Hilig ni Koko ang pagguhit. Iba't ibang midyum ang kaniyang ginagamit. Pero ang paborito niyang gamitin ay lapis.
Isang araw, may gusto siyang iguhit.
"Mama, ano po ang hitsura ng demonyo?" tanong ni Koko.
Bahagyang nagulat ang ina, na kasalukuyang naglalaba. "Iba-iba ang hitsura nila. Paglaki mo, makikilala mo rin sila. Kaya mag-iingat ka sa kanila."
Kumunot ang noo ni Koko. "Hindi na po ako makapaghihintay ng paglaki ko. Iyon po kasi ang iguguhit ko. Saan po ba makikita ang demonyo?"
"Kahit saan," tugon ng ina. "Minsan, kaibigan mo pa."
"Po? Kaibigan ko po?"
Ang ina ay nakangiting tumango.
"Sige po," paalam ni Koko at agad na tumakbo.
"Saan ka pupunta?" sigaw ng ina.
"Hahanap po ng demonyo nang makaguhit ako!"
Paglabas ni Koko sa bakuran nila, si Lee agad ang nakita niya. "Halika, Koko, samahan mo ako," yaya nito.
"Saan tayo pupunta?"
"Basta lang. Sumunod ka lang."
Sa palikuran ng kalaro nilang si Clara sila pumunta.
"Anong gagawin natin dito," tanong ni Koko.
"Sssh! Ang ingay mo!" Binulungan ni Lee si Koko.
"Ano? Sisilipan natin si Clara?"
Binusalan siya ni Lee. "Ang ingay mo naman, e!"
"Bitiwan mo ako. Uuwi na ako. Masama ang gagawin mo."
Tumakbo si Koko palayo. Sa bahay ni Siva naman siya tumungo.
Naabutan niya sa bakuran ang ina ni Siva.
"Magandang araw po, Aling Amanda! Nandiyan po ba si Siva?"
"Magandang araw rin, Koko! Kumakain sila ni Shintaro."
Pinapasok ni Aling Amanda si Koko.
Sa hapag-kainan, naabutan niya ang kumakaing kaibigan, habang si Shintaro ay takam na takam.
"Bakit hindi mo binibigyan ang kapatid mo?" tanong ni Koko.
"Kumain na siya," sagot ni Shiva.
"Kakaunti kasi ang binigay mo. Mas marami ang sa 'yo," iyak ni Shintaro.
"Mataba kasi ako kaya mas maraming pagkain ang kailangan ko."
"E, nagugutom pa nga ako."
"Bigyan mo naman ang kapatid mo," sabi ni Koko.
"Ayoko! Gutom pa rin naman ako. Bakit ka kasi nangingialam dito?" singhal ni Siva kay Koko.
"Masama kasi ang ginagawa mo sa kapatid mo."
"Umalis ka na nga rito!"
Malungkot at tahimik na umalis si Koko.
Nakita ni Koko si Inggrid na nakaupo sa harap ng mansiyon.
"Inggrid, ano'ng ginagawa mo riyan?" tanong niya.
"Wala. Naiingit ako sa bahay nila."
"Humahanga ka ba o naiinggit ka talaga?"
"Naiinggit talaga ako. Sana anak na lang ako nina Misis at Mister Go. Bakit pa kasi ako ipinanganak nang ganito."
"Naku, Inggrid, hindi maganda ang iniisip mo. Mapalad pa rin kasi kasama mo ang pamilya mo."
"Kahit na! Nakakasawang maging mahirap, Koko," sabi ni Inggrid, saka tahimik na lumayo.
Malungkot na lumayo si Koko sa lugar na iyon nang hindi tinitingnan ang mansiyon.
Pumunta siya sa bahay ni Tammy, na nasa tabi ng simbahan. Naabutan niya ang kaibigan at ina nito sa bakuran.
"Wala akong utos na sinunod mo! Ang tamad-tamad mo! Hindi ka man lang tumulong sa amin ng ama at mga kapatid mo," mangiyak-ngiyak na pagalit ni Aling Socorro.
Walang kibo si Tammy hanggang iwanan ito ng inang nanggagalaiti.
Hindi na lumapit si Koko, sa halip, siya ay lumiko.
Dahil sa lungkot at siya'y nakayuko, muntik na siyang mabunggo ng bisekleta ni Bang, na mukhang bagong-bago.
"Ano ba 'yan, Koko!? Magagasgasan pa ito dahil sa 'yo!"
"Sorry, Bang."
