Followers

Wednesday, March 30, 2016

Hanggang sa Kanilang Pagtanda

"Nasaan ka?" natatarantang tanong ni Allen sa kanyang asawa na kanina pa niya tinetext. "Gabing-gabi na. Nag-aalala na ako sa'yo?"

Hindi na agad nakasagot si Jean, dahil ayaw niyang malaman ng asawa na umiiyak siya.

"Jean, nasaan ka ba? Sagutin mo naman ang tanong ko..."

"Okay lang ako. Huwag kang mag-alala. Andito ako sa isang adoration chapel..."

"Ha? Bakit? Saang simbahan ba? Pupuntahan kita..."

Napilit ni Allen ang asawa na ipagtapat niya ang kinaroroonan niya, kaya dali-dali siyang umalis ng bahay.

Mugtong-mugto ang mga mata ni Jean nang abutan ni Allen. Niyakap niya agad ito.

"Bakit, mahal ko? May problema ba?" masuyong tanong ni Allen.

Humikbi muna si Jean. "Natatakot ako..."

"Natatakot? Saan? Kanino?" maang na tanong ng asawa. Wala kasi siyang maalalang naging problema nila. Limang taon na silang mag-asawa. Halos mahigit isang dekada na silang magkasama sa kasalukuyan, simula nang maging magkaklase sila sa kolehiyo. Lahat ng mga nararamdaman nila ay sinasabi, ipinakikita at ipinadarama nila sa isa't isa. Wala silang lihiman. Hindi sila natutulog sa gabi nang may problema sa kanilang gitna.

"Natatakot akong iwanan mo ako, dahil hindi tayo magkaanak..."

Muling niyakap ni Allen ang asawa--- mas mahigpit. Matagal. Ramdam niya ang bawat pintig ng puso ni Jean, at ang sakit ng katotohanang iyon.

Nang kumawala sa pagkakayakap si Allen, hindi niya naikubli kay Jean ang mga luha sa kanyang mga mata. "Hindi kita iiwan, mahal ko." Hinalikan niya sa noo ang asawa. "Pinakasalan kita dahil gusto kong may makasama ako sa aking pagtanda..."

Muli silang nagyakap. Wala nang lumabas na salita sa kanilang mga labi, hanggang kapit-kamay silang lumuhod at nagdasal sa Panginoon. Pagkatapos, buong-buo nilang tinanggap ang katotohanang silang dalawa lamang ang magdadamayan hanggang sa kanilang pagtanda.

"Mahal, nag-alala talaga ako nang husto kanina. Huwag mo nang uulitin 'yun, ha?" sabi ni Allen, habang binubuksan ang gate ng kanilang tahanan.

"Uy, Allen, ano ba itong basket dito?" Hawak na ni Jean ang parihabang basket na may takip.

Pagkabukas ng gate, ang basket naman ang binuksan ni Allen. "Thank you, Lord!" bulalas niya habang nakatingin sa langit.

Saka namang narinig ni Jean ang uha ng sanggol sa basket.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...