Followers
Tuesday, March 5, 2019
Alibangbang
Sa madilim na tirahan ako isinilang at lumaki. Masaya naman ako roon dahil kasama ko ang mga kapatid kong binhi na sina Butbot, Kuya Pod, at Ate Syd. Lahat kami ay nangangarap maging matayog na puno pagdating ng panahon gaya ng aming ama.
"Naiinip na ako rito. Gusto ko nang lumabas," sabi ko.
"Ako nga rin... Gusto ko nang makita ang mundo sa labas," sang-ayon ni Kuya Pod.
"Sabi ni Ina, may tamang panahon daw para sa ating paglabas," turan ni Ate Syd, ang pinakamalaki sa aming magkakapatid.
"Kailan naman kaya iyon?" tanong naman ni Butbot, ang pinakamaliit sa aming apat.
"Oo nga! Hindi na ako makakapaghintay," sabi ko.
"Huwag nating madaliin ang paglago natin. Iyan ang madalas sabihin sa atin ng ating mga magulang. Sige na, matulog na tayo," utos ni Ate Syd.
Wala kaming nagawa kundi ang matulog nang matulog. Lagi naman kasing gabi sa loob ng bahay namin.
Sa paglipas ng mga araw, palaki kami nang palaki. Natutuwa kami dahil nararamdaman na namin ang aming paglabas.
Nang bumuka ang mga bubong ng bahay namin. Nasilayan namin ang liwanag sa unang pagkakataon.
"Wow, ang ganda!" bulalas ko nang makita ko ang kapaligiran.
"Kuya Ben, nasaan ka? Bakit ako, hindi pa nakalalabas? Nasaan sina Ate Syd at Kuya Pod?" sunod-sunod na tanong ni Butbot.
"Wala na sila sa kuwarto nila, Butbot. Nakakainis! Hindi man lang sila nagpaalam."
"Ha? Paano ako? Iiwanan mo rin ba ako?" malungkot na tanong ng aming bunso.
"Hindi kita iiwanan. Aabangan ko ang paglabas mo," sabi ko.
"Sige. Pangako mo iyan, ha?"
"Oo, Butbot. Kahit anong mangyari, hindi kita iiwan. Sabay tayong lalabas."
Natuwa si Butbot sa pangako ko.
Nagtago muna ako sa aking silid. Alam kong hindi magtatagal, bubuka na rin ang silid ni Butbot.
Isang araw, humangin nang malakas. Nauga ang tirahan namin.
"Butbot, kumapit ka!" utos ko, pero hindi yata ako narinig ng kapatid ko. Ako na lang ang kumapit nang mahigpit.
Umihip pa ang hangin. Sa kabila ng aking pagkapit, tinangay pa rin ako palayo. Bumagsak ako sa lupa.
"Patawad, Butbot, hindi ko natupad ang pangako ko sa 'yo." Natatanaw ko pa rin ang dati kong tirahan. Ligtas naman ang bunso kong kapatid. Kahit paano maaari pa kaming magkita.
Hindi nagtagal, bumuhos ang ulan. Palakas iyon nang palakas.
"Ate Syd! Kuya Pod! Nasaan kayo? Natulungan ninyo ako!" Pasinghap-singhap na ako. Marami na akong nainom na tubig, ngunit wala man lang sumaklolo sa akin.
Sa malamig at madilim na lugar ako nagising. Basang-basa pa rin ako. Pero lubos ang aking pasasalamat dahil buhay pa ako.
"Magandang gabi po, Ginoo!" bati ko sa kakaibang nilalang na mahaba ang katawan at kaya nitong ibaluktot at pahabain.
"Magandang umaga!" Nginitian niya ako.
"Umaga po pala ngayon."
Tumango siya lang
"Gusto ko pong makita ang araw. Puwede po ba ninyo akong tulungang makaahon?" sabi ko.
Tumawa muna siya nang malakas. Naubo pa nga siya. "Kung gusto mong makita ang araw, manatili ka rito... May tamang panahon para sa paglabas mo." Tinalikuran na niya ako.
