Followers

Saturday, March 2, 2024

Ang Aking Journal -- Pebrero 2024

 Pebrero 1, 2024

Kulang ako sa tulog dahil nang nagising ako bandang 2 am para umihi, nahirapan na akong matulog uli. Excited ako sa mga reading materials ko at sa LAC session. Kaya naman, nag-on ako ng wifi at nag-type sa Notes ng mga gusto kong ituro sa mga kaguro ko.

Mga past 4, nakatulog naman ako --mababaw nga lang. Past 6:30 na ako bumangon.

Habang nagkakape, gumawa ako ng PPT ng mga naisip ko. Ako na rin ang naghanda ng almusal ko.

Past 9 ako umalis sa bahay. Nakapagsulat ako ng bagong chapter sa nobela ko habang nasa bus.

Sa school, nakapagdagdag pa ako ng slides sa PPT para sa SLAC.

Medyo bumigat ang pakiramdam ko nang nasa klase na ako. Hindi na muna ako nagpaka-stress sa mga bata. Mabuti, okey naman sila.

Nakapagturo, nakapagpa-written activities, at nakapagpa-games pa ako bago nag-recess.

Bago mag-uwian, ramdam ko ang flu-like na sakit. Sana hindi matuloy. Dala lang ito ng puyat.

Kumain agad ako pagdating ko. Mabuti, nagluto si Emily ng may sabaw. Marami akong nakain. Kahit paano ay nakatulong.

Nanood ako ng BQ at gumawa ng PPT sa kabila ng nararamdaman ko. Hindi pa rin naman ako puwedeng matulog agad. Kailangan pang magpatunaw.

Enero 2, 2024

Natuloy ang sakit ko kaya wala akong maayos na tulog. Sobrang sakit ng ulo ko. Nilamig ako nang todo.

Umaga, tinantiya ko ang sarili ko kung kaya kong pumasok. Hindi. Nahihilo ako at naduduwal. Wala akong ganang kumain.

Maghapon akong nakaranas ng sakit ng ulo. Matindi. Parang binabarena ang ulo ko.

Pebrero 3, 2024

Dahil masakit pa rin ang ulo ko, naduduwal, at nahihilo ako, hindi ako pumasok para sa NUMERO. Nag-chat ako sa GC.

Nag-chat din ako sa GC ng Tupa. Birthday treat ngayon nina Papang at Ate Bel. Ngayon lang ako hindi makakadalo.

Maghapon akong walang ganang kumain dahil sa sobrang sakit ng ulo ko. Sa almusal, hindi ko naubos ang milk chocolate drink at isang balot ng biscuit. Sa lunch, tatlong subo ng kanin na sinabawan ng ginataang kalabasa at sitaw. Mineryenda ko ang tirang biscuit, saka ang First Vita Plus. Natatakot akong magsuka gaya kagabi.

Dumalo ako sa webinar ng SEL sa kabila ng kalagayan ko. Then, nanonood pa ako ng pelikula. Kahit paano, nakalimutan ko ang sakit ng ulo ko.

Pagdating ni Emily, bandang 7:30, nagpahanda ako ng pang-hot compress. Parang guminhawa ang pakiramdam ko. Nalinis ko pa ang nanlalagkit kong katawan.

Gabi, tatlong kutsara ng kanin at isang siomai lang ang kinain ko. Okey na iyon. Busog na ako.

Sana bukas, okey na ako.

Enero 4, 2024

Kagabi, nag-iba ang sakit ng ulo ko. Medyo nawala ang sakit sa noo at sa tuktok ng ulo ko, pero may parang sumasabog na sakit sa itaas ng batok ko o sa likod ng ulo ko. Kung ikukumpara ang sakit, may okey ang huli kasi mas nakakaidlip ako.

Putol-putol ang tulog ko magdamag. Andami kong panaginip pero wala akong mabuong alaala. Ang bababaw kasi, e. Sa madaling sabi, puyat ako.

Nawala naman ang sakit ng ulo ko nang bumangon ako. Pero nahihilo ako. Wala akong magagawa kundi diligan ang mga natutuyong halaman sa garden. Walang ibang gagawa. Umalis na naman si Emily. Hindi na lang muna ako maglalaba.

Sa halip, nag-laptop ako. Gumawa ako ng materials. Nag-conceptualize. Nanood ng video. Nagbasa. Umidlip. At iba pa.

Wala pa rin akong ganang kumain. Nasilip ko nga ang sarili ko sa salamin. Pumayat pa ako lalo. Aguy!

