Followers

Sunday, March 17, 2024

Ringo Alimango


“Putik dito. Putik doon. Nandidiri na ako sa lugar na ito. Ayaw ko na ng putik. Ayaw ko nang tumira dito!” reklamo ni Ringo.

 

Nang araw na iyon, siya ay talagang desidido.

 

“Hindi na ako babalik sa maputik na lugar na ito. Hahanap ako ng maganda at hindi maputik na tirahan,” sabi ni Ringo.

 

Sa di-kalayuan, natanaw niya ang kalawanging lata, na umuusad. Sa kaniyang pagtataka, binilisan niya ang lakad.

 

“Ay, umang!” Kaniyang sarili ay muntik na niyang makagat dahil sa pagkakagulat.

 

“Susmaryosep, may alimango!” Muntik na ring masuklaban ng lata ang umang na lolo.

 

“Ano’ng ginagawa mo riyan? Saan ka patungo?” tanong ni Ringo.

            

“Maghahanap ako ng pagkain. E, ikaw, saan ka naman patungo?” tanong naman ng umang kay Ringo. “Naliligaw ka yata.”

 

“Hindi ako naliligaw. Naghahanap ako ng bagong matutuluyan.”

 

 “Bakit naman? Hindi ka na ligtas sa iyong dating tirahan?”

 

“Ayaw ko na sa putikan. Gusto ko ng bagong tirahan. May alam ka ba, Umang?”

 

“Naku, wala! Ako nga, tingnan mo… Kalawanging lata na lang ang pinagtataguan ko. Pumunta ka sa dalampasigan o ilog na maraming basura, baka may bahay kang makita.”

 

“Galing na nga ako roon. Ayaw ko nang bumalik doon,” sabi ni Ringo saka nagpatuloy sa paglalakad.

 

Sa mapunong lugar siya napadpad. Nagagalak siya dahil sa palagay niya, ang pangarap niya ay malapit nang matupad.

Sa di-kalayuan, natanaw naman niya ang isang ibon.

 

“Twit-twit, ibon! Ano’ng ginagawa mo? Bakit andami mong bitbit na tuyong dahon?” usisa ni Ringo sa kayumangging ibon.

 

“Yay, may alimango!” Naglaglagan ang mga tuyong dahon mula sa tuka at kamay ng ibon dahil sa gulat. “Ano’ng ginagawa mo rito sa kakayuhan?”

 

“Naghahanap ako ng bagong tirahan. Ikaw, bakit nangunguha ka ng mga parte ng halaman? Kinakain mo ba ang mga iyan?”

 

Tinawanan siya ng ibon habang dinampot ang mga dahon. “Gagawin kong pugad ang mga ito. Malapit na kasing mangitlog ang asawa ko. Doon namin palalakihin ang mga inakay namin hanggang sa sila ay marunong nang lumipad.”

 

“Puwede rin ba akong gumawa ng pugad?”

 

Lalo pang natawa ang ibon. “Sige, kaya mo bang akyatin ang punong iyon?”

 

“Naku, hindi! Ayaw ko palang tumira sa pugad.” At nagpatuloy si Ringo sa paglalakad.

 

Sa gitna ng kakahuyan, nakasalubong niya ang isang pagong.

 

“Hala, may alimango!” Agad na nagtago ang pagong sa bahay nito.

 

“Tao po. Huwag kang matakot sa akin,” katok ni Ringo. “May itatanong lang ako.”

 

“Ano? Bakit ka nandito?” tanong ng mahiyaing pagong, sabay bahagyang inilabas ang ulo.

 

“Naghahanap kasi ako ng bagong tahanan. Gusto ko sana ng katulad ng iyong tirahan. Paano ba gumawa niyan?”

 

Paimpit na tumawa ang mahiyaing pagong. “Hindi ko ito ginawa kasi mula pagsilang ito ay akin nang sunong-sunong.”

 

“Ah, ganoon ba?”

 

“Oo, saka mabigat ito, kaya mabagal ang paglakad ko.”

 

“Ay, ayaw ko na pala ng ganiyang tirahan. Mabigat na nga’y, dinadala mo pa kung saan-saan.” At kaniyang itong pinagtawanan.

 

Biglang napahinto si Ringo, bago siya makalabas sa kakahuyan. “Aguy! Diyos ko po. Akala ko, kainin niya ako,” sabi ni Ringo. Isang mahaba at malaking ahas ang dumaan sa kaniyang harapan.

 

“Hindi ako kumakain ng alimango, baka malason pa ako,” natatawang biro ng ahas bago ito tuluyang nakapasok sa lungga nito.

 

“Mabuti naman kung ganoon, ginoo.” Nangangatog pa rin ang mga tuhod ni Ringo.

 

“Saan ka ba patungo? Isa kang alimango, pero bakit ka narito?”

 

“Naghahanap po ako ng tirahang bago. Ayaw ko na sa putikan, doon sa subang mabaho.”

 

“Ah, ganoon ba? Marami namang butas diyan na puwede mong tirhan.”

 

“Naku, ayaw ko na sa lupa. Kapag umulan, para na naman akong nakatira sa putikan. `Di bale na lang.”

 

“Ikaw ang bahala.”

 

Nagpatuloy si Ringo sa paglalakad. Sabik na siyang makita ang natatanaw niyang mga kabahayan, kung saan ang mga tao ay naninirahan.


            “Tingnan niyo! Tingnan niyo! Dali! Dali!” sigaw ng batang lalaki.

 

Nagpupumilit magtago si Ringo habang naglalapitan ang dalawang batang babae.

 

“Alimango?” tanong ng isa.

 

“Oo, alimango nga!” sabi ng babaeng bata.

 

“Bakit nakarating iyan dito?”

 

“Para may ulam na tayo!” biro ng batang lalaki.

 

“Oo, tama! Tara, hulihin na natin,” panukala ng isa.

 

“Paano? Baka kagatin tayo.”

 

Habang nag-uusap ang tatlong bata, nag-isip ng paraan si Ringo. Kailangan niyang makalayo.

 

Takot na takot siya, pero ramdam niya ang takot ng mga bata tuwing susubukan niyang lumapit at damdaban ang mga ito ng kaniyang mga sipit.

 

“Aaay!” sigaw ng isang babae, sabay takbo palayo.

 

Sinunggaban naman niya ang isa pang babae.

 

“Eeeee!” sigaw nito, na halos maihi sa kalulukso.

 

Nakakuha naman ng sanga ng puno ang batang lalaki. “Yari ka sa akin kapag kita’y nahuli.”

 

Iniamba iyon kay Ringo, pero mabilis niyang kinagat ang dulo. At siya’y nakipambuno.

 

“Allie, Marjo, tulungan ninyo ako. Dali!” sigaw ng batang lalaki.

 

Inangat nito ang sanga kaya nagpabitin-bitin doon si Ringo. Ikinapit na rin niya ang isa pang sipit niya upang hindi siya mahulog.

 

“Waaaa! Wiiiiiii!” Siya’y napapangiwi habang dinadala siya ng batang lalaki sa hindi madamong bahagi.

 

“Masarap ang alimango sa gata. Tapos, lalagyan pa ng kalabasa,” sabi ng lalaking bata.

 

Pagkarinig niyon, si Ringo ay nagpatihulog. Naiwan ang dalawa niyang sipit sa kahoy. Sakto, sa lungga ng ahas siya nahulog. Mabilis siyang pumasok at nagtago sa loob-- nanginginig at takot na takot.  

 

“Nasaan na?” tanong ng mga bata sa bawat isa.

 

“Nasa loob yata,” sabi ng lalaking bata.

 

“Anong gagawin natin?” tanong ng isa.

 

“Hukayin natin. Kumuha tayo ng pala sa atin. Dali!”

 

Sa loob ng lungga ng ahas, tatawa-tawa ito habang nanginginig pa rin si Ringo.

 

“Diyoskopo, muntik na akong mahuli… Maraming salamat, ahas.”

 

“Walang anoman. Dapat kasi hindi ka na naghanap ng bagong tirahan. Makuntento ka sa lugar na iyong kinalakhan. Ngayong putol na ang iyong mga kamay, paano ka na niyan?”

 

“Okey lang kung naputulan ako ng mga sipit, huwag lang akong maging ulam sa kaning mainit. Tutubo pa naman ang mga ito kasi isa akong alimango.”

 

Napakamot na lang sa ulo ang ahas. “Hindi ka pa ligtas. Dahil sa ‘`yo, nanganganib pati ako, kaya tayo nang lumabas.” Itinulak na siya ng ahas palabas sa butas. “Babalik ang mga bata para lang mahuli ka. Bilisan mo, tumakas ka na.”

 

“Paano ka?” pag-aalala niya.

 

“Kaya kong iligtas ang sarili ko. Hindi na muna ako babalik sa lungga ko. Puwede naman akong matulog muna sa puno.”

 

“Sige, ginoo… Maraming salamat uli sa inyo.” Pagkatapos kumaway ni Ringo, siya ay agad na kumaripas ng takbo.

 

Bago pa bumalik ang mga bata, ligtas nang nakalayo si Ringo. Nakatago siya sa ilalim ng bao. Natanaw niyang hinuhukay ng mga ito ang lungga kung saan siya nakapagtago.

 

Tatawa-tawa siyang naglakad pabalik sa putikan, habang sunong-sunong ang bao, gaya ng isang umang.

 

“Uy, Pagong, sabay na tayo,” masiglang bati ni Ringo.

 

“Uy, ikaw pala, Alimango… Nasaan ang mga sipit mo? Bakit ka nagbuhat ng bao? Hindi ba sabi mo kanina ay ayaw mo ng ganito?”

 

“Oo, pero muntik na akong mahuli ng mga bata, kaya maigi nang mabigatan ako kaysa ako’y kanilang iulam.”

 

Biglang bumaligtad ang pagong dahil sa katatawa. Kaya sa paglakad ay nauna na siya.

 

Kahit nabibigatan, nagpatuloy si Ringo sa paglakad habang buhat-buhat ang baong mabigat. Tagaktak ang pawis at hingal na hingal na siya, kaya sa ilalim ng damuhan ay nagpahinga muna.

 

“Twit-twit!” bati ng ibon kay Ringo. “Anong nangyari sa `yo? Bao pala ang bahay na gusto mo,” panunukso nito.

 

“Muntik na akong mapahamak dahil sa aking balak. Hindi pala ako ligtas kung lalayo ako sa maputik na butas,” malungkot niyang saad.

 

“Masyado ka kasing mapangahas. Gusto mo pang tumakas sa lugar kung saan ka ligtas. Twit-twit!” paalam ng ibon saka lumipad.

 

Ngumiti si Ringo bago muling nagpainot-inot patungo sa putikan. Lubha siyang nahirapan sa pagbubuhat ng baong kaniyang pinagtataguan. At nang malanghap niya ang pamilyar na amoy ng putikan, lumabas na siya sa bao at tumakbo nang mabilisan.

 

“Ligtas na ako!” hiyaw ni Ringo.

 

Naglabasan ang mga kapuwa niya alimango.

 

Muling naputikan ang mga galamay ni Ringo. “Salamat sa putik! Hindi na ako roon kailanman babalik. Sa lugar na pala ito, ligtas at sagana ako.”

 

 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...