Followers
Tuesday, December 4, 2018
Ang Aking Journal -- Disyembre 2018
Monday, December 3, 2018
Ikaw
Ikaw
Makata O.
Hindi ikaw ang karugtong ng kailanman
Sa pagsinta mong may butil ng luha...
Magkawalay
Masabik
sapagkat ako’y mananatili sa pagkalas ko Habambuhay sa pagmamahalan
Hindi tayo umaga, tanghali at gabi
na ilang ulit pumanaw
Simula sa huli...
Ikaw.
#erasurepoetry
Friday, November 30, 2018
Kay Sayang Maglakbay
Buwan-buwan
kaming lumuluwas ng Metro Manila. Buwan-buwan kasing nakikipagpulong si Daddy
sa mga kapwa niya doktor.
Noong Enero,
dinala kami ni Daddy sa Villamor Air Base Golf Club. Sa Sofitel kami namamalagi
sa loob ng dalawang araw at isang gabi. At siyempre, kasama na roon ang
pamamasyal naming mag-anak.
"Ang
saya-saya po palang maglaro ng golf, Daddy!" sabi ko.
"Siyempre,
Andy, bukod sa maganda na ang kapaligiran, isa pa itong uri ng ehersisyo,"
sagot ni Daddy.
"Ang bait
pa ng caddy natin," sabi naman ni Ate Kyla.
"Totoo
iyan. Isa pa, na-enjoy ko rin ang mga pagkain nila sa restaurant na
kinainan natin," wika ni Mommy.
"Sige,
babalik tayo rito," masayang balita ni Daddy.
Nagpa-yehey
kaming magkapatid.
Noong Pebrero,
sa Resorts World Manila naman kami namalagi. Bago pa makalapag ang eroplano sa
Ninoy Aquino International Airport, tanaw na tanaw na namin ang magagandang
lugar sa palibot niyon. Excited kaming lahat na malibot ang tinaguriang 'Travel
City' ng Pilipinas.
Marami ang
aming naranasan. Nanood kami ng sine, naglaro sa arcade, naligo sa pool,
at kumain sa mga restaurant. May Valentine concert pa roon ang ilang
sikat na Pilipinong mang-aawit. Hindi lang namin na-experience ang
kanilang casino. Ayaw ni Daddy.
"Ang
ganda-ganda po rito sa Resorts World!" bulalas ko.
"Yes!
Pang-world class," sang-ayon ni Daddy.
"Pambihira
talaga ang one-stop entertainment and leisure resort na ito!"
dagdag ni Mommy. "Ang sasarap pa ng pagkain."
"Korek
po! babalik po ba tayo rito?" tanong ni Ate Kyla kay Daddy.
"Siyempre
naman!"
Nag-apiran
kami ni Ate Kyla.
Noong Marso,
sa Marriot Hotel naman kami nanuluyan. Malapit kasi roon ang Star City. Isa
itong amusement park.
Ang gaganda ng
mga rides doon, gaya ng Star Frisbee, Surf Dance, Star Flyer, Jungle
Splash, at Telecombat, Viking, Tornado, Grand Carousel, at Giant Star Wheel.
Nakakabaligtad ng sikmura ang iba, pero hindi namin iyon pinagsisihan ni Ate
Kyla.
Pumasok din
kaming mag-anak sa Dungeon of Terror, Pirate Adventure, Gabi ng Lagim, Time
Tunnel, Lazer Blaster, Snow World, at Star Dome. Manghang-mangha kami sa ganda
ng mga atraksiyon. Ang iba naming napasukan, napasigaw at napakapit kami sa
isa't isa. Nakakatakot kasi talaga.
Siyempre,
sinubukan din namin ang Bumper Boat at Bump Car Smash.
Sobrang saya
talaga ng bonding naming pamilya, lalo na nang pumasok kami sa Adventure
Zone. Doon naming naranasan sa unang pagkakataon ang zipline, paint ball,
wall climbing, at ropes courses.
Sayang lang
dahil hindi namin napasok at nasakyan lahat. Okay lang, pambata na kasi ang
iba, gaya ng Happy Swing, Annex Carousel, Dragon Express, Red Baron, Wacky
Worm, Little Tykes, Ball Pool, Rodeo, Quack Quack, Mini Pirate Ship, Frosty
Tram, Kiddie Bump Car, Kiddie Wheel, Bumper Car Rave, Tea Cup, Jumping Star, at
marami pang iba.
"Next time
po, Daddy, balikan natin ang Music Express. Mukhang maganda rin po doon,"
suhestiyon ko.
