Followers

Monday, April 29, 2024

Ang Gagamba at ang Langaw

 Si Damian Gagamba’y maginoong binata

Iniirog niya’y kay gandang dalaga.

Sa kaniyang tahanan, laging dumaraan

Lumilipad-lipad sa kaniyang harapan.

 

“Magandang umaga, Binibining Langaw!”

bati ng gagamba, at siya’y kumaway.

Umirap ang langaw, ni hindi ngumiti

Lumayo pa agad, at nagmamadali.

 

Siya’y naghihintay sa may halamanan,

Ang kasa-kasama’y mga kaibigan--

Ang mga bulaklak, insekto at ibon

Araw-araw sila’y nag-aabang doon.

 

“Hayan na s’ya, Damian!” ang tili ni Rosas.

“Salubungin mo na,” ang payo ni Rosal.

“Kung puwede sana, ako’y makalipad,

Gaya ni Bubuyog, sasalubong agad.”

 

“Halika, sakay na, tayo’y papagaspas

Saan man patungo, ika’y iaangkas.”

Si Fe Paruparo, sa kaniya’y lumapit.

“Isa, dal’wa… lukso! Tatlo, apat… kapit!

 

Si Maya’y humuni, umawit’ nagbunyi

Si Tipaklong naman, tumalon, ngumiti

Ang mga bulaklak ay napapalakpak

“Galingan mo, Damian!” ang sigaw ng lahat.

 

“Binibining Langaw, saan ka pupunta?

Sasamahan kita,” alok ng gagamba.

“Saan man patungo, sasabayan kita.

 Basta’t makilala, saka… maging nobya.”

 

“Mataas ang ere ng binatang ito!

Paglipad n’ya’y peke, ‘di ba Paruparo?

Iyong kaibigan ay may kayabangan.

Pakisabi na lang, `wag akong ligawan.”

 

Bumagal ang lipad ni Fe Paruparo

Ang gagamba naman ay biglang nanlumo

“Bumalik na tayo. Masakit mabigo.”

“Huwag kang susuko. Tuloy ang pagsuyo.”

 

Nalungkot ang lahat sa balitang bitbit

Si Maya’y umawit, kundiman ang birit

Habang iba nama’y tahimik-- nag-iisip.

“Aha! Alam ko na!” bulalas ni Pipit.

 

“Ano?” tanong nila. “Ano ang gagawin?”

“Isasakay kita. Tayo’y lilipad rin.”

“Wag kang magpatawa. ‘Di iyan ang tama.

May naisip na ‘ko!” bigla s’yang sumaya.

 

Pagdating ng gabi, dadalaw si Damian

Ang dalagang langaw, nais masilayan.

Siya’y tutulungan ng mga kaibigan.

At isang harana ay pinaghandaan.

 

Si Maya’y aawit. Sasabay si Pipit.

At ang iba naman ay nagpupumilit

Sabi ng tipaklong, “Kahit ‘di bibirit,

Kahit di iindak, sasama nang pilit.”

 

“Sige, sumama ka, ika’y sumuporta.

Aking panunuyo, iyong makikita.

Pag-ibig kay Langaw, ipagtatapat na.

Do’n sa halamanan, siya ay isasama.”

 

Nang handang-handa na ang mga kulisap,

Tahanan ni Langaw, kanilang dinalaw.

Ang mga bitui’y kumikislap-kislap

Ang buwan nama’y taglay ang liwanag.

 

“O, dalagang liyag,” simula ni Maya.

“Kung ika’y gising pa, sumungaw ka sana.

Narito’y binata-- iyong tagahanga.”

 “At nais manambitan.” Si Pipit, kumanta.

 

Natanaw na nila ang dalagang langaw

“Marikit na gabi, aking binibini!

Kumusta ka ngayon?” ang kaniyang bati.

Ang dugtong pa niya'y "Aakyat ng ligaw.” 

 

“Tatapatin kita, binatang may sapot!

Huwag kang magtampo, kaya’y sisimangot.

Pag-ibig sa akin, lagyan na ng tuldok.

Hindi kita gusto.” At ito’y pumasok.

 

“Sandali lang, Langaw!” tawag ni Damian.

"Pagbigyan mo ako at ako’y pakinggan.

Malinis ang budhi, hangaring kay buti,

Kung magiging tayo, ‘di ka magsisisi.”

 

“Hambog na lalaki, huwag magmalaki.

‘Di kita pinili, bakit magsisisi?

Makabubuti pa, umalis na kayo.

Humanap ng iba, ang tangi kong payo.”

 

Gagamba’y nagitla, at parang namutla.

“Umuwi na tayo.” Si Maya’y nagyaya.

“Walang nang pag-asa.” Si Pipit, nagwika.

Sabi ni Tikpalong, “Marami pang iba.”

 

“Hindi maaari!” kan’yang galaiti.

“Ang ginawa niya’y masaki’t matindi!”

Lumapit pa siya’t kumatok sa pinto.

“Binibining Langaw, ‘di ako susuko.”

 

“Kung abutan ako ng bukang liwayway,

Iyon ay patunay, na ako’y naghintay.

Maghihintay ako hanggang dapithapon,

Makamit ko lamang, matamis na tugon.”

 

Bumukas ang pinto’t lumabas ang langaw

Arinola’y bitbit-- umaalingasaw.

“Huwag kang maghintay,” galit nitong sigaw.

“Heto ang sa iyo-- ang mapanghing sabaw!”

 

Galit na galit s’ya. “Langaw na salbahe,

‘Di mo kailangang buhusan ng ihi!”

“Makulit ka kasi,” rason ng babae.

“Pasensiya ka na, ingat sa pag-uwi.”

 

“Nang dahil sa iyong kawalanghiyaan,

Pagsuyo’y nawala, ni kapatawaran

Isinusumpa ko ang paghihiganti

Aking tutugisin iyong salinlahi.”

 

Simula nga noon, magkalabang lubos

Binibitag niya ng kaniyang sapot

Kaya, mga langaw, iwas na iwas na

Sa mga gagambang naghihiganti pa.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...