Followers

Wednesday, March 22, 2023

R.E.N.D.O.N L.A.B.A.D.O.R.

Rat-ta-tat ka nang rat-ta-rat

Eksaherado ka kung bumanat

Nagmumukha kang hipong makunat

Dinaig mo pa si Marites, sa lahat

O, Labador, bibig mo’y itikom, mata’y idilat

Nang `di ka nagpapansin, nagpapasikat.

 

Lampas langit ang galit mo kay Tanggol

Ano’ng ginawa niyang bagay na masahol?

Bakit para kang asong tahol nang tahol?

Ano ba ang iyong ipinagtatanggol?

Daig mo pa ang taong nauulol

OA ka sa ipinaglalaban mong walang gatol

Rendon, ammacana, accla, wala sa `yong papatol.

Sunday, March 19, 2023

Tula ng mg Hayop

 

Ito ay matsing.
Mahilig ito sa saging.
Magaling itong magbaging.

Ito ay pagong.
Nakatira ito sa ilog.
Nabibigatan, pero sumusulong.

Ito ay gagamba.
Ito ay may walong paa.
Bahay nito ay sariling gawa.

Ito ay kambing.
Mabait ito at malambing.
Damo ang paborito nitong kainin.

Ito ay paruparo.
Kay ganda ng mga pakpak nito
Sa mga bulaklak ito dumadapo.

Ito ay ibon.
Humuhuni ito maghapon.
Nakatira sa punongkahoy.

Ito ay kalabaw.
Masipag itong alalay.
Tibay at lakas ang taglay.

Ito ay isda.
Sa tubig ito nakatira.
Lumalangoy ito sa ilog, dagat o sapa.

Ito ay pusa.
Ito ay malambing na alaga.
Hatid nito sa lahat ay ligaya.

Ito ay aso.
Ito ay bantay sa bahay ng amo.
Matalik na kaibigan ito ng mga tao.

Ito ay bubuyog.
Nag-iipon ito ng matamis na pulot.
Sa katas ng mga bulaklak ito ay nabubusog.

Ito ay baka.
Gatas nito ay pambihira.
Katuwang din ito ng mga magsasaka.

Ito ay kuneho.
May malalaking tainga ito.
Kay sarap hawakan ng balahibo nito.

Ito ay kabayo.
Mabilis itong tumakbo.
Sa karera, mahusay ito.

Ito ay palaka.
Nakatira ito sa tubig at lupa.
"Kokak! Kokak" ang tawag nito sa kasama.

Ito ay pato.
Nangingitlog ito.
Mga bibe nito ay mahilig maglaro.

Ito ay manok.
Ito ay tumitilaok.
Nagbibigay rin ito ng itlog.

Ito ay tupa.
Sa sabsaban ito nakatira.
Balahibo nito ay ginagawang tela.

Ito ay elepante.
Para itong higante.
Pero mabait ito at mabuti.

Ito ay buwaya.
Maingat dito kapag nakanganga.
Ang balat nito ay kay tigas talaga.

Ito ay daga.
Kung saan-saan ito lumulungga.
Ngipin ito ay talagang pambihira.

Ito ay tipaklong.
Talon ito nang talong.
Kinakain nito ang mga dahon.

Ito ay paniki.
Gising ito sa gabi.
Sa mga prutas ito lumalaki.

Ito ay tigre.
Para itong pusang malaki.
Hindi ito maamo at

Ito ay balyena.
Sa dagat ito nakatira.
Isa itong nilalang na dambuhala.

Ito ay baboy.
Inaalagaan ito, kaya hindi palaboy.
Malusog ito at palaging busog.

Leon iyan.
Huwag mong lalapitan.
Hayaan lang sa kagubatan.


Ito ay usa.

Sa kakahuyan ito nakatira.

Sa pagkain ng damo ay sapat na.

Wednesday, March 15, 2023

Makata O. Thoughts (Kilatis)

 Huwag kang magalit sa mga taong nanghusga at nagmaliit sa `yo. Bagkus, ituring mo silang ginto na may mababang kilatis at pagsikapan mong maiba ang turing nila sa `yo. Darating ang panahon, pasasalamatan mo rin sila at masasabing "Dahil sa inyo, nagtagumpay ako."

