Followers
Sunday, March 3, 2019
Ang Aking Journal -- Marso 2019
Marso 1, 2019
Wala pa ring epekto sa VI-Love ang pananahimik ko. Hindi sila makuha sa titig at simangot. Naaasar na nga ako. Gusto ko na namang magwala. Wala ring nagawa nang lumabas ako at binahsak ko ang pinto. Naririnig ko pa rin ang ingay nila. Mabuti na lang, kinuha sila ng PE teacher.
May issue na naman sa school kanina. Si Sir Joel at Ma'am Venus na naman ang involved. Tungkol iyon sa post at comments nila. Raffle ticket ang pinagmulan, which is may pinanghuhugutan naman talaga. Kahit ako nagkomento. Nakakainis ang 'good as sold.' Hindi puwedeng isauli. Abunado lagi ang guro. At ang nakakainis, hindi naman inaanunsiyo kung may nanalo ba o wala.
Umuwi ako nang maaga. Ang dalawa namang involved, kasama sa mga pinatawag para i-meeting. Nahulaan ko agad ang agenda. Nakakatawa talaga ang leadership ng principal. Pumapatol sa mga mabababaw na issue. Hindi na lang magbago at ipakitang hindi siya iyon. Kailangan talaga niyang ipaalam sa lahat na apektado siya. Ang sarap tuloy asarin.
Natuwa ang mag-ina ko nang pinasalubungan ko ng pizza. Nag-request kasi si Zillion niyon. Gamot niya sa ubo.
Hapon, marami akong nagawa. Nagbasa. Nagdilig. Nag-edit.
Gabi. Itinuloy ko ang pag-edit. Nakapagsulat din ako ng isang sanaysay.
Marso 2, 2019
Hindi talaga ako sanay matulog nang matulog kahit walang pasok. Maaga pa rin akong bumangon. Pero, hindi bale, worth it naman. Nag-gardening kasi ako. Napaganda ko lalo ang garden namin. Pinaliit ko ang entrance. Masyado kasing nakabuyangyang ang pinto namin sa kalsada.
Naglinis din ako ng banyo. Nagluto. Naglinis ng aquarium. Nagbasa. Nagsulat ng kuwento. Umidlip.
Ang sarap magbakasyon!
Kaya lang, hindi ko na naman napuntahan si Mama. Sana okay lang siya. Alam ko, inaasahan niya ang pag-uwi ko roon dahil bukas ni Zildjian. Kaya lang, hindi na kaya ng budget. Sana maunawaan niya ako, at ng anak ko. Alam ko ring hindi pinababayaan ni Taiwan si Mama.
Marso 3, 2019
Excited akong nag-gardening pagkatapos naming mag-almusal. Gusto ko kasi ang bagong landscape ng garden namin. Parang mas lumawak. Kapansin-pansin tuloy ang tila pagdami ng mga halaman ko.
Nag-edit ako ng akda ko ngayong araw. Although, wala pa kaming internet, naaliw naman ako. Nakapagsulat din ako ng kuwentong pambata.
Birthday ngayon ni Zildjian. Nakakalungkot kasi hindi ko nanaman siya napadalhan ng pera o kahit pang-cake. Hindi sapat na binati ko siya sa Facebook, lalo na't hindi niya pa iyon nababasa.
Hindi bale, makakabawi rin ako.
Marso 4, 2019
Hindi ko pa rin kinikibo ang advisory class ko, pero nagsulat ako ng lecture sa board. Naroon nang lahat ang kahulugan, halimbawa, paliwanag, at panuto. Gumawa naman sila nang tahimik. May iilan-ilang maingay. Wala pa rin talaga silang pakiramdam.
Nagturo ako sa VI-Faith. Pagkatapos, wala na. Magulo na ang schedule. Hindi rin ako nagpursigi kasi sobrang sakit ng ulo ko. Hanggang pagbiyahe ko pauwi, masakit pa rin. Naaalala ko, kahapon ng umaga pa kasi ako huling nagkape. Iyon ang madalas sanhi ng pagsakit ng ulo ko. Nag-Milo lang kasi ako kaninang umaga.
Gayunpaman, nagawan kong sulatan ng details ang Form 137 ng VI-Love. Sa susunod, mag-iinput na ako ng grades. Kailangan ko kasing tulungan si Ma'am Mj sa kanyang thesis kaya kailangan kong maging magkaroon ng free time.
Nawala naman ang sakit ng ulo ko pagkatapos kong makapagkape. Kaya, nakapagdilig ako ng mga halaman, nakagawa ng LM, at nakapagbasa.
Bukas, sana inspired na ako. I hope rin na makaramdam na ang advisory class ko.
