Followers

Sunday, April 5, 2020

Tomboy ba si Ma'am?

Mahilig magmasid si Jayboy. Mahilig rin siyang magtanong.

Sa bintana, pinagmasdan ni Jayboy ang lineman. Bago ito matapos sa ginawa, lumabas siya upang kausapin.

"Manong, ang galing mo pong umakyat! Para kang si Ma'am. Magaling po siyang umakyat sa puno," sabi ni Jayboy.

"Ha? Nakita mo ba kung paanong umakyat ng puno ang titser mo?"

"Opo! May puno po kasi ng mangga sa iskul. Tomboy ba si Ma'am?"

Natawa ang lineman. "Hindi. Babae at lalaki ay puwedeng umakyat ng puno."

Nagkibit-balikat na lang si Jayboy.

Maya-maya, narinig niya ang ingay, kaya pinuntahan niya. Naabutan niyang inaawat ng mga barangay tanod ang mga nag-aaway niyang kaibigan na sina Ambet at Alex.

"Magbati na kayo," utos ni Mang Nestor.

Nagbati naman ang dalawa.

"Sige na, uwi na kayong dalawa," utos naman ni Mang Rene.

Agad namang nagsitakbuhan ang dalawang batang pinagbati pauwi sa kani-kanilang bahay. Saka lumapit si Jayboy sa dalawang barangay tanod.

"Ang husay po ninyong mag-awat!" sabi ni Jayboy. "Napagbati rin po ninyo kaagad."

"Salamat!" magkasabay na sagot ng dalawa.

"Ganyan na ganyan po si Ma'am. Tomboy ba siya?"

Tumawa ang dalawang tanod.

"Hindi," sabi ni Mang Nestor.

"Trabaho talaga iyon ng titser," sabi naman ni Mang Rene.

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Papa, ang galing! Naayos po ninyo ang electric fan," bulalas ni Jayboy.

Nginitian siya ng kanyang ama.

"Ganyan po si Ma'am. Siya po ang nag-aayos ng mga electric fan sa classroom. Tomboy po ba si Ma'am?"

Natawa ang ama. "Hindi. Marunong lang talaga siyang mag-ayos. Napag-aaralan naman ito, e."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Jayboy, halika, sama ka sa akin sa palengke. Ipapaayos ko itong sapatos ko," yaya ni Tito Domeng.

"Sige po!"

Sumakay sila sa traysikel.

"Manong, ang galing n'yo pong magmaneho. Maingat po kayo."

"Salamat!" sagot ng drayber ng traysikel.

"Para po kayong si Ma'am. Ang galing din po niyang magmaneho ng motorsiklo. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang drayber. "Hindi. May mga babae talagang nagmamaneho kasi kailangan nila."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Sa palengke, pinagmasdan ni Jayboy ang sapatero.

"Ang husay po ninyo!" sabi ni Jayboy sa lolo, na nagpapakintab ng sapatos.

"Oo, Apo. Napaaral ko ang mga anak ko dahil sa pagiging sapatero," sagot ng lolo.

"Ang galing din po ng titser ko, katulad mo. Siya po ang nag-ayos ng sapatos ng kaklase ko noong masira ang suwelas niyon. Tomboy po ba si Ma'am?"

Natawa ang lolo. "Hindi. Nais lang talagang makatulong ang guro mo."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Jayboy, dito ka muna, ha? Bibili lang ako ng pako."

"Sige po, Tito."

Habang naghihintay, pinagmasdan ni Jayboy ang isang kargador ng gulay.

Nang matapos magkarga ang lalaki, kinausap niya ito.

"Ang tibay po ng mga braso ninyo, Kuya!" papuri ni Jayboy.

"Kailangang kumayod para sa pamilya," nakangiting sagot ng kargador.

"Katulad ka po ni Ma'am. Kaya po niyang buhatin ang mga upuan at mga mesa. Tomboy ba siya?"

Natawa ang kargador. "Hindi. May mga babae naman talagang kasinglakas ng mga lalaki."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Paglingon niya, nakita naman niya ang street sweeper. Pinagmasdan niya muna ito bago nilapitan.

"Manong, ang sipag naman po ninyo!" sabi niya sa matandang lalaki.

Nginitian siya nito.

"Masipag rin po si Ma'am. Siya po ang nagwawalis sa silid-aralan namin pagkatapos ng klase. Siya rin po ang nagtatapon ng basura."

"Hindi ninyo tinutulungan?"

"Tinutulungan po. Pero, mas gusto niyang siya ang naglilinis. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang tagalinis ng kalsada. "Hindi. Masipag lang talaga siya at malinis sa paligid.

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Halika ka, Jayboy. Uwi na tayo," yaya ni Tito Domeng.

Sa bahay ni Tito Domeng, pinagmasdan ni Jayboy ang karpintero at tubero.

"Ang galing po ninyong magpako," sabi niya sa karpintero. "Katulad ka po ni Ma'am. Siya po ang nagkukumpuni ng mga upuan, mesa, at kabinet sa silid-aralan namin. Tomboy po ba siya?"

Natawa ng karpintero. "Hindi. Gusto lang siguro niyang makatipid sa pambayad sa karpintero."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Kinausap naman ni Jayboy ang tubero.

"Ang galing po ninyong tubero. Katulad ka po ni Ma'am."

