Followers

Monday, April 6, 2020

Ang Pamilyang Masagana

Sa Barangay Dos, may isang pamilyang naninirahan sa munting lupain. Malayo sila sa mga kapitbahay. Maraming pilapil ang tatawirin bago marating ang sentro ng baryo. Ang bahay nila ay isang perpektong halimbawa ang bahay kubo. Agrikultura ang ikinabubuhay nila. Sila ang pamilyang Masagana. Nagtutulungan silang mag-anak sa mga gawaing-bahay, pagtatanim, at paghahayupan. Tinuruan nina Misis Masagana at Mister Masagana ang kanilang mga anak na sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong. Sina Mameng at Moymoy ang tagasalok ng tubig sa balon. Sina Mimi at Mongmong naman ang tagadilig ng mga tanim nilang gulay. Sabay-sabay rin silang mamimitas ng mga gulay, gaya ng talong, okra, sitaw, kalabasa, bataw, patola, upo, sigarilyas, kamatis, labanos, pechay, kangkong, alugbati, malunggay, kulitis, talbos ng kamote, sili, at saluyot. Sama-sama rin silang aani ng mga halamang-ugat, gaya ng mani, ube, gabi, kamote, uraro, at kamoteng kahoy. Minsan, tuwang-tuwa silang nanunungkit o umaakyat sa puno upang kumuha ng mga hinog na bunga nito. Meron silang papaya, mangga, santol, duhat, kalamansi, guyabano, avocado, atis, langka, lanzones, sampalok, kasoy, suha, at rambutan. Meron din silang mga tanim na kawayan sa likod-bahay, kung saan napagkukunan nila ng pambakod at labong. Meron din silang iba't ibang uri ng saging, gaya ng lakatan, saba, at seƱorita. Sa isang bahagi ng kanilang bakuran, mayroon silang munting palaisdaan. May alaga silang hito at tilapia. Tuwing umaga at hapon, pinatutuka nila ang mga manok, itik, pato, gansa, at pabo. Pinasasabsab nila ng damo ang mga kambing, kalabaw, at baka. Pinapakain at pinaliliguan din nila ang mga baboy. Ang pamilyang Masagana ay hindi lang masagana, kundi masaya pa dahil kuntento na sila sa buhay nila nang sama-sama. "Ang dami nitong naani natin. Sobra-sobra ito para sa atin," sabi ni Misis Masagana. "Gaya ng dati, mga anak, ilalako ninyo ang iba sa baryo," sabi naman ni Mister Masagana. "At ipambibili ng asukal at mga sangkap," sabi ni Mameng. "Ng de-lata," sabi ni Moymoy. "Ng bigas," sabi ni Mimi. "At ng iba pa nating kailangan," sabi naman ni Mongmong. "Tama! At ang iba ay pambaon ninyo sa eskuwela!" dagdag ng ina. "O, sige na! Galingan uli ninyo ang pagbebenta," sabi ng ama. Isa-isa niyang binigyan ng bilao ang mga anak. Masayang tumulay-tulay ang magkakapatid sa mga pilapil. Masaya ang mga magulang nila habang pinagmamasdan sila palayo. "Sigurado ako, masasaya na naman silang uuwi mamaya," sabi ni Misis Masagana. "Oo. Sana patuloy tayong masaya at kuntento sa ating munting paraiso," sabi ni Mister Masagana. Sa baryo, sama-samang naglako ang magkakapatid. Marami ang bumili sa kanila dahil bukod sa sariwa ang kanilang mga gulay at prutas, mura pa ang mga ito. Tuwing walang pasok, ang magkakapatid ang naglalako ng mga gulay at prutas sa baryo. Masaya nilang ginagawa ito upang makatulong sa kanilang ina at ama. Subalit, isang araw, malungkot na umuwi sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong. Napansin iyon nina Misis at Mister Masagana. Pagkaabot na pagkaabot ni Mameng ng perang napagbentahan, pumunta na siya kusina. Si Moymoy ay pumunta sa balon. Si Mimi ay nagtungo sa hardin. At si Mongmong ay pinuntahan ang alaga nilang kalabaw. Nagtataka ang mga magulang sa kalungkutan ng mga anak, kaya isa-isa nilang pinuntahan ang mga ito. Kinausap nina Misis Masagana at Mister Masagana sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong. Tinanong nila ang mga ito kung bakit sila malungkot. Iisa ang sagot nila. "Naiinggit po kami sa kanila." Ang ama ang nagtanong kung ano ang kinaiinggitan nila sa mga taga-baryo. "May mga refrigerator po sila," sabi ni Mameng. "May mga gripo po sila," sabi ni Moymoy. "May mga telebisyon po sila," sabi ni Mimi. "May mga sasakyan po sila," sabi naman ni Mongmong. Kinagabihan, muling kinausap ng mag-asawa ang mga anak. "Hindi kayo dapat na nalulungkot dahil wala tayo ng mga bagay na mayroon sila," sabi ng ama. "Pero, gusto po naming may cellphone. Ang mga kaklase ko po, meron. Nakapaglalaro sila roon," sabi ni Mameng. "Wala tayong kuryente, Anak." "Iyon nga po, Papa. Bakit sa baryo, may kuryente ang lahat ng bahay?" "Sige, bibili tayo ng cellphone at magpapakabit tayo ng kuryente," sabi ng ina. "Pero kailangan ninyong sabihin sa amin kung ano-ano ang mga bagay nakapagpapasaya sa inyo dito sa ating tahanan at bakuran." "Ngayon na po ba?" tanong ni Mameng. "Kahit kailan, basta handa na kayo... Sa