Followers

Tuesday, December 19, 2023

Pagsulat ng Lathalaing Pang-agham

 

Paano nga ba isinusulat ang Lathalaing Pang-agham? Gusto mo ba ng sample?

 

Walang problema. Talakayin at unawain muna natin ang kahulugan ng lathalain.

 

Ang lathalain ay isang uri ng teksto na naglalayong magbigay ng kaukulan o mas malalim na pagtalakay sa mga impormasyon at mga pangyayari. Ito ay isinusulat para magpahiwatig at maglahad ng isang impormasyon. Kadalasang sumasagot ito sa katanungang nagsisimula sa tanong na ‘Ano?’

 

Ang lathalain ay maaaring magpayo, magbigay ng aral, magturo, mang-aliw o maglahad ng katotohanan. Ito ay maaaring batay sa karanasan, pagmamasid, pananaliksik, pag-aaral o pakikipanayam.

 

 

Samakatuwid, ang lathalaing pang-agham o science feature ay nakatuon sa magkahalong human interest at agham. Isinusulat ito para magkaroon ng interes ang madla sa mga paksang pang-agham. Kailangan nito ay masusing pag-aaral sa paksa at matiyagang pananaliksik. Maaari itong sumentro sa mga paksa, gaya ng mobile games, junk food, viruses, at iba pa. Dapat na maging malikhain ang manunulat nito upang maipahayag niya ang paksa nang kapana-panabik, nakakaaliw, at siksik sa kaalaman. Ito ay gumagamit din ng introduksiyon, katawan, at konklusiyon, gaya ng pagsulat ng lathalain o sanaysay.

 

Ang science feature ay may mahalagang papel sa pagpapalaganap ng kaalaman sa agham para sa pangkalahatang publiko.

 

Ito ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga komplikadong pang-agham na konsepto patungo sa mas nakararaming mambabasa. Ginagawa nitong nakakaengganyo ang agham.

 

Sa pamamagitan ng pagsulat nito, naipakikilala sa madla ang malawak na sakop ng agham. Nakapagbibigay ito ng inspirasyon upang maging mausisa ang mga mambabasa.

 

Nakatutulong ito upang turuan at ipaalam sa publiko ang mga pagsulong ng agham, gayundin ang mga bagong tuklas at imbensiyon.

 

Sa pagsulat ng science feature, mahalaga ang pagpili ng paksa.

Piliin ang paksang nakapupukaw ng interes sa mga mambabasa.

Maghanap ng mga paksang may kaugnayan sa mga mambabasa, napapanahon, at may potensiyal na mang-akit ng kuryosidad.

Isaalang-alang ang kasalukuyang pananaliksik sa agham, mga umuusbong na teknolohiya, o kontrobersyal na mga debate sa agham.

 

Nararapat lang na kasinglawak ng agham ang kaalaman ng manunulat ng science feature.

 

Bago ang pagsusulat, isagawa ang masusing pananaliksik sa napiling paksa. Maaaring makakalap ng mga impormasyon mula sa mga  scientific journals, science papers and researches, at mga panayam sa mga eksperto sa larangan. At siguraduhing tumpak, napapanahon, at suportado ng katibayan ang mga impormasyong nakalap. Huwag ding kalimutang banggitin ang mga tao o sangguniang pinagkunan ng mga impormasyon.

 

Pagkatapos mangalap ng mga impormasyon, maaari nang simulan ang pagbabalangkas.

 

Ang isang mahusay na nakabalangkas na lathalain ay epektibong nakapupukaw ng atensiyon ng mga mambabasa. Mas malinaw ring naihahatid ang impormasyon sa kanila.

 

Paano ba magiging interesting at engaging ang lathalaing pang-agham?

 

Simple lang. Gumamit ng simple at maiikling pahayag. Iwasan ang mga jargon at teknikal na mga salita. At gawin itong relatable sa mga mambabasa.

 

Paano naman balangkasin ang lathalaing pang-agham?

 

Simple lang din. Ang lathalain ay binubuo lang ng tatlong bahagi—introduksiyon, katawan, at konklusiyon.

 

Una, magsimula sa isang nakahihikayat na pagpapakilala. Sikaping makakonekta ang mga mambabasa upang ipagpatuloy nila ang pagbabasa. Sa bahaging ito, naibibigay na ang buod ng paksang tatalakayin. Kung may ideya na ang mga mambabasa sa nilalaman ng lathalain, malaki ang posibilidad na ituloy nila ang pagbabasa.

 

Sunod, sundan ito ng malilinaw at lohikal na daloy ng mga impormasyon. Talakayin ang paksa mula sa mga komplikadong konsepto hanggang sa pinakamaliliit nitong detalye. Ang layunin ng katawan ng lathalain ay mailatag ang lahat ng mga nakalap na impormasyon na magbibigay-linaw sa piniling paksa. Malaya ang manunulat sa paglalahad ng mga impormasyon at detalye. Mas nakakaaliw, mas tatabo ng mambabasa ang lathalain.

 

At sa huli, isara ang lathalain sa pinakamaikling pangungusap. Layunin ng bahaging ito na magbigay ng konklusyon ukol sa mga impormasyon sa pamamagitan ng pagbubuod.  

 

Tandaan, ang lathalaing pang-agham ay binubuo ng tatlong bahagi—introduksiyon, katawan, at konklusiyon.

 

Paano ba sisimulan ang isang lathalaing pang-agham?

 

Maraming paraan para magkaroon ng nakapupukaw na introduksiyon.

 

Una na riyan ang pagtatanong. Isang tanong lang ay maaari nang maging introduksiyon.

 

Mga Halimbawa:

 

Alam ba ninyo na ang laway ay mahalagang likido sa bibig ng tao?

--Labis na Paglalaway: Sanhi, Sintomas, Epekto, at Lunas

 

Kilala mo ba ang mga unang siyentipikong Pilipino? Sino-Sino sila?   

--Mga Pinoy: Astig na Siyentipiko.