Marso 5, 2019
Hindi man ako nagturo sa advisory class ko, nagpa-seatwork naman ako. Nagturo siyempre ako sa ibang sections.
Wala pa ring nagso-sorry sa klase ko. Hindi ko naman sana hangad iyon. Pagbabago nila ang hinihintay ko. Pero, wala yatang nais magbago. Palala sila nang palala.
Well, nag-eenjoy ako sa pananahimik. Hindi ko naman kawalan iyon. Nasi-save ko pa ang boses ko. Hindi rin ako naha-highblood, since hindi ko kailangang magsawaay, sumigaw, at magalit.
Speaking of professionalism, hindi ako pinatawag ng principal. Gusto ko sanang kausapin niya ako gaya noong Friday, kung saan pinatawag niya ang mga guro na nag-post at nag-comment sa post tungkol sa kanya.
Ginawa ko iyon kagabi. Na-trigger dahil kay Ma'am Venus, pero hindi ako pinatawag. Sayang!
Anyways, marami akong nais ipayo sa kanya. She is not a good leader. She still needs seminar about leadership.
Hindi agad ako umuwi after class dahil kinabitan ng sticker ang chalkboard ko. Whiteboard na. Budgeted iyon ng city hall.
Past 4 nang nakauwi ako. Sinikap kong makaidlip pero nabigo ako. Nag-gardening ako, instead. Ang saya mag-gardening! Nakakawala ng pagod at problema.
Gabi. Nagpaalam si Emily kung puwede siyang magbakasyon. Nainis ako kahit pinayagan ko siya, pero later nasabi kong sayang ang gastos ko sa workshop ni Zillion kung lalayo lang sila at ihihinto ang nasimulan. Noong una, nagrarason pa siya. Mali raw ang pagkasabi ko. Hindi ako nagpatalo. Sayang naman talaga kasi pinuhunan ko ang bata tapos magpapahinga lang sila sa bakasyon. Sinabi kong dapat pampaopera na lang ng mata iyon ni Mama.
Pinayuhan ko rin si Zillion. Sabi ko, magkaroon siya ng inspirasyon, gaya ng Lola Enca niya. Ang pagkakaroon ng inspirasyon ang tutulong sa kanya para hindi kaagad sumuko kapag napagod, nasaktan o nabigo. Gaya ko, nagkatoon ako ng inspirasyon kaya naabot ko ang mga pangarap ko. At patuloy ko itong isasagawa kasi patuloy akong nangangarap.
Marso 6, 2019
Ganoon pa rin ang nangyari kanina. Walang pinagbago, maliban sa nakita ko talaga ang kadugyutan ng mga estudyante ko. Hindi pinunasan ang lamesa. Hindi nagtapon ng basura. Hindi isinauli ang mga sandok sa canteen. Hindi maayos ang pagkakalinis ng silid. Andaming naiwang gamit at maliliit na kalat. Atbp!
Umuwi rin ako kaagad. Wala akong planong maglinis. Gusto kong makita iyon ng mga magulang nila. Sa huling meeting ko with parents, malalabas talaga ako ng mga hinanakit ko.
Bumili ako ng books sa Booksale. Pitong piraso ang napili ko for P95 only. Ang gaganda! Kung marami lang akong pera, mas marami sana akong nabili. Gusto ko lang kasing magbasa, since nabasa ko na halos lahat ang mga books na huli kong binili.
Past 5:30, nag-gardening ako. Hindi ako mapakali sa arrangement ko. Maglilipat at maglilipat talaga ako ng mga nakapasong halaman every time na makikita ko ang mga iyon. Laging may changes. Okaya ang naman. Napapaganda naman nang husto. Napag-aaralan ko kasi ang mga kakulangan at kailangan ng mga tanim.
Gabi. Nag-edit ako nang kaunti. Nag-journaling din ako. Nakapagbasa pa ako ng isang children's storybook bago nahiga.
Feeling fulfilled!
Hindi nga pala ako nakasama sa pictorial ng faculty. Nagmadali kasi akong umuwi. No regrets.
Marso 7, 2019
Nagsimula na kanina ang periodic test para maaga naming ma-compute ang mga grades ng graduating class. Maayos naman ang sistema. Natakot ko sila sa mga isinulat kong minus points. Pero, may mangilan-ngilan talagang matigas ng ulo. Maingay pa rin. Anyways, nakagawa ako ng kung ano-ano habang nagbabantay sa kanila. Lumaya ako kahit paano. How I wish mabilis nang lumakad ang mga araw para graduation na. Ang sarap nang magbakasyon lalo na't hindi na ako masaya sa VI-Love. Feeling ko, hindi ko sila naturuan ng tamang pag-uugali. Nakaka-disappoint.
