Tuwing
darating si Papa mula sa trabaho, tuwang-tuwa ako. Lagi siyang may pasalubong
sa akin. Kung hindi gelatin, ang dala niya ay fried chicken. Kadalasan, ang bitbit niya ay saging.
Ang hapag-kainan namin ay hindi
nawawalan ng saging. Kung hindi seƱorita, latundan ang nakahain. Kundi saba,
lakatan ang aming kinakain.
Minsan nga, naisip ko, ganito pala
ang maging matsing. Araw-araw kasi kaming kumakain ng saging. Sa almusal, may
nilagang saging. Kapag tanghalian, may panghimagas na saging. At sa hapunan,
may saging pa rin.
Minsan nga, naisip ko, baka ako'y
maging tsonggo. Tubuan na ako ng buntot at balahibo. Humaba na ang mga kamay
ko. At mas mahaba pa kaysa sa mga paa ko. Pagkatapos, umakyat na ako sa mga
puno. At sa kagubatan ay manirahan na ako.
Minsan nga, natanong ko si Mama.
"Bakit po madalas saging ang dala ni Papa?"
"Kailangan kasi ito ng ating
katawan," sagot ni Mama.
"Gaano po kasustansiya ang
saging," tanong ko uli sa kanya.
"Napakasustansiya!"
sabi niya. Pagkatapos nagbiro pa siya. "Pampakinis din ito ng mukha. Kapag
mahilig ka sa saging, hindi ka titigyawatin."
Nagtataka ako, kaya nagtanong muli
ako. "Bakit po?"
"Tingnan mo ang mga unggoy sa
gubat... Hindi ba, wala silang tigyawat?"
Natawa ako sa biro ni Mama, pero
hindi ako naniniwala sa kanya.
Isang gabi, umuwi si Papa. Saging
ang pasalubong niya.
"Saging na naman!" sabi
ko bago ako nagmano kay Papa. Hindi ko napansin na nasaktan ko ang damdamin
niya.
Kaya sa mga sumunod na araw, wala
na siyang dala ni isa. Nalungkot ako at nagsisisi na.
Nami-miss ko na ang saging, pero
hindi ko binigkas ang aking hinaing.
Isang gabi, malungkot na umuwi si
Papa. May nararamdaman daw siya.
Kinabukasan, hindi siya pumasok sa
trabaho. Nahihirapan daw siyang kumilos at tumayo.
Minsan hindi niya mahawakan ang
baso. Nahuhulog at nababasag ito.
Isang linggo nang hindi
makapagtrabaho si Papa. Kaya isang araw may dumating na doktora. Tinanong at
tsenek-ap siya.
Sabi ng doktora, kulang si Papa sa
potassium. Nabanggit nito ang saging at gamot na ipaiinom.
"Salamat
po!" sabi ni Mama nang ihatid niya ang doktora.
"Walang anuman! Basta ang
bilin ko sa inyo, ha? Ang saging ay
napakahalaga. Sa bawat tahanan, hindi dapat ito nawawala."
Simula noon, hindi na ako
nagrereklamo kung ang pasalubong ni Papa ay saging.
Hindi na ako napapangiwi kapag
saging ang nakahain. Hindi na rin ako nagtatanong kung magiging kamukha na ako
ng matsing.
Basta ang mahalaga, ang saging ay
napakagaling!
No comments:
Post a Comment