ba magagalit ang matandang lalaki sa kuweba?”

 

“Hindi po.”

 

“Mabuti kung ganoon.” May dinukot ang ama sa bulsa nito. “May ibibigay ako sa `yo. Napulot ko.”

 

Inaabot niya ang bato mula sa ama. “Hala! Ang lolo sa kuweba?!” tuwang-tuwang bulalas niya. 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Buwaya sa Gobyerno

Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...