Followers

Sunday, April 26, 2020

30 Dahilan Kung Bakit Kailangang Magbasa ng Libro

Basahin mo ito upang malaman mo ang kahalagahan ng pagbabasa ng libro. Huwag puro status update ang binabasa mo. Huwag puro fake news ang pinaggugululan mo ng oras mo. Libro! 

Ang libro ay mahalaga dahil nagbibigay-kaalaman ito. Maraming nakapaloob na impormasyon sa libro. Anoman ang genre nito, may matutuhan tayo rito. 

Ang libro ay mahalaga dahil napapalusog nito ang utak ng tao. Kung nagbabasa nga lang ng libro ang mga hayop, baka sila pa ang mas matalino. Kapag hindi tayo magbasa, mabibitak ang ating utak. 

Ang libro ay mahalaga dahil nagtatanggal ito ng ligalig, problema o bigat sa puso. Sinoman ang nakararanas nito, sa pagbabasa ng libro, malulunasan ito. May mga inspiring na kuwento kasi na mababasa sa libro. Nakakarelate tayo sa mga tauhan at mga pangyayari roon. 

Ang libro ay mahalaga dahil pinauunlad nito ang memorya. Halimbawa, sa pagbabasa ng nobela, kahit gaano kahaba, ang mga tauhan dito ay kilalang-kilala natin sila. Minsan, kahit gaano katagal na ang lumipas simula nang mabasa natin ang libro, naaalala pa rin natin ang mga nilalaman nito. 

Ang libro ay mahalaga dahil nakapagpapalawak ito ng imahinasyon. Kapag ang binasa natin ay puro letra, nakabubuo tayo ng mga larawan ayon sa ating nabasa. Parang may eksenang nagaganap sa balintataw at utak natin, kasabay ng pagbabasa. 

Ang libro ay mahalaga dahil napapaunlad nito ang mapanuring pag-iisip ng mambabasa. Nagkakaroon tayo ng kakayahang pangatwiranan ang mga tanong, bagay, pangyayari, at kilos ng tauhan sa kuwento o sa libro. Nagiging matatas tayo sa pagbibigay ng rason dahil malaman ang ating mga nababasa.

Ang libro ay mahalaga dahil napapalawak nito ang talasalitaan ng indibidwal. Dahil mga salita ang bumubuo sa halos lahat ng libro, dumarami ang salitang nagagamit natin sa pakikipagtalastasan. 

Ang libro ay mahalaga dahil napapaunlad nito ang kakayahang magsulat ng sinomang mahilig magbasa. Sabi nga, ang mahusay na manunulat ay nagbabasa. Nakukuha kasi niya ang estilo ng mga may-akda at nakagagawa siya ng sarili niyang estilo.

Ang libro ay mahalaga dahil napapataas nito ang kakayahan ng mambabasa pagdating sa pakikipagtalastasan. Ang taong palabasa ay mahusay sa pabigkas at pasulat na komunikasyon. 

Ang libro ay mahalaga dahil nakapagbibigay ito sa tao ng pokus. Kaya nga kapag hindi tayo nakapokus sa ating binabasa, parang wala tayong maintindihan. Patunay ito na ang pagbabasa ay nagdudulot ng konsentrasyon.

Ang libro ay mahalaga dahil ito ay isang makabuluhang gawain. Sa halip na makipaghuntahan o makipagtsismisan, magbasa na lang upang may magandang dulot na makamtan. 

Ang libro ay mahalaga dahil ito ay isang uri ng abot-kayang kasiyahan. Sa halip na makipag-inuman, gumala, o magparty-party, magbasa na lang. Mura na, ligtas pa sa kapahamakan at karamdaman.

Ang libro ay mahalaga dahil ito ay isang uri ng motibasyon.  May mga nilalaman sa libro na nakakapagbigay ng interes sa mambabasa. May mga babasahin ding nagpapaningas sa nagbabasa upang gumawa, kumilos o huwag sumuko.

Ang libro ay mahalaga dahil napapaganda nito ang kalusugan ng tao. Literal itong nakakapagpalusog ng katawan dahil nakababasa tayo rito ng mga paraan upang umiwas sa sakit at paraan upang pangalagaan ang kalusugan. 

Ang libro ay mahalaga dahil nagkakaroon tayo ng puso sa pakikipagdamayan. May mga nababasa kasi tayong istorya, na nakasasagi sa puso natin, kaya lumalabas ang ating pagiging matulungin.