Tuesday, March 14, 2023

Limerick: Amnesia

 Alam mo ang nakakainis sa mga pambulikong bus?

Kaagad at kusa kang nag-abot ng eksaktong bayad.

Lalapit pa. "Boss, bayad ka na?"

tanong ng konduktor na aligaga.

Ta*na! Katatalikod lang, may amnesia agad!

Monday, March 13, 2023

Dalit (Biyahe)

 D'yos na makapangyarihan,

Ako po'y Inyong gabayan

Sa biyahe ay ingatan

'Ligtas sa kapahamakan.


Dalit (Umaga)

 Bawat umaga't paggising

Isang biyayang hiniling

Ngiti ng araw, silipin

Huni ng ibon ay dinggin.


Saturday, March 11, 2023

Makata O. Thoughts #2

 

Nagtatrabaho tayo ng 8 oras sa 1 araw upang mabuhay.

Nagtatrabaho tayo ng 5 o 6 na araw upang ma-enjoy natin ang nag-iisang buhay.

Nagtatrabaho tayo ng 8 oras upang kumain sa loob ng 3 beses sa isang araw sa loob ng ilang minuto.

Nagtatrabaho tayo ng 8 oras na may humigit-kumulang 5 oras na tulog.

Buong taon tayong nagtatrabaho para lang makapagbakasyon ng isa o dalawang beses sa 1 taon.

Buong buhay tayong nagtatrabaho para sa pagreretiro sa pagtanda at pagnilayan lamang ang ating mga huling hininga.

Sa bandang huli, maiisip natin na ang buhay ay 1 lamang pagsasanay para sa paglimot.

Nasanay na tayo sa materyal at panlipunang pang-aalipin kaya hindi na natin nakikita ang mga kadenang nakagapos sa atin.

Ang buhay ay maikling paglalakbay. Lakbayin natin ito nang masaya.

Si Pepa: Ang Talambuhay ni Josefa Llanes Escoda

 

Si Pepa

 

Si Pepa ay nag-alay ng sarili para sa ikabubuti ng kapuwa. Siya ay isang tunay na babaeng iskawt.

 

Si Pepa ay isinilang at bininyagan bilang si Josefa noong Setyembre 20, 1898 sa Dingras, Ilocos Norte. Siya ang panganay sa pitong anak nina Gabriel Llanes at Mercedes Madamba.

 

Nakitaan na si Pepa mula pa sa pagkabata ng kasipagan at determinasyon sa pagkamit ng edukasyon. Nakatapos siya ng elementarya sa Dingras at ng hayskul sa Laoag. Sa Maynila naman siya nagkolehiyo. Nakilala siya ng mga kamag-aral sa Philippine Normal College bilang lider na may mataas na antas. Sa kaniyang pagiging masigasig, nakamit niya ang Elementary Teacher's Certificate na may karangalan.

 

Naulila sa ama si Pepa nang siya ay 20 taong gulang na. Nagsama-sama silang magkakapatid at kanilang ina sa Maynila upang maibigay sa kanila ang magandang kinabukasan.

 

Hindi iyon naging hadlang upang magpalawak ng kaalaman at edukasyon. Dahil sa pagsisikap, nakatapos siya noong 1922 ng Secondary Teacher's Certificate sa Unibersidad ng Pilipinas.

 

At dahil sa angking talino at sigasig ni Pepa, nabigyan siya ng pagkakataong makapagturo sa ilang kilalang kolehiyo at unibersidad sa Kamaynilaan.

 

Nabigyan din si Pepa ng pagkakataong magpalit ng bokasyon. Mas pinili niya ang pagiging volunteer social worker sa American Red Cross (Philippine Chapter).

 

At dahil naman sa katapatan niya sa serbisyo publiko, ipinadala siya sa Amerika upang mag-aral ng social work. Kaya noong 1925, tinanggap niya mula sa New York School of Social Work ang kaniyang sertipiko.

