Followers

Sunday, March 13, 2016

Impiyerno

Kumalembang ang kampana sa simbahan. Hudyat na para sa araw-araw na ritwal na ginagawa ni Edong. Ngunit, ngayong hapon, hindi siya kumilos. Naririnig niya ito, pero wala siyang balak na sindihan lahat ng mga kandila sa madilim at nakakatakot na silid. Sumandal lamang siya sa rocking chair ng kanyang lolo at hinintay na matapos ang kalembang.

"Edooong!" Nagitla siya nang marinig ang malakas na sigaw ni Lolo Jonas mula sa ilalim ng kanilang sala. Nahulaan na niya agad na magagalit sa kanya ang lolo.

Hindi pa rin siya natinag. Pinaugoy-ugoy niya ang rocking chair at hinintay na umakyat si Lolo Jonas.


Dinig na dinig ni Edong ang mga yabag ng lolo. Alam niyang nagpupuyos ito sa galit.

"Nasaan kang bata ka?" Naulinig pa niya.

Lalo pa niyang nilakasan ang pag-indayog sa upuan.

"Sinvergüenza!" Nasa likod na niya si Lolo Jonas. "Nakalimutan mo na ba ang obligasyon mo?" 
Hinarap siya nito. "Bakit hindi mo ginawa...?" Mas ramdam niya ang galit ng lolo niya.
"Nakakasawa po."

"Por dios por santo, Edong! Hindi ka na natakot sa tinuran mo..."

"Lo, bakit ba kailangan nating ilawan ang mga santo at santa niyo sa ibaba? Hindi ko maintindihan."

"Punyeta! Hindi ba't sila ang pagkakakilanlan natin sa baryong ito. Dahil sa kanila ay dinarayo tayo at nabibiyayaan ng mga kabarangay natin?"

"Pagod na po ako..." Inihinto niya ang upuan at tumayo siya nang nakatalikod sa lolo. Dumipa siya at naghintay na ihataw sa kanya ng lolo ang yantok na tungkod. "Ayoko na po. Natatakot po akong tingnan ang mga imahen. Pakiramdam ko, mga halimaw sila..."

"Kilabutan ka sa sinasabi mo, Edong!"

"Iyan po ang totoo. Nakakatakot sila!"

Isang malakas na paghataw sa bandang puwet ang ginawa ni Lolo Jonas kay Edong. Hindi naringgan ng pag-aray o pagsikdo ang apo. Nagulat lamang siya nang bahagya.

"Sila ang kaligtasan natin! Sila ang magliligtas sa'yo. Sila ang magliligtas sa akin at magdadala sa langit!" Nanginginig ang boses ni Lolo Jonas, gayundin ang kanyang braso. Ngunit, nagawa niya ulit na hatawin si Edong.

Tumulo lang ang mga luha ni Edong dahil sa sakit.

"Humingi ka nang tawad sa kanila!" utos ng lolo.

"Hindi po ako hihingi ng tawad sa kanila," anito.

Isa pang mas malakas na hataw sa puwet ang iginawad ng lolo sa apo.

"Mapupunta ka sa impiyerno!"

At muli, isa pang hataw ang binigay niya kay Edong, ngunit hindi natinag ang siyam na anyos na apo.
"Bumaba ka doon... Bumaba ka doon!"

Hindi umimik at hindi gumalaw si Edong. Sumikip naman ang dibdib ni Lolo Jonas, kaya siya na lang ang bumaba, habang tutop-tutop ang naninikip na dibdib.

"Kaawaan ka ni Sta. Magdalena... ni Santo Tomas... ni Birheng Maria... ni San Roque... ni San Rafael... ni Santa Barbara..." wika ng lolo habang pumapanaog.

Nang nakababa na ang lolo, saka lamang niya pinahiran ang mga luha sa kanyang pisngi at bumaba rin siya hindi upang sundan ang lolo, kundi upang tumakas.

Nang makalabas siya ng bakuran, noon niya lamang naramdaman ang hapdi, dulot ng ilang ulit na paghataw ng yantok sa kanyang puwitan. Pero, hindi na bale. Ngayon ay malaya na siya. Hindi na siya matatakot muli sa mga santo at santa, tuwing sinisindihan niya ang kandila sa madilim na kuwarto ng mga imahen.

"Hindi ako hihingi ng tawad sa kanila," bulong niya. "...kahit kay Lolo..." Naisipan niyang lingunin ang bahay ni Lolo Jonas. Isang mataas na apoy ang lumalamon sa kabahayan ng kanyang lolo. 
"Impiyerno." Ngumiti siya. "Paalam, Lolo. Sana nakahingi ka ng tawad sa Panginoon."
Lumakad uli siya palayo sa impiyerno.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...