Marso 1, 2016
Absent si Sir Rey, kaya nasa akin ang tatlo niyang estudyante. Hindi tuloy ako masyadong makakilos nang komportable. Ayokong may ibang kasama ang advisory class ko, lalo na kapag may bagay na mahalaga kaming pinag-uusapan. Nalaman na tuloy nila ang tungkol sa libro.
Umuwi agad ako pagkatapos ng klase para tapusin na ang chapters 1-3 ng thesis ni Sir Erwin. Naipasa ko naman sa kanya, bandang alas-7. Salamat sa Diyos! Naharap ko naman ang pag-edit ng soft copy ng 'Trip to Mars'. Nagpalit ako ng font style--- from Courier New to Comic Sans. Mas maganda na.
Kanina, nagkuwentuhan kami ni Sir Thomas tungkol sa libro. Willing talaga siyang tumulong. Pinagpapasa ko nga rin siya ng kanyang akda.
Marso 2, 2016
Nakapagsimula agad kami sa test. Gayunpaman, tatlo lang ang ibinigay ko sa kanila. Hanggang Friday kasi ang testing period. Tatlo bukas. Dalawa naman sa Biyernes.
Nakapagpasulat pa ako ng kuwento sa kanila, habang naghihintay ng uwian. Twelve noon sila uuwi.
Umidlip ako pag-alis ng mga bata. Past two na ako bumaba. May meeting pala ang mga MT's at GL's, di man lang ako pinatawag. Di bale, hindi naman mahalaga ang usapan. Sana nga hindi na muna ako bumaba. Narinig ko pa tuloy na ang seminar ng K-12 Grade 5 ay magko-coincide sa Palawan trip namin. Nakakalungkot . Masasayang ang pera namin. Although, hindi ako kinakabahan, masakit pa ring isipin.
Marso 3, 2016
Pangalawang araw ng periodic test. Hindi ako nahirapan. Tahimik sila. Nasermunan ko kasi at napangaralan.
Nagsimula iyon nang may dumating nga mga Grade Six pupils, mga dati kong estudyante. Nainggit ang advisory class ko dahil mag-groufie kami. Sabi nila, pag-Grade 6 daw nila, pupuntahan din daw nila ako. Ayoko, sabi ko. Mga pasaway kayo. Dun nagsimula ang sermon ko. Ayaw ko kasi ng mga madadaldal at hindi pinahahalagahan ang magagandang asal at aral na itinuturo ko. Nakinig naman sila. I hope, na-absorb nila.
Maaga akong umuwi para gumawa ng powerpoint na hinihingi ng LRMDS. Nakagawa ako ng kalahati, nang tumawag si Mam Dang. Niyaya ako sa hideout. Dali-dali akong nagbihis. Naabutan ko pa sila.
Isa na namang masayang bonding ang naganap kahit apat lang kami. Pasado alas-8:30 na ako nakauwi.
Bukas, pupunta ako sa Antipolo para handaan si Zildjian. Birthday niya ngayon. Nine years na siya. Parang kailan lang.
Marso 4, 2016
Huling araw na ng test namin. Dalawang subject na lang naman, kaya nakapagpasulat pa ako ng mga kuwento. Tahimik sila. Panay naman ang patawa ko sa kanila.
Bago ako bumiyahe papuntang Antipolo, dumating si Papang. Nagbigay uli siya ng mga gagawin ko para sa kanya. Kayang-kaya ko naman, kaya lang baka makulangan ako sa oras. Gayunpaman, in-assure ko siya na magagawa ko.
Alas-kuwatro ay nasa Gate 2 na ako. Nauna lang nang kaunti sina Flor at Zj. Nandoon din ang lolo at lola niya, na dati kong mga biyenan. Nagulat ako. Tila may hinihintay. Inorderan ko na lang din sila ng pagkain para i-take home. Naging mabuti rin naman sila sa akin kahit paano. Bilang pasasalamat na rin sa pang-unawa sa akin.