After class, nag-bonding kaming advisera at MT namin habang nagla-lunch. Masaya iyon. Nagpalitan pa kmi ng kurokuro.
Pauwi na sana ako at past 1:30 nang mapadaan at mapakuwento ako sa Kinder. Napag-usapan namin ang mga baluktot na gawain ng mga kasamahan namin. Nahikayat ko silang tumanggi sa utos ng lider kapag naramdaman nilang ginagamit lang sila.
Past 4 na ako nakauwi.
Pagkatapos kong magmeryenda, ginawan ko si Zillion ng bahay, gawa sa karton. Kinulayan niya iyon ng water color. Na-enjoy niya iyon.
Balak kong gumawa ng village para sa mga toy cars niya at mga tao-tauhan.
Marso 8, 2019
Naaliw ako kahit paano sa maikling bonding namin nina Papang at Ms. Kris. Nakawala ang mga tawa ko dahil sa kulitan at kuwentuhan namin. Nakatakas ako sa advisory class kong walang respeto at disiplina.
Kahit may exam sila, maiingay pa rin at magugulo. Nakakasawang magsaway at magsermon. Mas maigi pang manahimik na lang. Kahit paano, effective naman ang titig at katahimikan.
After class, nag-meeting kami para sa graduation rite. Kasama namin ang tatlong MTs.
Okay naman ang meeting. Walang parinigan. Walang nagbanggit ng tungkol sa mga isyu. Siguro, naramdaman nilang nakahanda akong umalma at labanan sila.
Alas-tres na natapos ang meeting. Dalawang oras din pala iyon. Past five na ako nakauwi.
Marso 9, 2019
Naging produktibo ngayon ang araw ko. Naglinis ako sa kuwarto. Nag-gardening. Naglinis ng kulungan ng aso.
After lunch, siesta naman. Nakakainis lang dahil nagkakarpintero ang kapitbahay namin sa duplex. Ang inis! Hindi ako nakatulog nang mahimbing. Apektado rin ang tulog ni Emily.
Gabi, pagkatapos kong magdilig, nag-arts naman ako. Miniature na sala set ang ginawa ko. Parang tunay iyon sa picture.
Nag-edit at nag-post din ako ng 'Redondo.' Sumakit lang ang mga mata ko, kaya tinigilan ko na agad.
Bukas, aalis ang mag-ina ko para sa workshop.
Marso 10, 2019
Pagkaalis ng mag-ina ko, nag-exercise muna ako. Ang pag-aalmusal ang isinunod ko. Then, sunod-sunod na ang action. Linis. Gardening. Paligo ng aso. Nagbenta rin ako ng yelo at ice candy.
Hapon. Umidlip ako. Paggising ko, gumawa ako ng zine. Handmade lang iyon. Naabutan nga ako ng mag-ina ko. Mga past 4 iyon.
Nainis ako bago natulog. Hindi ko alam kung bakit mainit ang ulo ko. Napakitaan ko tuloy ng hindi maganda ang wifey ko. A, baka pagod lang ako.
Maaga akong umakyat, nagpatay ng ilaw sa kuwarto, at nahiga. Bukas, sana okay na ako.
Marso 12, 2019
Ikalawang araw ng walang pasok. Sabay-sabay uli kaming nag-almusal nina Ma'am Vi at Ma'am Madz. Pagkatapos, gumawa na kami sa taas. Na-encode at na-iprint ko ang ranking of honors, pero hindi muna pinirmahan ng principal. Hahanap daw siya ng format.
Pagkatapos niyon, naghanda naman kami ng para sa IPCRF. Na-inspire akong gumawa niyon nang makita ko silang dalawa. Nakapag-photocopy na rin tuloy ako ng mga certificates ko for plus factor.
One, after lunch, umuwi na ako.
Past 3 na ako nakauwi. Nakaidlip pa ako kahit paano. Then, nag-gardening ako. Nawala ang stress at pagod ko. Kung hindi nga lang malangaw at malamok, matagal akong mag-i-stay sa garden.
Gabi. Nag-color naman ako ng mandala. Isa rin ito sa nakakawala ng stress.
Kaya lang, bago ako natylog, na-stress ako kay Emily. Tanungin ba naman ako ng "May ipapalaba ka ba bukas?" Kailangan pa bang itanong iyon? E, samantalang may laundry basket naman ako. Sa palagay ko tuloy, ayaw niyang labhan ang mga damit o at nagbibilang siya ng trabaho. Sapatos ko nga, hindi niya malabhan. Walang kusa. Nakakainis!
Nagkasagutan kami. Ayaw ko siyang kausapin. Mainit talaga ang dugo ko sa kanya noong isang araw pa.
