Followers

Sunday, March 17, 2019

Ranny Tingi

Tuwing papasok si Ranny sa paaralan, anim na kilometro ang nilalakad niya. Dumadaan siya sa isang sapa. Tumatawid siya sa dalawang ilog. Umaakyat at bumababa siya sa tatlong bundok. Tinatakbo niya ang apat na burol. Tumutulay-tulay, nagpapalipat-lipat, at lumulukso-lukso siya sa limang pilapil. Sa bawat pagpasok niya sa paaralan, hindi lang bag ang kanyang bitbit. May dala rin siyang isang bayong na may lamang paninda—kamote, ube, gulay, at saging. Ibinibenta niya iyon sa kaniyang mga guro sa ikalimang baitang. Sa halos araw-araw na pagpasok ni Ranny, hindi siya nagreklamo o sumuko. Pinahahalagahan niya ang edukasyon. Mataas ang pangarap niya para sa sarili, sa pamilya, at sa kaniyang komunidad. Kaya naman, hangang-hanga sa kaniya si Binibining Nancy Lisa. "Karlo, hindi mo ba talaga titigilan si Ranny? Ano ang masama kung magtinda siya ng saging?" Madalas ipagtanggol ni Binibining Lisa si Ranny kay Karlo. Titigil naman si Karlo, pero kapag reses, tutuksuhin na naman niya si Ranny. "Hoy, Ranny, nilagang saging na naman ang baon mo?!" "Gusto mo?" "Yak! Ano ako, unggoy? Tabi ka nga riyan!" Hinawi ni Karlo ang baon ni Ranny na nasa lamesang kawayan. Nagkandalaglagan iyon. Walang kibong pinulot ni Ranny ang mga nilagang saging. Walang araw na hindi siya inaasar ni Karlo. Minsan, sinasaktan pa siya kapag hindi niya sinunod ang utos sa kaniya, kaya madalas siyang umuuwi nang umiiyak. Wala ring araw na hindi makakapagtumba si Ranny ng puno ng saging. Bago didiretso sa bahay, dadaaan muna si Ranny sa sagingan ng kaniyang ama. Susuntok-suntukin niya ang isang puno ng saging na may bungang nasa hustong gulang na. "Ikaw, ang sama-sama mo sa akin!" sigaw niya sa harap ng puno ng saging, sabay suntok. Halos lumubog ang kamao ni Ranny sa puno. "Bakit? Bakit?" Sunod-sunod na muli niyang sinuntok ang puno hanggang sa unti-unti itong yumuko. Natuwa si Ranny. Naglaho ang mga luha niya. "Bukas, may ibebenta na naman ako." "Saging na naman? Mukha ka na talagang unggoy!" pamimintas ni Karlo kay Ranny. "Gusto mo?" Inialok ni Ranny ang hawak niyang lakatan. Kinuha iyon ni Karlo at idinuldol iyon sa bibig ni Ranny. "Bagay sa unggoy 'yan." Pagkatapos, inihagis niya sa likod ang balat. Hindi nakaimik si Ranny dahil halos mabulunan siya sa isinubong saging. Tawa nang tawa namang tumalikod si Karlo. Hindi lumipas ang kalahating minuto, si Ranny naman ang humagalpak. Nakita niya kung paanong umangat si Karlo sa lupa na parang baboy na inihagis sa ere nang maapakan nito ang balat ng saging. "Aray ko... Walang hiya kang baluga ka! Kapag nakatayo ako rito, yari ka sa akin," banta ni Karlo. Bago pa nakatayo si Karlo, bumalik na si Ranny sa kanilang silid-aralan. Subalit bago naman siya nakauwi, inabangan siya ni Karlo. Galit na galit ito sa kaniya. Noon lamang siya nakakita ng baboy na parang torong nag-aapoy ang ilong. Sinubukan pang tumakbo ni Ranny, pero nagsilabasan mula sa likod ng mga halaman at puno ang mga kaibigan ni Karlo. Nahuli siya ng mga