"Talaga?" sabi ng tubero. "Paano mo nasabi?"

"Siya po kasi ang nag-aayos ng mga tubo sa lababo namin sa classrooom. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang tubero. "Hindi. Madali lang maging tubero kapag gusto mong gawin ito."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Tito Domeng, uwi na po ako. Salamat po sa pagsama sa akin sa palengke!" paalam ni Jayboy.

"Salamat din! Ingat ka sa pag-uwi."

Sa daan, nakita ni Jayboy ang hardinero. Mapahanga siya sa ganda ng mga alaga nitong halaman.

"Wow! Ang galing po ninyong harsienro. Ang gaganda ng mga bulaklak," bulalas ni Jayboy.

Napalingon ang hardinero at nagpasalamat.

"Naalala ko tuloy ang hardin ni Ma'am. Mahusay din po siyang mag-alaga ng mga halaman. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang hardinero. "Hindi. Ang paghahardin ay para sa lahat kasarian--babae at lalaki.

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Lumakad na si Jayboy. Pero, sa di-kalayuan, napahinto na naman siya upang pagmasdan ang magsasaka. Nagdidilig ito ng mga tanim na gulay.

"Ang tataba naman po ng gulay ninyo!" bati ni Jayboy.

"Salamat!"

"Para po kayo si Ma'am. Mahilig din po siyang magtanim ng mga gulay. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang magsasaka. "Hindi. Ang pagtatanim ng gulay ay dapat ginagawa ng bawat tao para mayroon tayong dagdag na kabuhayan."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Makauwi na nga. Baka hinahanap na ako sa bahay."

Pagdating niya sa kanilang bahay, nakita siya ng kanyang ate.

"Jayboy, patulong naman, o," pakiusap ng kanyang ate.

"Ano po ang gagawin natin?"

"Iuurong natin itong kabinet para malinisan ko ang likod. Ang bigat kasi, e."

Nagawa naman nilang dalawa, pero hirap na hirap sila.

"Alam mo, Ate, si Ma'am, kayang-kaya niyang iurong ang mga kabinet niya sa silid-aralan namin. Tomboy ba siya?"

Natawa si Ate Joylyn. "Hindi. Malakas lang talaga siya."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Nang hindi makuntento, pinuntahan ni Jayboy sa kusina ang kanyang ina.

"Mama, alam mo po ba? Nagpagupit si Ma'am noong isang araw," sabi ni Jayboy.

"Lalo ba siyang gumanda?" nakangiting tanong ng ina.

Napakunot ang noo ni Jayboy. "Maikli po... Panlalaking gupit. Kanino kaya siya nagpagupit-- sa barbero o sa parlorista?"

"Hindi na mahalaga iyon."

"Tomboy po ba siya?" tanong uli ni Jayboy.

Natawa ang ina. "Hindi siya tomboy. Gusto niya ang maikling buhok dahil baka naiinitan siya. Isa pa, hindi ang buhok ang basehan ng kasarian ng tao."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Kinalunesan, titig na titig si Jayboy sa kanyang guro. Naniniwala talaga siyang tomboy ito, kaya bago matapos ang klase, nilapitan niya ito.

"Ma'am, may itatanong po ako sa inyo.. Huwag po kayong magagalit, ha?" sabi ni Jayboy.

"Sige. Ano ba iyon?" sabi ng guro.

"Napansin ko po kasi na magaling po kayo sa mga gawaing panlalaki. Magaling po kayong umakyat sa puno, magbuhat, magtanim, magkumpuni, at iba pa. Para po kayong lineman, tanod, electrician, drayber, sapatero, kargador, sweet sweeper, karpintero, tubero, hardinero, at magsasaka. Ang sipag po ninyo.

Tumigil si Jayboy sa pagsasalita. Naghihintay naman ang kanyang guro sa tanong.

"Ngayon naman po, panlalaki po ang gupit ninyo."

"Ano ang tanong mo?"

"Tomboy ka po ba?"

Natawa ang guro. "Hindi ako tomboy. Ang gupit na ito ay puwede sa lalaki at babae. Ang mga gawaing at kakayahan namang panlalaki ay nakuha ko sa mga kapatid at ama ko. Ako lang kasi ang nag-iisa anak na babae ng mga magulang ko. Anim na kuya ang mayroon ako, kaya napagmasdan ko ang mga ginagawa nila. Kaya nang naging guro ako, ginaya ko sila. Isa pa, mas maganda ang maraming kakayahan. Nakatitipid ka. Nakatutulong pa."

"Ay, sorry po, Ma'am. Hindi po pala kayo tomboy."

"At ano naman kung tomboy ako? May masama ba sa pagiging tomboy?

"Wala po. Basta po hindi po nakasasakit ng kapwa."

"Tama ka, Jayboy!"

"Sorry po talaga. Sana po huwag kayong magalit sa akin," nahihiyang sabi ni Jayboy.

"Sige... pero ipangako mong hindi ka na magiging mapanghusga sa kapwa."

"Opo. Pangako po. Hindi na po ako manghuhusga ng kapwa."

"Mabuti kung ganoon... Pinatatawad na kita "

"Salamat po!"

Dahil sa nangyari, iniwasan na ni Jayboy ang panghuhusga. Pero, patuloy pa rin siya sa pagiging mapagmasid at palatanong. Pinipili rin niya ang mga dapat paniwalaan.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...