Followers

Friday, May 16, 2025

Elias Maticas 3

 “Grabe `yon! Muntikan na nga rin akong maengkanto sa falls na `yon. Ano kaya ang mangyayari kung naengkanto tayong tatlo. Mabuti na lang, maaram ka na, Elias. Ang galing mo! Ikaw na ang susunod na Lolo Leo—ang parabulong sa Sito Burabod.”

 

“Tumigil ka nga muna sa kakadaldal mo, Jasper!” medyo galit na sawata ni Elias sa kaibigan. “Naliligawa tayo.”

 

“Ha?” Luminga-linga si Jasper sa kakahuyan.

 

“Ay, oo nga, Elias,” sang-ayon ni Tio Augusto. “Hindi tayo dumaan dito kanina.”

 

“Ano’ng gagawin natin?” Lumapit na si Jasper kay Elias, saka hinawakan ang arnis nang nakatalikod sa kaniya.

 

“Pakinggan ninyo ang paligid,” utos ni Elias. Hinintay niyang magsalita ang dalawa.

 

“Kinikilabutan ako, Elias. Sa edad kong ito, ngayon lang ako nakaranas ng ganito,” ani Tio Augusto.

 

“Ano’ng meron, Elias… Tio Augusto?” seryosong tanong ni Jasper.

 

“Sssh!” sawata ni Tio Augusto kay Jasper.

 

“May tao!” bulalas nito. “Doon! Tumatawa siya.”

 

Bahagyang binatukan ni Elias ang kaibigan. “Hindi tao `yon.”

 

“E, ano `yon?”

 

“Tambaluslos.”

 

“Tamba~” Kusang tinakpan ni Elias ang bibig, saka umiwas na ito sa kaniya. Pero nagsumiksik naman ito kay Tio Augusto. “Ano’ng gagawin natin?”

 

“Baliktarin natin ang mga damit natin,” sabi ni Tio Augusto.

 

Pero bago pa nito nahubad ang kamiseta, ginulantang sila paglabas ng isang matangkad na nilalang na may anyong tao, mula sa likod ng dambuhalang puno.

 

“Ay, animal!” Naihanda agad ni Jasper ang arnis.

 

“Elias, paano `to?” nangangambang tanong ni Tio Augusto.

 

Tawa nang tawa ang tambaluslos, subalit hindi ito lumalapit sa kanila. Sa lakas ng tawa nito, pati mga hayop nagagambala—nagsisitakbuhan palayo. Nagsisiliparan din ang mga ibon.

 

Puno ng takot ang katawan ni Elias. Noon lamang siya nakakita ng tambaluslos. Kahit na ikinukuwento lamang iyon sa kaniya ni Lolo Leo, ibang hilakbot ang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon habang tinitingnan niya iyon nang mabuti.

 

Itim ang kulay ng balat nito. Mahahaba, pero manipis ang mga binti nito, at malalaking ang mga kasukasuan, mga paa na may pangil, mahahabang manipis na mga braso. Ang mga pa anito ay katulad ng sa kabayo. Mahaba ang buhok nito, na umaabot hanggang sa puwitan. Makapal ang mga labi nito, at nakalaylay na parang sa unggoy.

 

“Bakit siya tawa nang tawa, Tio Augusto?” tanong ni Jasper.

 

Hindi iyon nasagot ni Tio Augusto, kaya siya ang sumagot. “Habang natatakot tayo, at habang hindi tayo nakakaalis sa lugar na ito, tatawa siya nang tatawa.”

 

“E, `di baligtarin na natin ang mga damit natin.”

 

Tumawa na naman ang tambaluslos.

 

“Uy, napansin niyo ba?” tanong ni Tio Augusto.

 

“Ang alin po?”

 

“Ang bayag niya.”

 

“Ay, bastos!” komento ni Jasper.

 

“Hindi bastos `yon. Iyon naman talaga ang tawag,” paliwanag ni Elias. “Natural sa lalaking tao o hayop ang may bayag, lalo na sa kabayo.”

 

Pinilit ni Jasper na hindi tumawa.

 

“Huwag mo nang itago ang pagtawa mo.” Natawa na rin siya kay Jasper kasi hindi siya sanay na itinatago nito ang pagtawa. Nang tiningnan lang siya nito, at hindi nagtanong kung bakit dahil nakatakip pa rin ng kamay ang bibig nito, nagpaliwanag na siya. “Ayon kay Lolo Leo, naalala ko lang, habang tumatawa ang tambaluslos, lumalaki ang bayag niya.”

 

“Ganoon pala iyon, Elias?” interesadong tanong ni Tio Augusto kahit halatang natatakot.

 

“Opo.”

 

“E, siya pala ang dapat nating tawanan,” banat naman ni Jasper.

 

“Sige lang, tawanan mo siya.”

 

“E, paano kung mapikon sa akin, saktan ako?”

 

“Mahihirapan na siyang maglakad kapag sobrang laki na ng buyong niya,” aniya. “

 

Natawa nga si Jasper dahil sa salitang ‘buyong,’ na alam niyang kahulugan ng luslos.

 

Tumawa rin ang tambaluslos. At nakita niyang lumaki pa ang bayag nito.