Sayang... Hindi ko naorderan ang mag-iina ni Michelle. Nahuli sila ng dating. Hindi ko alam na darating sila.
Nagulat si Mama sa pagdating niya. Natuwa siya. Natupad daw ang pangarap niya. Nalungkot lang daw siya dahil kulang ang mga apo niya. Kuwento niya, naiyak daw siya mang malamang nakauwi na si Zillion. Hindi man lang nakadaan dito.
Marso 5, 2016
Pinagbigyan ko sina Hanna at Zj na manuod sa laptop ko, mula umaga hanggang tanghali, para hindi sila mabitin. Sa cellphone ko na lang ako mag-encode ng mga kuwento ng pupils ko.
Naawa ako sa kanila. Ang tatahimik nila. Parang ang layo ng mga puso namin. Parang di kami mag-aama. Well, ganun talaga siguro ang broken family. Kailangan ko na lang pagsikapang huwag silang magtampo o magalit sa akin, lalo na't hindi naman ako nakakalimot sa kanila. May pagkukulang ako marahil.
Madalas tuloy namain maikumpara ang dalawa kay Zillion. Maingay. Madaldal. Makuwento. Hindi malayo ang loob sa tao. Iyon sana ang gusto ko sa kanilang dalawa.
Gabi na rin ako nakatapos ng powerpoint na pinapagawa sa akin ni Sir Erwin. Naihatid na kasi ni Flor ang magkapatid, bandang alas-dos ng hapon.
Marso 6, 2016
Hindi naman ako nakatulog nang mahimbing dahil sa ingay ng mga sasakyan. Kaya, past 8, umuwi na ako sa Pasay. Inasikaso ko kaagad ang iba pang bahagi ng thesis ni Sir Erwin. Natapos ko bago mag-lunch.
Maaga akong nakarating sa Elijah para magsimba. Hinintay ko sa kalsada sina Mam Dang. Hindi nga lang sila dumating. Gayunpaman, tuloy pa rin ang kagustuhan kong mapuspos ako ng Espitiru. Hindi nga ako nagkamali. Muli ako Niya akong nilukuban. Marami rin akong natutunang salita Niya.
Marso 7, 2016
Halos kalahati lang ng kalse ang pumasok. Expected ko na iyon, lalo na't katatapos pa lang ng exam. Isa pa, gustong-gusto na nila marahil ang magbakasyon. Okay lang naman. Mas gusto ko nga. At least, konti na lang ang sasawayin ko. Gayunpaman, nagpasulat pa rin ako ng kuwento sa kanila. Prinaktis ko rin sila ng doxology na ipre-present nila sa Recognition Day.
Kaninang umaga, lumapit sa akin si Mam Loida, bilang school paper adviser. Nagtanong siya. Wiling akong tumulong, kaya pinuntahan ko siya sa classroom niya para magbigay ng ilang tips. Tapos, naisip kong i-recommend si Sir Thomas at ang kanilang printing. Nag-offer pa nga siya ng libreng layout. Gusto rin niyang makatulong. Ang problema, baka hindi payag si Mam Deliarte.
Pagkatapos ng klase, dumating si Sir Erwin. Naunahan lang siya ni Tita Lolit. Niyaya nila akong magmeryenda. Trineat nila ako sa KFC. Nagkuwentuhan din kami ni Sir Erwin.
Dumiretso na ako sa Japedia para magpa-sputum test. Kailangan kasing patunayan ko na wala akong PTB. Ang nakita nila sa xray ko noong nakaraang buwan ay parang katulad lang last year. Alam kong magiging negative lang ang resulta.
Nanghinayang ako sa gastos ko. Five hundred ten pesos din. Kung nagawa ko sanang magpa-sputum sa health center, sana nakatipid pa ako. Hindi naman kasi ako puwedeng umalis sa klase para lang doon.
Halos patapos na ang layout ng 'Trip to Mars'. Sa Huwebes ko ito balak ipasa kay Sir Thomas.
