Followers

Friday, April 5, 2024

El Niño lang `Yan!

“Ang init-init naman!”

 

“Napakainit!”

 

“Ang init!”

 

Ilan lamang iyan sa mga palahaw ng mga Pilipino tuwing panahon ng tag-init o tuwing ang El Niño ay sumasapit. Kaliwa’t kanan na rin ang outing at swimming. Kanya-kanya ring gawa ng paraan upang maibsan ang init. Iba’t ibang paandar. Iba’t ibang pakulo.

 

Bawat kanto yata ay may nagtitinda ng haluhalo. Pasarapan na lang ang laban. Paramihan ng sahog. Pababaan ng presyo. Ang ibang can’t afford, masaya na sa mumurahing ice candy o kaya sa malamig na malamig na tubig. Yelo is life, kumbaga.

 

May maglalatag ng inflatable pool sa harapan ng bahay. Maghapong magbababad. Kahit umitim na ang kulay ng tubig, sige lang. Ang mahalaga, masaya at hindi ma-heat stroke.

 

Kapag rich kid, walang problema. Bubuksan lang ang aircon, solb na ang maghapon. Hindi makararamdam ng init kahit pa mag-jacket.

 

Ikaw, anong paandar mo?

 

Sinunod mo ba ang suggestion ng isa – na magtanggal daw ng underwear? Naku! Tell me, pakiramdam mo ba’y guminhawa?

 

Ewan ko ba! Taon-taon naman tayong nakararanas ng El Niño, pero para tayong bago nang bago. Reklamo pa rin tayo nang reklamo.

 

“Ang init talaga!”

 

“Napakainit naman sa Pilipinas!”

 

“Sobrang init!”

 

Ano pa? Ano pa ang maidaragdag mo?

 

Sabi ng ilan, natural lang naman ito dahil summer. Oo, tama naman.

 

Sabi naman ng iba, patindi na nang patindi ang init. Oo, tama rin!

 

Matagal na tayong pinarurusahan ng kalikasan. Matagal-tagal na rin nating ipinagsasawalambahala ang climate change. Ang ilan nga sa atin, hindi pa alam ang katuturan nito.

 

Aguy! Kaka-cell phone niyo `yan! Pero, sige, ipapaliwanag ko.

 

Ang panahon ay palaging nagbabago – kundi minu-minuto ay araw-araw. Forty-degree Celsius lang kahapon, ngayon 42 na. Minsan naman, akala mo, hindi uulan, kaya hindi ka nagdala ng payong, pero biglang bumagsak ang ulan nang nakaalis ka na. See? Puwedeng magbago ang panahon sa loob ng ilang oras.

 

Kaya huwag na tayong manibago sa climate change. Papalit-palit ng init at lamig sa mundo.

 

Mahigit-kumulang 700 milyong taon na ang lumipas nang ang ibabaw ng mundo natin ay nabalutan ng niyebe. Walang nagawa ang araw—tumalbog lang ang mga silahis nito. After 100 million years, dalawang beses pang nangyayari ang malubhang pagyeyelo ng mundo. Tinawag nila ang pangyayaring iyon na extreme glaciation event.

 

Mahigit-kumulang 145 milyong taon na rin ang lumipas nang naganap ang Cretaceous Period. Sa panahong iyon nakaranas ng matinding tag-init, kaya walang nabuong yelo sa ibabaw ng mundo. Noon nabuhay ang mga dinosaur dahil maganda sa kanila ang mainit na klima.

 

Sa pagbabago ng klima, maaaring permanenting mawala ang ilang uri ng mga hayop o halaman sa mundo. (Kahit tayo, puwedeng ma-extinct!)  Puwede ring may lumitaw na bagong nilalang. Ibig sabihin, may magandang dulot din ang climate change—ang ebolusyon.

 

Huwag tayong magtaka o magalit sa mga pagbabago sa ating mundo. Napakaraming paraan upang ang mga pagbabagong ito ay ating makayanan. Tayong mga tao ay ang pinakamatatalinong nilalang sa mundo, kaya may magagawa tayo para sa climate change.

 Tayo ang pagbabago. Tayo ang nagbabago sa mundo. Tayo ang makapagpapabago sa mundo.

 

El Niño lang `yan. Tao tayo. Aanhin naman natin ang ating talino kung sa  kaunting pag-init ng panahon, tayo ay nagreklamo? Mag-isip tayo. Kumilos tayo. Magbago man ang panahon, magpalit man ng klima, kayang-kaya nating tumugon. Sabi nga ni Charles Darwin, “It’s not the strongest of the species that survive, nor the most intelligent, but the one most responsive to change.”

 

Ano? Mainit ba? O kikilos ka na?

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...