Dinagdagan niya pa ng isa pang kamalian. Iniisip niya raw na may iba na ako. Hay, Diyos ko! Kulang nga sa amin ang sahod ko at hindi ko na masuportahan si Mama at dalawa ko pang anak, maghahanap pa ako ng iba. Ano, magpapakagutom?
Bahala siya... Basta ako, gusto kong manahimik kapag ginusto ko. I hate drama!
Marso 13, 2019
Hindi ko pa rin kinibo ang VI-Love and as usual, maiingay pa rin sila. Mabuti na lang, kinuha sila ni Ma'am Vi at pinag-practice ng kanta sa classroom nila. Pagkatapos, nagkaroon naman ng election ng Graduating Class Officers. Nagawa naman namin ang mga bagay-bagay tungkol sa graduation like program. Nakapag-draft din ako ng valedictory address.
Pagkatapos ng recess, inis na inis ako sa ingay nila. Mga manhid talaga sila. Gayunpaman, hindi ako nagsalita. Pinakiramdaman ko sila. Nakabuo ako ng desisyon.
After class, nag-stay ako sa classroom para gawin ang Form 137. Kahit paano, umusad ang trabaho ko. Nalaman ko pang sa Marso 26 na ang checking kaya kailangan na talagang magpakonti-konti.
Nanuod din ako ng youtube videos tungkol sa moss terrarium. Nakaka-inspire. Gusto ko na agad makagawa ng terrarium.
Past 5 nang nakauwi ako. May dala akong ice cream. Binati ko na ang wifey ko. Sa isang yakap, okay na kami.
Then, nag-gardening ako. Nakapag-repot ako ng dalawang balete bonsai. Kailangan ko pa ng maraming paso at lupa.
Marso 14, 2019
Masaya ako kanina pagpasok ko kasi wala kaming mga estudyante. Eight AM pa sila pupunta sa simbahan para sa baccalaureate mass slash recollection. Tahimik ang mundo ko. Nakapag-almusal ako. Then, later nagmiting kaming advisers. Hindi pa rin namin malaman ang mga gagawin para sa graduation at sa checking of forms. May IPCRF pa. Nakaka-stress, pero kaya naman.
Past 8, pumunta na kami sa simbahan. Nainis ako sa banat ng katekista. Kararating lang namin, sinabihan kami ng "Teachers, bantayan n'yo ang mga bata n'yo." Parang gano'n. Umakyat na naman sa ulo ang dugo ko. Nag-walkout muna ako
para mawala ang inis ko. Nng mawala, pumasok na ako.
Nakita ko ang kakulitan ng mga estudyante kahit nasa simbahan na sila. Tsk tsk!
Matapos ang misa, tinawag ang mga advisers para sa group pictorial. Hindi ako pumunta. Gusto kong maramdaman ng advisory class ko kung gaano kasakit ang binabalewala.
Nag-treat si Ma'am Vi sa amin. Sa Savory kami nag-lunch. Sa wakas, nakasama naming muli sina Sir Vic at Sir Joel G.
Umuwi agad ako pagkatapos. Nakalimutan kong may meeting pa kaming coop board members. Hindi bale, mas marami akong nagawa sa bahay.
Marso 15, 2019
Naging maayos naman ang meeting namin sa mga magulang ng graduating class. Naging vocal ako sa pagpapahayag ng aking mga saloobin, ideya, at opinyon.
Pagkatapos niyon, nagkaroon kami ng deliberation para sa honors. Naging vocal uli ako sa pagpasaring. Alam kong marami ang na-disappoint pero iyon talaga ang totoong result. May consideration na nga sa iba. Supposedly, hindi karapat-dapat ang iba.
Halos nakalimutan kong mag-almusal at mananghalian kanina dahil sa ka-busy-han. Pasaway pa ang Love. May kumuha pa ng whiteboard marker ko, kaya sobra akong badtrip.
After class, may coop board meeting kami. Past 2 na ako nakalabas ng school. Dumiresto ako sa Palawan para i-claim ang P10,000 na investment ko sa WWG. Binawi ko na.
Malas lang dahil wala pa sa system ng Palawan ang pera ko. Galing kasi iyon sa ibang bansa.
Pumunta pa ako sa SM para mag-BDO Remit. Hindi ko rin na-claim dahil kailangan ng address ng sender.
Sumubok pa ako sa BDO branch. Gayundin pala ng forms na nasa SM. Umuwi na lang ako. Hindi ko na nagawang makipag-meet up sa schoolmate ko dati na nanghingi ng seeds ng blue ternatea.