Marso 8, 2016
Hinarap ko kaninang umaga ang Form 137 ng mga bata. Natapos kong isulat sa original at duplicate ang mga grades nila mula first hanggang third grading, habang pinasusulat ko sila ng mga sanaysay para sa book 2 ng 'Trip to Mars'. Tahimik sila, kaya natapos ko iyon bago mag-lunch break.
Bukas, gagawin ko naman ang cards para sa 4th grading at ang Form 137 ng mga transferees.
Pinag-practice ko rin sila ng doxology. Nahpa-film showing din ako ng ilamg oras.
Pagkatapos ng klase, umuwi na agad ako para magpahinga o umidlip. Kaso lang, nabigo akong makatulog. Sobrang init kasi. Tindi. Parang impiyerno. Akala ko summer na.
Gabi, sinimulan ko namang i-edit ang nobela kong "Ang Pagsubok ni Lola Kalakal", para maipublish ko rin, after ng 'Trip to Mars'.
Natapos kong maedit ang limang kabanata.
Akala ni Emily ay may sakit ako o bumalik amg sakit ko sa baga. Naniniwala akong negative ang sputum ko. Dala lang ito ng panahon. Aminado akong mahihirapan akong huminga kapag sobrang init, pero hindi ito ang sintomas ng PTB. Nararamdaman ko naman kung mayroon akong sakit.
Marso 9, 2016
Nagpalabunutan kami kanina mg committee para sa graduation at recognition day. Program and invitation kami sa Pagtatapos 2016, gayundin sa recog. Kami na rin ang documentation.
Dapat sa hideout kami magkikita ni Sir Erwin, kaya lang, sarado doon. Nasa GSP affair si Mam Dang. Si Mam Anne ay... alam na. May date.
Nagkita na lang kami ni Sir sa Taft Ave. Doon ay naikuwento ko sa kanya na nagkita kami ni Laurence, co-teacher namin dati. Nagyaya siyang puntahan namin. Sa may boarding house ko lang naman siya pumunta.
Nagkuwentuhan at nagtawanan lang kami. Nawala ang stress ko. Pero, pagkatapos, hinarap ko naman ang thesis ni Sir. Another revision na naman. Okay lang. Kayang-kaya pa naman.
Isa pang assignment ay ang paggawa ng letter para makabalik siya sa school. Pinayagan na siya ng principal niya.
Malapit na siyang makabalik sa kung saan siya dati. Mas malakas ang puwersa namin. Nakikinita-kinita ko na.
Marso 10, 2016
Huling araw na kanina ang pagpasa ko ng sputum. Bukas ko makukuha at malalaman ang resulta. Sana negative...
Nag-print ako ng questionnaires ni Sir Erwin, ilang minuto pagkatapos magsipasukan ang mga pupils ko, habang nagsusulat sila ng mga akda. Ipinamudmod ko naman ang mga iyon pagkatapos ko, with his go-signal. Naging successful naman. Nag-comply ang mga co-teachers ko.
Naghahanda na rin ako ng program para sa recognition. Nakipag-coordinate na ako sa mga grade leaders. Kahapon ay kasado na working committees. Bukas, ipapaikot ko naman ang mga forms o listahan ng mga coordinators, trainers, honor pupils, at iba pa. Gagawa na rin kami ng format ng certificate. By Monday, sisimulan na namin ang practice sa stage. Magtuturo na rin ako sa mga emcees at sa mga at incumbentnewly-elected SPG officers para sa turn-over ceremony.
Pagkatapos ng klase, niyaya ako ni Sir Erwin na magmeryenda, kasama si Tita Lolit. Trineat nila ako sa Shakey's. Pagdating ko, hinarap ko naman ang pagtally ng mga repsonses at pag-input nito sa mga tables. Partial pa lang ito. May 90 responses pa. Pero, nakikita ko na malapit na itong matapos. Konting tiyaga na lang.
Marso 11, 2016
Marami akong na-accomplish maghapon. Natapos ko ang Form 137 ng mga transferees. Kaya lang may problem ang isa kong pupil sa pangalan. Kinailangan ko pang mag-request ng 'change' sa LIS.