"Yes,
sure!" sabi niya.
"Ang
gusto kong balikan ang mga souvenir shops. Hindi tayo nakabili, e,"
malungkot na sabi ni Ate Kyla.
"Hayaan
mo na, may susunod pa naman," pang-aalo ni Mommy.
"Gusto
raw po kasi niyang bumili ng pink wig," biro ko.
Nagtawanan
kami.
Noong Abril,
isinama kami ni Daddy para raw mapanood namin ang Aliwan Fiesta. Ito ay taunang
paligsahan ng iba't ibang cultural festivals sa Pilipinas, na
pinangungunahan Manila Broadcasting Company (MBC), Cultural Center of the
Philippines, at Manila City at Pasay City. Nagkakaroon ng dance parade,
float parade, at beauty pageant. Kilala ang pagdiriwang na ito
bilang "The Metro Manila of All Fiestas." Ito na nga raw ang
pinakaenggradeng pista sa bansa.
"Nakakapagod,
pero sobrang saya. Hindi ito pangkaraniwang fiesta," komento ni Ate
Kyla, habang nasa Bayview Park Hotel na kami.
"Napakakulay
at napakasaya!" dagdag ko pa.
"Balita
ko nga, tatlong milyong piso ang kabuuang papremyo sa mga kalahok," sabi
ni Mommy.
"Siguro...
Kaya nga, laging sumasali rito ang probinsiya natin," sabi naman ni Daddy.
"Ang
galing ng Tribung Ati-Atihan kanina. Sana manalo sila," sabi ko.
"Sayang
hindi na natin nahintay ang awarding," sabi ni Daddy.
"Ayos
lang iyan. Sulit naman ang food trip at bonding sa tiangge natin
kanina," sabi ni Mommy.
Sumang-ayon
kaming lahat.
Noong Mayo, sa
Heritage Hotel naman kami nag-check in. Tanaw namin mula sa bintana roon
ang Mall of Asia (MOA). Nadurungawan din namin extension ng Epifanio
Delos Santos Avenue (Avenue). Pero, hindi lang iyon. Dalawang museum ang
binista namin. Namasyal kaming pumunta sa Philippine Air Force Aerospace. Kami
lang yata ni Daddy ang nag-enjoy. Pero nang nasa Upside Down Museum na kami,
kitang-kita sa mukha naming lahat ang ligaya. Kagila-gilas ang pasyalang iyon.
Bata o matanda, magugustuhan.
"Grabe!
Ang gaganda ng kuha natin!" bulalas ko nang titiningnan namin ang mga
larawan namin sa camera. Nakabaligtad kasi ang mga gamit doon museum,
kaya aakalain mong nakatiwarik kami.
"Ang
galing lang talaga ng photographer ninyo," sabi ni Mommy. Sumandal
pa siya sa balikat ni Daddy.
Ngumiti lang
si Daddy.
Hunyo noon
nang marating ko Coconut Palace sa Pasay. Ito ay isang masining at makakalikasang
guesthouse na ipinatayo ni Dating Unang Ginang Imelda Marcos para sa pagbisita
ni Pope John Paul II.
"Ang
suwerte ng Santo Papa," komento ko.
"Hindi
siya tumuloy roon," sagot ni Daddy.
"Po?
Bakit po?"
"Ang
pagkakaalam ko, dahil daw sobra raw magarbo at mahal ang pagkagawa niyon.
Nakalimutan na ang mahihirap sa Pilipinas."
"Magkano
po ba ang nagastos sa pagpapatayo ng Coconut Palace?" tanong ng ate ko.
"Roughly
thirty seven million pesos, anak," sagot ni Daddy. "Ginamit doon
ang ilang bahagi ng coconut levy fund, na dapat sana ay para sa mga
magsasaka."
"Pero,
ayon naman kay First Lady, nakatulong raw siya sa mga coconut farmers
dahil gumamit dito ng mga coco shells o bao."
"Gayunpaman,
maganda pa rin ang kinalabasan ng estruktura dahil naging bahagi na ito ng
kasaysayan ng bansa. Biruin mo, naging bisita rito ang mga dating pinuno ng
Libya na sina Muammar al-Gaddafi, Brooke Shield, at George Hamilton."
"Wow,
sikat!" bulalas ko.
"Napanood
ko sa telebisyon ang Coconut Palace. Naging bahagi ito ng 'Amazing Race' at
'Tanging Yaman' ng ABS-CBN," sabi ni Ate Kyla.
"Oo,
kahanga-hanga talaga ang lugar na ito," sabi ni Mommy. "Tingnan na
lang ninyo ang chandelier at ang lamesa. Gawa lang ang mga iyan sa bao.
