"Hoy, bata, tumigil ka d'yan!" sawata ng inmate na maraming tattoo sa braso.
Hindi tumigil si Jerick sa pagsigaw, kaya nilapitan siya ng mga kasama sa selda, at pinagbubugbog siya.
"Tigil!" sigaw ng mayor. "Mga tarantadong ito!" Pinagsisipa niya ang mga bumugbog sa 19-anyos na bagong pasok na preso, saka niya ito tinulungang makabangon. "Anong kaso mo?"
Dugo ang unang lumabas sa bibig ni Jerick. "Rape."
"Napagbintangan?" sarkastikong tanong ng mayor.
Tumango lang si Jerick. Napuno naman ng tawanan ang Selda 35.
Naging tahimik si Jerick, kinabukasan. Takot na takot siya sa mga kasama niya. Ayaw niyang maranasan ang mga naranasan ng mga bilanggo na napapanuod sa pelikula at telebisyon at nababasa niya sa diyaryo at libro.
Ni sa hinagap ay hindi niya akalaing makukulong siya. Totoong wala siyang kasalanan. Tutol lamang ang mga magulang ng girl friend niya sa relasyon nila, kaya ginawan siya ng kaso.
Hindi siya makatulog dahil sa sobrang takot at sama ng loob.
Isang gabi, nagitla na lamang siya nang may tumusok na matulis na bagay sa kanyang leeg.
"Kapag pumalag ka, magkakaroon ng gripo sa leeg mo," pabulong na sabi ng kakosa niyang maraming tattoo.
"Huwag po, kuya..."
Ngumisi muna ang lalaki, bago nito marahang isinadsad ang punyal, mula sa leeg ni Jerick hanggang sa umbok niya. Pinaikot-ikot niya doon ang patalim.
"Maghubad ka," bulong nito kay Jerick.
"Ayaw ko po..." Nanginginig ang boses ni Jerick.
Muling itinapat ng lalaki ang punyal sa leeg niya. Pakiramdam niya ay bumaon na ang sangkapat na pulgada nito sa kanyang balat.
"M-maghuhubad na po..." Umiiyak na tumalima si Jerick.
"Rapist ka, ha... Sige, dapa!"
Dumapa si Jerick, kahit alam na niya ang gagawin nito sa kanya. Ayaw niyang mamatay, kaya wala siyang magagawa kundi ibigay ng hilig ng kakosa. Pumikit na lamang siya at humingi ng tawad sa Panginoon.
Ramdam ni Jerick ang sakit. Tila pinupunit ang kanyang balat habang naliligayahan ang hayop sa kanyang ibabaw. Mas masakit ito kaysa sa pagkakakulong sa kanya nang walang kasalanan.
Nakita ni Jerick na wala sa kamay ng lalaki ang punyal. Nais niyang makuha ito upang matigil na ang kababuyan nito sa kanya.
"Tarantado ka!"
Narinig ni Jerick ang boses ng mayor. At bago pa niya nasilayan ang pinuno, natigil na ang pagkadyot ng lalaki sa kanyang puwitan. Kasabay niyon ang pagdaloy ng mainit-init na dugo sa kanyang hubad na katawan.
"Ma... Ma... yor." Nawalan ng hininga ang lalaki sa likod ni Jerick.
Tahimik na naupo sa sulok ang mayor, pagkatapos niyang ihulog sa higaan ang bangkay nito. Si Jerick naman ay tila napipi sa kanyang nakita.
"Magbihis ka na, bata..." aniya.
Nagising naman ang kasamahan nila. Ilang sandali pa, nalaman na ito ng warden. Agad na umamin ang mayor at tinanggap ang parusa.
"Salamat po," ani Jerick, bago siya ilabas sa selda.
Bumalik ang mayor nang marinig si Jerick. "Alam mo ba kung bakit ako nakakulong?"
Umiling si Jerick.
"Gusto ko kasing mapag-aral ang anak ko sa magandang kolehiyo, para magustuhan siya ng mga magulang ng nobya niya... Sinubukan kong mangholdap ng isang convenience store. Bigo ako... Galit na galit pa sa akin ngayon ang anak ko..." Tumulo ang mga luha ng mayor.
"Napakabuti niyo pong ama..."
Tumingin ito sa kanya. " Alam kong makakalaya ka. Pag nangyari iyon, mag-aral kang mabuti. Huwag mong hayaang maging mangmang upang may maipagmalaki ka sa mga magulang ng girl friend mo. Ingat ka lagi..." Pagkatapos ay tahimik siyang sumama sa mga pulis.
Isang linggo ang nakalipas, pinalaya si Jerick. Nakipagsundo kasi ang kanyang ina sa mga mayamang magulang ng kasintahan niya na hindi na siya makikipagkita sa anak nila. Imbes na matuwa, nasaktan pa siya nang husto. Gayunpaman, nagpasalamat siya sa kanyang ina, bago sila lumabas ng presinto. Kailangan na niyang tanggapin na ang mahirap ay hindi para sa mayaman.
"Sir, gusto ko lang makausap si Mayor," ani Jerick sa isang pulis.
"Si Mayor? Wala na rito. Dinala na siya sa Munti. Sayang nga, e... kung kailan pababa na ang kaso niya, saka pa siya nakapatay..."
Nayakap ni Jerick ang ina. Umiyak siya sa balikat nito.
No comments:
Post a Comment