ito. "Tatakas ka pa, unggoy!" sabi ni Karlo habang palapit kay Ranny. "Bitawan ninyo ako. Ano ba ang kasalanan ko sa inyo?" Nagpumiglas siya, pero wala siyang nagawa sa apat na kaklaseng humahawak sa kaniya. "Mamaya, pakakawalan ka nila." Kinuha ni Karlo ang gunting sa kaniyang bag. "Ano ang gagawin mo sa akin, Karlo?" "Kakalbuhin kita, kulot-salot ka kasi." Nagtawanan ang limang kaklase ni Ranny habang nagpupumiglas siya. "Hindi bagay sa unggoy ang kulot na buhok," sabi pa ni Karlo habang ginugupit niya ang buhok ni Ranny. Tumulo nang tumulo na lang ang luha niya kahit alam naman niyang muli siyang tutubuan ng buhok. Nagtatawanan at nagtatakbuhan ang limang bully. Sa sagingan, muling nagpatumba ng puno ng saging si Ranny dahil sa galit niya sa mga kaklase. Bukas, may ititinda na naman siya sa mga guro. Pagdating sa bahay, hindi malaman ni Ranny kung paano itatago ang buhok. "Sino ang gumawa niyan sa 'yo, Ranny?" tanong ng ina. "Wala po." "Wala? E, halos makalbo ka na," sabi naman ng ama. "Sino ang gumupit ng buhok mo?" Matagal bago nakasagot si Ranny. "Si Karlo po." "Naku! Nagpatalo ka na naman sa kaniya. Lagi ka na lang naiisahan. Susunod niyan, ano? Lumaban ka naman, Ranny!" pagalit ng ama. Kinabukasan, hindi pumasok si Ranny sa paaralan. Itininda na lamang niya ang mga saging. Naghanap din siya ng barberong mag-aayos ng buhok niya. Naglakad-lakad si Ranny sa plasa upang magpalipas ng oras. Sa isang bulletin board, nabasa niya ang isang anunsiyo. "Sasali ako!" Sinuntok niya ang kaniyang kamao, saka tumakbo pauwi. Tumakbo siya nang tumakbo. Tumutulay-tulay, nagpapalipat-lipat, at lumulukso-lukso siya sa limang pilapil. Tinatakbo siya sa apat na burol. Umaakyat at bumababa siya sa tatlong bundok. Tumawid siya sa dalawang ilog. Dumaan siya sa isang sapa. Parang hindi siya napagod nang narating niya ang sagingan. Doon, agad niyang pinagsusuntok ang mga puno ng saging. Marami siyang napatumba, bago siya umuwi. Kinabukasan, galit na galit ang ama ni Ranny. "Rannnnny! Sino ang may gawa niyon sa sagingan?" "Ako po," mangiyak-ngiyak na pag-amin ni Ranny. Pinalo si Ranny ng kaniyang ama. "Bakit mo ginawa iyon? Wala pang bunga ang mga iyon." "Sasali po kasi ako sa boksing." "Ha? Boksing? Magboboksing ka? E, hindi ka nga makaganti sa kaklase mo. Tigilan mo nga ako, Ranny, kundi hindi palo lang ang aabutin mo sa akin." Hindi nagpapigil si Ranny sa kaniyang pangarap. Gusto niyang sumali sa boksing sa darating na kapistahan. Dumating ang araw ng pista. Ang boksing ang pinakatampok na paligsahan sa araw na iyon. Pinatawag na ang lahat ng gustong sumali para maipagtambal na ang magkakatimbang at magkakasingtaas. Nagkagulatan sina Ranny at Karlo nang makita nila ang isa't isa. Nanginig bigla ang mga tuhod ni Ranny. Napakain siya ng saging. Napangisi naman si Karlo habang sinusuntok-suntok ang kamao niya. Dahil silang dalawa lang ang batang nakapila, sila ang magkatunggali. Gusto nang umiayaw ni Ranny habang tinitimbang siya, pero naisip niya ang kanyang ama. "In the blue corner, weighing 112 