Bukas papasok na ako. Lalo akong manghihina kapag sa bahay lang.

Enero 5, 2024

Kahit paano, may mahimbing akong tulog. Mahahaba ang panaginip ko. Gayunpaman, putol-putol ang mga iyon. Panay ang ihi ko, at panay klang pagkirot ng ulo ko.

Pagbangon ko, mabigat pa rin ang pakiramdam ko. Pero sinikap kong kumilos at maghanda.

Past 9, umalis na ako sa bahay. Nabinat yata ako kasi pagdating ko sa school ay parang may sakit na naman ako.

Pasaway pa ang mga Buko. Sinikap kong magturo, pero sinasabayan ako sa kakadaldal. Haist! Mabuti, mabilis ang oras kasi may Bethany at pumasok si Sir Hermie.

Past 7, nasa bahay na ako. Sa halip na gumawa ng reading materials, sumagot ako sa mga tanong sa PM at GC. Ang mga mukhang pera talaga! Naglalabasan kapag bigayan ng financial assistance.

Pebrero 6, 2024

Bumabalik ba sa dati ang pakiramdam ko. Ang sipon na lang ang kailangang matanggal. Sana bumalik na rin ang sigla ko sa pagtuturo.

Pagkatapos kong mamalantsa, nag-edit ako ng PPT ng kuwentong pambata. Tinapos kong lagyan ng text bago ako nagluto ng almusal.

Past 9 na ako nakaalis sa bahay.

Past 11, sa school na ako. Nakapagsulat na rin ako kahit paano habang nasa biyahe.

Nagsermon lang ako sa Buko. Wala na kasi silang interes aa pag-aaral. Puro laro, pera, at kalokohan lang ang gusto. Nakakawala rin ng drive.

Mabuti, nagpalitan ng klase. Mabilis natapos ang araw. Hindi ako masyadong stress.

Pagdating sa bahay, nalungkot ako. Si Emily naman ang may sakit. Iba ang panahon ngayon.

After dinner, nanood ako ng BQ. Nagsusulat din ako habang patalastas.

Pebrero 7, 2024

Maayos na ang tulog ko. Okey na ang pakiramdam ko. Kaya naman, pagkatapos mamalantsa at magdilig ng mga halaman, naglagay ako ng voiceover sa PPT na ginawa ko kahapon. Bago ako naligo, uploaded na iyon.

Past 9:30 na ako nakaalis sa bahay. Sinadya kong magpa-late dahil wala naman akong tatambayan sa school. Okupado iyon ng financial assistance desk.

Nagsulat ako sa biyahe. Kahit paano, mahaba ang naisulat ko.

Walang maayos na klase kanina dahil sa pagdating ng mga magulang na magpapapirma. Gayunpaman, nagturo ako sa Buko.

Offended ako sa Sir Hermie. Mali na naman ang tabas ng dila at hulma ng utak niya. Sinagot ko nga siya. Sana mapagtanto niya ang mga pinagsasabi niya. May saltik talaga!

Past 7 ako nakauwi sa bahay, pero past 8 na ako nakakain. Late na dumating ang order ni Emily. May sakit pa rin siya.

Habang nanonood, nagsulat ako. Bago mag-9 pm, nakapag-post na ako sa Wattpad ng bagong kabanata. Sana magtuloy-tuloy na ang drive ko sa pagsusulat ng nobelang iyon.

Pebrero 8, 2024

Maraming bagay ang dapat kong ipagpasalamat kanina paggising ko. Una, alas-siyete na ako nagising. Pangalawa, nasa may pintuan si Herming paglabas ko. At pangatlo, wala na akong sakit. Kaya habang nagkakape, gumawa ako ng learning material.

Sa kabila nito, nasira ang mood ko. Nagsermon ako kay Zillion. Nagalit ako sa kanilang dalawa. Nagsalita ako ng masasakit na salita bago ako umalis. May sakit na ang ina niya, nasa kuwarto pa rin siya-- nagsi-cell phone. Pasado alas-8 na, hindi pa sila nag-aalmusal. Palagi silang ganoon. Talo pa ang mayaman.

Nasira ang mood ko. Ayaw ko talagang nagsasalita nang masakit kasi nalulungkot ako. Kaya lang, antagal ko na silang pinagtitiisan. Kulang na lang, ako na lang ang maghanda lahat ng pagkain pati sa gabi. Ako na nga ang naglalaba at namamalantsa ng damit ko, ako pa sa mga gastusin. Ako na lang siguro lahat.