 

Hindi pa roon nagtatapos ang kaniyang pagpapalawak ng edukasyon. Tinapos din niya sa kaparehong taon ang Masters in Social Work sa Columbia.

 

Nakilala si Pepa sa Amerika dahil sa kaniyang natatanging aktibismo bilang modelong Pilipino sa larangan ng internasyonalismo. Pinaniwalaan niyang ang galing ng tao ay wala sa kulay ng balat, kundi nasa layunin at gawain para sa kaunlaran ng mundo.

 

Ipinakilala rin ni Pepa ang kasuotang Pilipino. Marami ang humahanga sa kaniya dahil sa tuwing naiimbitahan siyang maging tagapagsalita sa International House na pulungan ng mga estudyante, nakasuot siya ng sagisag ng mga Pilipino.

 

Isa pang katangi-tangi kay Pepa ay ang pambihira niyang kahusayan sa larangan ng pagsasalita sa publiko. Pinag-usapan at hinangaan siya sa larangang ito dahil tunay na kagalang-galang na Pilipina ang dating niya.

 

Nang bumalik si Pepa sa Pilipinas, muli siyang nagturo sa UP at UST. Labis ang paniniwala niyang napakadakila ng bokasyon ng mga guro lalo na kung wasto ang paggabay sa kaisipan at pagmulat sa mga kabataan.

 

Hindi nagpaawat si Pepa sa serbisyo publiko. Naging kawani siya ng mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Tuberculosis Commission ng Bureau of Health, Textbook Board ng Bureau of Public Schools, at Board of Censors for Moving Pictures.

 

Naging kalihim din si Pepa ng General Council of Women. Pinanindigan niya noon ang malawakang kalayaang dapat tanggapin ng kababaihan. Isinulong niya ang karapatan ng mga kababaihan na maghalal at mahalal sa eleksiyong publiko sa ating bansa.  

 

Kahanga-hanga ang paninindigan ni Pepa na ang mga babae ay katuwang ng mga lalaki sa lahat ng kalakaran. Ayon sa kaniya, ang kababaihan ay hindi dapat na ituring na tagamasid lamang, dapat sila ay bahagi ng proseso.

 

Nang umusbong sa mga bansang malalaya ang girl scouting, ipinadala ng Pilipinas si Pepa sa Amerika upang magsanay. Noong 1937, bumalik siya sa bansa at itinatag ang Girl Scouts of the Philippines (GSP)

 

Sa kabila ng maraming pagsubok sa pagkakatatag ng naturang samahan, nilagdaan ng dating pangulo, Manuel L. Quezon, ang Commonwealth Act 542. Ito ay batas na nagtatalaga sa GSP bilang pambansang organisasyon.

 

Isa ring di-malilimutang kontribusyon ni Pepa sa larangan ng serbisyo publiko ay ang pagkakatatag ng Boys Town para sa mahihirap na kabataang lalaki. Humingi siya ng tulong mula sa mga babaeng manggagawa. Nabigyan din ng mga benepisyo ang mga matatandang kumukuha ng adult education dahil sa kaniya.

 

Siyempre, nasa tugatog siya ng marubdob na serbisyo publiko nang sumiklab ang digmaan. Lumahok siya sa Volunteer Social Aid Committee, kung saan isa siya sa mga palihim na tumulong sa mga bilanggong Pilipino at Amerikano sa pagbibigay ng pagkain, damit, at gamot.

 

Dahil dito, naaresto si Pepa ng mga Hapon noong Agosto 27, 1944 at ikinulong sa Karsel 16 sa Fort Santiago. Wala siyang pagsisisi sa kaniyang ginawa dahil sa labis na pagmamahal sa bansa.

 

Masaklap ang pagpanaw ni Pepa. Walang makapagsabi ng tiyak na lugar kung saan siya pinaslang. May nakapagsabing inilabas si Pepa sa Fort Santiago at dinala sa Far Eastern University, kung saan kumukuta ang ilang mga Hapon.