Nasimulan ko na ring ipaikot ang forms at listahan ng mga kailangan sa program at recognition day.
Higit sa lahat... naipasa ko na kay Sir Thomas ang soft copy ng 'Trip to Mars'. Marami na nga ang excited. May mga nagbayad na ng t-shirt na uniform namin sa pag-promote nito. Hindi ko rin maikukubli sa kanila ang excitement ko. Higit sa lahat, ako pinaka-excited.
Pasado alas-singko na ako nakauwi dahil pinag-usapan pa namin ang tungkol sa titirhan namin sa Palawan. Nakapili na kami ng mura at good deal. Kaya lang, nahuli ako sa pagkuha ng sputum test result ko. Hanggang five o'clock lang pala ang Japedia. Mabuti na lang, wala kanina ang school nurse na nagpa-follow ng resulta. Hindi niya masasabing matigas ang ulo ko, dahil 'di agad ako maka-comply ng simpleng gawain.
Marso 12, 2016
Nainis ako dahil 5:20 pa lang ng umaga ay nagising na ako. Gayunpaman, pinilit kong matulog uli. Thanks, God dahil nagising ako bandang 9:30. Alas-10 na nga ako nakapag-almusal.
Isang oras pagkatapos kong mag-almusal, tumawag naman si Sir Erwin. Pupunta raw siya para sa kanyang thesis. Umoo ako. First time niyang makakapunta sa boarding house ko.
Nag-tally lang kami ng mga responses ng mga respondents, tapos pumunta na kami sa GES para doon maman mamin i-encode ang results. Dpon na rin kami nag-print.
Nilibre niya ako ng lunch.
Alas-tres y medya, tapos na kami. Niyaya naman niya akong magmeryenda. Sabi ko, gusto ko lang ng halo-halo.
Nalimutan kong kunin ang resulta ng sputum test ko. Kinailangan ko naman kasing umidlip. Nakakaantok ang init.
Paggising ko'y editing ng 'Lola Kalakal' naman ang hinarap ko. Past 7:40 naman ay nag-chat kami ni Sir Erwin. Wala raw siya nahanap ma statistician, kaya pinakiusapan niya ako. Hindi namam ako tumanggi, lalo na't ako na lang daw ang maaasahan niya.
Sinimulan ko naman agad.
Marso 13, 2016
Nang chinat ko si Sir Erwin, habang nagkakape ako, saka ko lamang nalaman sa kanya na hindi siya nakahanap ng statistician na tatapos sa Chapter 4 and 5 ng thesis niya. Pinakiusapan niya ako. Since, willing naman akong tumulong, hindi na ako nagdalawang-isip. Ginawa ko agad. Maghapon kong ginawa ang Chapter 4. Sobrang init lang sa kuwarto kaya itinigil ko. After ng fellowship ko sa Elijah, saka ko lang natapos. Bukas naman ang Chapter 5.
Marso 14, 2016
Ang bigat ng katawan ko paggising ko. Gusto ko sanang matulog na lang, kaya lang, naisip kong marami akong dapat tapusin at ayusin. Ako ang chairman ng recognition day, kaya kailangan kong buuin ang program at i-coordinate ito sa lahat ng teachers. May forms pa akong tatapusin.
Nakaistorbo pa ang pa-meeting ng principal tungkol sa kanyang study. Andami ko pa sanang natapos.
Bago ko kinuha ang result ng sputum test ko, hinintay ko muna si Sir Erwin para kunin ang gayahan ng thesis niya. Nalaman ko rin sa kanya na kailangang gumamit ng chi square.
Masaya akong umuwi dahil negative ang result ng test ko. Kaya, masaya ko ring hinarap ang pag-aaral ng chi square. Nag-research ako at nanuod sa youtube. Ayun! Nakatulong talaga nang husto. Na-gets ko naman agad.
Past nine, natapos ko na ang testing the hypothesis. Bukas naman ang Chapter 5. Nakakatuyot ng utak...
