"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas." Iyan ang tanging utos ni
Papa na nagpapaiyak sa akin.
Lalapit pa lang ako sa kanya, umiiyak na ako. Tawa
naman nang tawa si Papa.
"O, bakit umiiyak ka na naman? Hindi mo pa nga
nababalatan at nahihiwa ang sibuyas, e,' sabi niya.
"E, kasi po nakakaiyak naman po talagang maghiwa
niyan."
"Ganoon talaga."
"Bakit po kasi nakakaiyak ang paghihiwa ng
sibuyas?"
"Naglalabas kasi ng sulfur ang sibuyas
kapag hiniwa natin. Kapag umabot iyon sa ating mata, nagiging sulfuric acid,
na nagiging dahilan ng pagluha natin," paliwanag niya.
Naliwanagan naman ako, kaya minsan hindi na ako
naiiyak. Inilalayo ko ang sibuyas sa mga mata ko. Minsan, pumipikit pa ako.
Hindi lang ako ang pinaiiyak ni Papa, este ng sibuyas
pala.
"Junjun, pakihiwa nga nitong sibuyas," utos
ni Papa kay Kuya.
Umiiyak na agad si Kuya Junjun habang palapit siya.
Tawa naman kami nang tawa ni Papa.
Minsan, nagtaka ako kay Papa kasi hindi ko siya
nakitang umiyak dahil sa sibuyas.
"Papa, may sikreto po ba sa paghiwa ng
sibuyas?" tanong ko.
"Meron. Mabuti naman at naitanong mo iyan."
"Paano po?"
Sabi ni Papa, hinihiwa niya raw ang sibuyas habang
nakalubog sa tubig. Minsan naman, pinapahiran niya ng suka ang sangkalan.
Epektibo nga! Kaya, simula noon, hindi na ako umiiyak
kapag naghihiwa ng sibuyas. Pero, hindi pa rin tumigil si Papa sa pagpapaiyak
sa akin.
"Kainin mo iyan! Ang mahal-mahal ng sibuyas
ngayon, tapos itatabi mo lang diyan sa plato mo," pagalit niya sa akin.
Tumutulo na ang luha ko habang dahan-dahan kong
kukutsarain ang sibuyas sa plato ko.
"Bakit po kasi nilalagyan n'yo pa ng sibuyas ang
ulam?" tanong ko.
"Iyan ang isa sa mga nagpapasarap sa lutuin.
Kainin mo 'yan. Hindi ka naman mamatay n'yan. Para kang hindi lalaki."
Pinilit kong kainin, pero umaagos ang mga luha ko.
"Napakabalat-sibuyas mo naman," natatawang
sabi niya.
Pati sina Mama at Kuya Junjun ay pinagtawanan ako. Ang
hindi lang tumawa ay si Bunso.
Halos araw-araw akong umiiyak sa hapag-kainan dahil sa
sibuyas. Lahat halos ng ulam namin ay may sibuyas. Kapag ang almusal namin ay scrambled
eggs, may sibuyas. Kapag ang pananghalian namin ay ginisang monggo, may
sibuyas. Kapag ang hapunan namin ay paksiw na isda, may sibuyas.
Minsan, sinubukan kong kumain ng sibuyas para hindi na
nila ako pagtawanan. Masarap naman pala ang sibuyas! Hindi ito maanghang, kundi
manamis-namis.
"Sabi ko sa 'yo, e!" natutuwang sabi ni
Papa. "Hindi ka namatay, 'di ba?"
"Opo!"
"Maraming sustansiya ang naibibigay ng
sibuyas," sabi naman ni Mama.
"Tama! Mainam ito para sa ating mga mata, puso,
at kasukasuan," dagdag ni Papa.
"Wow! Kakain na po ako palagi ng sibuyas!"
bulalas ko. "Huwag lang po ang hilaw."
Tinawanan na naman ako nina Papa, Mama, at Kuya.
Pagkatapos, ininggit nila ako sa pagkain ng sibuyas na galing sa sawsawang
toyo-kamatis-kalamansi-at-sibuyas.
"Kakain ka rin nito pagdating ng araw," sabi
ni Kuya.
Napangiwi na lang ako.
Tuwing nasa hapag-kainan kaming pamilya, tungkol sa
sibuyas ang usapan namin. Hindi na nila ako napapaiyak. Nagbibigay na lamang
sila ng mga trivia tungkol sa gulay na nagpapaiyak.
"Alam n'yo ba? Ang bansang Tsina ang may
pinakamalaking produksiyon ng sibuyas sa buong mundo. Sinundan ito ng India at
Amerika," sabi ni Papa.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay ginamit na
panggamot sa mga sugatang sundalo noong panahon ng digmaan," sabi ni Mama.
"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa libro ni Patricia
Shcultz, na '1000 Places to Visit Before You Die," na ang New York na may
bansag na 'Big Apple' ay dating 'Big Onion," sabi ni Kuya.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay kaaway ng mga aso.
Pinapababa nito ang dugo nila, na maaaring sanhi ng kanilang anemia,"
sabi ni Papa.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ang ikaanim sa
pinakasikat na gulay sa buong mundo," sabi ni Mama.
"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa Guiness Book of World
Records na si Peter Glazebrook ang nakapagtanim ng pinakamalaking
sibuyas," sabi ni Kuya.
Hangang-hanga ako sa kanila. Marami akong natutuhan sa
kanila tungkol sa sibuyas. Pinaiyak man ako nito, pero tuwang-tuwa ako dahil
ngayon ako naman ang magtuturo kung paano maghiwa at kumain ng sibuyas.
Natutuwa ako dahil ako naman ang magpapaiyak sa anak ko.
"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas."
No comments:
Post a Comment