Followers

Thursday, March 14, 2024

Mga Kahanga-hangang Babae

Mga Babaeng Kahanga-hanga

 

 

Wala naman akong sasabihin masyado

Para sa mga babae o babayeng gaya ninyo

Pangako, maiksing-maiksi lang ito

Kaya bago ko bigkasin ang tula ko,

At dahil baka makalimutan ninyo...

Pahingi naman ng palakpakang masigabo.

 

 

Ayan, maraming salamat, mga babae!

Maraming salamat din sa mga pumalakpak na lalaki!

Pakiusap lang, sa akin ay huwag magagalit...

Alam ninyo, hindi ako masyadong nasasabik

`Pagkat ang araw na ito'y di-gaanong espesyal

Women's Month, isa lang pagdiriwang na tipikal.

Dahil ang mga babae’y `di lang nagpapakababae sa isang araw

Hindi sila lumalaban sa isang buwan, kundi araw-araw.

 

 

Marami nga akong kilalang babae

Lahat sila ay totoong may silbi

Sa kaibigan, sa pamilya, at sa lipunan

Kaya ang selebrasyong ito ay kulang na kulang

Upang ang lahat ng babae ay maparangalan.

Kaya ang ganitong kaiksing tula ay di-masyadong makabuluhan,

Pasensiya na, ito lamang ang nakayanan.

Subalit sa pagkakataong ito, bibigkasin ang tulang aking hinabi,

Kikilalanin natin ang ilan sa mga kahanga-hangang babae.

 

 

Una na riyan si Martira Matibay.

Pangalan pa lang, mukhang matibay na

Pero hindi! Siya'y talagang mahina.

Sa kahinaang ito, siya'y humuhugot ng lakas

Kahit kamartiran ay animo'y walang bukas

Sinisikap niya lang magpakatatag

Dahil puso niya'y tigib ng pagmamahal

Kaya kahit anong sakit, kaniyang tinitiis

Paniniwala niya, kaligayaha'y kaniyang makakamit.

Sa mga katulad ni Martira Matibay,

isang yakap na mahigpit ang aking ibibigay.

 

Ang pangalawang babaeng kilala ko ay si Eenie Juana.

Kahit siya'y iniwan na,

Tingnan niyo, siya’y nakangingiti pa.

Ganyan niya kamahal ang sarili niya

Para sa kaniya, ang pag-iisa ay hindi pagdurusa.

Para sa kaniya, liligaya siya sa piling ng sarili niya.

Sa mga katulad ni Eenie Juana,

isang 'shot puno' ng serbesa.

 

 

Pangatlo kong kakilala ay si Issa D. Nag-iisa.

Aguy! Itong si Issa ay may kahati pa

Siya ang nauna, pero hindi siya ang inuuna

Masakit iyon, `di ba?

Pero, itong si Issa, hindi lang dalawa, tatlo, o apat

Maraming beses siyang naging tapat

Palagi siyang tapat, pero hindi naging sapat

Sa kabila ng mga ito, ipinaglalaban niya ang dapat

Salubungin man siya ng mga sibat,

Sigurado siyang… siya ang karapat-dapat

Maghihintay siyang dumating

Na ang una ay maging tanging Issa.

Sa mga nauna, pero hindi nag-iisa,  

Huwag mag-alala, puwede n’yo akong kasama.

Joke lang, kayo'y akin lang pinatatawa.

 

 

Kilala niyo ba si Pina?

Hindi siya ang nasa Alamat ng Pinya.

Siya si Pina Bayaan.

Naturingan siyang may asawa,

Pero walang natatanggap na ayuda

Suporta, kalinga, o kahit awa.

Parang nag-iisa sa pagtataguyod sa pamilya.

Katulad siya ni Martira Matibay

Na kay saklap ng buhay

Pero dahil sa pagmamahal

Siya ay lalong tumitibay.

 

 

Marami pa akong kilalang Pina

Nariyan si Pina Asa.

Nariyan si Pina Kawalan

Nariyan din si Pina KiligLang.

At para sa mga katulad ni Pina Bayaan,

Hindi kayo pababayaan ng Diyos, na may lalang.

 

 

Mabuti pa si Mrs. Vi Yuda

Kahit naiwanan ng asawa ay tanggap na niya

Dahil kaniyang asawang namayapa

Ay sa langit napunta, hindi sa piling ng iba.