Na-traffic ako sa Tejero. Almost 1 hour ako roon. Pag-uwi ko pa, hindi ako kinikibo ng asawa ko. Haist! Gumaganti. Bahala siya. Mas pagod ako kaysa sa kanya. No time for dramas and karinyo.
Mas iniisip at pinoproblema ko ngayon kung paano ko matutulungan sina Mama, Hanna, at Zildjian. Kailangan din nila ng suporta ko. Sana maunawaan niya iyon. Ang problema niya, katiting lang. Sapat naman ang kinakain niya. May maayos na tirahan. May tubig, kuryente, at internet. Kumakain pa naman. Kulang pa ba ako? Kung kulang man, sana marunong magtipid at maghigpit ng sinturon. Oo, maaaring hindi ako malambing, pero it doesn't define me as a father or husband. Teaching is an stressful work. Halos wala na akong time para ngumiti, lalo ngayon... SFs suck!
Marso 18, 2019
Kaunti lang ang mga estudyanteng pumasok, kaya pinagsama-sama namin ang tatlong section (Love, Charity, and Hope) sa silid ni Ma'am Vi. Nakapag-bonding tuloy kami sa almusal nina Papang at Ms. Kris.
Hanggang nine lang ang mga bata dahil may GAD seminar ang faculty, bandang ala-una.
Past nine, pumunta kami ni papang sa Harrison Plaza para i-claim ang mga pera namin. Siya, kukunin sa LBC ang padala ng kapatid. Ako naman sa BDO, ang P10,000 na investment ko sa WWG Publishing. Binawi ko na kasi dormant.
Nang makabalik kami ni Papang sa school, 10:30 na. Agad naman kaming nagplano nina Ma'am Vi at Sir Hermie para sa stage decoration. Kailangan na raw nai-liquidate ang P5000 na ibinigay sa amin ng principal. kaya, 11:30, umapis kaming apat (ako, sina Ma'am Madz, Ma'am Vi, at Sir Hermie)
Nakakapagod at nakakagutom dahil sa init ng panahon, pero masaya kaming ginawa ang tungkulin namin bilang overall committee ng graduation.
Sa Mang Inasal na kami nag-late lunch.
Pagkatapos niyon, bumalik kami ni Sir Hermie sa school. Umalis din agad ako pagkalapag ang mga napamili namin. Tumungo naman ako sa post office para ipadala ang binhi ng blue ternatea sa schoolmate ko dati na si Bernie Hallig. Humingi siya kaya It's my pleasure na padalhan siya upang siya naman ang mamigay sa iba.
Bumalik ako sa school para hintayin sina Papang, Ms. Kris, at Mj. Aalis kami para sa blowout ni Mj.
Nakaalis kami bandang pasado alas-3. Sa Racks-MOA kami dinadala ni Mj. First time ko roon. Superb ang experience. Great food. Nice ambience. Wonderful bonding moments with #1000. Wala kasi si Belinda.
Six-thirty na kami nakaalis doon. Super busog ako. Hindi na ako kumain pagdating ko at 8:30. Alam naman iyon ni Emily. Nasabi ko na sa kanya.
Marso 20, 2019
Ikalawang araw ng standardized test kuno. Halos maubos na ang pasensiya ko sa ingay ng mga VI-Love. Kung puwede nga lang magmura, ginawa ko na. Hanggang pagbagsak lang ng pinto ang kaya ko.
Pare-pareho kaming nahihirapan. Ako, nahihirapang manahimik. Sila, nahihirapang malaman kung ano ang nasa isip ko. Quits!
After class, nayaya ako ni Ma'am Vi na sumama sa kanila ni Ma'am Madz sa Taguig. May kukunin siyang titulo ng lupa sa BFS, na nasa RCBC Bldg.
Almost one hour kaming naghintay-- naghintay sa wala. Hindi kasi nagawa ang title. Wala pang notary. Babalik yata kami bukas. Kasama na sina Sit Hermie at Sir Joel. Mamamasyal din kami.
Baka kami naghiwa-hiwalay, nagpa-haluhalo muna si Ma'am Vi sa Mang Inasal. Nakapagkuwentuhan kami roon kahit paano habang naghihintay ng order. Naikuwento ko sa kanila ang ilan sa mga paghihirap ko, matupad lang ang pangarap na gumanda ang buhay. Naikuwento ko ang pagkagahaman ng tiyahin kong abogado, na pagkatapos tulungan ng aking ina na mapag-aral, hindi man lang lumingon sa pinagkautangan.
Kung ano man ang ugali ko ngayon, dahil ito sa nakaraan ko. Dahil ito sa maltreatment sa akin ng kamag-anak ko.
Nakauwi ako bago mag-6. Ako pa ang nakapagdilig ng mga halaman.