Ang gusto ko lang naman, maging masaya sila sa bawat araw paggising. Sila mismong mag-ina, nagbabangayan. Wala kasing kusa itong anak namin. Hindi priority ang sarili. Inuuna ang online games. Adik na adik sa cell phone. Ni lumabas sa garden para magpaaraw, hindi magawa. Talo pa ang negosyante... Sabi ko nga, alas-nuwebe na, saka lang bibili ng almusal. Hindi ba sila nahihiya? Ang almusal ay dapat niluluto sa bahay. Puro lutong ulam ang gusto. Mabuti sana kung masarap at malinis ang pagkakahanda.

Dahil dito, hindi ako nakapagsulat sa bus. Nakatanaw lang ako sa bintana. Matagal nawala ang inis ko. Mabuti na lang, bago ako bumaba ay naibsan dahil narinig ko ang usapan ng dalawa kong katabi. Ikinuwento ng nasa gitna ang tungkol sa teacher ng anak niya.

Pagdating sa school, nakagawa ako ng learning material bago mag-akyatan.

Walang palitan ng klase. Nagpalaro ako sa mga bata-- gaya ng Hanap-Salita, Pinoy Henyo, tongue twister, bugtong, scrambled words, at marami pang iba. Nakaraos din kami maghapon. Marami silang natutuhan kahit paano.

Pagdating sa bahay, tahimik lang ako. Late na ako nag-dinner kasi kumain ako ng siomai sa PITX.

Pebrero 9, 2024

Past 7 na ako nagising. At pagbaba ko, agad akong nagsimulang maglaba. Natuwa ako kasi nasa baba na si Ion. Siya ang nagluto ng itlog. Sobrang alat lang! Aguy!

Past 9:30 na ako natapos maglaba. Doble kasi ang dami ng nilabhan ko.

Pagkatapos maglaba, humarap na ako sa laptop para gumawa ng PPT, na gagamitin ko sa LAC session. Ako ang resource speaker sa February 23. Gagamitin ko rin ito sa COT 3. Pagsulat ng kuwentong pambata ang topic ko.

Bago mag-lunch, lumabas ako para bumili ng mga prutas at pagkain.

Past 1:30, nag-Google Meet kami nina Ma'am Mel at Sir Erwin para pag-usapan ang school paper.

Past 3 na kami natapos. Gumawa ako ng mastheads para sa bago naming school paper name. Past 4:30 na ako nakapagmeryenda dahil dito.

Nang natapos ko ang PPT, gumawa naman ako ng iba pang materials. Past 9 na ako huminto.

Pebrero 10, 2024

Past 8 na ako bumaba para mag-almusal. Pinagbigyan ko ang sarili ko sa higaan. Samanatala, bumalik sa dating gawi si Zillion. Haist!

Pagkatapos mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Gumawa ako ng vlog. Then, gumawa ako ng DLP at PPT para sa COT 3 ko. Maghapon akong naghanda. Umidlip lang ako saglit, tapos balik na naman sa paggawa. Marami akong natapos.

Gabi, nagsulat ako para sa Wattpad. Past 11, nakapag-post ako ng isang chapter. Malapit na ako sa exciting part na naiisip kong isulat.

Pebrero.11, 2024

Past 8 na ako nakapag-almusal. Late na naman kasi bumangon at bumili si Emily.

Mga 9 am, gumagawa na ako ng vlog. Hanggang sa pag-alis ni Emily, nasa harap ako ng laptop. Flight niya ngayon patungong Aklan. Nalungkot ako nanvg kaunti kasi hindi pa talaga kaya ni Ion na ako lang ang kasama. Pababayaan ko talaga siyang maging independent. Sana matuto na.

Gabi, after dinner, nagsulat ako para sa Wattpad. Past 10 pm na ako nakapag-post ng isang chapter. Worth it naman.

Pebrero 12, 2024

Kahit tinatamad akong bumangon at pumasok, pinilit ko ang sarili ko. Kailangang magtrabaho. Kailangang humarap ako sa mga estudyante nang masaya at positibo para matuto sila.

Past 9, umalis na ako sa bahay. Past 11 ako dumating sa school. Tinatamad lang akong mag-RFMO. Hinahayaan ko lang silang mag-facilitate.

Sa mga klase, sinikap kong ikuwento ang kuwentong pambatang inihanda ko para sa kanila. Sa tingin ko, nagustuhan naman nila si Carancal. Mabilis natapos ang araw dahil nagpalitan kami ng klase.

Nakauwi ako bandang 7. Nauna p ako kay Zillion. Nagsasaing at nagluluto na ako ng ulam nang dumating siya.