Para siyang si Ina kung magsalita. Nakakapagtaka talaga. Bakit kailangan ko na namang maghintay? Hindi ko maintindihan. Gusto ko lang namang makita ang mga kapatid ko. Hihingi ako ng tawad kay Butbot at tatanungin ko sina Ate Syd at Kuya Pod kung bakit hindi sila nagpaalam sa amin.
Maghapon akong nalungkot. Nasanay na rin ako sa malamig at madilim na lugar na iyon, pero nawalan ako ng pag-asang matupad ko ang pangarap ko.
Lumipas ang mga araw. Nakaramdam ako ng pagbabago sa katawan ko.
"Magandang araw po!" bati ko sa kakaibang nilalang na mahaba ang katawan.
"Magandang gabi!"
"Ay, gabi na pala!"
Natawa kaming pareho.
"May itatanong po sana ako sa inyo, Mang Ano," sabi ko.
"Mang Bulate. Ako si Mang Bulate. Ano ang itatanong mo, bata?"
"Ben po. Ben po ang pangalan ko... May nagbago po sa akin. Ano po ba ang mga ito?"
Sinipat-sipat muna ako ng bulate. "Ugat ang mga iyan."
"Ugat? Para saan po ito? Hindi na po ba ako makakaalis dito?"
"Malalaman mo ang sagot sa mga susunod na araw."
Naiwan akong nagtataka at lalo akong nawalan ng pag-asa. Gusto ko nang kalimutan ang pangarap ko. Gusto ko na ring isipin na hindi na kami magkikita-kita ng nga kapatid ko.
Ngunit, isang araw, nasilaw na lang ako ng liwanag mula sa araw.
"Yehey! Nakalabas na ako! Nakalabas na ako!" Tumalon-talon pa ako, pero hindi umangat ang katawan ko. Bumagsak ang balikat ko dahil sa panlulumo. "Bakit kasi may ugat pa ako?"
Lalo pa akong nalungkot nang hindi ko makita ang dati naming tirahan. Napalayo na ako sa mga magulang ko, gayundin sa mga kapatid ko. "Nasaan na kaya si Butbot?"
Nakayuko ako nang mapansin kong may tumubo sa ulo ko. "Ano ito? Ano ito?" Naguluhan at natakot ako. "Ano na naman ang mangyayari sa akin?"
Isang malutong na tawa ang narinig ko mula sa isang kakaibang nilalang.
"Sino ka? Bakit mo ako tinatawanan?" tanong ko.
"Wala lang. Nakakatawa ka kasi. Parang takot na takot ka sa sarili mo."
"E, kasi... hindi ko alam kung ano ang tumubo sa ulo ko."
"Dahon mo iyan. Unti-unti ka nang lumalago," paliwanag niya.
"Dahon? May dahon na ako? Ibig sabihin, magiging puno na ako?" Tuwang-tuwa ako.
"Oo, dahon. Magiging puno ka kung makakaya mo ang mga pagsubok," sabi niya. Pagkatapos, gumapang na siya palayo.
"Anong pagsubok?" sigaw ko. "Ano ang pangalan mo?"
"Kuya Suso!" Narinig ko pa ang sagot niya dahil hindi pa ito nakalalayo.
"Ako naman si Ben!" sigaw ko rin.
Punong-puno ng ngiti ang mukha ko buong maghapon. Muli kong nasilayan ang ganda ng kapaligiran. Hindi man ako nakakalakad dahil sa mga ugat kong nakakapit sa lupa, nabuong muli ang pangarap kong makikita ko ang pamilya ko.
"Magiging puno ako!" sigaw ko. Inunat ko pa ang katawan ko. At naramdaman ko ang bahagyang pagtangkad ko. Mas lumapad din ang dahon ko.
Kinabukasan, dumaan si Kuya Suso. Nagbatian kami. Pagkatapos, may napansin siya sa akin.
"Wow, dalawa na ang dahon mo, Ben!"