ngayon, lalabas tayo. Maliwanag ang buwan kaya puwede kayong maglaro," sagot ng ina. Bago naglaro ang magkakapatid, sabay-sabay nilang tiningala ang kalangitan. "Wow, ang ganda po ng kalawakan!" bulalas ni Mongmong. Sumang-ayon naman ang mga kapatid niya. Maya-maya, nagyaya na si Mameng na magtago-taguan, habang ang mga magulang nila ay nakabantay sa kanila at habang nagduduyan sa ilalim ng punong mangga. Naghabol-habulan din ang magkakapatid. Kaya, kahit pagod na pagod sila, masayang-masaya silang nahiga. Nagkuwentuhan pa silang magkakapatid habang nakahiga. Naghuhulaan sila ng mga bugtong. "Mga anak, matulog na tayo. Magsisimba pa tayo bukas." May ngiti ang mga labi na natulog ang mag-anak. Kinabukasan, masayang tumulay-tulay sa mga pilapil ang pamilyang Masagana patungo sa simbahan. Subalit, pagdating sa baryo, hinarang sila ng mga barangay tanod. "Nasa estado po tayo ngayon ng enhanced community quarantine dahil sa kumakalat na sakit na CoViD-19," sabi ni Mang Ernie. "Opo! Pasensiya na po. Pinapayuhan po ang lahat na manatili sa bahay," sabi naman ni Mang Luis. "Sige po. Babalik na po kami," sagot ni Misis Masagana. "Pasensiya na po, hindi po namin alam. Wala po kasi kaming radyo o telebisyon," sabi naman ni Mister Masagana. "Wala pong problema," sagot ni Mang Ernie. "Mag-antabay na lang kayo sa mga tulong na ibibigay ng ating lokal na pamahalaan," payo ni Mang Luis. Nagbigay pa ang dalawang tanod ng mga impormasyon tungkol sa krisis na pinagdadaanan ng mundo. Malungkot na umuwi ang magkakapatid. "Paano na po tayo nito?" tanong ni Mameng. "Hindi tayo dapat mangamba dahil meron tayo, na wala sila," masayang sagot ng ama. Nagtaka ang magkakapatid. Pagdating sa kanilang tahanan, diniskubre nila ang kahulugan ng winika ng kanilang ama. Naghanap din sila ng sagot sa tanong ng kanilang ina. "Mama, Papa, alam na po namin ang meron tayo, wala sila," sabi ni Mameng. Natutuwang nagtinginan ang mga magulang. "Ano ang mga iyon, Anak?" tanong ng ama. "Narito lang po sa bakuran natin ang ating mga pangangailangan," tugon ni Mameng. "May balon po tayong mapagkukunan ng sariwa at malinis na tubig," sabi ni Moymoy. "May mga gulay at prutas tayong mapipitas upang makain. Maaari nating iimbak at ipreserba ang iba," sabi ni Mimi. "May mga alaga po tayong hayop," sabi ni Mongmong. "Tama po! Sagana po tayo sa itlog, gatas, isdang tabang, at karne dahil sa mga alaga nating hayop," dagdag ni Mameng. "At dahil marunong po tayong mag-imbak ng mga pagkain, hindi kaagad masisira at mabubulok ang sobra nating pagkain," dugtong ni Mimi. "Ang huhusay ninyo, mga anak! Tama ang inyong sagot. Nasa bakuran lang natin ang ating pangangailangan," sabi ng ina. "Kaya, hindi tayo dapat mag-alala habang masipag tayo at masayang namumuhay sa ating munting paraiso," dagdag ng ama. "Mama, Papa, hindi na rin po pala kami naiinggit sa kanila kung wala man tayong cellphone, telebisyon, refrigerator, sasakyan, gripo, at kuryente," sabi ni Mameng. "Talaga? Kung ganoon, alam na ninyo ang sagot sa tanong ko?" wika ng ina. "Opo! Pero, hindi na po kami maghahangad ng cellphone dahil ang bakuran natin ay sapat na upang maging masaya kaming magkakapatid." Nayakap ni Mister Masagana ang asawa dahil sa tuwa. "Mas maganda po ang mga laro gaya ng tago-taguan, habulan, piko, tumba-lata, at iba kaysa sa mga laro sa gadget. Malusog na po ang katawan, wala pa pong kasingsaya," sabi pa ni Mameng. Hindi na po ako magpapabili ng telebisyon kasi po ang ating bakuran, ang kalawakan, at ang ating pamilya ay magagandang tanawin," sabi ni Mimi. Naluha sa tuwa ang mag-asawa. Hindi na rin po ako maghahangad ng refrigerator dahil ang ating bakuran ay isa nang malaking imbakan ng pagkain," sabi ni Mameng. "Tama ka!" sang-ayon ni Misis Masagana. "Hindi na rin po maghahangad ng gripo kasi po mayroon naman po tayong balon kung saan tayo puwedeng maligo ay uminom," sabi ni Moymoy. "Libre pa," dagdag ng ama. "Hindi na rin po ako naiinggit sa mga sasakyan nila kasi po may kalabaw po tayo na puwede nating sakyan," sabi ni Mongmong. Nagtawanan ang pamilyang Masagana. Sa mga sandaling iyon, alam nilang mas mapalad sila kaysa sa iba nilang kababaryo. Nagpatuloy ang pagkalat ng pandemiko. Marami ang nahirapan. Marami-rami ang naging positibo. May ilang mga namayapa. Mayroon din namang mga gumaling. Ngunit ang pamumuhay ng pamilyang Masagana ay nanatiling masaya at masagana. Hindi halos nila ramdam ang epekto ng sakit na nagpahirap sa loob at labas ng bansa.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...