Nanood muna ako ng BQ bago ako nagsulat. Since may nasulat ako kanina sa biyahe, 75% na lang ang idinagdag ko. Past 10, nakapag-post na ako ng isang chapter.

Pebrero 13, 2024

Ako na lahat ang gumawa sa kusina pagkatapos kong mamalansta at magdilig ng mga halaman. Hindi naghugas kami si Ion, kaya naghugas muna ako bago nagluto. Haist! Hindi pa rin siya nagbabago. Nakakasawa nang magalit.

Past 9, umalis na ako sa bahay. Nagsulat ako sa biyahe.

Wala pang 11 nasa school na ako. Nagturo ako ng Math sa mga nag-reremedial. Natanaw ako principal at PSDS habang nagtuturo. Plus points, he-he.

Nagpalitan kami ng klase kahit may observation si Ma'am Joan. Ayaw ko sanang magpalitan. Wala akong nagawa.

Past 7, nasa bahay na ako. Nauna ulit ako kay Ion. Ako na naman ang naghugas ng mga plato. Wala siyang gumawa kaninag umaga. Haist! Ayaw ko na lang magalit.

Dumating na ang parcel galing sa Kuwentuhan Series o Aklaya. Nagustuhan ko ang binigay nila. May reading materials, lapis, at window cards. Gagamitin ko ang mga iyon sa Catch-up Friday. Kailangan kong mag-document ng mga activities ko. Sana makaulit ako. Ang ganda ng books! Dagdag sa koleksiyon ko.

Pagkatapos kong manood ng BQ, nagsulat ako para sa Wattpad. Hindi ako nakapag-post ng isang chapter. Kalahati pa lang kasi. Ang hirap mag-isip ng mga eksena. Nauubusan na ako ng ideya.

Pebrero 14, 2024

Masigla akong naghanda ng almusal at ng learning materials. Araw ng mga Puso ngayon kaya kailangang maging positive ako.

Wala pang 11, nasa school na ako. Gaya kahapon, nagturo ako ng long division sa mga Math remedial learners.

Then, nagsalo-salo kami. May dalang kare-kare si Ma'am Joan. Sayang may baon ako, pero okey lang. Nakatikim naman ako ng luto ng husband niya.

Pagdating sa klase, excited akong nagturo ng pagsulat ng banghay ng kuwento. Nagpalitan kami ng klase. Pero sa Mangga, hindi ko naituloy ang pagturo dahil marami sa kanila ang may sariling mundo. Mas excited silang gumawa ng Valentine cards o paper bouquets. Marami ang nanghinayang dahil hindi ako nagturo.

Sa Buko, bago mag-recess at pagkatapos, nagsermon ako. Sabi ko, nagpalagay pa sila ng abo sa noo pero parang mga demonyo ang ugali nila. Hindi mapagsabihan ng isang beses lang. Araw ng mga Puso pa naman, pero sumakit ang puso ko. Napamura talaga ako. Grabe sila. Inalimura ko tuloy ang mga plastic nilang bulaklak.

Late ba ang dinner namin kasi natagalan ako sa pagsakay.

Before 10, nakapag-post ako ng isang chapter sa Wattpad.

Pebrero 15, 2024

Nagdilig muna ako ng mga halaman, bago naghanda ng pagkain. Nakagawa pa ako ng PPT habang nagkakape.

Past 9, nasa biyahe na ako. Nagsulat ako nang kaunti habang nasa bus.

Sa school, hindi ako nakapagturo ng Math kasi nahuli ako ng dating. Nandoon na si Sir Hermie nang dumating ako. Mabuti naman. Nagahawa ako ng learning materials habang naghihintay ng time.

Hindi kami nagpalitan ng klase, hindi dahil wala si Sir Hermie, kundi dahil sa Cathesism. Kahit paano nakapagpahinga ako sa kasasaway at pagalit. Pero hindi pa rin ako nakaligtas sa kakasermon. Nagpasaway pa sila habang nasa clinic kami para sa height and weight. Pagdating sa classroom at bago mag-recess, sinermunan ko sila. Palagi ko silang pinagsasalitaan ng masasakit. Hindi na kasi epektibo ang sweet words. Malala na ngayon ang mga estudyante. Grade 4 pa lang, matigas na ang sungay. Buti sana kung matatalino. Grabe. Ang sakit sa puso. Paulit-ulit na lang.

Nakauwi agad ako nang maaga ngayon. Naghanda pa ako ng hapunan.

After BQ, nagsulat ako. Hindi ako nakapag-post. Nasa 1300 plus words pa lang.