At, magagandang klase ng tabla ang ginamit dito."
"Hindi
lang iyan," singit ni Daddy. "Alam ba ninyong ang bubong nito ay
parang malaking salakot?"
Napa-wow
kami nina Mommy at Ate Kyla. Kaya nang bumalik kami sa Conrad Hotel,
punong-puno ng ligaya ang mga puso namin.
Ang hotel pa
lang na iyon ay isa nang atraksiyon. Ang disenyo kasi niyon ay hinango sa cruise
ship sa Manila Bay. Napakaganda!
Doon,
nasiyahan kaming mag-anak sa Dessert Museum. Picture-perfect ang bawat
anggulo. Makulay. Ang saya!
Noong Hulyo
naman, sa Midas Hotel naman kami nanuluyan.
Sa unang araw,
narating namin ang Philippine International Convention Center (PICC).
"O, bakit
kayo malungkot? Hindi ba ninyo nagustuhan ang lugar na ito?" tanong ni
Daddy sa amin.
Ako ang
sumagot. "Nagustuhan po. May tanong lang po ako."
"Ano
iyon?"
"Para
saan po ito?"
"Ito isa
sa mga dinarayo rito sa CCP Complex. Ang PICC ay lugar kung saan ginaganap ang
mga lokal at pandayuhang kumbensiyon, mga pagpupulong, mga eksibisyong-pamilihan,
at mga kaganapang panlipunan," paliwanag ni Daddy.
"Anak,
narito tayo para sa The Feast ni Bro. Bo Sanchez. Espirituwal muna bago tayo
mamasyal,"sabi naman ni Daddy.
"Aaah!"
magkasabay naming bulalas ni Ate Kyla. Naunawaan na naming pareho.
"Dito pala
iyon ginaganap?" tanong ng kapatid ko. "Tara na po."
Gabi. Dinala
kami ni Daddy sa Amazing Show. Ito ay ang dating Manila Film Center, na
dinisenyo ng arkitektong si Froilan Hong para sa kauna-unahang Manila
International Film Festival (MIFF) noong Enero 18–29, 1982.
"Ang
gagaling ng mga performers!" komento ko.
"Parang
nasa Las Vegas tayo," dagdag ni Ate Kyla.
"Alam
ni'yo ba, kontrobesyal ang building na ito?" seryosong tanong ni Daddy.
"Bakit
po?" tanong ko.
"May
naganap na aksidente rito noong Nobyembre 17, 1981," sagot niya.
"Dahilan para tawagin itong Tragic Theatre."
Napayakap ako
kay Mommy.
Hindi na
itinuloy ni Daddy ang pagkukuwento. Nagpokus na lang kami sa panunuod. Pero,
pagdating sa hotel, ikinuwento niyang lahat ang tungkol sa haunted theatre.
Ayon sa iba,
ang 360-degree na Manila Film Center ay pinasimulan ni Ginang Marcos noong 1981
para maging 'Cannes ng Asia.' Ang Cannes ay sentro ng international film
festival. Binase pa sa Panthenon ang disenyo nito. Ang Panthenon ay simbahang
ipinagawa para kay St. Genevieve. At dahil daw sa ambisyoso niyang hangad na
matapos agad ito, kinailangang magtatlong shifts ang 4000 na trabahador
sa loob ng 24 oras, sa loob ng tatlong buwan."
"Nakaya
po nila iyon?" tanong ko.
"Yes...
Pero, sa hindi inaasahang pangyayari, noong ika-17 ng Nobyembre, 1981.
Alas-tres ng madaling araw. Ito ang oras na tinatawag nilang 'devil's hour,'
bumagsak ang scaffolding mula sa pinakataas na palapag. Naging
pinakamalaking sementeryo ang lugar na iyon."
"Po?
Bakit po?" Hindi ko talaga maunawaan.
Nagpatuloy si
Daddy. "Nabagsakan ng mga bakal ang mga manggagawa. Ang iba naman ay
lumubog ang kalahati ng kanilang katawan sa quick-drying na
semento."
"Kawawa
naman sila," sabi ni Ate.
Ako naman,
nakaramdaman din ng magkahalong takot at awa.
Ipinagpatuloy
ni Daddy ang nakakatakot, pero interesanteng kuwento. "Sabi-sabi na
naniwala si Ginang Marcos na kapag ni-rescue pa ang mga bangkay ay made-delay
ang proyekto. Kaya ipinag-utos ang project supervisor na si Betty
Benitez, na tabunan na lang iyon ng semento. Ayon pa sa sabi-sabi, umabot sa
168 na katao ang nalibing nang buhay roon. Iyon ay pagkatapos ng sampung oras
matapos buksan ang lugar para sa mga rescuers at mediamen."