Marso 21, 2019
Tahimik kong ginawa ang mga forms ko, kahit may mangilan-ngilang disturbances. Natapos ko naman bago mananghalian. Kaya lang, nang nagpa-meeting about sa LIS, birth certificate, at iba pa, na-delay ang pag-uwi ko. Hindi pa ksmi natuloy sa Taguig. At ang malala, na-highblood ako sa meeting. Iba na naman ang takbo ng usapan. Parang manipulation na naman at sabwatan sa mayor. Ang gagago ng mga nasa taas. Gusto nila ng pabago-bago at pinahihirapan nila ang mga guro. Gaga rin ang nag-meeting doon. Pag-dissimenate nila, kulang at hindi klaro, kaya andaming tanong sa kanila. Tapos, magagalit kapag nataasan ng boses. Hay, naku hindi ako nakapagtimpi kanina. Sinabi kong "Mahalaga ang oras ko. Overtime na ako. Dapat hanggang 12:30 lang ako." Sumagot pa si MT2. "Bayaran mo, Gigi." Gaga! Boba! Palibhasa, pumasok ng hapon uuwi hg hapon. Ako, pumasok ng maaga, uuwi ng hapon.
Nag-member na ako sa Paysbook. Isang account muna. Salamat sa book na bigay ni Ma'am Fat dahil na-inspire akong mag-invest. I hope maging successful ako sa venture na ito.
Nahikayat din ako ng former high school classmate ko na si Rosanna, na dumalo sa reunion sa March 23. Okay lang din. Gusto ko lang naman kasi may mag-chat at magyaya sa akin. At least, may makakausap na ako roon.
Marso 22, 2019
Nag-practice kami ng graduation processional. Kahit paano nagkaroon na ng direksiyon. May mga plano na rin kami. Hanggang plano lang muna kasi may 'Gawad Parangal' pang magaganap. Hindi pa kami makakilos.
Ngayong araw, buo na talaga ang desisyon kong hindi dumalo sa graduation. Gusto ko talagang maramdaman nila ang panghihinayang dahil hindi nila ako pinahalagahan, gayundin ang pagmamalasakit ko para sa kanila. May dalawang magulang na nag-sorry at nakiusap sa akin, na magbago ang isip, pero wala silang nagawa. Naipabatid ko na rin sa mga kasamahan ko at kay Papang. Alam na rin ng advisory class ko.
May ilang nagpaiwang estudyante para kausapin ako. Hinintay talaga nila akong lumabas. Nang nasa labas na ako, may mga yumakap sa akin. Nainis ako. Awkward! Hindi ako na-touch sa ginawa nila.
Nag-out naman ako agad para magpadala sa Paysbook ng P2000. Tatlo na ang account ko.
Bukas, si Emily naman at si Gina. Binigyan ko ng puhunan si Emily. Si Gina, interesadong-interesado. Sana si Bro Beverly rin, ma-convince ko.
Dumating si Epr bago mag-7. Naawa ako sa kapayatan niya. Sana maibalik ko dati niyang katawan habang nasa amin siya.
Marso 24, 2019
Nakauwi ako sa bahay ng bandang alas-7. Masakit ang ulo ko at nasusuka, pero dahil antok na antok ako, itinulog ko na lang. Quarter to 10 ako nagising. Muli, after long years, naranasan ko naman ang hangover.
Maghapon akong nag-suffer sa hangover. Pero, dahil kailangan kong kumilos for Paysbook, nanatili akong gising. Past 4 na ako umidlip.
Desidido akong mag-Paysbook at kumita nang malaki-laki. May hinihikayat pa ako.
Marso 25, 2019
Nag-rehearse kami para sa graduation. Medyo umuusad na ang ginagawa namin. Then, pinagka-busy-han naman namin ang mga SFs. Kaya lang, sobrang bagal ng net kaya halos wala naman kaming natapos.
Na-discover ko si Zillion bago kami natulog. May hilig na rin siya sa pagsusulat. In fact, tinapos niya ang isang kuwento bago siya umakyat. Naluha ako sa tuwa nang makita ko siyang nagsusulat. Nang mabasa ko naman ang una niyang akda, natuwa rin ako. Kahit paano may essence iyon. May simula. May suliranin at solusyon. May wakas. Kaunting push pa at maraming inspiration, magiging mahusay siyang manunulat.
Marso 26, 2019
Naging aloof ako sa mga estudyante at mga kaguro ko kanina habang nagre-rehearse. Nagdilig na lang ako ng mga halaman. Then, nag-Paysbook ako. Pagkatapos, nainis ko sa chat ni Emily. Hindi ko na lang pinansin. Sa halip, nag-send ako sa kanya ng mga tungkol sa business.