Marso 15, 2016
Si Michael T lang ang pumasok na estudyante ko. Absent kasi siya kahapon, kaya hindi niya alam na nagsabi akong huwag muna silang papasok dahil may tatapusin ako. Okay lang naman. Mabait naman siya.
Natapos ko ang Chapter 5 ng thesis ni Sir Erwin sa isang araw. Sulit ang araw ko.
Pag-uwi ko, finishing touches na lang ang ginawa ko. Alas-nuwebe ko na na-send kay Sir, kasi kaka-online niya lang. Wednesday ang pangako ko sa kanya. Martes pa lang, nagawa ko na.
He thanked me a million times.
Marso 16, 2016
Marami-raming estudyante ang pumasok sa akin. Idagdag pa ang anim na estudyante ni Mam Dang. Absent pa rin kasi siya. Si Mam Anne naman ay naatasang samahan ang dalawang pupils na kasama sa SIP training. Mabuti naman at hindi pasaway ang mga bata. Nakapag-ikot-ikot ako para i-coordinate ang programme. Nakagawa pa ako sa report cards.
Alas-10, sinimulan namin ang rehearsal para sa Gawad Parangal 2016. Naging maayos naman ito, kahit hindi nakadalo lahat ang mga pararangalan. Bukas, itutuloy namin ang practice.
Pagod na pagod ako, pag-uwi ko. Sinubukan kong umidlip. Alas-singko y medya na ako bumangon at nagmeryenda.
Pagkatapos, ang script naman ng mga emcee ang hinarap ko. Natapos ko ito, bago ako nag-dinner.
Marso 17, 2016
May dalawa pa rin akong eatudyante na pumasok. Matitigas ang ulo. Sinabi ko na ngang pwede na silang magbakasyon, sinisipag pa ring pumasok. Tsk tsk. At dahil gusto kong matapos ang mga ginagawa ko, hindi ko sila pinapasok sa classroom. Sa V-Earth sila pumasok, habang ako ay nagsusulat.
Nakapagtanim pa ako ng halaman sa ilalim ng mangga. Pandagdag atraksiyon sa darating na recognition day.
Naging busy rin ako sa iba pang reports na hinahanap.
Two-thirty, sinimulan namin ang second day ng practice. Kahit may emcees na, ako pa rin ang panay ang salita. Gayunpaman, naging maayos naman ang flow ng rehearsal. Nakakapagod nga lang. Past 4 na ako nakauwi.
Natuwa si Sir Erwin dahil napacheck na niya ang thesis niya, although may mga dinagdag na tables. Gusto raw niyang tumalon sa tuwa. Bukas, haharapin ko na naman ang pag-interpret ng mga iyon para sa defense niya sa Sabado. Mabuti na lang, pumayag ang mga parents kanina na wala nang practice bukas.
Marso 18, 2016
May pumasok na namang estudyante. Pinauwi ko kaagad, pero nagpaiwan ang dalawa. Hindi ko naman sila pinapasok sa classroom ko dahil busy pa rin ako sa programme ng recognition day. Kay Mam Anne sila pumasok. Andun din naman ako.
Hindi ko pa rin tapos ang mga Form 137 ng mga bata. Nagpameeting pa kasi si Mam D. Nakipagpalitan din ako ng kuro-kuro kina Mam Vi, Mam Joan at sa ilan pang guro na dumating. Marami kaming napag-usapan na sana ay maging aral at maging dahilan ng mabuting pagbabago para sa aming lahat.
Past 4:30 ako umuwi sa boarding house dahil hinintay ko pa si Sir Erwin. Hindi naman pala makakarating dahil nasa launching ng LRMDS. Hindi ko tuloy magawa ang interpretations ng mga tables na gawa ng statistician na co-teacher niya. AnoVa ang ginamit sa mga tables. Hindi ko talaga maintindihan, lalo na't okupado pa ng ibang bagay ang isip ko.