 

Isa lang ang natitiyak ng mga Pilipino-- labis ang pagdurusa ni Josefa Llanes Escoda para lamang sa kapakanan ng mga kababayan at sa bansang kaniyang ikinararangal.

 

 

NegosyanTips #1

Sa pagnenegosyo, makikilala mo ang mga taong susuporta sa `yo.

 

Sabi ni Jack Ma, ang bilyonaryong Tsino, “Kapag nagbebenta ka sa mga malalapit na kaibigan at pamilya, kahit gaano mo ialok sa kanila ang produkto, lagi nilang mararamdaman na pinagkakakitaan mo lang sila ng pera, at kahit gaano pa kamura ang ibenta mo sa kanila, hindi ka pa rin nila maa-appreciate.”

 

Totoo ito. Sila ang palaging walang tiwala at walang malasakit sa iyong mga gastos, oras, at pagsisikap. Sa halip ay hinahayaan nila na ang ibang tao ang mandaya sa kanila.  Hinahayaan nilang na ang ibang tao pa ang kikita, pagkatapos nilang sumuporta sa taong hindi nila kilala. Dahil sa puso at isip nila, lagi nilang tanong 'Magkano kaya ang kikitain niya sa akin?' sa halip na "Magkano ang inimpok o kinita niya para sa akin?"

 

Ito ay isang klasikong halimbawa ng mentalidad ng isang mahirap.

 

Pinatunayan din ni Jack Ma na ang unang magtitiwala sa mga produktong ibinibenta natin ay mga estranghero. Habang ang mga kamag-anak at mga kaibigan ay lalayo at iiwas sa `yo. Ang masakit pa, pati ang sariling pamilya. Subalit kapag nagtagumpay ka, makikita mo, mararamdaman mong malapit na naman sila sa iyo. At ang tanging hindi mo makakasalo sa hapag-kainan ay ang mga estrangherong tao, na unang nagtiwala sa iyo.  

 

 


Friday, March 10, 2023

Side

Hindi mo naman kailangang ipaliwanag sa kanila ang side mo. Tutal, hinusgahan ka na rin naman nila, hayaan mo sila. Ang mahalaga, mas kilala mo ang sarili mo. Alam mo ang tama at kung saan ka nagkamali. Hayaan mo silang mag-isip ng kung ano-ano laban sa `yo. Hindi naman nila iyon ikaaasenso.

Babae Ka! Sumulong Ka. (tula)

Ikaw na kagaya ni Maria Clara,

Taglay ang katangiang magaganda,

May pagmamalasakit sa kapuwa,

Mapagmahal, at mahinhing dalaga…

 

Ikaw na kagaya ni Tandang Sora,

Isang asawa, ina, at katipunera

Kahanga-hanga ang mga nagawa

Sa Katipunan at sa ating bansa…

 

Ikaw na kagaya ng iswakt na si Pepa,

Nag-alay ng sarili para sa iba,

Mga kababaihan, nakaboto na

Nang dahil sa paninindigan niya…

 

Ikaw na kagaya ni MDS, na senadora

Matalino at may pusong abogada

Matapang, may pagmamahal sa bansa,

Nanindigan para sa kabutihan ng madla…

 

Ikaw na kagaya ni Binibining Catriona

Sa talino’t kagandaha’y tinitingala,

Inspirasyon ang nakaputong na korona

At malasakit sa kapuwa’y taglay niya…

 

Ikaw na nag-uwi na gintong medalya

Na ang atletang si Hidilyn Diaz ang kagaya,

Bitbit ang karangalan para sa bansa

Mabibigat na pagsubok, lahat ay kinaya…

 

Ikaw na kagaya ng magandang si Sisa,

Mapagmahal, maarugang asawa’t ina

Na sa kabila ng kahirapan ng pamilya,

Naging biktima pa ng panghuhusga…

 

Ikaw na kagaya ni Mother Teresa,

May pagmamahal sa mga maralita,

Kinilala noon bilang buhay na santa

Dahil sa mabubuting gawain niya…

 

Ikaw na kagaya ni Gabriela,

Matapang kahit siya ay biyuda

Nakipaglaban para sa paglaya

Hanggang sa huli niyang hininga…

 

Ikaw na isang babae, kagaya nila

Taglay ang mga katangiang pambihira

May misyon sa bayan, `di lang sa pamilya

Tunay na maka-Diyos sa puso’t diwa.

