Followers

Saturday, April 11, 2020

16 Bagong Kulay sa Crayola


Lahat tayo ay gumamit ng crayons o mas kilala nating Crayola. Hindi man lahat ay naging mapalad na makagamit ng double, pero halos kabisado natin ang kulay ng single. Ang hindi ako sigurado ay kung alam nating lahat ang tawag ng labing-anim na kulay nito sa mga wika ng Pilipinas. 

Naalala ko pa, iniyakan ko pa ang nanay ko dahil gusto kong double ang Crayola ko. Ngayon, kapag may magtanong sa akin kung ano ang Filipino translation ng mga kulay na ito, sigurado ako... mas maiiyak ako.

Mapalad ang ibang nakagamit ng 24. Pero, sigurado ako, hindi nila memorized lahat ng kulay roon. 

Mabuti na lang, nabasa ko sa website ng FilipiKnow ang mga ito.

Kaya, samahan ninyo akong isa-isahin ang 16 na kulay na sikat na sikat noon hanggang ngayon.

Morado. 

Ito ay salitang Espanyol na katumbas ng 'purple.' Ang kulay na ito ay matingkad sa lila.  Maaari rin itong tawaging 'purpura.'

Lungti.

Ito ay salitang Filipino na katumbas ng 'green.' Ang kulay na ito ay nasa pagitan ng dilaw at bughaw sa spectrum. Maaari rin itong tawaging 'berde,' 'lungtian,' at 'lunti.' Ang tawag ng mga Tausug sa kulay na ito ay 'gaddung.'

Bughaw.

Ito ay etnikong salita. Katulad ito ng kulay na 'asul,' na galing sa salitang Espanyol na 'azul.' Ito ay kulay ng maaliwalas na langit. Ang mga Iloko, tinatawag itong 'balbag.' Sa Maguindanao, tinatawag itong 'bilo.' Sa spectrum, nasa pagitan ito ng lungti at lila.

Lila.

Ito ay mula sa Espanyol, na may katumbas na salitang Ingles na 'violet,' 'lavender' o 'lilac.' Ito ay mapusyaw na bughaw at may bahid ng pula. Maaari rin itong tawaging 'ube,' 'haban' o 'haban-ube.'

Mabaya.

Palasak na kasi ang 'pula.' Para maiba naman, ang 'mabaya' ay salitang Ivatan ng Batanes para sa 'red.' Ito ang kulay na katulad ng dugo. Ang mga Maranaw, tawag nila rito ay 'kanaway.' 'Bulagaw' naman ang tawag dito ng mga Waray.  Sa Pangasinan, ito ay 'anbalanga.' Ang mga Ilokano, tinatawag itong 'labaga.'

Rosas.

Hindi naman daw pula ang kulay ng bulaklak na 'rose.' Ito ay nasa pagitan ng 'red' at 'magenta.' Kaya ang 'rosas' ay kulay na 'rose.' Ito ay mapusyaw na pula. 

Kalimbahin.

Sa pagitan ng 'rose' (rosas) at 'lavender' (lila) ay ang 'kalimbahin.' Ito ang tunay na katumbas ng 'pink.' Ang kalimbahin ay mapusyaw na pula hanggang sa maputla at mamula-mulang lila. 

Kayumanggi.

Ito ay katumbas ng 'brown.' Ito ang kulay ng balat ng karamihang Filipino. Kakulay rin ito ng lupa. Mas mapusyaw ito kaysa sa 'coffee' (kape). Ang kulay na ito ay manilaw-nilaw na kape. Ang 'tan' naman ay mas matingkad na kayumanggi.

Kunig.

Ito ay katumbas ng 'yellow.' Ito ay salitang Ilokano na katumbas ng 'dilaw' sa Filipino, ng amarilyo (amarillo) sa Espanyol, at 'biyaning' sa Tausug. Sa spectrum, nasa pagitan ito ng lungti at kahel. 

Kahel.

Ito ay nagmula sa salitang Espanyol na 'cajel,' na katumbas ng 'orange.' Maaari rin itong tawaging 'dalandan' at 'naranha.' Ito ay mamula-mulang dilaw. Sa spectrum, nasa pagitan ito ng dilaw at pula.

Malamaya.

Ito ay katumbas ng 'grey/gray.' Galing ito sa mga salitang Tagalog na 'mala' at 'maya,' na ang kahulugan ay 'gaya ng maya.' Maaari rin itong tawaging 'kulay-abo' o 'abuhin.' 

Puraw.

Ito ay katumbas ng 'puti' o 'white.' Ito ang kulay ng repliksiyon ng nakikitang sinag ng spectrum. Marami itong katumbas na salita sa iba't ibang wika ng bansa, gaya ng 'bukay' ng T'boli, 'busag' ng Waray, 'malattibuntal' ng Maguindanao, at 'maydak' ng Ivatan.

Garing.

Ito ay katumbas ng 'off-white' o 'ivory.' Ito ang kulay ng ngipin at sungay ng mga elepante at walrus. Ito ay manilaw-nilaw na puti. Kulay-krema. 

Kanaryo.

Ito ay katumbas ng 'canary.' Galing ito sa salitang Espanyol na 'canario.' Ito ay mapusyaw na dilaw. Ang 'kanaryo' ay isa ring ibon. 

Esmeralda.

Ito ay katumbas ng 'emerald' o 'emerald green.' Ito ay matingkad na lungti. Ito ay tawag din sa isang mamahaling hiyas o bato.

Dagtum.

Ito ay salitang Cebuano na ang katumbas ay 'itim' o 'black.' Ito ang pinakamadilim na kulay sa spectrum. Ito ang kulay ng uling. Sa ibang bayan, itinatawag itong 'itom' (Bicol, Waray, Maguindanao, Tausug, at iba pa)  'itum' (Aklanon), 'nangisit' (Iloko), at tuling (Kapampangan).

Siguro naman, makakabisado natin ang mga ito. Mas astig ang mga translation na ito. Nakakadugo ng ilong. 

Tandaan: Astig, ang may alam!



No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...