Nagpapasaway pa rin ang VI-Love. Hindi pa rin talaga sila makaramdam. Okay lang naman iyon sa akin. Alam kong ini-enjoy nila ang mga nalalabing araw sa GES, pero hindi ko maintindihan kung bakit mas malala sila kaysa noon. Hindi nila naisip na graduating sila. O baka wala na talaga silang takot, respeto sa sarili, at respeto sa akin.
After dismissal, nag-bonding kaming Grade Six teachers during lunch break. Nanlibre ng icecream si Ma'am Madz. Yhen, nag-cross check kami ng mga forms.
Past 3 na ako nakalabas sa school. Past six na ako nakarating.
Pinagtiyagaan ko ang mabagal na LIS. Natapos ko naman before nine ang pag-input ng average, na siyang isa sa mga kailangan bukas sa cross checking.
May good news akong natanggap mula sa PrideLit. Invited ako sa writing fellowship sa Sabado. Masaya ako dahil na-consider nila ang akda ko. Sana lang mapili for publishing at maging bahagi ng Pride March sa June.
Nakipag-meeting online din ako SULAT Pilipinas. Marami kaming plano para sa ikauusad ng group namin. Sana maisagawa namin, lalo na ang registration sa SEC at DTI.
Marso 27, 2019
Ipinakita ko talaga sa VI-Love ang pambabalewala ko sa kanila habang may graduation rehearsal sila. Nang ang ibang section ang nasa processional, naroon ako para magbigay ng direction at cues. Nang tatanggap kunwari sila ng diploma, hindi ko sila kinamayan at nakaupo pa ako. Nang ang ibang section, nakakipagkamay ako at nakatayo.
Alam kong kapansin-pansin iyon, kaya natuwa ako. Masakit iyon para sa kanila, pero tama lang iyon bilang kabayaran ng sampung buwang pagiging undisciplined nila sa klase ko at kawalan nila ng respeto sa akin.
Marso 28, 2019
Maaga akong nagising, pero hindi naman ako kaagad bumangon. Nagsulat lang ako para ma-update ko ang isa kong nobela.
Past 6 na ako bumangon. After morning routines at magkape, naligo na ako. Past 7 na ako nakaalis sa bahay. Nine o' clock pa ang simula ng recognition day, kaya alam kong aabot ako sa processional. Kaya lang, na-traffic ko. Nagdo-doxology na nang maabutan ko. Malaman-laman ko, hindi rin pala nakapagpasa sina Ma'am Madz at Sir Hermie. Si Sir Joel K, late. Si Ma'am Vi, absent.
Natuwa rin ako kahit paano dahil alam kong issue na naman iyon. Wala ang Grade Six teachers!
Magulo ang Gawad Parangal. Hindi napigilan ang pagdagsa ng mga magulang sa unahan. Lahat sila ay gustong makakuha ng larawan sa mga anak nila. Wala na halos nakaupo. Haist!
Nainis ako sa sistema ng kainan. Pansit at puto lang. Nakabalot pa sa plastic. By grade level daw. Hindi na lang inilagay sa bandehado, tutal Grade 2 at 6 lang naman ang naroon sa feeding room. Ang ibang grade level, may kainan sa kani-kanilang lugar.
Nakakainis lang isipin na tinipid na nga ang pagkain, parang nagkanya-kanya pa. Sana hindi na lang nagpakain.
After kung ma-high blood, kumain pa rin ako. Wala, e. Gutom na gutom ako. Kaya nga nang niyaya kami ni Marekoy, kumain pa rin ako.
After kainan, gawaan naman ng mga bagay-bagay para sa graduation, like diploma jacket, letting-cutting, etc. Inabot kami (ako, Sir Joel, Ma'am Anne, Ma'am Madz, at Sir Hermie) sa school ng pasado alas-7.
Nakakapagod, pero ang saya namin! Kahit paano ay marami kaming natapos. Sayang wala si Ma'am Vi.
Nag-dinner kaming lima sa Binalot. First time namin soon. Sulit naman. Ang sasarap ng pagkain. Lutong bahay.
Past 10 na ako nakarating sa bahay.
Marso 29, 2019
Pagdating ko sa aschool, naroon na sina Ma'am Madz, Ma'am Vi, at Sir Hermie. Nag-aalmusal sila. Nakisalo na rin ako since nagpaalmusal si Ma'am Vi.
Pagkatapos niyon, action na agad. Nagpintura kami ng styro letter cuttings. Dumating ang dati naming pupil na si Aiken. Nakatulong siya sa amin.