 

Ikaw, na hindi babaeng basta-basta,

Katatagan ng lalaki ang dala-dala

Pusong babae ma’y katulad pa rin nila—

May prinsipyo, may pagpapahalaga.

 

Ikaw, na babaeng dati ay mahina,

Pinalakas ng buhay, pagsubok at sistema

Pinaganda ng panahon, lipunan, at sigwa

At pinatalino ng mga hamon at pag-asa.

 

Humayo ka at sarili ay ipakilala

Sa anomang larangan, aangat ka

Basta sa kakayahan mo’y magtiwala.

Babae ka! Sumulong ka.

Wednesday, March 8, 2023

Estribo (limerick)

 sang Christmas party ay dadaluhan ko

Bus na sinasakyan ko ay nag-alburuto

Kasabay ng aking tiyan

Hayun, tumirik sa daan

Sa wakas, sumirit, nakaraos sa estribo!


Inspirasyon (haiku)

 Inspirasyon ko'y

Ilaw na gumagabay

Noon at ngayon.


Monday, March 6, 2023

Biyahe (quote)

 

Ang buhay ay isang masayang biyahe. Huwag nang magdala ng maraming bagahe. Hindi ito isang destinasyon, kaya enjoyin lang ang pagkakataon. Tahakin mo nang masaya ang patutunguhan. Marami mang panganib at hadlang, pero kayang-kayang lampasan. Ang mahalaga ay natuto ka sa iyong mga karanasan.

I. N. U. T. I. L.

  

          Sa hearing sa senado noong Pebrero 28, 2023 tungkol sa traditional jeepney phaseout, naglabas ng saloobin si Senator Raffy Tulfo. Mariin niyang kinondena ang PUV Modernization Program. Ayon sa kaniya, salapi ang nakikitang niyang dahilan kung bakit minamadali ang pagpapatigil sa operasyon ng mga dyipni.

          Pinusuan ng mga netizens ang buong pahayag ng senador. Isang malakas na supalpal ang pinakawalan niya, kaya marami ang nakatagpo ng kakampi sa kaniyang katauhan.