"Nasa
ilalim noon ng Martial Law ang bansa, kaya walang rekord ng aksidente." Si
Mommy naman ang nagkuwento. "Noong 1986 lang lumabas ang nilang footage.
Mayroon ngang ipinakita sa balita na may isang bangkay na nababalutan pa ng
semento ang kalahati ng katawan. Nakakaawa talaga."
"Natuloy
pa rin po ba ang film festival?" tanong ni Ate Kyla.
Malungkot na
tumango si Daddy. " Enero, 1982 naroon ang mga Hollywood glitterati,
na sina Brooke Shields at George Hamilton. Wala silang kaalam-alam na sa ilalim
ng red carpet ay isang mga labi ng mga trabahador. Sabi pa nga, ang mga
laylayan ng long gown ng mga bisita ay may pintura."
"Parang
may narinig nga akong mga panaghoy, iyak, sigaw, at iba pang boses kanina.
Tumayo ang balahibo ko kanina sa takot," sabi ni Mommy.
"Ilang
buwan ang lumipas, namatay sa karumal-dumal na aksidente ni Betty
Benitez," sabi pa ni Daddy.
"Matulog
na po tayo," sabi ko, sabay talukbong ng kumot.
Natawa na lang
sa akin sina Mommy at Daddy. Hindi ko naman narinig si Ate Kyla.
Dumating ang
Agosto, lumuwas uli kami. Sa The Henry Hotel kami nag-check in. Ang
ganda roon! Perfect para sa wedding reception.
Maganda rin
ang karanasan namin sa dalawang araw naming bakasyon. Sa unang araw, dinala
kami ni Daddy sa World Trade Center. Ito raw ang sentro ng mga exhibit
sa bansa. Minsan, may concert ding ginaganap doon. Sa araw na iyon, may
World Food Expo.
Andami-dami
pala talagang uri ng pagkain sa mundo, na kayang-kayang lutuin ng mga Pilipino.
Ang iba nga, natikman pa namin. Ang sasarap!
Sa ikalawang
araw, food trip uli kami. Dinala kami ni Daddy sa Dampa.
Pambihira
palang mamili ng mga buhay na seafoods, gaya ng hipon, alimango,
alimasag, lobster, isda, pusit, tahong, at iba pang uri ng sea shells.
Siyempre may mga sariwang prutas at gulay rin. Masarap magluto ang napili
naming restaurant.
Nag-videoke
pa kami. Sabi ni Daddy, pampababa raw ng kinain. Tama siya. Kaya naman,
halos maubos namin ang aming ipinaluto. Sobrang busog tuloy kami nang bumiyahe
kami pauwi.
Noong
Setyembre, sa Hotel 101 kami dinala ni Daddy. Namasyal kami sa Cultural Center
of the Philippines (CCP).
"Alam
ni'yo ba na ipinatayo rin ito ni Ginang Marcos?" bungad ni Daddy nang
naroon na kami sa loob.
"Parang
nabasa ko na po iyan sa libro," sabi ko.
"Tinatalakay
iyan sa Araling Panlipunan," singit ni Ate Kyla. "Hugis-inidoro nga
raw po ito, e, 'di ba, Daddy?"
"Yes,
Kyla! Kahanga-hanga ang disenyo nito. Sa aerial view, makikita mo talaga
na arang isang toilet bowl. Ang malaking pond at fountain
sa labas, ang kunwaring bowl. Itong loob naman ang nagsisilbing tanke. Ang
galing, 'di ba?!"
Tumango kami
ni Ate Kyla.
"At alam
rin ba ninyo na ipinatayo ito dahil para pagdausan ng mga pagtitipon, gawain,
pagtatanghal na may kinalaman sa sining at kultura?" tanong ni Mommy.
"Ah,
talaga po?" tanong ko. "Kaya po pala manonood tayo ng mga pelikula ng
Cinemalaya."
"Pasok
muna tayo sa mga gallery. May mga naka-exhibit doon," yaya ni
Daddy.
"Uy,
gusto ko po iyon!" bulalas ni Ate Kyla.
Napuno ng
kasiyahan ang mga mata at puso namin. Pakiramdam ko, nakilala ko nang husto ang
husay, galing, at yaman ng mga Pilipino pagdating sa sining.
Noong Oktubre,
sa Microtel naman kami nag-stay. Dinala kami ni Daddy sa Aliw Theater sa
may CCP Complex. Nanood kami ng ballet performances ng Ballet Manila na
pinamumunuan ng sikat na ballerina, na si Liza Macuja-Elizalde.
Napahanga ako
sa husay ng mga mananayaw. Hindi ko dati gusto ang ballet, pero nang
napanood ko sila, nagbago ang pananaw ko. Hindi lang pala ito basta sayaw, ito
ay sining. Kailangan nito ng talino at disiplina. Bravo!
Noong
Nobyembre, nakakuha kami ng bakanteng kuwarto sa SMDC Breeze sa may Roxas
Boulevard. Malapit kasi roon ang Harbor Square.
Totoo nga ang
sabi ni Daddy, maganda talaga roon kapag gabi. Maraming restaurant and bar.
Siyempre, ng food
bonding kainang pampamilya. Ang sasarap ng kanilang menu!
Nang mabusog
kami, nag-picture-picture kami sa labas. Magaganda ang background
kasi naroon ang mga yate at ang mga gusali sa siyudad ng Manila.
Nagkaroon din
kami ng pagkakataong makipag-usapan sa mga banyagang bumisita rin doon.
May mga nagsu-zumba
rin. Nakisayaw pa nga kami nang kaunting oras. Kaya nang mapagod kami, ice
cream naman ang aming pinagdiskitahan.
Kinabukasan,
bumalik kami roon. Maganda rin pala kahit umaga. Nanood pa nga kami ng mga
namimingwit.
Noong
Disyembre, nasa Kabayan Hotel kami. Sa Mall of Asia (MOA). Ito ay isa sa
pinakamalaking mall sa Pilipinas. Kabilang rin ito sa isa sa mga pinakamalaking
mall sa mundo.
Sobrang saya
kong nakalibot ang loob niyon. Hindi man kayang malibot sa isang araw, napuno
naman ng bagong karanasan ang buhay ko, lalo na nang sumubok kaming mag-ice
skating. Nakatutuwa!
Dahil
magpapasko na, kay gaganda ng mga dekorasyon sa Seaside. Naabutan namin ang
parada, na animo'y nasa Disneyland kami. Pagkatapos niyon, fireworks
naman ang nagpamangha sa amin. Andaming turista --lokal at banyaga. May mini-carnival
doon. Sumakay nga kami sa Ferris wheel. Ang ganda pala ng tanawin kapag nasa
taas ka.
Hindi ko rin
makalilimutan ang mga mime artists na pinagkakaguluhan ng mga tao.
Nakakatawa sila. Kaya naman, hindi namin ipinagdamot sa kanila ang biyaya.
Kahit paano nakatulong kami nang kaunti
Siyempre,
hindi namin pinalampas ang panonood ng sine sa IMAX.
Sulit talaga!
Maagang pamasko ang dulot sa amin ng pamamasyal naming mag-anak.
Nasa Aklan na
kami nang may sinabi si Daddy.
"Bakit
po?" malungkot kong tanong. Hindi na raw kasi kami mamasyal sa Pasay.
Tiningnan lang
ako ni Daddy. Nagtinginan din sila si Mommy.
"Wala
nang budget. Ganoon lang 'yon kasimple, Neon," sabi ng ate ko sa
akin.
Napangiwi ako.
Gusto ko pa naman sanang balikan ang ibang mga lugar sa Pasay. "Magastos
po talaga, pero may ipon po ako."
Natawa ang mga
magulang ko. Humaba naman ang nguso ng kapatid ko.
"Kaya na
bang makabili ng round trip ticket ang ipon mo?" natatawang tanong
ni Ate Kyla.
Napaisip ako.
"Magkano ba ang ticket?"
Lalong natawa
ang tatlo.
"Kita mo
na. Mahal nga kasi. Mag-ipon ka pa," biro ni Ate.
Nalungkot
akong bigla. Hindi ko na makokompletong sakyan ang mga rides sa Star
City. Gusto ko rin sanang matuto ng ice skating sa MOA.
Aalis na sana
at tatalikod sa kanila nang tinawag ako ni Daddy. Pinaupo niya ako sa kaniyang
hita.
"Neon, sa
isang taon o sa buwan-buwan nating pamamasyal sa Pasay City, may natutuhan ka
ba?" tanong ni Daddy.
"Opo.
Marami po."
"Tulad ng
ano?"
"Historical po ang Pasay.
Magaganda ang pasyalan at hotel. Masasarap ang pagkain."
"Iyon
lang?"
Napatingin ako
kina Ate Kyla at Mommy. Naguguluhan ako. Kumabog ang dibdib ko.