Pebrero 16, 2024

Parang kulang ako sa tulog. Ang gaganda ng panaginip ko. Parang totoo. Napanaginipan ko nga si Ma'am Edith.

Maaga akong pumasok ngayon kasi may demo teaching si Ma'am Angelica. Required kaming manood, bilang LAC session namin. Isa pa, kailangan kong malaman kung paano kasi ako naman ang magdedemo sa February 23.

Wala pang 8, pagkatapos kong mangusina, umalis na ako. Nagsulat ako sa biyahe.

Hindi agad nagsimula ang demo teaching. Nakapag-post pa ako ng learning materials ko.

Pagkatapos kong manood ng demo, napagtanto kong may problema talaga ang mga estudyante sa disiplina.

Catch-up Friday na naman! Nag-video ako sa mga bata habang nagpasasalamat sa Kwentuhan Series at Aklaya, bago ako nag-storytelling at nagpa-games. Enjoy na enjoy sila sa mga games namin. Napagod nga sila kasi after recess, hindi na sila nagpasaway. Nanood na lang ng YT.

Solb ang CUF! Nakaraos naman.

Naunang umuwi si Ion kaysa sa akin. Nagsaing na siya. May binili naman akong ulam.

After dinner, gumawa ako ng MOV ng CUF habang nanonood ng BQ. Pagkatapos, gumawa ako ng PPT para bukas sa Numero. At bago ako natulog, nagsulat ako para sa Wattpad. Nakapag-post ako ng isang chapter.

Pebrero 17, 2024

Past 5, umalis na ako sa bahay para sa Numero. Nakarating ako sa school bandang 7 am. Nakapag-almusal pa ako at nakapag-print ng activity sheets.

Naging masaya ako sa Numero dahil anim lang ang dumalo. Wala ang mga pasaway. Naengganyo ko sila sa mga activities at games namin.

After Numero, nagyaya sina GL at Ma'am Joan R na mag-Tramway. Game ako. Game din ang lahat ng Numero facilitators. Anim kaming lahat na nag-buffet.

Masaya kami sa aming kainan at kuwentuhan.

Past 1 na kami nakabalik sa school. Naglinis muna ako, saka ako nag-print ako ng DLL at learning material sa demo teaching ko sa Friday.

Past 3 na kami nakaalis sa school. Past 6 na ako nakauwi sa bahay.

Habang nagkakape, gumawa ako ng vlog, gamit ang isang story na na-download ko for free.

Past 12, gising pa ako. Naubos ko kasi ang tatlong hiwa ng Toblerone.

Pebrero 18, 2024

Past 7:30 na ako nagising. Ang sarap matulog. Kung hindi lang ako maglalaba, matutulog ako up-to-sawa.

Naisingit ko sa paglalaba ang pagdilig ng mga halaman, gayundin ang paggawa ng learning material sa Numero.

Past 10 na ako nakatapos magsampay. Agad akong humarap sa laptop. Gumawa ako ng vlog. Nagluto ako ng ulam, habang gumagawa.

Past 2, nagpagupit ako ng buhok. Pagdating ko, nanood ako ng docu, kaya lang inantok ako. Pinagbiyan ko. Past 4 na ako nagmeryenda. Itinuloy-tuloy ko ang paggawa ng vlog.

Past 8, nagsabi si Ion na darating na raw si Emily. Sa kuwarto na ako naghintay.

Pebrero 19, 2024

Akala ko talaga darating si Emily. Napuyat lang ako. Hindi mahimbing ang tulog ko kasi baka kako biglang dumating. Haist!

Gayunpaman, gumising ako nang maaga para maghanda sa pagpasok sa eskuwela. Nakapaghanda pa ako ng PPT para sa mga klase ko.

Past 11:30 na ako dumating sa school. Wala na halos akong nagawa roon. Kumain na lang ako.

Nagpalitan kami ng klase kaya parang ang bilis ng oras. Recess na agad. At pagkatapos kong mag-recess, tinawag na ako ni Ma'am Mel para simulang i-layout ang school paper. Ang bilis din ng oras. Nailatag ko lang ang mga articles, then almost 5 na. Mabilis akong nagpalinis sa mga pupils ko, na binantayan ni Sir Hermie. Tumulong na rin ako sa pagwawalis.

Nakauwi ako bandang 7:30. Nakauwi na si Emily. Kaya naman, humarap agad ako sa laptop para gumawa ng vlog. Past 9 na ako nakapag-post. Natagalan ako sa pag-voice over. At nanood pa ako ng BQ at isang episode ng series sa YT.