          I would like to commend you, your passionate, and in pursuing this resolution for hardworking jeepney drivers. Mr. President, ang bottomline dito sa nakikita ko ay… salapi. May mga gustong kumita. Unang-una na diyan… They are now salivating. Tumutulo na ang laway nitong mga taga-LTFRB, na atat na atat nang kumita ng mga pilak. God knows Judas not pay. Alam niyo po ang sa dyipni? Nakalagay, ‘God knows Judas not pay.’ Maraming mga Hudas, yes, na gustong yumaman, gustong tumiba-tiba. At the expense of the mga pobreng jeepney drivers, just imagine 2.4 million po ang halaga ng isang… `yong modernized jeep na sinasabi nila at three hundred thousand lang naman po ang mabibigyan ng subsidy. So, 2.1 million po ang… kailangang pagbabayaran ng mga jeepney drivers. Alam naman po ng mga taga-LTFRB, kung magkano ang kinikita ng isang jeepney driver sa maghapon. Ang marami sa kanila ay hindi pa nga po makabuo ng boundary. Ang ilan sa kanila ay isang kahig, isang tuka dahil nga po mahina ang kita. Pagkatapos, kakargahan ng 2.1 million pesos, na proproblemahin, babayaran. Ang kakapal ng mga mukha ng mga ito, na nagtutulo-laway na mga taga-LTFRB! At tama kayo, Mr. President. I agree with you. `Yong mga taga-LGU ay kanya-kanyang diskarte. Ayaw magbigay ng ruta dahil gusto nilang sarilinin `yong ruta. Kailangang dumaan sa kanila. I have so many experiences. Hindi naman po lahat. Itong mga taga-LGU, gustong kumita. Hinuhuli po `yong mga jeepney drivers. Hinuli ang mga tricycle sapagkat gusto nilang magkaroon ng sarili nilang unit. Gusto nilang maging own operators. Marami rin po sa mga taga-LGU, again, hindi naman po lahat, na mga… loko-loko. Unfortunately, sa halip na kaawaan ang kanilang mga constituents, ang mga taong bumoto sa kanila, `yon pa ang kanilang ginigipit. FYI, mga taga-LTFRB, ang dyipni po ay parte na ng ating kultura. As a matter of fact, ang mga taga-ibang bansa, pinupuri po ang ating mga dyipni at ginagamit po ito bilang tourist attraction. Sa kanilang lugar, ipinagmamalaki ang dyipni natin. Pagkatapos, tayo ipi-phaseout natin ng gano’n-gano’n na lamang! Ang kakapal ng mukha nitong mga taga-LTFRB. Ang kakapal ng mukha nitong ilang mga taga-LGU. Hindi nag-iisip. Ang tanging iniisip lang po nila, Mr. President, ang kanilang bulsa. And adding insult to injury, saan galing, saan manggagaling itong mga dyipni? Galing ng China! Na kung saan, itong mga taong ito, ang hanggang ngayon, even when we speak, ay tuloy-tuloy na inaapi ang ating mga mangingisda. Pagkatapos apihin ang ating (mga) mangingisda, tutulungan natin sila na para kumita, pagkakitaan ang mga jeepney drivers para kumita ang mga… I-N-U-T-I-L na mga taga-LTFRB. Mister President, baka marami pa akong masasabi, bago ako ma-high blood, ang masasabi ko lang, LTFRB, maghunos-dili kayo dahil kapag hindi, pare-pareho tayong sasabog. Believe me or not. Maraming salamat, Mr. President!” pahayag ni Senator Tulfo.

          Kung tahasang nagalit si Senator Tulfo sa mga taga-LTFRB at ilang mga taga-LGU, hayagan namang natuwa ang karamihan sa mga tagasuporta niya. Sabi ng isa, hindi raw nasayang ang pagboto nito sa kaniya.

          Salute!”

          “Tama ka po!”

          “Mabuhay po kayo, Idol Raffy!”

          Nice, Idol!”

          “Salamat, Sir Raffy!”

          Ilan lamang iyan sa magagandang mensaheng natanggap niya sa paglabas ng saloobin tungkol sa jeepney phaseout. Marami ang nagpahayag ng pagsang-ayon sa kaniyang mga sinabi. Tila nakatagpo ang mga ito ng kakampi sa kaniyang katauhan dahil wala silang kakayahang iparating ang kanilang mga damdamin at kaisipan at wala silang paraan upang ipaglaban ang kanilang karapatan.

          Umaasa ang lahat ng sumusuporta kay Senador Tulfo na maririnig at aaksiyon ang mga binanggit niyang mga taong I-N-U-T-I-L. Isa man itong masakit na salita para sa iilang natamaan nito, pero mas marami ang nasaktan at masasaktan kung ang isinisigaw ng karamihan ay hindi mapakikinggan.

          Ang pahayag niya ay kasinlakas ng pagsabog ng bulkan. Kung hindi pa matamaan ang mga taong pinatutungkulan, hindi lang sila inutil, manhid pa. Kung hindi pa sila kikilos at mag-isip nang tama para sa kabutihan ng nakararami, baka hindi lang iyan ang marinig nila. Marami pang salitang maaaring ibato sa kanila bukod sa salitang ‘inutil.’

          I. N.U.T.I.L. Inutil!

          Sa wikang Ingles ay useless. Mababaw lamang na kahulugan iyan. Ibig nitong sabihin, maaari pang maging useful ang mga taong kinalampag ng senador. Ang kanilang maling desisyon ay maaari pa nilang bawiin upang ang pakinabang nila sa mamamayan ay magamit para sa kaginhawaan ng lahat, hindi ng sariling kapakanan.