pounds... Karlo Dapig!" sabi ng announcer. Mayabang na umakyat sa ring si Karlo, habang naghihiyawan ang mga manonood. Umalog-alog ang taba nito sa dibdib habang nagsa-shadow boxing ito. And, in the red corner, weighing 45 pounds... Ranny Tingi!" pakilala ng announcer. Nahihiya at nanginginig na umakyat si Ranny sa ring. Narinig at nakita niya ang tawanan ng mga manonood. May masasakit na salita siyang narinig, pero sa halip na masaktan siya, lalong lumakas ang loob niyang talunin si Karlo. Pumagitna na ang referee kina Karlo Dapig at Ranny Tingi. May mga sinabi ito sa kanila, saka pinasimulan ang labanan. Agad na natamaan ni Karlo sa mukha si Ranny. Lumayo muna si Ranny. Pinag-aralan niya ang galaw ni Karlo. Kaya nang lumapit ito, nasuntok niya ito nang sunod-sunod sa panga. Napapalakpak ang mga tao sa ipinakita niyang husay. Tila nag-iba na ang sigaw ng madla.. Inisip ni Ranny ang mga saging na pinapabagsak niya. At tiningnan niya si Karlo bilang puno ng saging at saka siya maingat na sumugod. Pinagsusuntok niya ito. Uppercut dito! Jab doon! Nawalan ng balanse si Karlo bago pa tumunog ang bell. Round 2 na. "Ranny Tingi! Ranny Tingi!" Iyan na ang sigaw ng mga manonood na lalong nagbigay ng inspirasyon sa kaniya. Pumagitna uli ang referee at naghudyat ng pagsisimula. Sumuntok agad si Karlo pero nakaiwas si Ranny. Nagpalipat-lipat si Ranny ng puwesto na parang tumutulay-tulay siya sa mga bato at pilapil. Hindi tuloy makasuntok si Karlo. Hindi nagtagal, nakorner niya ito at agad niyang pinaulanan ng suntok. Jab dito! Uppercut doon! "Whoooooah!" halos sabay-sabay na sigaw ng mga manonood nang matumba si Karlo Dapig. Binilangan ng referee si Karlo, pero hindi na ito nakatayo pagkatapos ng sampu. "The winner by technical knockout is... Ranny Tingi!" sabi ng announcer. Itinaas ng referee ang kamay ni Ranny Tingi, habang nagpapalakpakan at naghihiyawan ang mga manonood. Nakatanggap ng limang libong piso at tropeo si Ranny. Halos hindi rin magkamayaw ang tao sa pagbati sa kaniya. Ang iba ay nagpakuha pa ng larawan na kasama siya. "Ranny Tingi, nakapahusay mong boksingero. Ikaw na ang susunod na pambansang kamao," sabi ng isang lolo. "Salamat po!" Pag-uwi niya, naalala niya ang kaniyang ama at ang mga puno ng saging na pinatumba niya. Nalulungkot siya. Binagalan niya ang paglakad pauwi. Nang makarating siya sa pilapil, naramdaman niyang may parang sumusunod sa kaniya. "Papa?" Nagitla siya at napahinto. "Ranny, anak." Agad na lumapit ang ama. "Papa, nanood ka po ng laban namin?" "Oo. Ang galing mo! Pinahanga mo ako, anak. Pasensiya na kung hinusgahan kita," maluha-luhang sabi ng ama. Hindi na nakapagsalita si Ranny dahil niyakap na siya ng kaniyang ama. "Simula ngayon, magtatanim pa ako ng maraming saging para may pagpraktisan ka," biro ng ama. Natawa na lamang si Ranny kahit kumikislap na ang kaniyang mga mata. "Heto po ang premyo ko. Pambili po natin ng maraming pagkain." Ang ama naman ang natawa pagkatapos tanggapin ng sobre.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...