Kaya siya ay mananatiling masaya

Dahil mga alaala ng asawa ay buhay na buhay pa.

Sa pagharap sa buhay na wala siya

At sa pagtaguyod sa naulilang pamilya,

Si Mrs. Vi Yuda ay matatag pa.

Para sa mga katulad ni Mrs. Vi Yuda,

“Family is life,” at “Sila’y sapat na.”

Salute! Salute, Mrs. Vi Yuda!

 

 

Kilala niyo ba si Farrah Way?

Siya ay malayo sa pamilya palagi.

Ang tanging koneksiyon ay Epbi.

Ginagawa niyang araw ang gabi.

Sa ibang pamilya o lahi, siya’y nagsisilbi.

Para may maipadalang malaki, tinitikis ang sarili

Para ang kaniyang pamilya, palaging happy,

Mga pangangailangan, pati luho ay mabili

Sa ibayong dagat, siya’y hindi palaging suwerte

May pagkakataong siya’y nasasaktan at nasasawi.

Kaya para sa mga katulad ni Farrah Way,

“Mabuhay ang mga makabagong bayani!”

 

 

Si Nanay Enlo ay isa ko pang kilala

Mapagmahal at maalaga siyang ina

Pero madalas hindi siya inuunawa

Halimaw, iyan ang tingin ng manugang niya

Pero sa isip at puso niya,

Labis-labis ang pagmamahal niya

Pamilyang binuo niya, ayaw lang mapariwara

Kaya kung siya ma'y mabunganga,

Kabutihan ng lahat ang hangad niya.

Para sa mga katulad ni Nanay Enlo

Na madalas mahusgahan ng mga tao,

Hayaan n'yo, kayo na lang ay magpakatotoo.

 

 

Si Tita Perfecta ay isa pang babae

Na aking kilala at ipinagmamalaki

Siya ay katulad ng aking inang mabuti

Kapakanan ng pamangkin, iniisip niyang palagi

Naging kasama at katuwang sa aking paglaki

Kapag may suliranin, siya'y nasa aking tabi

Sa pinansiyal-emosyonal na tulong ay namamahagi

Subalit minsan siya'y may mga nasasabi

Puso ko'y nasusugat dahil kaniyang nasasagi

Dila niya'y matapat, ngunit animo'y lagari

Sa pangingialam sa buhay ko, siya'y busy.

Lahat halos ng gawin ko'y kulang at mali

Nais niya'y perpektong buhay, galaw, at pag-uugali.

Nakasasakal lang minsan, pero nang aking inintindi

Aba! Siya pala'y hindi nagkakamali.

Sa mga katulad ng aking Tita Perfecta,

"You're the best tita sa buong mundo!

Maraming salamat sa mga bigay na pera at payo!

Sa Pasko, don't forget my àguinaldo."

 

 

May kilala pa akong babae, ay, lalaki.

Ay, babae nga--- babaeng lalaki.

Kuya na, ate pa--- Siya si KuTe.

Anoman ang nangyari,

Anoman ang kaniyang pinili,

Si KuTe ay babae.

Puso niya’y puno ng pagmamahal

Pangarap naman niya’y marangal

Makabuo ng makabagong pamilya

Sa piling ng kapuwa-babaeng mahal niya.

Grabe si KuTe kung mag-aruga

Animo’y bruskong lalaki kung mag-alaga

Kaya partner niya’y hindi nagsasawa

Higit pang pagmamahal, isinusukli sa kaniya.

Para sa mga katulad ni KuTe,

“We are so proud of you!”

“Go lang, basta wala kayong naaapakang tao.”

 

 

Isa pang babaeng aking kilala--

Ana K.  Nalangangkulang ang ngalan niya

Masaya siya sa buhay may-asawa

May mga kaibigang mapagsuporta

May pamilyang nagmamahal sa kaniya

Wala pa man siyang supling

O sariling anak na maituturing

Sa Diyos, `di napapagod humiling

At naniniwalang ang araw ay darating

Na isang anghel ay makakapiling.

Para sa mga katulad ni Ana,

Anak ninyo ay ako na muna.

Maging baby ninyo'y ako'y handa na.

 

 

Kilala niyo ba si Senyora C?

Siya ang pinakamatatag na babae.

