Sa tabi ng maalikabok na kalsada, nakaupo ako at ang pinsan kong mas matanda sa akin ng sampung taon, sa nabuwal na puno ng talisay. Tinatanaw namin ang nakakalbong mangrove area sa aming harapan.
"Mag-aalaga ako diyan ng mga itik. Hindi ba maganda 'yun?" tanong ng pinsan ko.
Sa murang edad, alam ko ang pakinabang ng itik-- karne at itlog. Pero, higit pa doon ang maibibigay niyon sa akin.
Ligaya.
Ang sarap kasing tingnan ng mga itik na sumusunod sa tagapag-alaga. Madalas kong madaanan noon sa palayan ang mga itik na tila mga buhangin na sumusunod sa bato-balani. Sila ang mga hayop na masunurin at loyal sa amo. May pagkakaisa rin sila.
"Oo. Ayos 'yun, Kuya Tonton! Andami nilang pwedeng makain diyan," bulalas ko. Parang ako pa ang mas excited kaysa sa kanya. Bukod pa doon, pinangarap ko ring magkaroon ng 'itikery'. Ito ang tawag ko sa pag-aalaga ng itik. Mula ito sa piggery, kung saan mga baboy naman ang inaalagaan.
Kaya, nang minsang makakita ako ng mga sisiw ng itik sa palayan ng tito ko. Napag-utusan akong mamulot ng kuhol noon. Pumupunta kasi ako sa kanila, tuwing Biyernes ng hapon, pagkatapos ng klase.
Sinubukan kong humuli ng dalawa, kahit alam kong may may-ari niyon. Nakahuli ako ng isa.
"Itik ba 'yan?" tanong ng lalaki sa akin. Sinilip niya pa ang laman ng pinaglagyan kong maliit na timba. "Saan mo nabili?"
Nasa palengke ako noon. May bibilhin lang ako. Doon din ang sakayan ko pauwi sa barangay namin, kung saan kami talagang nakatira.
Binayo ang dibdib ko ng matinding kaba. Inisip kong siya ang may-ari niyon. Nasundan ako.
"O...po. Dun po," Itinuro ko sa may parteng hindi ko dadaanan.
Nagpasalamat pa siya, bago tumalikod, kaya nakahinga ako nang maluwag. Isa rin pala siyang mahilig sa itik. Siguro, pangarap din niyang magkaroon ng 'itikery'. Gayunpaman, hindi ako nagpakasiguro, sumakay na agad ako sa traysikel, pauwi sa baryo namin.
Akala ko'y makukulong ako sa araw na iyon, hindi pala.
Inalagaan ko ang ang nag-iisang itik na iyon. Pinangalanan ko siyang 'Quack-Quack'. Gustong-gusto niya ang pangalan niya dahil sa tuwing tinatawag ko siya ay inuulit niya. Sumusunod rin siya sa akin, kahit sa pagbili ko ng suka o anuman sa tindahan. Napapasunod ko rin siya sa ilog upang hayaan siyang manghuli ng isda, hipon, butete o anumang makakain doon.
Tuwang-tuwa ako, kapag naliligo siya. Parang hindi nababasa ang mga balahibo niya. Natatakot lang ako, tuwing napupunta siya sa maalong bahagi ng ilog. Kailangan ko pa siyang habulin.
Sayang, naisip ko, walang kasama si Quack-Quack. Mas masaya sana siya, kung may kalaro.
Ligaya ang naibigay sa akin ng itik ko. Hindi man ako umani ng mga itlog dahil imposibleng mangitlog ang nag-iisang itik sa aking kulungan, masaya na ako dahil napalaki kong masunurin at loyal si Quack-Quack.
Kakaibang ligaya ang dulot niya sa akin. Siya ang dahilan kung bakit umuuwi agad ako mula sa paaralan, pagkatapos ng klase. Hindi man iyon matatawag na 'itikery', para na ring natupad ko ang aking pangarap.
No comments:
Post a Comment