Tumango na
lang ako nang wala na akong maisip na sagot.
"Hindi na
nga talaga tayo babalik doon," sabi ni Daddy.
Mali ang sagot
ko, naisip ko. Yumuko na lang ako. Kusa na rin akong tumayo.
Nakalayo na
ako nang magsalita uli si Daddy. "Pag-isipan mo, anak."
Hindi na ako
lumingon. Tumango na lang ako.
Ilang linggo
rin akong nag-isip ng tamang sagot. Marami akong natutuhan, pero sa tingin,
nasabi ko nang lahat.
Sa kagustuhan
kong makabalik sa Pasay, hindi ako tumigil sa pag-alala sa mga karanasan ko sa
pamamasyal namin.
Naghintay
akong itanong uli sa akin ni Daddy. Pero, nakalimutan na yata niya.
Isang gabi,
habang naghahapunan kami, nagsalita ako.
"Maganda
rin pala rito sa Aklan. Kung kasaysayan, kultura, at sining ang pag-uusapan,
hindi naman papatalo ang mga Aklanon. Isa pa, mas masarap pong mamasyal kung
saan libre ang sariwang hangin, berdeng kapaligiran, at malinis na katubigan.
Okay lang po na hindi na tayo mamasyal uli sa Pasay."
"Great,
son! Great!" sabi ni Daddy. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang paghanga
sa sinabi ko. "Iyan ang sagot na nais kong marinig noon pa."
Nagulat ako.
"Dahil
diyan, mag-iipon uli alo para maisama ko uli kayo sa iba pang lugar sa
Pilipinas," deklara ni Daddy.
Napapahiyaw
kami sa tuwa.
"Tama po kayo,
Dad! Maraming-maraming magagandang lugar sa Pilipinas. Dapat nating ipagmalaki
ang mga ito," sabi ko.
Simula noon,
unti-unti naming dinidiskubre ang magagandang tanawin at lugar sa
Pilipinas--isang beses sa isang buwan. Kay saya kasing maglakbay!
Thursday, November 29, 2018
Tuwing Sabado
Mabait sa akin si Lib kahit isang buwan pa lang ang bahay nila sa kaharap naming lote.
Tuwing Sabado, niyayaya niya ako sa bahay nila para makipaglaro sa kaniya. Ang dami-dami niyang laruan. May mga tao-tauhan. May mga kotse-kotsehan. May mga baril-barilan. Mayroon din siyang scooter at bisikleta. Minsan, naglalaro kami ng Playstation. Pinahihiram niya rin ako ng iPad niya. Nanunuod din kami ng mga videos sa youtube.
Ang saya-saya ko kapag nasa bahay nila ako. Ang sasarap pa ng pagkain nila. Kaya lang, paglabas ko sa bakuran nila, nalulungkot ako.
Titingin pa muna ako sa harap ng magarang bahay nila. Pagkatapos, papasok na ako sa lumang bahay namin.
“Ang suwerte ni Lib. Nasa kanya na ang lahat ng bagay na wala ako,” bulong ko bago ako pumasok sa bahay.
“O, Bok, bakit hindi yata maipinta ang mukha mo? Nag-away ba kayo ni Lib?” salubong sa akin ni Mama.
Umiling ako. “Kailan po ba maipapaayos ni Papa ang bisikleta ko? Gusto kasi ni Lib na magbisikleta naman kami.”
“Naku, anak, ang sabi ng Papa mo, hindi pa siya makahanap ng manibela. Wala pa raw kasing nagbebenta ng sirang bisikleta sa junk shop na pinagtratrabahuan niya,” paliwanag ni Mama.
Tumango lang ako. Lalo akong nalungkot.
“Siyangapala, nakalimutan kagabi ng Papa mo na iabot sa iyo ang mga libro at magasin mula sa junk shop. Nasa kuwarto mo,” pahabol na sigaw ni Mama.
Wala sana akong balak tingnan ang mga iyon, kundi lamang nakita ko ang larawan ng bisikleta sa magasin. Binuklat ko iyon, pero lalo pa akong nalungkot.
Tiningnan ko lang ang mga cover ng bawat libro at magasin, saka ko ipinatong sa lamesa.
“Ang dami-dami nang babasahin dito. Si Papa naman, dala pa nang dala. Binasura na nga ng iba, siya naman inuuwi pa rito. Kalat lang tuloy.”
Nang araw na iyon, lungkot na lungkot ako.
Mula sa bintana, tanaw na tanaw ko ang magandang bahay ng kaibigan ko. Kinaiinggitan ko talaga siya.
