Inaatake ka na naman ba ng depresyon? Labis na ba ang kalungkutan mo? Pakiwari mo, hindi ka nag-eexist sa mundo? Sobrang bigat na ba ng iyong damdamin? Pakiramdam mo, hindi mo na kakayanin? Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita. May mga tips ako sa iyo, na tiyak makatutulong upang labanan ito. Sundin mo lang ang mga simpleng hakbang na ito. Tiyak akong maiibsan ang iyong nararamdaman.
Mag-shower
ka. Huwag kang maligo. Shower. Mainit, maligamgam o malamig man ay
maaari mong gamitin. Hindi mo kailangang maghugas, magkuskos o magsabon. Hayaan
mo lang na dumaloy sa buong katawan mo ang tubig sa ilang sandali. Kung
kinakailangan mong umupo sa sahig, sige lang. Mag-shower ka hanggang
maramdaman mong umokey-okey ka na.
Maglagay ka
ng skin moisturizer. Pahiran mo ang iyong mga kamay, braso, at hita. I-moisturize
mo ang buo mong katawan hanggang unti-unti kang nare-relax.
Magbihis ka
ng komportableng damit. Isuot mo ang kasuotang magpapaluwag sa pighati mo. Habang
ginagawa mo ito, ibulong mo sa iyong sarili, “Kaya ko ito. Kaya ko.” At ngumiti
ka sapagkat handa ka nang harapin ang laban ng buhay. Handa ka ngang makita ang
masayang mundo.
Uminom ka
ng malamig na tubig. Mas mainam kung nilagyan mo ng mint o lemon
para sa karagdagang epekto nito.
Maghanap ka ng mga gagawin. Abalahin mo ang iyong sarili. Maglinis
ka. Maglaba. Maghugas ng mga plato. Mag-scrub sa banyo. Mag-gardening.
Marami. Maraming gagawin upang gumaan ang bigat na pinapasan mo sapagkat habang
gumagawa ka, unti-unting nawawaglit ang iyong mga bagabag.
Makinig ka
ng masisiglang musika. Sabayan mo ang awitin. Sumayaw ka’t umindak sa tugtugin.
Isayaw mo iyong ang mga problema kahit parehong kaliwa ang iyong mga paa.
Magluto ka.
Huwag kang oorder at magpapa-deliver. Ikaw mismo ang maghanda ng iyong
kakainin. Gawin mo itong espesyal, kahit ito ay simpleng putahe lamang. At
kapag nagawa mong pasarapin ang iyong lutuin, mararamdaman mong may na-accomplish
kang mabuti. Sasaya ka.
Lumikha ka
ng gawang-sining. Maaari kang mag-drawing, maglilok, mag-origami,
maglala, o magpinta, kahit alam mong hindi ka gaanong mahusay riyan. Lumikha ka
lang. Gagaan ang pakiramdam mo.
Sumulat ka.
Kahit ano ay maaari mong sulatin. Kuwento. Tula. Quotation. Lahat ay
puwede basta ikagagaan ng iyong kalooban. Maaari mong sulatan ang iyong sarili.
Sabihin mong kaya mong labanan ang anomang pinagdaraanan mo. Maaari kang mag-confide
sa iyong diary upang maibsan ang sakit, pangamba, bagabag, at takot na
iyong nararanasan. Isulat mong lahat lalo na ang hindi mo masabi sa iba.
Maglakad-lakad
ka sa labas. Umapak ka sa lupa at maglakad paroon. Silipin mo ang nakangiting
araw. Amuyin mo ang preskong hangin, gayundin ang mahahalimuyak na bulaklak.
Dinggin mo ang mga awit ng mga ibon. Hawakan mo ang bawat mahalagang nilalang,
gaya mo. Damhin mo kung gaano sila kaligaya sa mundo. Pagmasdan mo ang daigdig
na binuo ng Diyos para sa iyo, para sa atin. Maglakad ka’t humayo at bumalik nang
maligaya.
Makipag-usap
ka. Kung malayo ang pamilya o kaibigan mo, tawagan, i-text, o i-chat
mo ang isa, na alam mong makatutulong sa iyo. Kung wala, lumabas ka sa bahay.
Makipag-usap ka kahit kanino sa kalsada. Palaging may isang taong makikinig sa iyo.
Nawa’y
makatulong ang mga ito sa iyo. Basta palaging mong tatandaan, mahal ka ng
Diyos. Hindi man palaging positibo ang mundo para sa iyo, pero sa panahong down
na down ka, ikaw ay nasa tabi Niya. Kumapit ka lang palagi sa Kaniya. Smile!
No comments:
Post a Comment