Gusto kong sumali sa Palanca. Mabuti na lang nakakita ako ng post mula sa kasamahan ko sa SULAT Pilipinas. Noong Enero pa pala nagbukas ang patimpalak at hanggang April 30 na lang ang submission.
Kaya, pagkatapos kong umidlip at magkape, naghanap ako ng unpublished work ko. Ang "Ang Babae sa Underground" ang napili ko. In-edit ko kaagad ito at dinagdagan. Sana maihabol ko ito bago magsara ang pasahan. Matagal ko nang pangarap ang makasali at manalo sa Palanca. Hindi ko na ito palalampasin.
Marso 19, 2016
Bago mag-12, dumating si Sir Erwin. Ginagawa ko na ang interpretations ng mga tables sa thesis niya. Kaya lang, hindi pa nagtagal, nagtext ang adviser niya. May statistician daw siyang ire-refer. Ayun, ipinahinto niya sa akin ang pag-interpret. Isinama niya pa ako sa EAC.
Past 3, nasa Luneta kami. Nag-unwind. Alam kong na-stress siya. Wala akong maitutulong sa kanya, kundi ang suporta ko.
Namasyal kami sa Orchidarium/Nayong Pilipino. Nakakawala ng stress. Pagkatapos ay nanuod kami ng mini-concert sa Open-Air Auditorium doon. Bago mag-sisix o'clock ay umuwi na kami.
Marso 20, 2016
Nanuod ako ng pelikula sa youtube. Napaiyak ako ng 'Bridge to Terabithia'. Ang ganda ng pelikulang ito. Pambata man pero umantig sa puso ko. Ipinost ko nga sa V-Mars FB page ang link nito.
Nanuod din ako ng documentary na 'Mars Underground'. Marami akong natutunan tungkol sa Mars. Makakatulong ito sa aming librong 'Trip to Mars'.
Nakipag-fellowship uli ako ngayong hapon. Ikaapat na linggo ko na ito sa Elijah. Unti-unti na nga nila akong nakakasanayang makasama.
Nakakalinis ng puso ang pagsisimba.
Marso 21, 2016
This school year lang ako hindi nag-closing party. Hindi ko napaghandaan dahil ang librong 'Trip to Mars' ang inatupag ko. Well, okay lang naman. May magandang reward at award 'yun kesa sa ribbon at medalya.
Na-late ako ng uwi dahil ng cross-check kami ng forms. Dalawang sections lang ang natapos namin. Busy din kasi si Mam Rose. Bukas namin itutuloy ang sa aming dalawa. Hapon, ichecheck naman ito ni Mam Magayanes.
Marso 22, 2016
Maghapon ako sa school. Na-Columbia-zoned kaming mga teachers. Pinaasa kaming tsetsekan ang mga forms namin ng district supervisor. Iyon pala, Grade 6 lang ang priority nila.
Mabuti na lang, nawala ang inis ko dahil sa mainit na kape...
Nagpadala nga pala ako ng pera kay Emily kanina. Gaya ng napag-usapan namin, P4000 ang ipinadala ko. Sapat na iyon para kay Zillion.
Nakadalawang pelikula ako sa youtube ngayong gabi. Ang gaganda ng napanuod ko. Ang sarap talagang mag-movie marathon, kapag wala ka nang iisiping trabaho kinabukasan.
Marso 23, 2016
Nag-meeting kami kaninang nine o'clock. Inabot nang alas-12. Kumain lang kami, nagpameeting uli si Mam. Kami lang mga grade leaders ang kinausap niya.
Then, nag-stay pa kami para mapangalanan ang boxes ng medals, na para sa mga achievers. Alas-kuwatro na ako nakauwi.
Tinamad akong magsaing, dahil pinanuod ko ang Cleopatra, the movie. Halos tatlong oras tumagal ang pelikula, kaya bumili na lang ako ng lugaw, bandang alas-9 ng gabi. Worth it naman, dahil naunawaan ko na ang love story nina Mark Anthony at Cleopatra.
Nagyaya si Sir Erwin mag-church hopping bukas. Nag-deal ako. Next day na ako uuwi sa Bautista.