“Bok, Bok, pakibuksan naman ang pinto,” tawag sa akin ni Ate Karina.
Agad ko siyang pinagbuksan.
“Patingin naman ako ng mga libro mo. Baka kasi nandiyan ang kailangan ko,” sabi niya.
“Sige na. Dalhin mo na lahat iyan sa kuwarto mo. Ang sikip na dito, e.”
“Ano ka ba? Punong-puno na rin ng aklat ang kuwarto ko. Maliban kasi sa bigay ni Papa, nireregaluhan pa ako ng mga kaklase ko ng aklat.”
Namimili na siya. Ako naman, tahimik lang. Hiniling ko na sana, magustuhan niyang lahat ang mga babasahing nasa kuwarto ko.
“Uy, ang gaganda nito!” Hawak ni Ate Karina ang ibang magasing kabibigay pa lamang ni Papa. “Liwayway! Ito ang pinakasikat na lingguhang magasin noon hanggang ngayon. Ayaw mo ba?”
“Sabi ko nga sa ‘yo, kunin mo nang lahat iyan, e.”
“Ang tamad mong magbasa. Samantalang ako, nag-iipon pa mula sa baon ko para mabili ko ang mga magasin at librong gusto kong basahin.”
“Ikaw iyon.”
“Hay, naku, Bok! Huwag mong katamaran ang pagbabasa. Ang ibang bata, gustong-gustong magbasa, wala lang silang mabasa. Tayo, masuwerte dahil nahihingi lang ni Papa sa junk shop ang mga babasahin natin,” litanya ni Ate Karina.
Nakatingin lang ako sa labas.
“Ang mga ito ang kayamanan natin,” patuloy ni Ate Karina.
“Tama ang ate mo, Bok,” bungad ni Mama. “Nakita mo naman ang mga medalya niya, hindi ba? Mula Kinder hanggang ngayon lagi siyang nangunguna sa klase.”
“Hindi naman po basehan ng katalinuhan ang medalya,” may respeto kong sagot, kahit naiinis na ako.
“Oo nga, pero iba pa rin ang may karangalan,” sabi ni Mama. "Huwag mo na kaming gayahin ng Papa mo, salat sa edukasyon at kaalaman."
“Ang pinupunto ni Mama, may magandang epekto ang pagbabasa. Pahalagahan mo naman ang mga aklat,” singit ni Ate Karina. Hawak na niya ang limang magasin at dalawang libro. “Pahiram ng mga ito. Babasahin ko lang ngayong araw.”
Tumango na lang ako para lumabas na siya.
“Si Lib ba may ganito karaming aklat?” tanong ni Mama nang wala na ang ate ko.
Natigilan at napaisip akong bigla. “W-wala po yata. Halos nalibot ko ang kabahayan nila. Meron doon, sa may sala. Dalawa o tatlo lang yata iyon. Naka-dsiplay.”
“Kita mo na? Mas mapalad ka kaysa kay Lib. Sinasabi ko sa ‘yo,” sabi niya bago niya ako iniwan.
Naguluhan ako. Paano akong magiging mas mapalad kaysa sa kaibigan ko kung kahit sirang laruan ay wala ako?
Dumami pa nang dumami ang mga babasahing inuuwi ni Papa mula sa junk shop. Ang iba nga, pinipilas ko ang mga pahina. Kapag may baha, ginagawa kong bangkang papel. Kapag tag-araw naman, ginagawa kong eroplanong papel. Minsan, robot at saranggola ang nagagawa ko.
Isang araw, dumating sa bahay namin ang anim na taong gulang na si Niknik. Anak siya ng kapitbahay namin. Aliw na aliw sa kaniya si Ate Karina kasi bukod sa maganda na mahilig pang makipagkuwentuhan.
“Halika, Niknik, suklayan kita,” sabi ng ate ko.
“Huwag na po ate. Gusto ko po basahan mo ulit ako ng kuwento,” sabi ng bata.
“A, kaya pala may bitbit kang storybook. Akin na. Patingin.” Kinuha ng ate ko ang hawak ng bata. “Ang Libro ni Mario. Wow! Parang ang ganda nito. Sige, handa ka na bang makinig?”
“Opo!”
Hindi ko ipinahalata kay Ate Karina na interesado akong makinig sa kuwento. Nagkunwari akong naglalaro ng pogs sa sahig.
Habang binabasa ni Ate ang libro, may itinatanong siya kay Niknik. Nasasagot naman nito. Kahit ako, alam ko ang sagot. Ang ganda kasi ng kuwento.
