Followers

Thursday, March 14, 2024

Maging Babae: Kahanga-hangang Misyon

Alam niyo, malapit ako sa mga babae. Kakaunti lang ang kaibigan ko, at sa kaunti na iyon—mas marami ang mga babae. Mas komportable kasi akong magbukas-loob sa inyong mga babae kaysa sa mga lalaki. Para sa akin, mas malaki ang puso ninyo kaya mas madali ninyong nararamdaman ang nararamdaman ko.

 

Mataas talaga ng respeto ko sa mga babae-- mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. May mga itinuturing akong kapatid, ate-atehan, tita-titaan, mama-mamahan, pati yata lola-lolahan. Pero hindi lang ako pinalad sa ninang.

 

Noong bata ako, tinanong ko ang nanay ko. "Mama, sino ang ninang ko? Saan siya?” December noon, siyempre, gusto ko ring mamasko.

 

"Hindi ko alam," ang sagot ng mama ko. May gusto pa siyang ipaliwanag, pero hindi na niya nabigkas. Ako na lang ang nag-adjust. Naisip ko, baka biglaan lang ang binyag ko, kaya nanghablot na lang ng ninang.

 

Haist! Kaya naman lumaki akong hindi man lang nakatanggap ng aguinaldo kapag Pasko.

 

Noong ikasal ako sa aking kabiyak, biglaan lang din `yon. Naalala ko si Mama. Naalala kong biglaan lang ang binyag ko kaya isang ninang lang ang kinuha at hindi niya pa kilala.

 

Iyon na nga, ikakasal na kami sa huwes ng asawa ko. Saka lang namin makikilala ang ninang namin. Noon ko lang din na-meet ang ninong ko.

 

Pero sobrang saya ko noon kasi halos araw-araw kong kasama ang ninang at ninong ko. Naramdaman ko noon ang pagiging nanay niya lalo nang manganganak na ang aking asawa. Parang siya ang mas excited. Nakakatuwa.

 

Pero hindi nagtagal, binawi na ng Diyos ang ninang ko. Sumalangit nawa ang kaniyang kaluluwa. Forever ko siyang maaalala.

 

Kaya ngayon, naghahanap po ako ng ninang para hindi na ako makikininang.

 

Puwera biro, minsan masarap maging babae. Pakiramdam ko, mas pinahahalagahan ngayon ang mga babae.

 

Tama ba, boys?

 

Biro lang, may gender equality na tayo. Lahat tayo ay mahalaga. Lahat tayo ay may makabuluhang papel na ginagampanan.

 

At sa lahat ng mga babae, ang ating nanay ang bida. Kapag sinabing babae, sila kaagad ang unang papasok sa ating isip.

 

Kahit ako, ang Mama ko ang naaalala ko ngayon maliban sa ninang ko.

 

Grabe kasing mag-alaga ang Mama ko. Palibhasa, 3 years pa lang yata ang babaeng kapatid ko noon, at ako at 5 years old, nang mamatay ito. Nag-iisa siyang anak na babae. At tatlo kaming lalaki. Ako ang pangalawa.

 

Naku, nahihiya akong ikuwento sa inyo... Itutuloy ko pa ba?

 

Sige, sige...

 

Grabe kasi itong mama ko kung mag-alaga. Tuwing gugupitan ako ng buhok, bangs kung bangs. E, bagsak pa naman noon ang buhok ko, kaya tuwing bagong gupit ako, ilang araw akong hindi makalabas ng bahay dahil sa hiya.

 

Nang nagkaisip ako, saka ko lang naunawaan na kaya niya pala ako ginupitan ng ganoon ay para palagi akong nasa bahay. Para may kasama siya. Para may tuturuan siyang magsulsi, maglaba, magluto, maghugas, magtanim, at maglinis ng bahay.

 

Sa sobra niyang kagustuhang magkaroon ng anak na babae, tinuruan niya akong maglinis ng sarili. Magpahid ng facial cleanser. Mag-pedicure. Binilhan niya ako ng set ng panlinis ng kuko. Binilhan niya ako ng lotion. Kulang na lang ay bihisan niya ako ng damit-pambabae. Aguy, Rudy!

 

At sa kagustuhan niyang magkaroon ng anak na babae, nag-ampon siya ng pamangkin ng tatay ko. Bale pinsan ko.

 

Aguy! Nasabi kong hindi ako mahal ng mama ko noon kasi ako ba naman ang pinag-alaga. Umalis siya sa probinsiya namin para magtrabaho dito sa Manila. Iniwan niya kami sa tatay namin. Hindi lang ako basta naging kapatid at pinsan, kundi naging nanay pa. Noon ko naunawaan na kaya pala niya ako tinuruang maging babae dahil alam niyang darating ang pagkakataong iyon. Hindi naman ako nagtatampo sa kaniya dahil ginawa niya rin ang kaniyang responsibilidad bilang nanay, bilang babae.

 

O, hayan, naranasan ko nang maging nanay at babae noon. Grabe! Isang kahanga-hangang misyon sa mundo ang pagiging babae. Saludo po ako sa inyo, mga babae, lalo na sa mga nanay!

 

 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...