Hinubog siya ng panahon

Pinatatag ng mga hamon

Puting buhok, balat na kulubot

Ay mga palatandaan ng mga naabot.

Minsan siya’y nakalilimot  

Ngunit isip at puso niya’y di-maarok

Sa layo ng nilakbay tungo sa buhay na masalimuot

Pero si Senyora C ay nagpapatuloy sa paglibot

Mundo niya’y nananatiling umiikot

Dahil sa pamilyang kaniyang iniirog.

Para sa mga katulad ni Senyora C,

“Deserve ninyo ang discount na twenty

Sana gawin na nilang fifty o kaya’y sixty.”

 

 

Kilala niyo ba si Love S. Blind, ha?

Naku! Hindi niya ako nakikita.

Wala siyang ibang nakikita kundi ‘siya’--

Na wala namang mabuting ginawa

Kundi ang saktan at paluhain siya

Wala rin siyang naririnig… yata

Kasi sarili niyang pamilya ay dinidedma

Pagtutol ng kaniyang ama at ina

Ay hindi niya iniintindi at pinakikinggan

Dahil para sa kaniya, pinili niya ay number one.

Hindi niya nakikita ang mga kapintasan

Dahil para sa kaniya, love is blind.

Dahil wala sa hitsura, wala sa kulay,

At wala sa yaman ang pagmamahal.

Kaya kahit ano pang sabihin nila

Mahal niya ito at ipaglalaban niya.

Para sa mga katulad ni Love S. Blind,

“Hala, bira! Huwag kayong magpa-behind.

Manatili kayong bulag at nakapikit

Upang hindi makita ang anggulong pangit.”

 

 

May kilala ba kayong Tina ang pangalan?

Oo, tama, sina Tina Boi at Tina Licuran!

Si Tina Boi ay hindi nga iniwan,

Pero siya ay pinagtulakan

Pagmamahal niya'y hindi kayang suklian

Kaya para siyang kalapating pinakawalan.

Si Tina Licuran naman ay `di pinanagutan

Daig pa niya ang iniwan, nilapastangan

Taong kaniyang pinagkatiwalaan,

Hindi siya kayang panindigan

Paano na ang supling na isisilang?

Subalit sina Tina ay tumayo at humakbang

Hinarap ang buhay at katotohanan

Hanggang silang mga itinapon noon

Ay mga malayang babae na ngayon

Para sa mga katulad nina Tina,

"Congratulations, kayo'y malaya na!"

 

 

Kilala niyo rin ba si Abigail?

Short for "Aba, single!"

Parang sister, na pagdarasal ang hilig.

Kalendaryo'y ilang beses nang nagpalit

Pero si Abigail, walang makalapit.

Hindi naman siya pangit,

Hindi rin kapalit-palit,

Gusto niya lang sa tamang edad ay sumapit

Kapuri-puri itong si Abigail

Dahil marunong siyang magpigil

Sa trabaho'y ayaw niyang magpapigil

"Family first," ang kaniyang angil.

Ayaw niyang maging suwail

Career ay ayaw niyang madiskaril

Kaya ang pag-ibig ay itinigil

Kinalimutan ang feeling ng kilig.

 

 

May isa namang Abigail na palaging nanggigigil

Andaming crush, pero hindi siya kina-crush back.

Lahat ng gusto niya ay may gustong iba

Pero hindi siya nawawalan ng pag-asa

Anoman ang kaniyang hitsura,

tumaas nang tumaas man ang edad niya,

Maghihintay pa siya sa lalaking nakatadhana.

Para sa mga katulad ni Abigail,

Ang pag-aasam ay huwag itigil.

May taong nakatadhana at nakalaan

Hindi lang ako sure kung kailan.

 

 

O, hayan, nakilala niyo na ang mga babaeng aking kilala

Marami pa talaga sila, pero iyan na muna.

Magpapaalam na ako, at tatapusin itong maikling tula

Pero hayaan ninyo akong batiin kayo ng “Happy Women's Month!”

 

 

Mga babae, kayo 'y matitibay.

Matatag sa hamon ng buhay

Sarili at pamilya ay minamahal

Hindi lang nagsusumikap, kundi nagtatagumpay

Babae... Babai... Babaye... Babayi

Kahit ano pang lengguwahe,

Kahanga-hanga kayo!

Para sa aming mga lalaki, kayo ang mundo.

 


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...