Followers

Saturday, April 13, 2024

May Astigmatism Ako. Astig na ba Ako?

Hindi nakakaastig ang astigmatism. Nakakabahala ito.

 

Kaya kung, katulad ko, nakararanas ka ng panlalabo ng paningin o magulong paningin, pananakit ng ulo, pagkahilo, hindi komportableng pakiramdam sa isa o dalawang mata, kahirapang makakita sa gabi, at madalas na pagkusot ng mga mata, naku, astig ka na! I mean, may astigmatism ka na rin.

 

Kung ako sa ‘yo, magpatingin ka na rin sa ophthalmologist. Hindi astig ang pagtitiis sa panlalabo ng mga mata.

 

Astig ka kung alam mong ang astigmatism ay kondisyon kung saan hindi tugma ang kurba ng ibabaw ng cornea o ng lente ng mga mata. Hindi pantay ang pagtama ng liwanag sa ibabaw ng mata. Ito ang dahilan kung bakit nawawala sa focus ang isang bagay na tinitingnan.

 

“Kaka-gadget mo ‘yan!” Ito ang sabi ko sa sarili ko nang maramdaman ko na ang mga sintomas. Tama naman ako. May porsyento ang radiation mula sa mga gadget, pero astigmatism ay maaari ding bunga ng isang injury, sakit, o operasyon sa mga mata.

 

Sinisi ko pa nga ang nakaraan ko. Dati, nagbabasa ako sa madilim. Paano namang hindi, e, wala kaming kuryente noon. Gasera lang ang ilaw namin.

 

Ang astigmatism ay hindi choosy. Wala itong pinipiling edad.

 

Ang astigmatism ay maaaring mula sa pagkapanganak.


Kaya huwag mo na itong isisi sa panonood mo noon nang malapitan sa telebisyon dahil namamana ito. Astig sana kung kayamanan ang namana mo, pero hindi, kundi astigmatism.


Ang ilan naman ay dala ng pagtanda ang nararanasang astigmatism.


Anoman ang sanhi ng astigmatism ay lubhang nakaaapekto ito sa pang-araw-araw na gawain o trabaho, kaya ipinapayo ko ang pagpapasalamin.

 

Dahil astig ako, nagpakonsulta agad ako sa optical clinic ng mga executives. Nakagugulat ang rebelasyon ng doktor sa mata, pero mas nakagugulat ang presyo ng lens at frame. Parang lumabo naman ang pandinig ko. Pero dahil ayaw kong maging astigin, I mean, magdusa sa panlalabo ng paningin, nagpasalamin ako, batay sa pangangailangan ng mga mata ko. Isa ito sa mga paraan upang luminaw ang paningin. Maaari din namang magpa-contact lens. Ang lakas nitong makasosyal. Astig!

 

At dahil may astigmatism ako, at astig ako, inalam ko ang iba pang kaalaman tungkol sa kondisyong ito.

 

May iba’t ibang uri ang astigmatism, at tatlo sa mga ito ang pinakakaraniwan.

 

Una, ang Myopic na astigmatism (Myopia). Mas kilala ito sa tawag na nearsightedness. Ito ang pinakakaraniwang kondisyon na nararanasan ng mga bata. Lubhang nakakurba ang mata, at ang liwanag mula sa isang malayong bagay ay nakatutok sa harap ng retina, kaya nawawala ito sa pagka-focus nito.

 

Pangalawa, ang Hyperopic na astigmatism (Hyperopia).  Mas kilala ito sa tawag na farsightedness. Of course, ito ay kabaligtaran ng Myopia. Ito ay resulta ng kakulangan ng kurba sa mga mata, kaya ang liwanag na pumapasok sa mata ay nafo-focus sa likod ng retina. Dahil dito, ang mga bagay sa malapit ay nagmumukhang malayo kasi hindi naka-focus sa paningin.

 

Pangatlo, ang pinagsamang Myopia at Hyperopia. Dito nagkakaroon ng pangunahing meridian na nearsighted at isa pang meridian na farsighted. Sa kondisyong ito, ang taong meron nito ay may napakalabong paningin dahil napakahirap niyang mai-focus ang kaniyang paningin sa isang bagay.

 

Anomang panlalabo o kakaibang nararamdaman sa mata ay hindi nakatutuwa—hindi astig. Kaya nararapat ang pagpapasuri sa espesyalista. Kung astig ka, dapat wala kang astigmatism.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...