 

Alam mo bang ang labis na pagse-selfie ay isang sakit pangkaisipan? –Selfie pa More!

 

May mannerism ka ba? –Ano;ng Mannerism Mo?

 

 

Pangalawa. Maaaring magsalaysay sa pamamagitan ng paggamit ng mga pangungusap na pasalaysay (declarative sentences).

 

Halimbawa:

 

Ang mga linta ay may tatlumpu't dalawang utak. Ang mga octopus ay may siyam na utak. Samantalang ang mga tao, isa ang utak.—Usapang Utak.

 

Mahalaga ang Science sa mundo dahil dito natin nalalaman ang mga pinagmulan at katangian ng mga bagay sa mundo. Ito nga ay isa sa mga major subjects sa elementary at secondary level. Ibig sabihin, ito ay nararapat nating aralin o pag-aralan.—Hindi Mula sa “Nothing’ ang Mundo.

 

 

Pangatlo. Maglagay ng nakakagulat na pahayag.

 

Halimbawa:

 

Anak ng pugita! Matagal na pala tayong nasakop ng mga aliens. Nasa karagatan lamang sila.—Mga Alien sa Karagatan.

 

 

Pang-apat. Gumamit ng quotation (kasabihan). Para tayong makata nito. O maaari din namang direktang sinabi (direct quotation) ng siyentipiko o taong kilala sa larangan ng agham.

 

Halimbawa:

“An apple a day keeps the doctor away.”

 

 

Panglima. Gumamit ng anekdota (anecdote). Ito ay maikling salaysay na may aral sa buhay.

 

Halimbawa:

 

Malayo ang nilakad ni Sheila dahil wala siyang masakyan. Tumatagaktak ang pawis niya sa katawan. Wala siyang mabibilhan ng mineral water. Nagsisi siya dahil hindi siya nagbaon ng tubig. Sa di-kalayuan, nadaanan niya ang water station. Bumili siya ng 250 ml. na bote ng tubig at agad na uminom.—Ang Tubig ay Buhay.

 

Pang-anim. Gumamit ng survey. Madalas ito ay patanong. Layunin nitong mangalap ng impormasyon mula sa target audience. Sa lathalain, mainam itong gamitin upang makapagbigay ng pahiwatig tungkol sa paksang tatalakayin. Isinasali rin nito ang mga mambabasa sa talakayan.

 

Halimbawa:

 

Ano ang ginagawa ninyo sa mga e-waste? Tinatapon? Iniipon o tinatago? Binabaon sa lupa? Sinusunog?

 

Pampito. Gumamit ng kahulugan (definition) ng salita. Bibigyan ng kahulugan ang pang-agham na terminong gagamitin sa akda

 

Halimbawa:

 

Ang leptospirosis ay isang malubhang impeksiyong dulot ng bakterya, na tinatawag na Leptospira interrogans. Ito ay maaaring makaapekto sa mga tao at hayop. Ang sakit na ito ay karaniwang kumakalat sa pamamagitan ng mga ihi at dumi ng mga dagang tagapagdala ng mikrobyong ito. Kaya naman, tinatawag din itong rat fever. Subalit, may ibang uri ng mga hayop na maaari ding maging tagapagdala ng sakit na leptospirosis.

 

 

Marami pang paraan upang magkaroon ng kaakit-akit na introduksiyon. Maaaring mag-discover at mag-explore. Tandaan lamang ang layunin ng panimula—maipakilala ang paksa at mahikayat ang mambabasa na ituloy ang pagbabasa.

 

 

Paano naman susulatin ang katawan ng lathalaing pang-agham?

 

Madali lang! Ilahad lang ang mga nakalap na impormasyon. Tiyaking konektado ang mga ito sa paksa. Maaaring magkaroon ng tatlo o higit pang talata sa katawan. Panatilihin lang na ang mga talata ay konektado sa isa’t isa.

 

Huwag matakot maglahad ng mga informative at entertaining words dahil isa ito sa mga layunin ng lathalain—na gawing magaan at pangmasa ang pang-agham na paksa. Ang labis na pagiging pormal at seryoso ay magdudulot ng pagkabagot ng mga mambabasa. Samantalang ang pagpapatawa ay magkokonekta sa paksa at

mambabasa.

 

Narito ang halimbawa:

 

Ayon sa American Psychiarist Association (APA), selfitis ang tawag sa nakakabahalang sakit na ito. Ang taong may selfitis ay labis na nahuhumaling sa pagse-selfie at kasunod nito ang pag-post ng pictures sa social media, gaya ng Facebook. Kadalasan, ang taong may selfitis ay sapilitan ang pagnanais na magselfie. Tila masakit sa pakiramdam niya ang hindi siya makapag-selfie nang isang beses o higit pa sa isang araw upang pataasin o magkaroon siya ng pagpapahalaga sa sarili, minsan ay upang maipahayag ang sarili.

 

Hindi lang ito kinumpirma ng APA, inuri pa nila ang selfitis sa tatlo: borderline selfitis, acute selfitis at chronic selfitis.

 

Ang taong may borderline selfitis ay tatlo o mahigit na beses na nagse-selfie sa isang araw, pero hindi niya ito ipo-post sa social media.

 

Ang taong may acute selfitis ay tatlo o mahigit na beses ding mag-selfie sa isang araw at ipino-post pa niya sa social media.

 

Ang taong may chronic selfitis naman ay nagse-selfie maya-maya at nakakapag-post ng pictures sa social media na hindi bababa sa anim (6). Halos lahat ng oras at kilos niya ay may selfie.

 

 

Paano naman susulatin ang konklusiyon ng lathalaing pang-agham?

 

Ang konklusiyon ay ang kabuuan ng mga sinabi mo sa unahan. Isang talata na may isang pangungusap ay puwede na.

 

 

Ang lahat ng maaaring gamitin sa introduksiyon ay maaari ding gawin sa konklusiyon. Ang tanging kaibahan lang ay nagpapaalam na at wawakasan na ang pagbibigay ng impormasyon. Sikaping matuwa ang mga mambabasa at mag-abang ng mga susunod pang lathalain.