Then, past 10, isinalang kami ni Ma'am Vi sa cross-checking. Kami ang napiling i-check. Okay lang naman. Wala namang problema sa forms ko at sa birth certificates ko.
Masayang-masaya kaming gumagawa. May tawanan at kulitan.
Past one, nag-start ang general rehearsal ng graduation. Okay naman. Naibigay na ang programme, ribbons, at toga. Wala pa ring clue ang advisory class ko, na dadalo ako sa big day nila.
Then, maging maaksiyon uli kami. Nagkaroon pa ng inuman ng beer doon nang bumili sina Sir Hermie at Sir Joel G. Napatagay ako kaya ang kulit ko.
Isang nakaka-proud na post ang nakita ko. Mula iyon sa Pride Lit FB page. Naroon ang penname ko sa announcement nila tungkol sa writing fellowship bukas.
Walang mapagsidlan ng kaligayahan at excitement ang puso ko. Sa tingin ko, malapit na ako sa katuparan ng mga pangarap ko.
Nagplano pa kami nina Sir Joel at Ma'am Vi, bago ako umuwi. Nakapagpaalam na ako noon sa mga kainuman ko, pero nagulat sila nang tawagin ko sila para maghapunan sa Binalot.
Anyways, nakaka-excite ang mga plano namin. Sigurado kaming marami ang matutuwa.
Past 12 na ako nakauwi sa bahay.
Marso 30, 2019
Kahit kulang sa tulog, bumangon pa rin ako nang maaga para sa Pridelit Writing Fellowship sa Quezon City. Ginising ko sina Emily bago umalis para magpaalam. Hindi ko na kasi sila naabutang gising kagabi. Nag-iwan ako ng pang-grocery. Nagsabi na rin ako ng tungkol sa overnight naming Grade Six teachers sa school para matapos na ang stage decoration.
Before nine, nasa venue na ako. Feeling VIP ako nang i-entertain ako ni Ms. Aiko, since ako ang unang dumating sa limang writing fellows.
Apat lang kaming dumating. Nag-diarrhea ang isa. Okay lang naman.
Sobrang saya ko dahil nakapasok ako sa conference hall nila. Ang ganda niyon. May mga koleksiyon ng libro. Naroon din ang mga trophies at certificates of award. Hi-tech ang mga facility.
Nang nagsimula na, nalaman ko kung paano pinag-uusapan ang evaluated manuscript. Nagustuhan nila ang dalawa kong nobela. Ang isa, sobrang haba, kaya kailangan kong tapyasin. Ang isa naman, kailangan kong palitan ng gender ang lead female character upang maging Pridelit. Challenge, pero gusto kong makapagpasa sa deadlines--April 5 and 19. Gusto ko lang gustong maging bahagi ng Pride March, kundi kumita sa authorship at maging writer ng Precious Pages Group.
Nang matapos ang fellowship, nagtamo na naman ako ng mga kaalaman sa pagsusulat at nakakilala ng mga bagong kaibigan.
Six, nasa GES na ako. Umaksiyon agad ako habang nagkakape. Nakatulong namin si Sir Archie at nakasalo sa hapunan. Ang saya-saya ng kulitan at tawanan namin.
Kahit ilang araw na akong pagod at puyat, naging game ako sa pagtapos ng task namin. Kahit paano, nakatulong ang beer para mawala ang antok namin. Marami kaming na-accomplished, kabilang ang pagdikit ng styro letter cuttings, paglagay ng telon, at pag-put up ng back draft.
Past 1:30 am kami natulog.
Marso 31, 2019
Past seven, nagising ako sa pagdating ni Papang. Okay lang din naman dahil kahit paano ay nakatulog ako.
Masaya kaming nag-almusal. Walang humpay na tawanan at kulitan. Pagkatapos niyon, trabaho na. Hindi namin naramdaman ang pagod dahil masaya kami sa aming ginagawa.
May mga dumating na estudyante ara tumulong. Dumating din si Ma'am Joann.
Past 2, pumunta ako sa Robinson's Manila para bumili ng suit. Masyadong mahal. Aabutin ako ng P6000+, kaya tumuloy ako sa Divisoria. Doon ako nakabili ng worth P2600 na kasuotan. Kompleto na. Sapatos lang ang wala. Mayroon naman akong ginagamit sa pang-araw-araw na pasok. Iyon na lang ulit.
Natuwa ang mga ka-Grade Six ko nang malamang bumili ako ng isusuot. Tiningnan din nila iyon at nagustuhan. Ayon sa kanila, mura na raw ang bili ko.
Nag-ayos lang ako nang kaunti, then past six. tapos na kami. Almost ready na.
Nakarating ako sa bahay bandang 9. Pagkakain, agad akong natulog. Plakda.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment