Followers

Saturday, March 26, 2016

Sardinas

Agad na umuwi si Boboy sa kanilang bahay, pagkatapos ianunsiyo ng guro na lunch break na. Halos takbuhin niya ang may kalayuang tahanan. Gusto niya kasing makabalik uli sa paaralan bago mag-ala-una ng hapon, para sa iba pang aralin.

Magbubukas na sana siya ng sardinas, nang makita niyang wala sa kalan ang kaldero. Akala niya ay nagsaing na ang kanyang ama, hindi pa pala.

Agad siyang nagpadingas ng apoy. Pagkatapos ay isinalang na niya ang hinugasan at sinabawang bigas.

Inis na inis na naman siya sa kaniyang ama. Madalas kasing ganoon ang nangyayari. Madalas din tuloy na mahuli siya sa panghapong klase. Minsan pa nga, hindi na lamang siya bumabalik.

Nang painin na ang sinaing, hinanap niya ang kanyang ama. Agad niya itong nakita sa bahay ng kumpare nito. Umiinom na naman sila ng alak.

Kahit naiinis, mahinahon pa ring niyaya ni Boboy ang ama na kumain muna.

Nagalit pa ito sa anak. "Ikaw rito, ako ang uuwi!" pasinghal na sabi ng ama.

Pinagtawanan siya ng mga kainuman ng ama, na lalong ikinisama ng loob ni Boboy. Siya na nga ang nagmamalasakit, siya pa ang napasama. Ang gusto lang naman niya ay magkaroon ng laman ang sikmura ng ama, dahil alam niya, maghapon at magdamag na naman siyang nasa inuman.

Halos hindi malunok ni Boboy ang kinakain, dahil sa pighati. Hindi na niya alam kung magbabago pa ang kaniyang ama. Nababalewala lamang ang pagsusumikap ng kaniyang ina sa ibang bansa. Apektado na rin ang kaniyang pag-aaral.

"Maguinoo, Rodolfo?" rollcall ng guro.

"Present," sagot ni Boboy. Hindi siya tumingin sa guro.

"Come here."

Habang palapit siya sa guro, mamasa-masa na ang mga mata niya at nangangatal na ang mga laman niya. Alam niyang tungkol sa frequent absences niya ang dahilan ng pagtawag sa kaniya.

Pabulong at malambing na kinausap ng guro si Rodolfo. At, hindi siya nagkamali.

Masayang-masaya na bumalik sa upuan si Boboy, pagkatapos nilang mag-usap ng gurong tagapayo. Naiyak siya sa tuwa.

"Ma’Am Brecia! Ma’am Brecia!" Dinig na dinig ni Rodolfo ang pasigaw na tawag ng kaniyang ama.

Agad niyang tinungo ang bakal na gate upang mapigilan ang pagkakaroon ng eskandalo.

"Papa, wala po rito si Ma’am... Umalis po. Namalengke po sila ni Sir sa bayan..." Takot na takot si Boboy. Hindi kasi siya nagpaalam na titira siya sa kanyang guro.

"Wala akong pakialam! Umuwi ka na ngayon din!" Lasing ang kaniyang ama.

Humugot siya ng hininga. "Sige po. Kayo po rito ang tumira kina Ma’am at Sir upang makatapos kayo ng pag-aaral, at ako po ang uuwi..." Tinalikuran niya ang natamemeng ama.

Tinanaw ni Rodolfo ang ama, mula sa bintana ng kaniyang kuwarto. Nakalayo na ito sa gate--- laylay ang balikat. Natuwa siya. Hindi na siya ngayon katulad ng sardinas.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...