"Sa susunod mag-iingat ka para hindi ka makadisgrasya. Bagong-bago pa naman itong bisikleta, na binili sa akin ni Papa... Bibilhan pa nga niya ako ng sapatos... Sa trabaho kasi niya, siya na ang boss. Sa pasukan nga raw, lilipat na ako sa ibang paaralan."
Nagtataka si Koko sa inasal ng kaibigan. Bigla itong naging mayabang, kaya kaniya itong tinalikuran.
Naisip niyang puntahan si Kim.
Hindi pa siya nakalalapit sa kanilang bahay, may naririnig na siyang ingay.
"Mga sakim kayo!" sigaw ni Mang Tonyo. May hawak itong itak na parang kay talim. Inaaway nito ang mga magulang ni Kim.
Napaurong si Koko. Sa likod ng puno siya ay nagtago.
"Kapirasong lupa lang naman ang hinihingi ko para maging daanan namin ng pamilya ko. Pinababayaran pa ninyo. Hindi naman kami milyonaryo... Ngayon, magsilabas kayo!"
"Koko, bakit ka nandito?" Hinila siya ni Kim para lumipat ng puwesto.
"Narinig ko si Mang Tonyo. Tinatawag kayong sakim. Totoo ba iyon, Kim?"
"Oo. Lupa namin iyon, e. Ano siya sinusuwerte? Bakit namin ibibigay sa kaniya? Dapat bilhin niya."
Hindi na sumagot pa si Koko. Totoo nga ang paratang ni Mang Tonyo na sakim ang pamilya ni Kim.
Nagdesisyon si Koko na umuwi na lang. Pero sa di-kalayuan, nakasalubong niya ang isa pa niyang kaibigan.
"O, Gally, bakit galit na galit ka?" tanong niya.
Nagmura nang nagmura si Gally. Tinawag niya ang ama, na walang silbi.
"Naku! Hindi tamang sabihan mo nang ganiyan ang iyong ama," pagalit niya.
"Totoo naman, e. Pinabayaan niya kami. Simula pa noong bata ako, hindi siya nagbibigay ng sustento. Tuwing bertdey ko, hindi siya dumadalo. Ni singko, wala siyang ibinibigay sa mama ko. Sinong anak ang hindi magagalit sa kaniya? Sino ang matutuwa sa pagiging pabaya niya?"
"Ama mo pa rin siya, Gally. Huwag mong sabihing wala siyang silbi. Dahil sa kaniya, isinilang ka sa mundo," sabi ni Koko.
Nagmura na naman si Gally. At kung ano-ano pang masasakit na salita ang sinabi.
Malungkot si Koko nang siya'y umuwi.
"Anak, bakit?" tanong ni Aling Marikit.
"Nalulungkot lang po ako," sagot ni Koko.
"Bakit naman? Anong dahilan?"
"Nakilala ko na po ang mga demonyo. At tama po kayo. Mga kaibigan ko po sila. Masasama pala ang ugali nila."
Nalungkot ang kaniyang ina. "Pero bakit mo naman nasabi? Ano ba ang nangyari?"
Sinundan siya ni Aling Marikit hanggang sa ituro niya ang kaniyang nakapaskil na guhit.
"Matagal na po pala akong nakaguhit ng mga demonyo," sabi ni Koko. "Sila ang mga kaibigan ko. Si Lee ay mahalay na kaibigan. Si Siva ay may angking kasibaan. Si Inggrid ay may inggit na inaalagaan. Si Tammy ay sadyang may katamaran. Si Bang ay naging mayabang. Si Kim at ang pamilya niya ay may kasakiman. Si Gally naman ay galit na galit sa kaniyang magulang."
"Naku, mga kasalanan pala ang mga ugali nila, Koko! Ganiyan na ganiyan ang mga gawain ng~"
"Demonyo!"
Natakpan ng ina ang bibig niya. Natawa naman si Koko.
"Sorry, Koko... Dapat pala hindi ko sinabi sa 'yo kung saan at ano ang hitsura ng demonyo."
"Mabuti nga po iyon, Mama, para makaiwas ako sa kanila."
"Tama! Ang galing-galing mo talaga! Ang ganda pa ng drowing mo, ha."
Ngumiti muna si Koko. "Mama, magbabago pa po ba ang demonyo?"
"Oo naman. Tulungan mo sila. Maniwala kang magiging mabuti rin sila."
Natuwa si Koko. "Sa susunod po, anghel na po ang iguguhit ko."
No comments:
Post a Comment