Pebrero 20, 2024

Almost 7 na ako nagising. Ang sarap sa feeling! Andami kong panaginip na parang totoo.

Agad akong namalantsa bago bumaba para magdilig. Saka ako nagluto ng ulam. Ready na ang almusal nang magising si Emily.

Past 8:30, masaya at positibo akong umalis sa bahay. Nagsulat ako sa bus. At kung kailan pababa na o malapit na sa PITX, saka naman ako inantok. Haist! Kung pinagbigyan ko, baka matulad dati na ako na lang ang nasa bus, maliban sa driver. Muntikan pa akong madala kung saan.

Past 11 na ako nakarating sa school. Kaunting minuto lang akong naroon sa remedial room, time na agad.

Nagpaalam ako sa Buko na gagawa kami ni Ma'am Mel ng school paper kaya si Sir Hermie ang magha-handle sa kanila.

Sa ICT room uli kami gumawa. Umuusad na ang diyaryo. Marami-rami rin kaming natapos. Sadyang ang bilis lang ng oras. Namalayan na lang namin na quarter to 5 na.

Maayos naman na nahawakan ni Sir Hermie ang Buko. Malinis din ang classroom. Pero ako na ang nagpapila sa mga pupils ko.

Past 7, nasa bahay na ako. Agad akong nag-dinner para makapanood ng balita at BQ.

Nakapag-post ako sa Watty ng isang chapter ngayon. I'm sure may mga reaksiyon na naman ang mga followers.

Pebrero 21, 2024

Maaga akong nagising. Hindi naman ako nanghinayang sa malamig na umaga kasi may ginawa akong clipart para sa Sinag, ang GES school paper.

Past 9, nasa bus na ako. Nagsulat ako habang hindi pa inaantok. Mahaba-haba ang naisulat ko bago ako nakarating sa school. Kaya lang, past 11:30 na ako nakapag-time in. Hindi na ako nakatulong sa Math remedial.

Nainis ako kay Beshy kasi hindi agad siya umakyat para bantayan ang Buko. Nai-prorate ko na ang mga bata nang dumating siya. Hindi na niya kinuha.

Past almost 12:30 na kami nakapagsimula no Ma'am Mel sa pag-layout ng Sinag. Ang bilis ng oras. Nakadalawang page lang kami. Nangangalay pa rin ang braso ko dahil sa maghapong paghawak sa mouse.

Seven-thirty, nasa bahay na ako. Agad akong naghapunan para makanood ng BQ at makapagsulat para sa Wattpad.

Before 10, nakapag-post na ako ng isang chapter. Maaga akong nag-off ng wifi.

Pebrero 22, 2024

Past 5, mulat na ang mga mata ko. Kahit anong pilit ko, hindi na talaga ako nakatulong, kaya bumangon na ako para magdilig ng mga halaman at maghanda ng almusal. Past 8:30, pagkatapos kong manood ng mga videos sa FB at YT, umalis na ako sa bahay.

Nagsulat ako sa biyahe, pero maiksi lang ang natapos ko.

Masakit pa rin ako ng braso kahit nilagyan ko na ng liniment. Kaya pagdating sa school, hindi muna ako sumali sa Math remedial.

Maagang umakyat si Sir Hermie para hawakan ang Buko. Natuwa ako sa kaniya, kaya naman masigla ko ring ginawa ang Sinag. Ang bilis lang ng oras. Nakadalawang page lang kami.

After class, nagkita kami ng kaibigan ko sa Libertad. Nag-o-OJT pala siya sa Makati.

Pebrero 23, 2024

Past 6, nang nagising ako. Hindi naman ako agad bumaba. Si Emily ang naghanda ng almusal. Kumain na lang ako.

Past 8:30, umalis na ako. Nagsulat ako habang nasa biyahe. Umagos sa utak ko ang magagandang ideya. Mahaba-haba tuloy ang naisulat ko. Kaya lang, kinailangan kong huminto nang nasa dyip na ako kasi masakit sa mata at delikado ang paggamit ng cell phone.

Nilibre kami ni Tiyay ng lugaw with chicken sa may kanto ng school. First time naming kumain doon. Lima kami. Ako, si Putz, si Melay, si Papang, at si Tiyay.

May 22 pupils na pumasok sa akin. Pero hindi nagpakita si Sir Hermie, kaya pinaghati-hati ko para ipahawak sa mga subject teachers.