"Yes! Dalawa na! Unti-unti na akong lumalago. Kuya Suso, ano po ba ang mga pagsubok na darating sa akin?"
"Darating ang mga iyon sa mga panahong hindi mo inaaasahan, kaya lagi kang maghahanda. Mag-iingat ka."
Habang papalayo ang suso, nag-iisip naman ako. Hindi ko siya maintindihan.
Lumipas ang mga araw. Parami nang parami ang mga dahon ko. Patangkad din ako nang patangkad. Tuwang-tuwa ako dahil mas marami na akong natatanaw.
Ngunit isang araw, dumilim ang kalangitan. Alam kong may parating na ulan.
Pagkalipas ng ilang sandali, kumulog at kumidlat. Kasunod na ang pagbuhos ng malakas na ulan.
Nanginig akong bigla. Sumuray-suray din ako dahil sa pag-ihip ng hangin.
"Ama! Ina! Nasaan kayo! Tulungan ninyo ako." Hindi ko na alam kung may luha ba ako. Ang alam ko lang, umiiyak ako sa takot.
Mabilis na tumaas ang tubig. Nangamba ako. Ayaw kong maanod at matabunang muli ng lupa, kaya kumapit ako. Noon ko lang nalaman ang halaga ng mga ugat ko. Nakatulong ang mga iyon upang hindi ako tangayin ng baha.
Magdamag na umulan kaya lumampas sa pinakatuktok ko ang baha. Nawalan yata ako ng malay kasi paggising ko nakabaluktot ako. Halos mabali ang katawan ko. Nakabagsak sa lupa ang mga dahon ko.
Sinikap kong tumayo para sa pangarap ko. Hindi madaling bumangon, pero nagawa ko paunti-unti.
Nang nakatayo na ako, naalala ko si Kuya Suso. Tama siya. Dumarating nga ang mga pagsubok sa hindi inaasahang oras. Kaya, lagi na akong mag-iingat.
Hindi nagtagal, naalala ko ang mga kapatid ko. "Dumaan din kaya sila sa pagsubok. Nakaligtas kaya sila?" Nalungkot ako. Gusto ko na silang makita. Mas matatag ako sa pagharap sa pagsubok kung kasama ko sila.
Lumipas ang ilang araw at gabi. Umulan. Umaraw. Humangin.
"Aray!" Napasigaw ako nang isang dambuhalang hayop ang umapak sa sanga ko. Nabali iyon. "Bakit mo ako inapakan?! pasigaw kong tanong, pero hindi niya ako narinig.
Nang makalayo ang hayop, tinanggap ko na lang na isa na namang pagsubok iyon.
Simula noon, naging maingat na ako. Sinipagan ko ang pagpapalago sa aking mga sanga. Mabilis na dumami ang mga dahon ko. Tumaas pa ako nang tumaas.
Ngunit, isang araw, halos masunog ako sa tindi ng sikat ng araw. Wala nang masipsip na tubig ang mga ugat ko. Uhaw na uhaw na ako. Nalalanta na rin ang mga dahon ko.
"Ama! Ina! Tulungan ninyo ako!" sigaw ko. "Uhaw na uhaw na ako."
Halos mawalan ako ng malay sa sobrang pagkatuyot ng puno ko. Mabuti na lang ay may hamog sa gabi. Kahit paano, nakakainom ako ng tubig. Lumalambot din ang lupa, kaya nagagawa kong pahabain ang mga ugat ko. Noon ko natuklasan ang kakayahan ng aking mga ugat. Mas marami akong ugat, mas marami akong maiimbak na tubig sa katawan ko.
Unti-unting nanumbalik ang sigla ng mga sanga at dahon ko. Tumangkad pa nga yata ako. Mas marami na kasi akong natatanaw. Parang nakikita ko na nga si Ina.
Lumipas pa ang mga araw. Dinadapuan na ako ng mga ibon. Masasaya silang naglalaro sa mga sanga ko.
"Ina! Narito po ako!" pasigaw kong bati at kaway sa kanya, na sa tingin ko ay lalo siyang tumaas.
