Followers

Tuesday, April 28, 2020

Masaya Ako Kahit Walang Bisita sa Aking Kaarawan

Sabi ni Mama, huwag na raw kaming maghanda sa aking ikasampung kaarawan. 
Sabi naman ni Papa, maghanda raw kami pero wala raw kaming iimbitahan.

Nakiusap ako sa kanila at pumayag naman sila. Kaya, magluluto ng spaghetti si Mama. Biko naman ang iluluto ni Papa.

Siyempre, tumulong ako sa kanila. Nilaga na ni Mama ang pasta. Nakita kong nilagyan niya ang tubig ng asin at mantika. Mahalaga raw iyon upang ang pasta ay hindi magdikit-dikit at hindi malata. 

Ako naman ang naggayat ng hotdog, sibuyas, at keso. Siyempre nag-ingat ako sa paggamit ng kutsilyo.

Nang maluto na ang pasta, si Mama ay naggisa na. Masarap magluto si Mama! Masarap palagi ang spaghetti niya.

Prinito muna niya ang mga hotdog na aking hiniwa. Pagkatapos, ginisa niya iyon sa sibuyas na pula. Nilagyan niya ng tubig at paminta. Para manamis-namis daw, may  asukal pa. Sunod, nilahok niya ang keso, kaya ang sauce ay naging creamy na. 

"Luto na!" sabi ni Mama.

"Wow!" Tuwang-tuwa akong talaga. Kahit wala akong bisita, alam kong marami ang matutuwa. 

Ang biko naman ang iluluto ni Papa. 

Masarap magluto ng biko si Papa. Ang tamis ay tamang-tama. Ang ang ibabaw nito ay may latik pa!

Pinakuluan na niya ang kakang-gata. Magiging latik daw iyon, sabi niya. Hinalo niya iyon nang hinalo habang kumukulo. 

"Wow!" Hangang-hanga akong talaga. Naging latik kasi ang kakang-gata. At may nagawa pa siyang mantika. Iyon daw ang langis na ipanluluto niya mamaya.

"Iluluto ko na ang biko," sabi ni Papa. 

Ang asukal, sinaing na malagkit, at langis ng kakang-gata ay sinangkutsa niya sa kawa. Pinakuluan niya iyon at hinalo-halo. Humanga ako nang husto kay Papa lalo na sa kanyang braso. Hindi pala biro at hindi madali ang maghalo. Halukay rito. Halukay roon. Halo rito. Halo roon.

"Luto na!" sabi ni Papa.

"Wow! Ang bilis nating makaluto!" bulalas ko.

"Siyempre nagtulungan kasi tayo," sabi naman ng mama ko.

Pagkatapos niyon, nilagay na namin ang mga pagkain sa mga espesyal na lalagyan. Isa-isa  pa namin iyong pinunasan, habang si Papa ay nasa kusina at may pinagkakaabalahan. 

"Halina kayo! Dumating na ang sundo natin," yaya ni Papa. Bitbit niya ang dalawang malalaking plastik bag na puti at pula. Naroon ang spaghetti at biko, na niluto niya. 

Masaya kaming sumakay sa mobile patrol ng barangay.

"Anak, masaya ka ba?" tanong ni Mama.

"Opo! Kahit wala akong bisita," sagot ko. "Salamat po sa inyo kasi pinagbigyan ninyo ang hiling ko."

"Siyempre naman, Anak!" sabi nila. "Happy birthday!" bati nila. 

Masayang-masaya ako sa ikasampung kaarawan ko. Kahit hindi imbitado ang mga kaibigan, kaklase, at kalaro ko, may mga mapapasaya naman akong espesyal na tao.

"Happy birthday, Ian!" sabay-sabay na bati ng mga frontliners ng aming bayan. Sila talaga ang aming pinaghandaan. Sila na lang ang aming binisita sa aking kaarawan. Iyon ang aking simpleng paraan para sila ay pasalamatan sa kanilang kabayanihan. 





 






No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...