Ikaapat na araw na kami ni Ma'am Mel na gumawa ng school paper. Umuusad naman, pero napakabilis ng oras. Nakadalawang pahina lang uli kami ngayon. Bigayan ng cards ngayon, pero ako lang ang hindi nakapagbigay. Haist! Sana matapos namin bukas ang diyaryo.

Umuwi ako agad after class hour. Wala pang 7:30, nasa bahay na ako. Kumain ako agad para makapanood ng BQ.

After BQ, nagsulat na ako para sa Wattpad. Isang chapter uli ang natapos ko ngayong araw. Posted na iyon bago mag-10 pm.

Pebrero 24, 2024

Kulang ako sa tulog kasi past 4 pa lang, gising na ako. Dapat 5 pa ang gising ko. Naunahan ko pa ang alarm. Gayunpaman, pasalamat ako dahil isa na namang paggising ang nangyari.

Past 5:30, nakasakay na ako sa bus. Sa halip na matulog, nagsulat muna ako.

Past 7 ako dumating sa school. Nakapaghanda pa ako ng worksheet at nakapag-almusal bago nagsimula ang Numero.

Lima lang ang dumating ngayong araw, pero okay lang dahil mas maayos at mas madali silang i-manage.

After Numero, nag-lunch lang kami ni Ma'am Mel, then naglinis ako sa classroom, saka kami nagsimulang humarap sa laptop para gawin ang Sinag.

Nakaapat na pages kami ngayon. Mas marami kami nagawa kasya sa mva naunang araw. Dalawamg pahina na lang ang gagawin namin. Five-thirty kami nag-pack up.

Napatagay naman ako sa inuman ni Sir Joel, Sir Archie, at Sir Hermie.. Hanggang 6:30 kami sa school. Isinabay na ako nina Sir Joel sa sasakyan nila. Uuwi raw sila sa Gen Tri.

Eight-thirty, nasa bahay na ako. Agad akong kumain para makapagpahinga na. Pero, hindi ko naman nagawa. Nagawa ko pang manood ng series at magsulat.

Pebrero 25, 2024

Dahil sa sunod-sunod na pagod at puyat, nakatulog ako nang mahimbing kagabi. Kahit may nagbi-videoke kagabi, hindi ko na narinig pa. Hindi ko na rin namalayang umulan din kagabi.

Past 7, nasa baba na ako para magbabad ng mga damit ko. Hindi na umiikot ang washing machine, pero ang dryer nito ay gumagana pa.

Habang nagbababad, naglagay ako ng mga grades sa card. Natapos ko naman iyon bago mag-10:30. Nag-announce ako sa GC, na ang kuhaan ay bukas ng 5 pm. Naghanda na rin ako ng PPT at certificates para sa may honors.

Pagkatapos niyon, gumawa na ako ng vlog.

Past 1:30, nagbanlaw na ako.

Sinubukan ko namang matulog pagkatapos maligo. Past 4 na ako bumangon. Gumawa uli ako ng mga reading materials. Nakasulat nga ako ngayon ng isang kuwentong pambata.

Gabi, nagsulat naman ako para sa Wattpad. Natapos ko ang isang chapter na sinimulan ko kahapon.

Pebrero 26, 2024

Masarap ang tulog ko, pero kulang. Eleven to six akong tulog. Okey na rin kaysa puyat.

Habang nagkakape, gumawa ako ng vlog. Tinapos ko lang ang nasimulan ko kagabi. Naghanda rin ako ng attendance sheet para sa kuhaan ng card mamaya.

Before 9, nasa bus na ako. Gusto kong umidlip pero parang hindi naman ako makakatulog, kaya nagsulat na lang ako.

Maiksi lang ang naisulat ko, kasi bukod sa wala masyadong pumasok na ideya sa utak ko, ang bilis pa ng biyahe. In fact, wala pang 11, nasa school na ako.

Past 11:30, nasa ICT room na kami ni Ma'am Mel para ipagpatuloy ang paggawa ng school paper.

Nabuo na namin bago mag-3:30 ang 14-page Sinag school paper. Pero kailangan naming mag-edit. Madugo ring trabaho iyon. Kailangan pa namin ng isang araw para ma-edit angl ahat. Nasa page 5 pa lang kami. Kailangan ko kasing humarap sa mga parents at guardians ng Buko para sa card viewing.

Mabilis lang akong nagpamiting. Past 5 na kasi iyon.

Pagkatapos mag-award sa honor pupils, namigay na ako ng card. Piniktyuran lang nila at pinirmahan, tapos umuwi na sila. Nagwalis pa ako bago ako umuwi.

