Alagang-alaga ni Lolo Tasyo ang mga halaman niya sa kanyang hardin. Umaga at hapon, binibisita at dinidiligan niya ang mga ito. Kaya naman, halos wala nang mapaminsalang insekto ang nakakapanira ang mga dahon at bulaklak. Tanging mga bubuyog at makukulay na paruparo ang bumibisita rito.
Madalas ding kinakausap ni Lolo Tasyo ang mga ito. Gayunpaman, lahat ng mga kapitbahay ay humahanga sa ganda ng hardin niya.
Isang hapon, nakadungaw si Lolo Tasyo sa bintana. Tinatanaw niya ang masasayang bulaklak sa kanyang hardin.
Hindi nagtagal, may mga batang babae ang pumitas ng mga bulaklak. Gusto sana niyang sawayin sina Mimay, Joy-joy, Laleng, Manilyn, at isa pa.
Noon niya lamang nakita ang batang iyon. Siya ang pinakamaliit sa lima. Ang buhok niya ang pinakakaiba. Malungkot ang kanyang mga mata.
“Ayan, Quennie, ang ganda-ganda mo na!” bulalas ni Manilyn nang mailagay nito ang bulaklak sa tainga ng bata.
“Quennie pala ang pangalan niya,” bulong ni Lolo Tasyo. “Kay ganda ng pangalan niya. Bagay na bagay sa kanya.” Nawala ang inis niya nang ngumiti na si Quennie.
Inayos-ayos pa nina Mimay at Joy-joy ang buhok ni Quennie. Si Laleng naman, nilagyan pa ng cosmos sa buhok nito.
Naglagay din ang apat sa kanilang buhok, kaya lalong lumapad ang ngiti ni Quennie. Hindi nila namalayan na nasisiyahang nakamasid sa kanila si Lolo Tasyo.
Araw-araw, inaabangan ni Lolo Tasyo ang mga batang babae. Araw-araw nga nilang ginagawa iyon. Minsan, rosas at gumamela ang inilalagay nila sa kanilang buhok. Minsan naman, zinnia at sampaguita.
Lalo tuloy nawiling magtanim si Lolo Tasyo. Sinisikap niyang laging namumukadkad ang mga bulaklak sa hardin upang may mapitas ang mga batang babae.
Isang umaga, nasa hardin si Lolo Tasyo.
“Lolo Tasyo, puwede po ba kaming humingi ng bulaklak?” tanong ni Mimay, kasama niya si Quennie.
Ngitian muna niya ang dalawa. “Sige, sige, mga apo! Mamili na kayo.”
“Salamat po!” Agad na namili si Mimay.
Nakatayo lang si Quennie. Malungkot siya at malumbay.
“Ayan! Ang ganda-ganda mo na, Quennie!” puri ni Mimay.
“Oo nga, Quennie, lalo na kung ngingiti ka pa,” sang-ayon ni Lolo Tasyo.
Pilit na ngiti ang ipinasilay ni Quennie kina Lolo Tasyo at Mimay.
“Lagi kang ngingiti, Quennie, ha? Tingnan mo si Mimay.”
Ngumiti si Mimay saka umakbay kay Quennie. “Salamat po uli sa bulaklak!”
Maligaya na naman si Lolo Tasyo kasi napaligaya niya ang mga bata.
Araw-araw, humihingi ang mga batang babae ng bulaklak. Kung hindi si Joy-joy ang kasama ni Quennie, si Manilyn. Kung hindi si Manilyn, si Laleng. Madalas, lahat silang apat ang kasama ni Quennie. Lahat sila, pinasasaya nila ang kalaro.
Isang araw, nagtataka si Lolo Tasyo dahil wala ni isa sa kanila ang humingi ng bulaklak. Nalungkot siya at nanghina. Inaalala na lamang niya ang maamong mukha ni Quennie. Naalala kasi niya ang kanyang apo tuwing nakikita si Quennie.
Kinabukasan, nakadungaw lang si Lolo Tasyo sa bintana, habang pinagmamasdan ang mga halaman at bulaklak sa kanyang hardin.
“Lolo Tasyo, Lolo Tasyo!” humahangos na tawag ni Laleng. Kasama niya si Manilyn.
“O, mga apo, bakit natataranta kayo? Nasaan si Quennie?” nagtatakang tanong ni Lolo Tasyo.
“Pahingi po ng bulaklak para kay Quennie,” sabi ni Manilyn.
“Sige, sige, mga apo! Pumitas na kayo.”
Pinagmasdan ni Lolo Tasyo ang pamimitas ng dalawang bata. Nagtaka siya dahil marami silang pinitas, pero hindi siya nagalit.
“Salamat po, Lolo Tasyo! Matutuwa po nito si Quennie,” sabi ni Laleng.
“Walang anuman! Balik kayo, kasama si Quennie,” pasigaw niyang sagot dahil nakalayo na ang dalawa.
“Wala na po si Quennie,” tugon ni Manilyn.
Hindi agad naunawaan ni Lolo Tasyo ag sagot ni Manilyan, pero nang makuha niya ang kahulugan, bigla na lang tumulo ang mga luha niya.
Agad siyang bumaba at tumungo sa hardin. Namitas siya ng mga bulaklak. Pagkatapos, hinanap niya ang bahay ni Quennie.
“Mga bulaklak para kay Quennie,” sabi ni Lolo Tasyo sa mga magulang nito habang palapit siya sa kabaong ng bata.
Nalaman niyang binawian na ng buhay si Quennie dahil sa sakit na cancer. Muling tumulo ang mga luha ni Lolo Tasyo.
No comments:
Post a Comment