Marso 24, 2016
Huwebes Santo.
Nag-brunch ako ng longsilog dahil nakaplano na ang church hopping namin ni Sir Erwin. Kaya lang, alas-dose na siya dumating at kay Miss Kris niya gustong pumunta. Pumayag naman ako dahil sobrang init naman sa kuwarto ko. Okay lang din naman. Mas gusto ko nga kesa mag-alay lakad kami.
Doon ay nag-kuwentuhan kami sa harap ng pagkain. Naabutan naming magla-lunch na sila Tamang-tama.
Nagpa-order din si Sir ng pansit. May buttered chicken pa na inorder si Sis.
Inabot kami ng alas-sais doon. Nagpaalam na kami dahil magsisimba yata si Miss Kris. Ako naman ay manunuod pa sa youtube.
Nakapagsulat ako ng isang dagli dahil sa napanuod ko. Pinamagatan ko itong "Selda 35".
Marso 25, 2016
Umalis ako sa boarding ng bandang alas-otso ng umaga. Dalawang oras at mahigit lang ang naging biyahe. Kasama na doon ang pamamalengke ko sa Gate 2.
Nakakain na naman ako ng lutong-bahay. Gustong-gusto ko ang paksiw na tilapya, na luto ni Mama. Hindi tulad ng nabibili ko sa carinderia sa Pasay, na malansa at masyadong maasim.
Nakapanuod uli ako ng '7 Last Words' sa tv. Halos taon-taon akong napapaiyak sa mga patotoo doon. Nakakalinis ng puso.
Marso 26, 2016
Hindi ako sumama sa swimming nina Flor, Taiwan at Tintin. Wala si Ion. Wala ako sa mood, mag-outing, lalo na Black Saturday. Although, last year, wala namang nangyaring masama sa aming swimming.
Nagsulat na lang ako ng mga akda, habang wala sila. Nagnilay-nilay din ako. Si Mama naman ay nagyayayang umuwi sa Bulan. Gusto raw niyang buhayin ang bahay at lupa namin sa Polot. Isasama niya si Hanna. Hindi ako nangako. Mahirap magpaasa. Gusto ko ring makuha namin si Hanna, kaya lang parang mahirap pa para sa akin, dahil kumuha na ako ng bahay sa Cavite. Mabuti sana kung may trabaho rin si Emily.
Alas-sais y medya, umalis na ako sa Bautista. Alas-nuwebe na ako nakarating sa boarding house.
Bukas ay manunuod kami nina Epr ng concert ng Switchfoot sa Bonifacio High Street, Taguig.
Marso 27, 2016
Linggo ng Pagkabuhay. Easter Sunday. Espesyal na araw, dahil concert ngayon ng Switchfoot.
Bago ako pumunta sa Bonifacio High Street para sa concert, nanunod muna ako ng 'Miracle in Cell No. 7'. Totoo ngang nakakaiyak ito. Sobra. Hindi ko talaga kayang pigilan ang luha ko. Ito na yata ang pinakanakakaiyak na pelikulang napanuod ko.
Ala-un y medya ay nagkita-kita na kami nina Epr at Judilyn. Agad naming hinanap ang Amphitheater, kung saan gaganapin ang concert. Napaaga yata kami nang husto. Pero, ayos lang. Maganda naman ang lugar. Modern pero may nature pa rin. Namangha nga ako. Sayang, hindi ko doon napasyal ang mag-ina ko.
Pasado alas-otso na nagsimulang kumanta ang Switchfoot. Sinuwerte pa kami kasi pinapasok kami ng bantay sa gate. Libre. Nakalibre kami. Nakalapit pa sa banda.
Tumayo ang mga balahibo ko sa ganda ng mensahe ng mga kanta. Idagdag pa ang husay nila aa pagtugtog at pagkanta. Idol ko na sila. Sayang, hindi ko napakinggan lahat ang kanta nila, kaya parang bago sa pandinig ko ang karamihan. Hindi bale, may next year pa naman. Mapag-aaralan ko pa nang husto ang mga lyrics ng kanta nila.
Kahit alaa-9:30 ay tapos na ang concert, sulit naman. Sobrang na-enjoy ko. Kahit magbayad ako next time, okay lang.
Eleven-thirty, nakauwi na kami sa boarding house.
Marso 28, 2016
Maghapon ang trabaho ko bilang chairman ng Gawad Parangal. Kakaalmusal ko lang, nagsimula na akong kumilos at gumawa--- both pisikal at pakikipag-coordinate sa iba't ibang committees. Inasikaso ko ang pagpapaprint ng programme at certificates. Tinulungan ko si Miss Trexie sa pag-aayos ng entablado. Pinakisuyuaan ko si Mam Dang na gawin ang arrangement ng mga upuan.
Ang tigas lang ng mukha ng isa. Ni hindi man lang tumulong o nagtanong kung ano na kami. Walang-hiya talaga. Naatim niyang magpasuroy-suroy at manginain lang, habang ang mga kasamahan niya ay natataranta.
Totoo ngang ang hirap ng mataas, dahil hindi na maarok.
Akalain mong alas-9 na kami umuwi nina Miss Trexie, Sir Hermie, Mam Anne at Mam Joyce. Nakakapagod lang isipin na may mga taong nagpalibre sa mga obligasyon nila.
Marso 29, 2016
Gawad Parangal 2016. Naging matagumpay ang programa. Marami ang natuwa sa stage at sa overall presentation. Pinasalamatan nila ako. Sulit ang pagod ko. Pinasalamatan ko rin si Trexie. Siya ang tao sa likod ng success nito.
Gayunpaman, hindi ko makakalimutan ang hindi pagtulong ng ilang tao. Asahan nila na kapag sila ang chairman, nungkang makita nila akong kumikilos.
Nakauwi ako pagkatapos ng meeting. Nakapagpahinga ako't nakapag-soundtrip ng Switchfoot songs.
Andami ko nga lang labahan. Hindi ko pa mahaharap dahil may pasok pa rin bukas.
Marso 30, 2016
Nakapagpahinga ako maghapon. Wala naman kaming ginawa sa school kanina, maliban sa meeting para sa summer camp, which is naging kontrobersyal na naman. Gayunpaman, naipahayag ko ang aking mga saloobin. Naipakita ko rin na kaya kong manindigan at sumuporta sa gawain ng iba. Sinuportahan namin ni Ms. Kris si Mam Loida para maging chairman kaysa mapunta sa maling persona, na ang hangad lang ay ang papel.
Nag-out ako ng eksaktong 2:20, gaya ng ginawa ng aming kasamahan noong kasagsagan ng aming trabaho. Gusto kong maramdaman niya ang iwanan siya sa ere.
Alas-tres yata iyon, habang nagpapahinga ako, dumating si Sir Erwin. Binigay niya sa akin ang edited copy ng thesis niya. Gagawin ko for book binding. Ginawa ko naman iyon nang mag-subside na ang init. Inabot ako ng alas-9:45. Okay lang. At least, final na ito. Gragraduate na siya sa April 20.
Hindi ko maunawaan si Emily. Nahihirapan daw siya kay Ion. Ang hirap daw pasunurin. Bakit ganun? Sa akin, nakukuha ko naman sa tingin. Kunin ko na raw uli...
Marso 31, 2016
Tumulong ako sa Grade 4 sa stage decoration. Ang saya-sayang tumulong. Nakakaaliw. Hindi ko naramdaman ang pagod dahil may mga tawanan kami. Saka ko lang naramdaman ito nang nakauwi na ako. Halos wala na nga akong ganang maghapunan. Kaya, pagkatapos kong magbanlaw ng mga binabad ko, nahiga na ako. Sa Sabado na ang iba ko pang labahan. Tiyak kasi akong magiging busy ako uli next week para sa summer camp.
Bukas, graduation day. Hapon na ako pupunta sa school.