          I.N.U.T.I.L. Parang akrostik na tula lang ito. Parang may nais ipakahulugan—masakit man o hindi. Ang galit ni Senador Tulfo ay marahil bugso lamang ng damdamin. Normal naman sa tao ang magalit, lalo na kapag may mabigat na dahilan. Siya ang naging boses ni Juan Dela Cruz sa isyung ito. Isa itong hamon para sa lahat ng mga pinatutungkulan. Kung sila naman ay maggagalit-galitan, hindi nareresolbahan ang ugat ng kaguluhan. Mananatiling inutil ang mga namumuno. Magiging inutil ang pakikipaglaban ng mga apektado.

          Inutil ang taong walang ginagawa, walang kabuluhan, walang silbi, at walang kakayahan. Ang mga taong nakaupo sa trono ay hindi nararapat na maging inutil dahil sila ay iniluklok upang sila ay magbigay-serbisyo sa bayan. Sa panahon ngayon, inutil na rin ang tawag sa mga lider na walang ginawa kundi magpayaman at ibulsa ang pera ng pamahalaan.

          Kung sinoman ang natamaan ng salitang ‘inutil,’ dasurv niyo `yan. Tanggapin na lamang ito at sikaping baguhin ang pagkatao upang hindi matawag na inutil. Masakit talaga ang salitang ito lalo na kung sinabi mismo sa `yo. Daig pa nito ang natanggalan ka ng kuko.

 

Sunday, March 5, 2023

Haiku ng Tula

 Tula

May sukat' tugma, P'wedeng may talinghaga Boring kung wala. Ika'y makinig sa tinig ng pag-ibig at pahiwatig. Ikaw at ako Ay hindi magkatugma, Pero sinukat. `Di kita gusto dahil ang aking puso'y nabibihag mo. Huni ng pipit sa umagang kay lamig ang tulang sambit. Isang kuwentong may lalim at hiwagang kumakawala. Tula ay wika ng taong naghahangad ng pagbabago.

Panglaw (tanaga)

 Dalawang gabi't araw

Na walang ngumingiyaw

Tahanan ay kay panglaw

`Pag 'ka'y may kaulayaw.

Dyipni Juan (tugma)

 

Isinakay mo kami mula sa aming mga kinatatayuan

Inihatid mo kami sa aming mga paroroonan

Ipinagmaneho mo kami at iningatan

Ngayon, ikaw ba’y tuluyang mamamaalam?

Kalsada’t serbisyo ay iyo na bang lilisan?

Paano na kaming umaasang mamamayan?

O, Dyipni Juan, wala sanang iwanan

Dahil ikaw pa rin ang pambansang sasakyan.

 

 

 

Saturday, March 4, 2023

Linggo (tanaga)

 Linggo ay sa pagsamba

Ngunit ako’y naglaba

Susuoti’y ubos na

Patawad, aking Ama.

Friday, March 3, 2023

Paglalampong

“Saan si Herming? Dalawang gabi ko nang hindi siya nakikita,” nangangamba kong tanong sa aking asawa, pagbungad ko pa lamang sa pinto. Sanay kasi akong sinasalubong ako ni Herming.

 

“Nandito siya kagabi saka kaninang umaga,” tugon ng aking asawa.

 

“Wala! Hindi ko siya nakita.”

 

Pagkabihis ko, agad kong pinuntahan ang cat bowl niya. Lalo akong nag-alala nang makita kong walang bawas ang pagkain niya.

 

“Herming? Herming!” tawag ko sa kaniya sa aming hardin. Minsan, naroon lamang siya—nagpapahangin, minsan nagha-hunting.  

 

Wala siya roon. Wala rin siya sa labas ng bakod. Wala akong naririnig na mga pusang naglalampong sa kapitbahay.

 

“Lord, pauwiin Mo na si Herming,” panalangin ko.

 

Inaliw ko muna ang sarili ko pagkatapos kumain. Nanood muna ako Youtube videos ng teleserye na ang bida ay may siyam na buhay, subalit wala pa rin akong naririnig. Binuksan ko pa nga ang mga bintana, kasi naisip kong baka nasa bubong o nasa ibabaw lang ng bakod—nakahiga. Pero, wala!