 

“Ikaw po, Tio Augusto, kung ganyan kalaki ang buyong mo, anong mararamdaman mo?” tanong niya upang mawala ang takot nito, at matawa.

 

“N-naku, mahihiya na akong magpakita sa sitio natin. Maninirahan na lang ako rito sa kagubatan.”

 

Si Jasper ang tumawa nang malakas. Sapo-sapo pa nito ang dibdib dahil sa tuwa.

 

Lalo pang lumaki ang bayag ng tambaluslos, kaya natitiyak ni Elias na mahihirapan na itong maglakad o tumakbo.

 

“Tawa ka nang tawa diyan, kapag ikaw nagkaganyan, titira ka rin dito… at magiging tambaluslos ka na rin,” biro pa niya kay Jasper.

 

“Weey! Hindi mangyayari `yon sa akin… Hindi nga ako pinabubuhat ng mabibigat ng mga magulang ko para daw hindi ako magkaluslos.”

 

Si Tio Augusto naman ang natawa—tunay na tawa.

 

“E, kagaya ka rin ni Matt… kung saan-saan umiihi. Malay mo, magkataon, nuno sa punso ang naihian mo. Yari ka! Hindi lang bayag ang lalaki sa `yo,” dagdag pa ni Elias.

 

Pare-pareho na silang natawa. Nakisabay na rin ang tambaluslos, kaya lalong mabaliw ang mga ibon sa paligid.

 

“Tingnan niyo!” bulalas ni Tio Augusto nang makita ang tambaluslos.

 

Napaupo na ito dahil sa laki ng bayag. Hindi na ito makagulapay, kaya napalitan ng galit ang tawa nito kanina.

 

“Bilis! Umalis na tayo rito!” deklara ni Elias.

 

Humalinghing nang ubod nang lakas ang tambaluslos.

 

“Inangkopo!” Napasigaw si Jasper, saka kumapit kay Tio Augusto.

 

“Maghubad na kayo ng damit!” utos niya, saka nagtanggal na siya ng damit niya.

 

“Tumakbo na lang tayo. Hindi na tayo mahahabol niyan,” suhestiyon ni Tio Augusto.

 

“Liliit ang bayag niya kapag hindi na tumatawa, kaya bago ang lahat, kailangang mabaligtad na natin ang mga kasuotan natin nang makabalik na tayo sa tamang daan,” paliwanag niya pagkatapos mahubad ang damit. “Sundin niyo lang ako… Bilis!”

 

Gayon nga ang ginawa ng tatlo. Habang binabaligtad nga nila ang kanilang mga damit, tumatawa pa ang tambaluslos hanggang tuluyan na itong nadaganan ng sariling bayag, na naging dahilan upang mapahiga ito. Hindi na sila nito nakikita.

 

“Takbo na!” sigaw ni Elias, sabay takbo.

 

Buong bilis at tapang na sumunod sina Jasper at Tio Augusto sa kaniya. Walang nagsalita sa kanilang tatlo hanggang sa mapansin nilang nakarating na sila sa pamilyar na bahagi ng kagubatan.

 

“Nakabalik na tayo,” aniya. “Tuloy lang ang takbo.”

 

“Puwede bang huminto muna? Napapagod na ako,” reklamo ni Jasper.

 

“Bakit? May buyong ka ba?” pabirong tanong ni Tio Augusto.

 

“Wala pa po, pero sigurado ako, magkakabuyong ako nito pagbalik natin sa sitio.”

 

Nagtawanan na lang silang tatlo.

 

---

 

“Ang galing mo, Elias! Isa ka ngang Maticas!” papuri ni Lolo Leo sa kaniya pagkatapos nilang ikuwento ang mga nangyari sa Kadauangan.

 

“Tenkyu po! Manang-mana po ako sa inyo, Maaram ngani!” Tinuktok pa niya ang kaniyang sintido.

 

“Ay, siyempre naman.”

 

Muli nilang nasilayan ang nangingitim, pero matitibay na ngipin ni Lolo Leo, dahil sa pagnganga.

 

“Hala, sige, magsikain na kayo,” alok ng matanda. “Nakapagluto na si Carmela ng ginataang native na manok. Nagdala siya rito. Magaling na si Matt

 

“Talaga po? Maraming salamat po, Tio Leo!” mangiyak-ngiyak na sabi ng ama ni Matt. “Sa iyo rin, Elias.” Tinapik-tapik nito ang balikat niya, saka ginulo ang buhok niya. “Ang husay mo rin! Bilib na ako sa `yo.”

 

“Salamat po, Tio Augusto! Para sa kaibigan, gagawin ko lahat.”

 

“Ang galing namin, `di ba po, Tio Augusto?” pagbibida ni Jasper.

 

“Ha? A, e… Oo. Ang galing mong tumakbo.”

 

Humaba ang nguso ni Jasper, at napakamot sa kaniyang bayag. “Akala ko nga po, magkakabuyong din ako, hindi pala.”

 

Nagtawanan na lamang silang tatlo. Nakitawa na rin si Lolo Leo.

No comments:

Post a Comment

Takbo!

Takbo!   Tumakbo tayo para sa kalusugan Ngunit huwag nating takbuhan Ang problemang pinagdaraanan Bagkus harapin nang buong katapa...