Past 7, nasa bahay na ako. Agad akong nag-dinner para makapanood ng BQ. Habang nanonood ay nagsusulat ako para sa Wattpad.

Past 10, huminto na ako sa pagsulat para magpahinga na. Bukas na ako makakapag-post ng isang chapter kasi nasa 1400 words pa lang.

Pebrero 27, 2024

Past 12 ako nakatulog kagabi kasi ang iingay ng mga aso sa paligid. Idagdag pa ang makulit na lamok. Nai-excite din ako sa kalalabasan ng school paper.

Pagkatapos magdilig at maghanda ng almusal, nagsulat ako para sa Watty. Tinapos ko ang isang chapter.

Before 9:30, nasa bus na ako. Hindi ako nagmadaling pumasok.

Habang nasa biyahe, tula para sa Women"s Month ang sinimulan kong isulat, sa halip na nobela.

Past 12:30 na kami nakapag-start ni Ma'am Mel sa pag-edit ng school paper dahil nahirapan kaming maghanap ng magbabantay sa mga klase namin. Pero nang magsimula kami, tuloy-tuloy na hanggang sa makapag-print na kami. Nakapag-send na rin siya sa Drive ng SDO.

Nasa biyahe ako pauwi nang may mapansin pa akong mali. Kailangan talaga naming baguhin. Bukas, gagawin uli namin.

Pebrero 28, 2024

Nag-diarrhea ako. Past 4:30 pa lang ay humilab na ang tiyan ko, kaya bumaba ako para magbanyo. Mabuti, nakatulog uli ako pag-akyat ko. Past 6, gising na ako. Ilang beses uli akong nagbanyo. Kaya naman, past 9 na, kahit nakabihis na ako, nagdalawang-isip ako kung papasok ako o hindi. Naka-mindset na ang pagpasok ko. Seven days na akong wala sa classroom, kaya gusto ko nang pumasok.

Nine-thirty, nagdesisyon akong pumasok. Umaasa akong hindi hihilab ang tiyan ko habang nasa biyahe.

Para maaliw ang sarili, nagsulat ako ng tula para sa mga babae. Naaliw ako, kaya hindi ako nakaramdam ng ano pa man.

Pagdating sa school bandang 11:30, kumain na agad ako. Naabutan ko sina Ma"am Mel at Ma'am Edith na kumakain kaya nakisalo na ako.

Pagkatapos niyon, nagsimula na kaming mag-edit. Akala ko makakapasok na ako sa Buko. Hindi pa pala. Mas mahirap pala ang editing at proofreading kaysa sa layouting.

Inabutan kami ng 7 pm sa ICT Room bago namin natapos. Nakapagpasa na rin kami. Sana okey na at wala nang babaguhin.

Sa Friday, tuloy na ang demo teaching at COT 3 ko.

Nakauwi ako bandang past 8:30. Naghapunan agad ako para makapaghanda para sa demo. Nag-edit ako ng PPT ko.

Maaga akong natulog. Pinatay ko ang wifi para makatulog na rin ang mag-ina ko, at hindi na ako maistorbo.

Pebrero 29, 2024

Past 6, gising na ako. Nagdilig muna ako ng mga halaman bago magkape. Habang nagkakape, nag-edit ako ng PPT ko para sa LAC session.

Past 8, umalis na ako sa bahay. Kailangang maaga akong makarating sa school para sa installation of hard drive.

Nagsulat uli ako ng tula para sa mga babae. Malapit nang matapos.

Pagdating sa school, hindi naman na-install-an ng hard drive kasi wala akong dalang caddy bracket. Gumawa na lang ako ng ibang bagay.

Humarap na ako sa aking klase. Nag-orient ako tungkol sa demo teaching bukas. Ang hirap nilang i-motivate. Sana sa actual, okey na sila.

Pinatawag ako ni Madam bandang 3:40. Tiningnan niya ang DLP at PPT ko. Gusto niya talagang matuto rin ang mga guro, habang tinuturuan ko ang mga estudyante. Nagpaalam na rin ako tungkol sa plano kong mag-train ng mga bata at guro para sa national storybook writing. Pumayag naman siya.

Umuwi agad ako after class para makapaghanda pa. Bukod kasi sa demo, may GSP Night camp pa bukas. Peace and Order ang task ko roon. Then, pinaghandaan ko rin ang Numero at CUF. Gamit ang mga plastic bottles cups, magkakaroon ako ng masaya at engaging activities.

Maaga akong natulog-- mga 10 pm pagkatapos kong maihanda ang mga susuotin ko at dadalhin ko.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...