 

Naglaro na ang isip ko. Ang duda ko, isinako ng kapitbahay namin, na may-ari ng babaeng pusa, na nililigawan ni Herming. Naiingay ito, kaya isinako si Herming at itinapon sa malayo. Ang hula ko pa, ang kaaway kong kapitbahay ang salarin. Pinalo niya sa ulo si Herming at inilibing.

 

“Diyos ko, Diyos ko, huwag naman po,” pagsamo ko. Saka nagpabalik-balik ako kuwarto, sa sala, at sa hardin. Ngunit, wala talaga siya. Ang tahimik na ng paligid. Ala-una y medya na pala ng umaga.

 

Nang hindi ko na kinaya, humingi ako ng kapatawaran sa Diyos. Hindi ko kasi masyadong naaruga si Herming nitong mga nakaraang araw dahil sa trabaho at dahil sa ibang mga bagay. Marami akong napagtanto.

 

Halos hindi ako nakatulog, pero maaga pa rin akong bumangon, baka kako dumating na si Herming.

 

Habang nagkakape sa hardin, may tumapat sa aming gate. “Siopao! Siopao! Bili na kayo ng siopao! Masarap na almusal!” alok ng kapitbahay namin.

 

Lumaban (tanaga)

`Pag labis nang nasaktan,

Matuto tayong lumaban

`Di upang may masaktan

Kundi, may matutuhan.

Thursday, March 2, 2023

Edukasyon (tanaga)

Sangkap ng karunungan,

Pagkain ng kaisipan

Kalinangan ang daan

Pangarap, makakamtan.

Nakakaiyak

 Kay aga kong gumayak

Kay trapik, ako'y tiyak

Mahuli ay hindi balak

P'ro pila'y nakakaiyak.

Kalawang (tanaga)

 Talang kay ningning, kay rikit

Ngayo'y bumagsak sa putik

Nagmistulang bakal na makisig

Ngunit kalawang, nangunyapit.

Paglalakbay (tanaga)

 Paroon at parito

Paglalakbay na ito,

Saan tayo patungo?

`Di alam, nalilito.

Bulaklak (tanaga)

 Ligaya sa aking mata

Kay samyo mong dalaga

Kay palad kong talaga

`Pag ngiti'y sumilay na.

Panday (tanaga)

Isa akong magulang

Isa ring kaibigan

Kaawa'y kamangmangan

Panday ng kaalaman. 

Paaralan (tanaga)

Pangalawang tahanan

Lugar ng karunungan

Isa rin `tong pandayan

Nitong kinabukasan.

Biyahe (tanaga)

 Kay sarap bumiyahe

Sa araw man o gabi

Nguni't `di masasabi

Peligro'y aatake.

Babae (tanaga)

 Ang ating ate't tiya

Ang ating mga loa

S'yempre, ang ating ina

Tunay na mahalaga.

Puyat (tanaga)

 Maagang nagigising

Dahil mga gawain

Nag-aabang sa akin

Puyat man, laban pa rin.

Hardin (tanaga)

 O, aking paraiso

Umaga'y nabubuo

Tuwing nakikita ko

Ang kariktang taglay mo.

Ina (tanaga)

Inang mapag-aruga

Mapagmahal talaga

Kondisyon, siya'y wala

Pag-aalaga'y kusa. 


Wednesday, March 1, 2023

Lawin

 Maging isang ibon, kagaya ng lawin

Malayang lumilipad sa papawirin

'Di maliligaw saan man ang landasin

Anomang panahon, makisig pa rin.


Ang tao ay kawangis ng mga ibon

Malayang mangarap, ngunit lumilingon,

Bumabalik-balik saanman paroroon

Puso'y mabuti, dumaan man sa hamon.


Siya'y hindi palalo't hindi nang-aapak

Umangat ma't pumagaspas ang mga pakpak

Mga paa'y nananatili sa lupa-- nakaapak

Upang 'di masaktan 'pag lumagapak.


Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...