 

Narito ang mga halimbawa:

 

Ikaw, anong sakit mo? Selfie pa more! –Selfie pa More!

 

Ang tag-ulan ay biyaya kung walang mikrobyong may dalang sumpa.

–Mikrobyong may Sumpa

 

Ang bad breath ay nakakasira sa relasyon, samahan, at pagkakaibigan. Kahit gaano ka kahalaga sa iyong kaibigan, pamilya o partner, ang halitosis ay isa pa ring nakakauyam na hangin. –Nakakauyam na Hangin

 

Ngayong alam na natin ang mga impormasyong ito, pag-isipan nating maigi kung paano iingatan ang ating utak upang maging kapaki-pakinabang ito sa ating sarili at sa iba. Kung mautak man tayo o matalino, hindi na iyon mahalaga. Ang importante kung paano natin pagaganahin ang ating nag-iisang utak, dahil hindi tayo linta o octopus.  –Usapang Utak

 

 

Madali lang sumulat ng lathalaing pang-agham, kaya sulat na!

Sunday, December 17, 2023

Pagsulat ng Editoryal na Pang-agham

 

Paano nga ba sumulat ng editoryal na pang-agham? Gusto mo ba ng sample?

 

Sige, habang tinatalakay natin ang pagsulat nito, magbibigay ako ng halimbawa sa bawat bahagi ng editoryal. Bago iyon, alamin muna natin ang kahulugan nito.

 

Ang science editorial ay isa sa tatlong uri ng pagsulat ng agham.

 

 

Ang science editorial ay isinusulat upang magbigay ng opiniyon ukol sa pang-agham na isyu. Nakatutok ito sa paglalahad ng mga katotohanan. Sinusuri nito ang mga isyu, na nakabatay sa mga katotohanang siyentipiko at pagsunod sa pamamaraang siyentipiko. At ang mga kuro-kuro ng editor ay dapat nakabatay sa matibay na lohika at pagsunod sa siyentipikong pamamaraan.

 

 

Ang editoryal na pang-agham ay sumusunod rin sa karaniwang editoryal. Diretsahan at wala nang paligoy-ligoy pa. Puwedeng gamitin ang tuwirang sabi (direct quotation) lalo na kung kilala o mapapaniwalaan naman ang sanggunian at makasusuporta sa pinapanigan o ipinaglalaban ng manunulat.

 

 

Ang isang mahusay na editoryal na pang-agham ay (1) kawili-wili, (2) malinaw at mabisa ang pangangatuwiran at may kapangyarihang makaimpluwensiya ng mambabasa, (3) makatotohanan at naglalaman ng mga impormasyon bilang suporta sa ipinaglabang panig, (4) at maikli lamang-- hangga’t maaari, mga apat o limang talata lamang.

 

 

 

Tandaan lang na ang editoryal na pang-agham ay katulad lang din ng ibang mga sulatin, na may mga patakarang sinusunod. Para sa mga baguhan, iminumungkahing sundin ang SPECS Formula.

 

S- State the problem

P- Position on the problem

E- Evidence to support the problem

C- Conclusion. (should support your stand or position)

S- Solutions. (at least two solutions)

 

 

 

Ang editoryal na pang-agham ay may tatlong bahagi—Panimula, Katawan, at Konklusiyon. At katulad ng ibang akda, ito ay may pamagat.

 

 

Ang pamagat ay maaaring gamitan ng simbolismo, halimbawa “Gintong Bigas,” o “Paksiw sa Paskong Darating.” Ito ay maaari ding pahiwatig sa nilalaman, gaya ng “AI, mas Matalino nga ba sa mga Estudyante?” o “Kulelat na naman ang Pinas sa PISA!”

 

Tandaan lang na ang pamagat ay nagbibigay ng interes sa mga mambabasa, kaya pumili ng nakapupukaw na pamagat.

 

 

Talakayain na natin nang paisa-isa ang mga bahagi ng editoryal. Una, ang Panimula.

 

Ang panimula ay maaaring isa o dalawang pangungusap lamang na nagtataglay ng isyu, problema o pangyayari na may kalakip na reaksiyon. Maaari ding dalawang talata na. Ang unang talata ay para sa batayang balita, isyu o pangyayari at ang pangalawang talata ay para sa reaksiyon.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na inilabas noong December 5, 2023 ay nagpapatunay na may malaking suliranin ang bansa pagdating sa Reading, Mathematics, at Science. Kasunod nito ang paglabas ng mga dahilan ng kung bakit mababa ang resulta.

 

 

Ang pangalawang bahagi ng editoryal ay ang Katawan. Sa bahaging ito inilalahad ang makatotohanang detalyeng pansuporta sa opinyon o prinsipyong pinapanigan ng patnugutan tungkol sa isyu. Ang mga argumento ay isinasaayos mula sa pinakamahalaga hanggang sa di-gaanong mahalaga. Maaaring magkaroon ng tatlo o higit pang talata sa katawan ng editoryal.

 

Maaaring sundin ang ganitong format sa pagsulat ng katawan ng editoryal na pang-agham:

 

 

1. Pansuportang argumento

2. Kontra-argumento

3. Mga Solusyon o mungkahi

 

Sa talata ng pansuportang argumento, inilalahad ang matibay na argumento para sa piniling panig. Layunin nitong mapaniwala at mahikayat ang mga mambabasa na pumanig sa argumento. Napakahalaga ng talatang ito sapagkat dito masasalamin ng mga mambabasa ang kolektibong pananaw ng patnugutan sa isyung tinatalakay. Nakatutulong din itong magbukas ng kaalaman at impormasyon para sa mga mambabasa.

 

Narito ang halimbawa:

 

 

Ang kahinaang ito ay maisisisi sa kakulangan ng mga estudyante sa information and communication technology (ICT). Ayon nga sa ulat ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang wala o kapos sa ginagamit na computers o katulad na gadgets, kaya hirap na hirap sa pagsabay ang mga mag-aaral sa educational system sa panahon ng ICT.

 

 

Sa talata ng kontra-argumento, maaaring ilahad ang kabila o kalabang panig (kontra-argumento). Mahalaga ang pagkakaroon ng ganitong talata sapagkat napalalakas nito ang sarili mong argumento. Isang talata lang ang kailangan dito. Pagkatapos mailahad ang kabilang panig, pabulaanan ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga dahilan kung bakit ang panig na ito ay hindi tunay o kapani-paniwala.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Kahit naglabas ng 2023 Global Education Monitoring (GEM) Report ang UNESCO, na nagsasabing ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may positive administrator attitudes dahil sa pagyakap sa mga makabagong teknolohiya sa basic education curriculum at school management, hindi pa rin sapat upang umangat ang kalidad ng edukasyon. May mga paaralan sa bansa na hindi nakararanas ng makabagong teknolohiya at hindi naaabot ng internet. Ayon nga sa report, isa (1) sa dalawang (2) estudyante sa Pilipinas ay walang access sa internet.

 

 

Sa talata ng mga solusyon o mungkahi, inilalahad rito ang mungkahing solusyon sa problema. Mahalagang makapagbigay ng mga opsiyon kung paano maaayos ang problema sa isang talata lamang.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Masosolusyunan ang problemang ito, kung paiigtingin ng DepEd ang pagpapalago sa ICT. Bukod sa pisara, sikaping maglagay ng computers na may internet access sa lahat ng paaralang inaabot ng kuryente, kung saan makikinabang hindi lamang ang mga estudyante, kundi pati ang mga guro. Magkaroon ng malawakang capacity-building para sa mga guro tungkol sa paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo. Sa mga hindi maaabot ng internet, maaari pa rin namang gumamit ng mga gadgets at applications, na nagagamit kahit offline. Ang mga ito ay magiging posible kung ang mga pinuno ng bansa at kagawaran ay may malasakit sa pag-unlad ng mga kabataan at edukasyon.

 

 

 

Ang pangatlong bahagi ng editoryal ay Kongklusyon. Ang bahaging ito ay naglalayong wakasan ang artikulo sa pamamagitan ng isang pakiusap sa mga mambabasa. Ano ang gusto mong gawin nila o ng mga kinauukulan? Ano ang mensaheng nais mong ipaabot sa pamamagitan ng editoryal? Mahalagang mapakilos ang mga mambabasa pagkatapos nilang mabasa ang artikulo.

 

 

Narito ang halimbawa:

 

Magtulungan ang mga lider ng bansa at DepEd na iangat ang resulta ng PISA sa susunod. Paunlarin ang information and communication technology sa Pilipinas. Computerization, hindi lang PISAra.

 

Tapos na ang talakayan natin sa pagsulat ng editoryal na pang-agham! Simulan na ang pagkatha!

Pagsulat ng Balitang Agham

 

 

Paano nga ba sumulat ng balitang agham? Gusto mo ba ng sample?

 

Heto ang balita:

 

DOH Sec, kinumpirmang walang ‘walking pneumonia’ outbreak

 

Dahil sa mga naitalang kaso sa Pilipinas at sa pangamba ng mga Pilipino, mariing kinumpirma noong ika-5 ng Disyembre ng bagong hirang na si Secretary Ted Herbosa ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng walking pneumonia sa bansa.

 

“Sa Philippines po, wala pang outbreak, according sa ating Epidimiology Bureau although marami ang cases because ito po ang season ng respiratory illness,” sabi ni Herbosa.

 

Pinag-iingat pa rin ng DOH ang mga tao dahil ang walking pneumonia ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng paghinga ng mga droplet mula sa isang taong may sakit.

 

Ang mga taong may malalakas na immune system ay karaniwang nakakabawi nang walang gamot, ngunit ang mga taong may mahinang immune system o mga may ibang karamdaman ay maaaring kailangan ng antibiotic treatment. Kadalasan, ang mga bata ang biktima nito. Kaya pinapayuhan ang madla na panatilihin ang health protocols at pagsusuot ng face masks lalo na sa mataong lugar.

 

Ipinaliwanag naman ni Undersecretary Eric Tayag, tagapagsalita ng DOH na ang walking pneumonia ay isang uri ng pneumonia na hindi gaanong malubha kumpara sa ibang uri nito. Ito ay sanhi ng isang uri ng bakterya na tinatawag na Mycoplasma pneumoniae. Katulad ito ng karaniwang trangkaso na may sintomas ng ubo, sipon, sakit ng ulo, lagnat, pananakit ng dibdib, at pagkapagod. Gayunpaman, ang mga sintomas nito ay mas mahina kaysa sa ibang uri ng pneumonia, kaya maaaring hindi gaanong halata ang sakit na ito.

 

Hinihikayat din ng ahensiya na agad magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ng mga sintomas nito upang makakuha ng tamang pagsusuri at gamot. Ang doktor ang makapagbibigay ng tamang payo at gamot para sa iyong kondisyon.

 

Talakayin na natin kung bakit maituturing na balitang agham ang balitang ito.

 

Ang balitang agham (science news) ay isa sa tatlong uri ng pagsulat ng agham.

 

Ang science news ay literal na balita—balita tungkol sa agham.

 

Sa pagsulat nito, sinusunod ang baligtad na piramide.

 

Balikan natin ang balita, at iugnay sa inverted pyramid na ito. Pero bago iyon, talakayin muna natin ang headline.

 

DOH Sec, kinumpirmang walang ‘walking pneumonia’ outbreak

 

Ang headline (ulo ng balita) ay animo’y pamagat ng artikulo na nagbubuod at nagbibigay ng detalye sa nilalaman ng balita. Layunin ng headline  upang na ipakilala ang paksa na iyong isusulat, kunin ang interes ng mga tao upang basahin ang balita, o ilarawan ang nilalaman ng balita sa  maikling paraan.

 

Sa headline na ito, gumamit ng pandiwang ‘kinumpirma.’ Inilagay ito sa gitna. Tinukoy na rin kung sino ang gumawa ng kilos, gayundin ang detalye ng pagkumpirma. 

 

Narito ang ilan pang halimbawa ng headline o ulo ng balita.

 

 

“Gulayan sa Paaralan, umani ng pagkilala”

 

“Walking Pneumonia, nakarating na sa Pilipinas.”

“DepEd, pinag-aaralan ang potensiyal ng AI apps”

 

 

Dumako na tayo sa pamatnubay o lead.

 

 

Ang pamatnubay (lead) ay ang puso ng balita. Ito ay naglalahad ng lahat ng mahahalagang impormasyon na dapat malaman ng mambabasa. Ito ay may anim (6) na uri –Basic Lead, Quotation Lead, Question Lead, Descriptive Lead, Narrative Lead, at Exclamatory Lead.

 

Sa pagkakataong ito, hindi natin matatalakay ang lahat ng uri nito. Bagkus, popokusan natin ang Basic Lead o Pangunahing Pamatnubay dahil ito naman ang madalas gamitin ng mga manunulat.

 

Ang Pangunahing Pamatnubay ay gumagamit ng pattern na ASSaKaBaPa (A – Ano S – Sino Sa – Saan Ka – Kailan Ba – Bakit Pa – Paano). Sa pagsagot sa mga tanong na ito, nailalahad na ang pinakamahalagang detalye ng balita. Kaya na nitong tumayo bilang isang balita.

 

Balikan natin ang pamatnubay ng balita kanina.

 

Dahil sa mga naitalang kaso sa Pilipinas at sa pangamba ng mga Pilipino, mariing kinumpirma noong ika-5 ng Disyembre ng bagong hirang na si Secretary Ted Herbosa ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng walking pneumonia sa bansa.

 

Ano: outbreak ng ‘walking pneumonia’

Sino: DOH Sec. Ted Herbosa

Saan: sa Pilipinas

Kailan: Disyembre 5

Bakit: Dahil sa mga naitalang kaso sa Pilipinas at sa pangamba ng mga Pilipino

Paano: mariin kinumprima

 

Sa binasang pamatnubay, nasagot ang mga tanong na ano, sino, saan, kailan, bakit, at paano. Tandaan, hindi kailangang magkakasunod ang mga ito. Maaaring mauna ang alinman sa mga tanong na ito.

 

 

Dumako na tayo sa katawan ng balitang agham. Ito ay kinapapalooban ng mahahalagang detalye. Ito ay maaaring isa at marami pang talata, na pawang nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa lead.

Sa ikalawang talata, direktang ginamit ang bahagi ng panayam kay Ted Herbosa. Kinumpirma niyang walang ‘walking pneumonia’ outbreak sa ating bansa.

           

Sa ikatlong talata, inilahad ang ilan pang mensahe mula sa Department of Health. Kaugnay ito sa mga naunang talata, at magtutuloy naman sa susunod na talata.

 

Sa ikaapat na talata, ikinonekta na ang paksa sa agham. Gumamit na ng mga terminolohiyang pang-agham gaya ng immune system, antiobiotic treatment, health protocols, at iba pa. Mapapansin na ang mga salitang ito ay simple, kaya tiyak na mauunawaan ng mga mambabasa. 

 

Sa ikalimang talata, ipinaliwanag na ang ‘walking pneumonia,’ na siyang nagpapatunay na ang balitang ito ay nabibilang sa kategoryang agham. Mas naipaunawa rito ang katuturan at iba pang detalye ng naturang karamdaman. Ito ay naging pangmasa.

 

Ang huling talata ng balitang agham ay naglalaman ng di-gaanong mahalagang detalye, subalit konektado pa rin sa paksa o pangyayari. Gaya sa talatang ito, inilahad ang kahalagahan ng pagpapakonsulta sa doktor kapag naramdaman ang mga sintomas para sa tamang gamot nito.

 

 

May ilang mga bagay na dapat tandaan sa pagsulat ng balita tungkol sa agham.

 

Una. Maging malinaw at tumpak sa paglalahad ng impormasyon. Tiyaking nauunawaan ng mga mambabasa ang mga konsepto at datos na iyong ibinabahagi. Gamitin ang mga simpleng salita at iwasan ang pagsasalita ng mga teknikal na termino nang hindi nagbibigay ng paliwanag.

 

 

Pangalawa. Magsagawa ng malawak na pananaliksik. Bago magsulat, siguraduhing sapat ang kaalaman tungkol sa paksang iyong isusulat. Basahin ang mga pag-aaral, artikulo, o iba pang sanggunian na may kaugnayan sa pangyayari o konsepto na iyong ibabahagi. Ito ay para masigurong wasto ang impormasyong iyong isusulat.

 

Pangatlo. Magbigay ng mga datos at estadistika. Ang mga numerikal na impormasyon ay maaaring magbigay ng dagdag na lakas sa iyong balita. Subukan mong maghanap ng mga estadistika, porsyento, o iba pang numerong datos na makakatulong sa pagpapatunay ng iyong pahayag.

 

Pang-apat. Iwasan ang pagiging bias. Sa pagsusulat ng mga balita sa agham, mahalaga na manatiling walang kinikilingan. Makatotohanan at obhetibo (objective) ang dapat na pamamaraan ng pagsusulat. Iwasan ang pagsasalita ng personal na opinyon at magbigay ng patas na paglalahad ng mga impormasyon.

 

Panglima. Mag-interview ng mga eksperto. Maghanap ng mga eksperto sa larangan ng agham na maaaring makapagbahagi ng kanilang kaalaman at opinyon upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa paksang iyong isusulat. Ang mga pahayag ng mga eksperto ay maaaring magdagdag ng kredibilidad sa iyong balita.

 

Pang-anim. Iwasan ang paggamit ng jargon. Iwasan ang paggamit ng mga teknikal na salita at jargon na hindi madaling nauunawaan ng karamihan upang maiwasan ang pagkakamali ng mga mambabasa. Gamitin ang mga simpleng salita at magbigay ng paliwanag kung kinakailangan.

 

Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gabay na ito, maipapakita mo ang mahahalagang impormasyon sa mga mambabasa nang malinaw at tumpak. Kaya, sulat na ng balitang agham!

Saturday, December 16, 2023

Pagsulat ng Agham

 Wala naman daw talagang tiyak na paraan ng pagsulat ng agham, subalit makatutulong ang mga kaalamang ito.

 

Ang science writing ay pagsusulat tungkol sa mga siyentipikong paksa, na kadalasan ay sa paraang hindi teknikal upang umakma sa panlasa ng mga mambabasa.

 

Ang pagsulat ng agham ay iba sa pagsulat ng balita. Maaaring may pagkakatulad, pero iba ang sinusunod na teknikalidad.

 

Ang science writing ay nakapokus sa kung paano ginamit ang agham o siyensiya sa paksa, isyu, o pangyayari.

 

 

Ang manunulat nito ay tinatawag na science writer. Siya ay nararapat na magtaglay ng malinaw at mabisang kakayahang pangkomunikasyon upang mapasikat at maisalin niya ang mga artikulong siyentipiko tungo sa mga akdang pang-agham, na mas pangmasa.

 

Siya ay may dalawang papel na ginagampanan bilang manunulat ng agham: interpreter (tagapagpaliwanag) at translator (tagasalin). Bilang tagapagpaliwanag, uunawain niya ang artikulo at ipaliliwanag niya ito sa paraang mas madaling maunawaan. At bilang tagasalin, isusulat niya ang mga naunawaan niya-- gamit ang kasanayan sa wika, at isasalin niya ito sa isang bagong artikulo na mas simple at madaling unawain, at mas magugustuhan ng mga mambabasa.

 

Ang science writer ay may malawak na pagkukunan ng paksa upang makabuo siya ng isang pambihirang artikulo. Maaari niyang isulat ang tungkol sa kakaibang kilos ng mga bituin, pagbabago ng karagatan, pagbabago ng panahon, elemento ng kapaligiran, eksperimento at bagong tuklas, pananaliksik, lunas sa mga karamdaman, siyentipikong resulta, at marami pang iba.

 

 

May tatlong elemento sa pagsulat ng agham—teknikal, nilalaman, at etika.

 

Sa teknikal na aspeto, ang science writing ay dapat na naglalahad ng malinaw na pamatnubay (lead), na siyang naglalaman ng pinakaimportanteng detalye. Ang pamagat nito ay dapat angkop at kaakit-akit (catchy). Ito ay dapat gumagamit ng mga payak na salitang mauunawaan ng nakararami. At nararapat na may sistematiko at lohikal na koneksiyon sa mga mambabasa.

 

Tungkol sa nilalaman nito, ang science writer ay dapat naglalahad ng mga isyu o paksang mahalaga at napapanahon. Dapat ito ay umiiwas sa paggamit ng siyentipiko at teknikal na pananalita upang magustuhan ng madla. At dapat na ginagamit ang mga nakalap na impormasyon at katotohanan mula sa mga panayam, mga pagsusuri sa dokumento, mga pagsusuri ng datos, at iba pang mga maaasahang sanggunian.

 

Sa usaping etika, ang science writer ay nararapat lang na magbanggit ng mga sangguniang pinagkunan ng mga impormasyon, datos, estadistika, at katotohanan upang suportahan ang kredibilidad ng mga pahayag o salaysay.

 

 

Sa pagsulat ng agham, may mahahalagang bagay na dapat isaalang-alang. Una, ito ay dapat na nagtataglay ng kuwento ng mga tao, pero nakatuon sa agham. Pangalawa, ito ay dapat na isinusulat para sa madla. Pangatlo, ito ay dapat na artikulong makaaayon ang nakararaming mambabasa. Pang-apat, ito ay dapat na nagsusulong sa kamalayan sa kalikasan, kapaligiran, at iba pang nilalang sa mundo. At panglima, ito ay dapat na nagpapakilala sa mga kababalaghan at kagandahan ng kalikasan.

 

May tatlong uri ang pagsulat ng agham—ang science news, science editorial, at science feature. Sa susunod, iisa-isahin nating pag-uusapan ang mga ito.

 

Anomang uri nito ang susulatin, mahalagang masagot ng manunulat sa kaniyang sarili ang mga sumusunod na katanungan upang mabigyan niya ng hustisya ang paksang pinili. Paano mauunawaan ng mga mambabasa ang aking paksa? Ano-anong detalye ang dapat kong maipaliwanag? Paano nito masosolusyunan ang problemang kinakaharap ng mga mambabasa? Ano-anong kaalaman ang maibabahagi ko sa kanila? At bakit mahalagang mabasa nila ang sulatin o ang paksa ko?

 

 

Kapag nasagot ang mga ito ng manunulat, hindi malabong magiging epektibo ang kaniyang sulatin. Maaari niyang maging gabay ang mga katanungan upang sumulat ng artikulong pang-agham.

 

Bukod pa sa mga ito, maaari ding sundin ang mga tuntuning ito: (1) Gawing simple ang pagsulat. (2) Gumamit ng mga tiyak at totoong detalye. (3) Ipaliwanag o bigyang-kahulugan ang mga teknikal na terminolohiya o salita. (4) Tiyaking wasto ang isusulat. (5) Iugnay ang paksa sa mga mambabasa o sa kanilang karanasan. (6) Huwag maging maligoy sa paglalahad ng mga impormasyon. (7) I-round off ang malalaking numero. (8) Gumamit ng mga aktibong pandiwa. (9) At huwag kalimutang banggitin ang mga sangguniang ginamit sa pagkalap ng impormasyon.

 

Hindi madali ang pagsulat ng agham (science writing), subalit kayang-kayang aralin. Hindi lamang mga siyentipiko o mananaliksik ang maaaring sumulat nito.

Sunday, December 3, 2023

Pagsulat ng Kolum


Ano ang Kolum (Column)? Paano ito isinusulat?

 

Ang kolum o pitak ay regular na lathalain o serye ng mga artikulo sa pahayagan, magasin, at iba pang publikasyon, kasama ang online. Naglalaman ito ng mga komentaryo o opinyon ng kolumnista o manunulat nito.

 

Kadalasan, ang kolum ay mayroon nang kilalang heading at byline ng manunulat o editor, na nagbibigay ng ulat o komento ukol sa isang paksa. At ito ay maaaring isulat ng isang tao o isang grupo na gumagamit ng katawagan.

 

Ang kolum ay ang pinakapersonal sa lahat ng pagsulat sa pahayagan. Personal itong nanghihikayat ng mga mambabasa at may makapangyarihang impluwensya at kapaki-pakinabang na kontribusyon sa pagpapalaganap ng balita at opinyon.

 

Ang kolum ay isinusulat upang magpabatid, manghikayat, o mang-aliw ng mga mambabasa. Mataas ang interes ng kolumnista sa mga mambabasa para mag-udyok na makipagtalakayan ang publiko tungkol sa paksa.

 

 

Sa pagsusulat ng kolum, mahalagang magkaroon ng malinaw na pananaw o posisyon sa isang isyu. Dapat itong suportado ng mga katibayan, datos, at argumento upang maging makatotohanan at kapani-paniwala ang sinasabi ng manunulat.

 

Tandaan na ang pagsulat ng kolum ay isang paraan ng pagpapahayag ng malayang kaisipan at pagbibigay ng boses sa mga isyung kinakaharap ng lipunan. May malaking ambag ang kolum sa pagpapalaganap ng impormasyong may kredibilidad.

 

Ang pangunahing layunin ng pagsulat ng kolum ay upang magpabatid, magbigay-kahulugan, at magbigay-paliwanag sa balita. Kailangang ipaliwanag ng kolumnista ang kahalagahan at bunga nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng background ng isang pangyayari, pagtukoy kung ang isang tiyak na kaganapan ay isang hiwalay o bahagi na kaso, pagtuturo kung paano makaaapekto o hindi ang pangyayari sa mga mambabasa, pagsasama-sama at pagsusuri ng mga komento ng mga mambabasa mula sa iba't ibang antas ng lipunan.

 

Ang pagsulat ng kolum ay maaaring magkaroon ng iba't ibang estilo at tono, depende sa layunin ng manunulat at sa uri ng publikasyon kung saan ito ilalathala. Maaaring maging malikhain, mapanuri, mapangahas, o mapanuring-kritikal ang pagkakasulat ng kolum, depende sa layunin ng manunulat at sa kanyang pananaw sa isang partikular na isyu.

 

Ang kolum ay isinusulat upang aliwin ang mga mambabasa, kaya maaaring gumamit ito ng mga pahayag na hindi masyadong pormal at seryoso, habang hindi naman nalalayo sa totoo nitong layunin.

 

Ang isang mahusay na kolumnista ay may kasanayan at kaalaman sa wastong paggamit ng wika. Dapat siyang magtaglay na orihinalidad, masining na ideya, at malawak na imahinasyon. Ang kaniyang kakayahang magsulat o estilo sa pagsulat ay dapat malakas at nakakangkop sa pagbabago. Nararapat lang din na siya ay mapagmasid at malinaw at lohikal kung mag-isip. Kailangang may malawak siyang kaalaman sa mga bagay-bagay at pangyayari sa paligid. Malawak din dapat ang kaniyang sakop ng mapagkukunan ng mga impormasyon. Dapat ding magtaglay siya ng sense of humor.

 

Ang kolumnista ay nagbibigay-kaalaman sa mga mambabasa ng mga impormasyong maaaring hindi nila alam. Bumubuo siya ng pampublikong opinyon sa pamamagitan ng paggamit ng lohika, katatawanan, at emosyon sa paglalahad ng isyu.

 

Bilang tagapagpaliwanag, pinaiiksi ng kolumnista ang mga pangunahing balita sa mas malinaw, lohikal, at epektibong pangungusap upang bigyang-diin ang ubod ng kuwento upang makabuo ng opinyon.

 

Bilang isang tagahatol, ang kolumnista ay nagbibigay ng impormasyon sa mga bagay na hindi alam ng mga tao, ng mga bagay na hindi nila nakikita, at ng mga lihim na gawaing lingid sa publiko.

 

Ang paksa sa pagsulat ng kolum ay maaaring kunin mula sa mga balita, obserbasyon, panayam, natatanging proyekto, saliksik, imbestigasyon, at marami pang iba.

 

Walang iisang anyo ng pagsulat ang kolum. Malaya ang kolumnista na gumamit ng estilo sa pagsusulat. Maaari siyang gumamit ng estilo sa pagsulat ng sanaysay o ang anyo ng kuwento. May ilang kolumnista na animo’y nagtutula sa kaniyang kolum.

 

Ang kolum ay may mga uri ayon sa layunin nito. Una, editorial column. Ito ay anomang personal na kolum, na matatagpuan sa pahinang editoyal ng pahayagan. Ito ay kinikilala bilang isa sa pinakamataas na anyo ng malayang pamamahayag sa Pilipinas.

 

Pangalawa, readers column. Ito ay kolum kung saan nakalimbag ang mga ipinadalang suhestiyon, komento, at reaksiyon ng mga mambabasa. Kadalasan sa diyaryo, ito ang “Letters to the Editor” o “Dear Sir.”

 

Pangatlo, ang business column. Ito ay naglalaman ng mga katha tungkol sa kalakalan, ekonomiya, industriya, at trabaho.

 

Pang-apat, sports column. Ito ay kolum na tumatalakay sa mga atleta at palakasan.

 

Panglima, art column. Naglalaman ito ng mga artikulo tungkol sa iba’t ibang uri ng sining, gaya ng pagpipinta, arkitektura, bonsai, suiseki, flower arrangement, paper mache, ikebana, at iba pa.

 

Pang-anim, women’s column. Ito ang kolum para sa mga babae at tumatalakay tungkol sa mga paksang may kinalaman sa kabutihan, kagandahan, at kapakanan nila. Maaaring talakayin dito ang mga usong kasuotan at pampaganda, mga payong pang-nanay o pantahanan, at marami pang iba.

 

Pangwalo, entertainment column. Ito ay pumapaksa ng mga usaping pangmusika, pangteatro, pampelikula, at mga artista.

 

Pangsiyam, science column. Naglalaman ito ng mga artikulong pang-agham, gaya ng mga makabagong teknolohiya, mga bagong tuklas at imbensiyon, at mga pag-aaral at pananaliksik ng mga siyentipiko.

 

Pangsampu, personality column. Ipinakikilala nito ang mga personalidad, na may malaking ambag sa bansa o sa mundo. Inilalahad nito ang mga pangyayari bago, kasalukuyan, at pagkatapos ng kanilang tagumpay.

 

At, review column. Ito ay isang pagsusuri sa isang akda, aklat, pelikula, drama, serye, dula, musika, likhang-sining, at iba pa. Iniisa-isa rito ang malalakas at mahihinang puntos ng mga ito upang mairekomenda ng kolumnista sa mga mambabasa.

 

Ang kolum ay may mga uri ayon sa nilalaman. Una, opinion column. Ito ay maaaring maihalintulad sa editorial column, subalit ito ay nagtataglay ng personal at pagkakakilanlan ng may-akda. Ito ay naglalaman ng kaniyang puro at sariling ideya at opinyon.

 

Pangalawa, hodge-podge column. Dito sa kolum na ito matatagpuan ang mga pinagsama-samang teksto gaya ng tula, anunsiyo, pahayag, kasabihan, hugot, patawa, o mga kakatwa at interesanteng katanungan.

 

Pangatlo, essay column.  Ito ay nagbibigay ng impormasyon at kadalasang sumasagot sa mga tanong na "bakit" at "paano." Ito ay maaaring sumaklaw sa iba't ibang mga paksa at isinusulat ito na may tiyak na layunin at mambabasa.

 

Pang-apat, gossip column. Ito ay kadalasang isinusulat para sa mga mambabasang mahilig sa mga sikat na personalidad sa showbiz dahil naglalahad ito ng kuwento ng buhay ng kanilang mga iniidolo.

 

Panglima, dopesters column. Ito ay isang uri ng kolum na nakapokus sa pagbibigay ng hula, kapalaran, at prediksyon, na may seryosong layunin.

 

Sa pagsulat ng kolum, maaaring sundin ang mga sumusunod na payo.

 

Huwag manggaya ng estilo at teknik ng ibang kolumnista. Sumubok ng iba at gumawa ng sariling estilo.

 

Mangalap ng mga datos at impormasyon ukol sa paksang susulatin. Pag-aralan nang mabuti ang paksa at mga salitang gagamitn.

 

Panatilihin ang magandang prinsipyo sa pagsusulat. Maging patas at makatao kahit ang kolum ay isang opinyon.

 

At magkaroon ng pamagat na nakakaakit ng interes ng mga mambabasa.

 

 

 

Sa pagsulat ng kolum, narito ang ilang mga gabay na maaari mong sundin:

 

Piliin ang isang paksa o isyu. Pumili ng isang partikular na paksa o isyu na nais mong talakayin sa iyong kolum. Siguraduhing ito ay may kinalaman sa kasalukuyang mga pangyayari o mga isyung kinakaharap ng lipunan.

 

Magkaroon ng malinaw na posisyon. Mahalaga na magkaroon ka ng malinaw na posisyon o opinyon tungkol sa isyu na iyong tatalakayin. Ito ay magiging pundasyon ng iyong kolum at magbibigay ng direksyon sa iyong pagsusulat.

 

Suportahan ang iyong posisyon. Gamitin ang mga katibayan, datos, at argumento upang suportahan ang iyong posisyon o opinyon. Ito ay magpapalakas sa iyong pagsusulat at magbibigay ng kredibilidad sa iyong mga pahayag.

 

Maging malinaw at organisado. Iwasan ang pagkalito sa iyong mga mambabasa sa pamamagitan ng pagiging malinaw at organisado sa iyong pagsulat. Magkaroon ng maayos na pagkakasunod-sunod ng mga ideya at gumamit ng mga subheadings o mga punto para sa mas madaling pag-unawa.

 

Magbigay ng mga halimbawa. Magbigay ng mga halimbawa o karanasan na nagpapakita ng katotohanan o epekto ng isang isyu upang mas maipakita ang iyong posisyon o opinyon. Ito ay magbibigay ng kongkretong halimbawa at magpapalakas sa iyong argumento.

 

Maging maingat sa wika at estilo. Maging maingat sa iyong paggamit ng wika at estilo sa pagsulat ng kolum. Piliin ang mga salitang malinaw at wasto upang maipahayag nang maayos ang iyong mga ideya at mensahe.

 

Tandaan ang layunin ng kolum. Isaisip na ang layunin ng pagsulat ng kolum ay magbigay ng impormasyon, magpahayag ng opinyon, at mag-udyok sa mga mambabasa na mag-isip at magkaroon ng kamalayan sa mga isyung pinag-uusapan.

 

Subukang sumulat ng kolum. Talakayin ang kahirapan sa bansa.

 

Ano ang maaaring isulat ng manunulat?

 

Ang manunulat ay maaaring magbigay ng mga datos at impormasyon tungkol sa kahirapan, magbahagi ng personal na karanasan o obserbasyon, at magbigay ng mga solusyon o panukala upang malunasan ang suliraning ito.

 

Tandaang ang pagsulat ng kolum ay isang paraan upang maghatid ng mensahe at mag-udyok sa mga mambabasa na kumilos o magkaroon ng kamalayan sa isyung pinag-uusapan.

 

Sulat na!

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...