"Ben, ikaw pala iyan?" sigaw rin ng aking ina. "Mabuti naman, nandiyan ka lang. Nasaan na kaya ang mga kapatid mo?"
Nalungkot akong bigla. "Hinahanap ko rin po sila. Pakisabi ko kay Ama, maayos naman ako." Nasa likod lang ni Ina si Ama. Hindi na niya ako nakikita at naririnig, kaya ipinasabi ko na lang ang aking pangungumusta.
"Sige, Ben! Mag-iingat ka lagi. Lumaki ka sanang maganda at mabuting puno. Marami ka pang pagsubok na mararanasan. Lagi kang magpakatatag." Nginitian ako ni Ina.
Halos mapawi niyon ang kalungkutang naranasan ko simula nang bumagsak ako sa lupa. Sa palagay ko, magiging matatag ako sa mga pagsubok.
"Opo, Ina," sagot ko. Nakita ko ang mga lilang bulaklak niya, na animo'y mga paruparo. Napakaganda ni Ina.
Isang hapon, nakuha ang atensiyon ko ng sumisigaw na puno.
"Huwag! Huwag ninyo akong akyatan!"
Nakita ko ang tatlong batang lalaki ang naglalaro sa mga sanga nito.
"Bumaba kayo! Baba!" sigaw ng puno. Pero patuloy pa rin sa paglalaro ang mga bata.
"Butbot? Butbot?" pasigaw kong tanong.
Napalingon sa akin ang puno. "Kuya Ben? Kuya Ben, ikaw nga! Nandiyan ka lang pala."
"Oo, Butbot. Natutuwa ako dahil nagkita na tayo. Patawarin mo ako kasi hindi na ako nakapagpaalam sa 'yo."
"Wala iyon. Naunawaan ko na ngayon ang buhay natin. Naunawaan ko na ang mga salita ni Ina."
"Salamat naman kung ganoon. Isa na lang ang hiling ko... ang makita sina Kuya Pod at Ate Syd."
"Sina Ate Syd at Kuya Pod ba? Nandoon sila. Katulad na natin sila. Malalagong puno na rin. Si Ate Syd, namumulaklak na."
"Nakakausap mo ba sila?"
"Oo, pero kailan ko lang sila nakilala. Grabeng pagsubok kasi ang pinagdaanan ko."
"Pareho tayo, Butbot. Mabuti na lang, naging matatag tayo."
"Oo nga, Kuya Ben. Akala ko nga, hindi ko na kayo makikita."
"Matutuwa sina Ina at Ama kapag nalaman nila ang tungkol sa iyo at sa mga kapatid natin," sabi ko. Hangang-hanga talaga ako sa katatagan ng mga kapatid ko.
"Talaga, Kuya Ben? Nakakausap mo sila?"
Nakangiti akong tumango. "Nasa unahan ko lang si Ina."
"Ikumusta mo ako sa kanila. Mahal na mahal ko sila."
"Sige, ikukumusta kita. Ikumusta mo rin ako kina Ate Syd at Kuya Pod, ha?"
"Sige, Kuya Ben."
Sobra akong natuwa sa mga biyayang iyon. "Salamat sa Diyos! Natupad na ang pangarap ko. Wala na akong mahihiling pa."
"Ako rin, Kuya Ben."
"Sigurado ka?"
Tumango si Butbot.
Natawa ako. "Kanina lang, nagagalit ka sa mga bata."
Nahiya ang kapatid ko. "Kasi baka mahulog sila at mabakli ang mga sanga ko."
"Naku! Kasingtibay ng mga sanga ni Ama ang mga sanga mo, kaya hayaan mo ang mga bata. Patunay lamang iyan na isa kang biyaya sa kanila."
"Sige, mga bata, laro lang kayo riyan!" masayang sabi ni Butbot.
"Sabihin mo sa kanila, akyatin din nila ako," biro ko.
Nagtawanan kami ng bunso kong kapatid.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment