Hi, mga mortal! Ako nga pala si CoViD-19. Una akong nakilala bilang si Novel CoronaVirus o NCoV. Sabi nila, galing daw ako sa Wuhan, China. Kung anoman ang totoo, ako lang ang nakakaalam. Basta ang alam ko, nasa paligid n'yo lang ako --nag-aabang.
Natatakot na sa akin ang buong mundo. Marami na akong dinapuan, hinawaan, at pinatay. Kahit mga frontliners, hindi ko pinaliligtas.
Kahit pa, under quarantine na ang bansa, patuloy pa rin ako sa pamumuksa. Masaya ako dahil maraming ang matitigas ang ulo at makakapal ang mukha. Masaya ako dahil nahihirapan kayo!
Kahit pa gumamit kayo ng face mask o surgical mask, kung labas naman kayo ng labas, wala rin! Alam niyo naman na kahit saan nabubuhay ako.
Kahit i-hoard n'yo pa ang alcohol at ipaligo, kung walang social distancing at walang disiplina, hahawa pa rin ako sa inyo. Sa lahat ng hawakan ninyo, namamahay ako.
Kung ako sa inyo, palakasin ninyo ang inyong immune system nang hindi ko kumapit sa inyo. Kumain ng mga prutas at gulay. Mag-ehersisyo kayo. Maligo araw-araw. Kapag mahina kayo, yari kayo sa akin.
Gusto kong maraming maging positibo sa inyo. Matutuwa ako kapag makita ko ang mga sintomas sa inyo. Ang ubong walang plema, lagnat, at papanakit ng katawan ay ilan lamang sa mga palatandaan.
Malas kayo, kung asymptomatic ang nakasalamuha ninyo..Kapag maraming ganito, tiyak lolobo ang positibo sa virus ko. Pandemic talaga ito. Masasakop ko ang buong mundo.
Kaya, sige... lumabas kayo! Kahit hindi kayo frontliners, sige labas kayo. Huwag kayong makinig sa inyong pangulo, mayor, at kapitan. Nosi ba lasi?
Sayangin ninyo ang effort at pondo ng gobyerno. Sayangin ninyo ang buong buhay ng mga bayaning frontliners ninyo. YOLO. You only live once, iyan ang motto ninyo.
Pero sa akin, YLEYODO. You live everyday. You only die once. May libre namang cremation. Sagot na ni Joy ang hurno mo.
Social distancing? Naku! Imposible iyan. Go! Get closer. The closer you are, the closer you will get me. Close tayo,`di ba?
Stay home? Naku! Boring sa bahay. Nasaan ang kalayaan? Go out! Party-party. Walwal. Bonding with friends. Gala. Masaya sa labas ng bahay. Masaya ako niyan. Masaya akong kakapit sa katawan ninyo. Kung saan kayo masaya, suportahan ko kayo.
Pagkagaling n'yo sa labas, huwag kayong maghugas ng kamay. Hawaan n'yo ang mahal ninyo sa buhay para 'It's a tie!'
Ang hirap kayang maghugas ng kamay. Kakanta pa kayo ng 'Happy birthday,' e, hindi n'yo birthday. Mukha lang kayong tanga. Huwag nang maghugas ng kamay! Nasa bahay lang naman kayo, e.
Huwag na rin kayong magdisinfect ng bahay ninyo at ng mga pampublikong lugar. Useless lang! Kakapit pa rin ako at mabubuhay dahil hindi kayo nagkakaisa. Hindi kayo nagtutulungan. Hindi kayo sumusunod.
Ako si CoViD-19. Ako ay immortal. Hindi ninyo ako mapipigilan. Pataas nang pataas pa ang bilang ng positibo. It means, posibleng matagalan pa ang ECQ o Enhanced Community Quarantine o lockdown.
Ayaw n'yo iyon, `di ba? Ayaw ninyo ang lockdown kasi feeling ninyo pinapatay kayo. Feeling ninyo, mas mamamatay kayo sa boredom kaysa sa virus.
Ang iba naman, naniniwalang mas mamatay sa gutom kaysa sa virus. Tampalasan! Ang ibon nga, nabubuhay kahit walang nagpapakain, kayo pa kaya.
Mas matakot kayo sa akin dahil ako ang kalabang hindi ninyo nakikita. Marami nang bansa ang aking naulila. Kung gusto ninyong makaligtas, mag-isip kayo. Kumilos! HEAL AS ONE.
Ako lang ito--si CoViD-19. Kayang-kaya ninyo akong talunin. Kayang-kaya, basta sama-sama, basta may disiplina, basta walang kuda, basta may gawa, at basta may pagkakaisa.
No comments:
Post a Comment