Ang libro ay mahalaga dahil nakadaragdag ito ng mga kasanayan o kakayahan. May mga libro na naglalaman ng mga paraan kung paano gawin ang isang bagay. Sa pagbabasa nito, natututo tayo. 

Ang libro ay mahalaga dahil nagkakaroon ng tiwala sa sarili ang mambabasa. Dahil napaunlad na nito ang talasalitaan ng isang tao, hindi na tayo nahihiya sa pakikipag-usap sa kapwa. Mas marami na tayong maiaambag sa usapan. 

Ang libro ay mahalaga dahil ito ay kaya nating bitbitin at dalhin kahit saan, kaya maaari tayo nitong mapasaya kahit kailan, kahit saan. Imagine, napakahaba ng trapiko, pero may dala kang libro. 

Ang libro ay mahalaga dahil nagpapaganda ito ng tulog. Nakaaantok ang pagbabasa. Alam iyan ng mga taong palabasa. Kaya, ang pagbabasa ay daig ang sleeping pills. Mainam ito sa mga taong may insomia. 

Ang libro ay mahalaga dahil napapasilip nito sa atin ang bagong mundo. Idyomatiko ito. Palabasa lang ang makauunawa na may mundo sa loob ng libro. Minsan nga, ang mambabasa ay nakapapasok pa roon sa bagong mundo.

Ang libro ay mahalaga dahil ito ay isang paraan ng pakikisalamuha. Sa literal na usapan, nakabubuo ang mambabasa ng mga bagong kaibigan dahil pareho sila ng hilig. Sa idyomatikong usapan, parang nakakasalamuha ng mambabasa ang mga tauhan sa kanyang binabasa. 

Ang libro ay mahalaga dahil nagiging malikhain ang taong palabasa. Sa pagbabasa, nakabubuo tayo ng bagong ideya at hindi natin napapansin, nakabubuo tayo ng isang magandang produkto. Sa pagbabasa, natututo tayong lumikha ng bagay, na ginamitan ng isip, puso, at determinasyon na nanggaling sa ating binasa. 

Ang libro ay mahalaga dahil natututo ang mambabasa sa sarili niyang paraan at kakayahan. Halimbawa, ang estudyanteng matagal nagkasakit ay hindi nakarinig at nakasali sa mga talakayan, ngunit kung nagbasa siya ng mga libro sa bahay, siguradong hindi siya babagsak sa pagsusulit.

Ang libro ay mahalaga dahil marami tayong pagpipilian dito. Lahat ng gusto, interes, at kailangan nating malaman, makahahanap tayo ng isang libro. Hindi tayo mauubusan ng pagpipilian. 

Ang libro ay mahalaga dahil napapaganda nito ang moralidad ng tao. Naglalaman ng mensahe, aral, at magagandang pag-uugali ang halos lahat ng aklat. Imposibleng hindi natin magaya o maisatao ang mga iyon. 

Ang libro ay mahalaga dahil natutuhan natin ang kasaysayan ng bansa at ibang bansa. Nagkakaroon tayo ng pakialam sa mga nangyari, pangyayari, at mangyayari pa lang. Nagiging makabansa tayo dahil sa pagbabasa ng libro.

Ang libro ay mahalaga dahil nakatitipid tayo. Oo, mahal ang libro, pero libre ang pagbabasa. Yumayaman ang taong palabasa. Literal na nakatitipid tayo dahil napapalitan nito ang ibang bisyo. Natututo rin tayo sa libro kung paano magtipid at gumawa ng kapaki-pakinabang na bagay o gawain. 

Ang libro ay mahalaga dahil wala itong masamang epekto sa katawan, gaya ng mga makabagong teknolohiyang kumikitil sa pagbabasa. Wala itong radiation, na mabilis makasira sa paningin.

Ang libro ay mahalaga dahil mas nakapagpapatalino ito. Wala namang matalinong tao na hindi palabasa. Kung matalino ka, hindi ko na kailangang ipaliwanag ito.

Ang libro ay mahalaga dahil mas mainam ito kaysa pelikula. Mas detalyado kasi ang nasa libro kaysa sa pelikula. Kung ang pelikula ay umaabot lang ng isa hanggang dalawang oras, ang pagbabasa ng nobela sa libro, mahigit pa roon. 

Siguro naman, hindi na natin isasantabi ang mga libro. Siguro naman, sisipagin na tayong magbasa.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...