Napapalakpak si Niknik nang matapos ang pagbabasa. “Ate, ang ganda!”
“Oo! Kaya, ikaw, ipagpatuloy mo lang ang pagiging mahilig sa libro at pagbabasa,” payo ng ate ko. “Huwag mo nang gayahin ang iba.”
“Opo, Ate Karina!”
Nahiya ako sa sinabi ng ate ko. Hindi ako nakatingin sa kaniya. Hindi ko alam kung kanino ako maiinis— sa kapatid ko, kay Niknik, o sa sarili ko.
Sabado ng umaga, nag-aabang na ako sa harap ng magarang gate ng bahay ni Lib.
“O, Bok, kanina ka pa?” bati sa akin ni Lib.
“Medyo.”
“Halika, pasok ka na. Mag-Mobile Legends tayo.”
“Ano iyon?”
Natawa si Lib. “Basta! Halika na.” Hinila niya ako.
“Teka lang!”
Binitawan niya ako. “Bakit?’
“Sa bahay na lang tayo maglaro,” nahihiya kong yaya.
Muling natawa si Lib. “Dati, ayaw na ayaw mo akong papuntahin sa bahay ninyo. Bakit, may mga bago kang laruan? May drone ka na ba?”
“Ano ‘yon?”
“A, wala! Sige, tara na sa bahay ninyo.”
Nang nasa bahay na kami, parang tinatambol ang dibdib ko. Hindi ko alam kong ikatutuwa ba ni Lib ang gagawin namin.
Pinaupo ko siya sa luma at sira-sira naming sofa. “Pasensiya ka na sa bahay namin. Sandali lang.”
“Okay lang.”
Kumatok ako sa kuwarto ni Ate Karina. Pinapasok niya ako. Hindi nagtagal, kasunod ko na siya.
Binati niya si Lib. “Kumusta? Mabuti naman at naisama ka rito ni Bok.”
Ngumiti lang si Lib. Nginitian din kami ni Ate Karina.
Napalunok ako habang binubuklat niya ang aklat. “Ang Libro ni Mario. Handa na ba kayong makinig?”
Napatingin sa akin si Lib.
“Opo, Ate. Opo, handa na kami. Hindi ba, Lib?” natataranta kong sabi.
Napilitang tumango ni Lib.
Habang binabasa ni Ate Karina ang libro, pasulyap-sulyap ako kay Lib. Hiniling ko na sana ay magustuhan niya. Gusto kong maging mahiligin na rin siya sa libro.
“Simula noon, lagi nang nagbabasa si Mario ng libro,” ang pagtatapos ng ate ko sa kaniyang binabasa.
Wala sa loob na napapalakpak si Lib. “Ang ganda! Ang ganda!”
“Salamat, Ate Karina!” maluha-luha kong pasalamat sa kaniya, nang lumapit ako.
Ginulo niya ang buhok ko. “Sabi ko sa ‘yo, e. So, paano? Dito na kayo lagi tuwing Sabado, ha? Maraming libro sa kuwarto."
Nang mga sumunod na Sabado, tatlo na kaming binabasahan ni Ate Karina ng kuwento. Minsan nga, nakikinig din si Mama.
Nagkaroon na rin si Lib ng munting library sa kaniyang kuwarto. Minsan, doon sila nagbabasa ni Bok.
Wednesday, November 7, 2018
Pagbasa
Bawat pahina ng aklat na ating babasahin,
Unawaing maigi at sa kukote ay papasukin.
Wakasan ang kamangmangan at kahinaan
Ang pagbabasa ang siyang pagkaabalahan
Nagtatagumpay ang taong may kaalaman.
Nagniningning, nangunguna ang may alam
Gagabayan tayo sa buhay at anumang daan
Pagbabasa ay kapaki-pakinabang na gawain
Ang bawat sulok ng mundo ay mararating
Galing sa wika, siyensiya, kahit matematika
Babaon sa kaibuturan ng puso at sa diwa
Anumang babasahin, lagi tayong may pag-asa
Sa pagbabasa, wala tayong katalo-talo
Ang ating isipan, patuloy pa ngang lalago.
Friday, November 2, 2018
Ang Aking Journal --Nobyembre, 2018
Ang Aking Journal -- Hulyo 2026
Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...
-
Ano ang Kolum (Column)? Paano ito isinusulat? Ang kolum o pitak ay regular na lathalain o serye ng mga artikulo sa pahayagan, magasi...
-
Si Baltog Noong unang panahon, may isang maginoo at makisig na binata—si Baltog. Anak siya ng datu sa tribu ng Botaera ...